Chapter 3: Who's He

1623 Words
Halliyah's P.O.V. Bakit siya na naman ang rider ko? Nakakagulat lang dahil dati naman ay iba't ibang mukha ang nakikita kong tumatanggap ng book ko. “Bakit, ma'am? Ayaw mo?” natatawang tanong naman niya at ibinigay ang helmet. “Kumusta po?” sunod niyang tanong. Kinuha ko na lang ang helmet at isinuot na 'yon sa ulo ko. Pilit akong ngumiti. “O-Okay lang naman,” sagot ko dahil nakakahiya naman na kung hindi ko siya papansinin. Mukhang mabait din naman siya. "Mabuti naman, ma'am. Tara, sakay na. Mukhang uulan kasi, baka abutan pa tayo." Umayos siya ng upo kaya sumampa na ako at kumapit sa balikat niya. “Bibilisan ko po ulit, ma'am, nang makauwi ka na sa bahay n'yo.” “Okay...” mahinang sagot ko at kumapit nang mahigpit sa balikat niya. “Halliyah!” Pareho kaming napalingon nitong driver sa sumigaw ng pangalan ko. Si Sir Winston ‘yon na kakalabas lang ng DaFood at pa-jog na lumapit sa amin. Ibinato niya pa sa ere ang susi ng kotse niya pero sinalo rin naman niya. “Diyan ka sasakay?” tanong niya habang tinitingnan ang rider at ang motor nito. “Delikado 'yan, baka mapahamak ka pa diyan,” komento niya. Sasagot na sana ako pero naunahan ako nitong rider. “Sir, mabilis akong mag-drive pero maingat pa rin. Hindi ako katulad ng ibang rider diyan na kamote,” deretsong sabi nito habang nakikipagtitigan sa manager ko. Nakagat ko ang labi ko dahil may nararamdaman akong tensyon sa pagitan ng titigan nila. Tumikhim ako at tinapik sa balikat ang rider ko. “Sir, okay na po ako rito. Laging ganito ang sinasakayan ko kapag papasok at pauwi,” paliwanag ko at pilit na ngumiti sa kaniya. Hindi naman ako makatingin nang deretso. Naiilang ako sa mga titig niya. Hindi ko alam kung ako lang ba talaga 'tong nag-iisip ng malisya or sadyang may something nga. “No, Halliyah, sa akin ka na sumabay—” “Iingatan ko si Halliyah, Sir.” Napatitig ako sa rider kahit na likod ng helmet niya lang ang nakikita ko dahil first time niya akong tinawag sa pangalan ko kahit na nakikita naman niya ang name ko sa pagb-book ko. Napalunok na 'ko nang suminghal ng hangin si Sir Winston. Napapitlag naman ako nang bigla niyang hawakan ang palapulsuhan ko. Kahit yata ang rider ay naalerto at lumingon sa akin. “Let's go, sa 'kin ka sasabay,” pilit niya at hinila ako pero ayokong magpahila. “S-Sir, ayoko po!” medyo nasigaw nang angal ko habang binabawi ang kamay ko. “Bitiwan mo siya—” Hindi na natapos ng rider ang sasabihin niya nang bigla na lang kaming natumba kasama ang motor niya dahil sa marahas na paghila sa 'kin ni Sir Winston. Napadaing ako nang tumama ang balakang at siko ko sa sahig. Humapdi ang bandang braso ko kaya napapikit na lang ako nang mariin habang iniinda 'to. Ngunit hindi pa ro'n natapos ang sakit na iniinda ko dahil kahit nakatumba pa kami at nadadaganan ng motor, pilit pa rin akong hinihila ni Sir Winston. “Halliyah, let's go!” mariing sabi niya pero umiling lang ako dahil masakit pa rin ang katawan ko sa nangyari. Naunang bumangon ang rider ko at itinaas agad ang motor niya. Kaya naman tuluyan na akong nahila ni Sir Winston. Sumasakit na nga ang wrist ko sa mariing paghawak niya kaya pati iyon ay iniinda ko na rin. “Ayoko pong sumama, tama na po!” May nagbabadyang luha na sa mga mata ko dahil nasasaktan na talaga ako. Gusto ko na lang umiyak dahil sa naghalong sakit at kaba na nararamdaman ko sa lalaking ito. Bakit ba kasi ayaw niya na lang ako pabayaan? “Bitiwan mo sabi siya!” Isang kamay pa ang humila sa 'kin at sa isang iglap lang ay nasa sahig na si Sir Winston dahil sa ginawang pagsuntok sa kaniya ng rider. Napahawak siya sa nagdugong gilid ng labi niya. Napatingin naman ako sa rider ko. Nagtataas-baba nang mabilis ang balikat niya habang matalim na nakatitig kay sir. “Huwag kang mamilit ng babaeng ayaw sumama sa 'yo! Edukado ka ba talaga at ganiyan ang ugali mo?” mariing tanong niya at umambang susugurin niya pa pero hinawakan ko na rin ang kamay niya para pigilan kaya napalingon siya sa 'kin. Hindi niya itinuloy ang pagsugod. Malakas siyang bumuntong hininga bago tiningnan muli si sir na tumatayo na pala. Nagtiim ang bagang niya habang salitan kaming tinitingnan ng rider na 'to. “Sino ka ba? Imposible namang boyfriend ka ni Halliyah, right?” Hindi nakasagot ang rider. “So, bakit ka nangingialam? Umalis ka sa harapan ko at hayaan mo kaming dalawa na umalis.” “Sir!” malakas kong tawag sa kaniya na ikinatingin nila pareho sa 'kin. "Hindi nga po ako sasama sa iyo! Huwag mo na po akong pilitin at baka ireklamo pa kita." Kumakabog nang malakas ang dibdib ko dahil sa nerbyos at sa kadahilanan na ring pinipilit ko lang maging matapang. Kinakabahan na kasi talaga ako sa kinikilos nitong manager namin. Parang may hindi tama. “Narinig mo 'yon? Paulit-ulit na niyang sinasabi na ayaw niyang sumama sa 'yo,” gatong ni Kuyang rider. “At sino ako? Ako ang sumusundo sa kaniya, ako ang rider niya ngayong gabi at tungkulin kong ayusin ang trabaho ko— ang panatilihing ligtas ang mga nagiging pasahero ko. Sa 'yo, wala akong tiwalang magiging ligtas siya,” mariing dugtong niya pa. Nakatitig lang ako sa kaniya habang sinasabi niya ang mga katagang 'yon. Hindi ko maiwasang manlambot habang naririnig siyang ipinagtatanggol ako. Hindi ko siya kilala pero sa buong buhay ko, maliban sa tatay ko, siya lang ang naglakas loob na ipagtanggol ako mula sa mga taong hindi ako tinatrato nang tama. “Halika na, ma'am.” Sumakay na siyang muli sa motor at sumunod naman ako. Hindi na ulit nagsalita si Sir Winston hanggang sa makaalis na kami. Ang kamay kong nasa balikat niya ay dahan-dahang bumaba sa kaniyang bewang at ang ulo ko ay unti-unting napasandal sa kaniyang likod. Bumagal naman ang takbo ng motor. Nanghihina ako, parang naubos ang energy ko sa nangyari, idagdag pa ang sakit ng katawan ko ngayon. Mas naramdaman ko ang pagod mula sa trabaho. Hindi ko na rin alam kung paano ko pa haharapin si Sir bukas. “Ma'am, okay ka lang ba?” rinig kong tanong ni Kuyang rider pero hindi ako sumagot. “Ma'am, baka makatulog ka, ha?” “H-Hindi...” Umangat naman ang ulo ko nang tumigil kami. Pagtingin ko sa paligid ay nasa gilid na kami ng kalsada, sa tapat ng isang coffee vending machine. “Baba ka muna, ma'am.” Nagtataka man ay sumunod pa rin ako sa sinabi niya. Bumaba ako at sumunod siya. Nagtanggal siya ng helmet. Doon ko lang nakita ang buong mukha niya. Kung may itsura na siya habang may suot na helmet, hindi ko akalain na magandang lalaki pala talaga siya kapag kita na ang buong mukha niya. Maputi siya, malayo sa kulay kong pang-morena. Ang kilay niya ay makakapal habang ang ibabang labi niya ay makapal din pero manipis ang taas. Hindi pangit tingnan sa kaniya, ang totoo ay nakakatawag pansin pa ang labi niyang iyon. Matangoa din ang ilong niya at hulmang hulma naman ang panga. Sinundan ko siya ng tingin nang lapitan niya ang vending machine. Naghulog siya ro'n ng limang piso. Pagkalabas ng kape, kinuha niya iyon at iniabot sa akin. “Kape ka po muna nang mahimasmasan ka,” sambit niya pero nakatingin lang ako sa kaniya. “Sige na, ma'am. Kunin mo na ‘to.” Nginitian niya ako kaya napatingin na 'ko sa kape. Tinanggap ko iyon pero nakalimutan kong hindi ko pa nga pala natatanggal ang helmet ko. Hindi na ako nakakilos nang siya na ang gumawa niyon. Sobrang lapit niya na sa 'kin kaya naaamoy ko ang pabango niyang ang lakas makalalaki. Hindi siya katulad ng ibang naging rider ko na maasim o amoy pawis na... “S-Salamat,” mahinang sabi ko at umiwas ng tingin. Sumisipsip ako sa kape at pilit na ngumiti sa kaniya. “S-Salamat din sa ginawa mo kanina. Hindi mo naman kailangang gawin—” “Ano ka ba naman, ma'am? Wala 'yon, baliw.” Natawa siya nang mahina at sumandal sa vending machine. “Hindi ko rin kayang makitang may isang babaeng pinupwersa o pinipilit.” Tinitigan niya ako. Umiwas ulit ako ng tingin dahil naiilang ako sa titig niya sa 'kin. “Alam mo kasi, ang mga babae, katulad mo, dapat iniingatan at nirerespeto. Pasensya na kung karamihan sa aming mga lalaking hindi kayang gawin 'yon pero promise, ako, hindi ako katulad nila.” Napatitig na lang ako sa kapeng iniinom ko, bumuntong hininga at tumango-tango. Siguro, gano'n din siya sa ibang babae. Gano'n siya sa lahat. Siguro nga kasi parte ng trabaho niya ang mag-ingat. Kaya hindi ko dapat bigyan ng kahulugan 'yon. Normal lang 'yon para sa kagaya niyang tumulong. Tama, walang ibang kahulugan at hindi ko dapat nararamdaman kung anong nararamdaman ko ngayon. Baka thankful lang talaga ako sa ginawa niya at na-appreciate ko nang sobra. “Ma'am Halliyah, ilang taon ka na po ba?” Pero bakit niya tinatanong ang edad ko? Nilingon ko siya. “22 na 'ko.” “Medyo bata ka pa,” nangingiting usal niya at tumayo nang tuwid. Tumabi siya sa 'kin. “26 na 'ko.” Hindi naman masyadong nagkakalayo ang edad namin, ah? Tumango na lang ako at inubos na ang kape ko. Hinanda niya na rin ulit ang motor at bago kami umalis, nagpakilala na siya sa ‘kin. “Ako nga pala si Mon... Mon Cruz.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD