Prologue
"TULONG! Tulungan niyo po kami!” sigaw ko habang mabilis na tumatakbo sa gilid ng daan. Karga-karga sa aking mga bisig ang isang sanggol. Hindi ko alam kung paano ko pa malalagpasan ang lahat ng ito. Hindi ko alam kung kaya ko pa ba. Hindi ko alam kung sino ang tutulong sa akin. Hindi ko alam kung paano na. Para akong isang palaboy sa gilid ng daan. Nagmamakaawa na sana may tumulong sa akin. Ito na lang ang paraan. Ito na lang ang alam kong tama. Walang ibang tumatakbo sa aking isipan kung hindi ang kalusugan ng anak ko. Walang ibang tumatakbo sa aking isipan kung hindi ang kaligtasan niya.
Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. Isa lang akong mahirap na babae na sumalo sa lahat ng paghihirap para lamang magpatuloy sa daloy ng buhay. Sa katunayan, kaya ko namang buhayin ang aking anak. Pero, ang hindi ko kaya ay ang pagpapanatili sa kaniyang kaligtasan. Kahit naubos na ang lahat ng meron ako, alam kong magagawan ko pa ng paraan. Alam kong kaya ko pa siyang bigyan ng magandang kinabukasan. Pero hindi ko inaasahan na magkakaroon siya ng ganitong klaseng kalagayan.
Iniluwal ko si Raiden na may mahinang puso at katawan. Ngayong siya ay nasa bingit ng kamatayan, hindi ko na alam ang aking gagawin. Wala akong pera para siya ay ipagamot. Walang-wala ako, kaya para na akong baliw sa katatakbo habang sumisigaw ng tulong---nagbabasakaling may taong busilak ang puso na kayang tumulong sa aking anak.
Hindi ko alam kung saan ako patungo. Hinahayaan ko na lang kung saan ako dinadala ng aking mga paa. Tanging kaligtasan ng aking anak ang naiisip ko ngayon. Kahit sa paanong paraan ay hahamakin ko na, mailigtas lang si Raiden.
Matapos ang ilang minuto sa katatakbo, isang lalaki ang humarang sa akin at nagpatigil. Sa tingin ko ay wala naman siyang balak na masama sa amin ng aking anak. Kung siya ay pagmasdan, mukhang may dala pa siyang magandang balita. Pero hindi ko alam kung bakit kasabay rin niyon ay ang pagbilis ng t***k ng aking puso.
“Kuya, tulungan mo po ang anak ko. Nagmamakaawa po ako sa inyo. Kahit magkano ang magastos niyo sa pagpapagamot sa anak ko ay pagsisikapan kong bayaran. Parang awa mo na…” basag na boses kong sabi.
“Ano ba ang nangyari sa iyong anak?” tanong nito. Sunod-sunod ang naging pag-agos ng luha mula sa aking mata.
“May sakit po siya sa puso, at sa tingin ko ay sinusumpong na naman siya nito. Walang-wala po ako ngayon, kaya hindi ko siya kayang ipagamot sa hospital. Sana po ay matulungan ninyo kami.” matapos ang lahat ng nangyari sa hospital. Natatakot akong baka pabayaan lang siya roon.
“Hija, mukhang bata ka pa at marami ka pang maabot sa buhay. Gusto kong tulungan ka, ngunit baka hindi mo kakayanin ang i-aalok kong tulong.” kaagad na binalot ng kaba ang puso ko. Alam kong kahit na ano pa iyan ay gagawin ko. Gagawin ko para sa anak ko. Gagawin ko para sa ikabubuti niya. Gagawin ko para sa ikakaganda ng kinabukasan niya.
Gumuhit ang pagtataka sa aking mukha. Angat-kilay ko siyang tinitigan, habang iniisip kung anong klaseng tulong ang i-aalok niya. Sa tono ng kanyang boses kanina, hindi ko mapigilan ang sariling hindi madagdagan ang pangangamba. Pero, buo na ang desisyon ko. Kahit anong tulong pa ‘yan ay tatanggapin ko, para lang sa kaligtasan ng anak ko.
“Handa po ako. Mailigtas lang ang buhay ng anak ko, lahat ay kakayanin ko,” lakas-loob kong ani. Kahit na ang totoo ay takot na takot ako. Kahit na ang totoo ay nanghihina ang kalooban ko.
“May kakilala akong isang mag-asawang hindi nagkaka-anak, kaya sila ay naghahanap ng batang puwede nilang ampunin. Saktong-sakto ang anak mo sa hinahanap nila. Handa kitang bayaran ng malaking halaga basta ba’y ibibigay mo sa akin ang sanggol na karga-karga mo at hayaang ipa-ampon sa mayamang mag-asawang iyon. Sigurado na ang magandang buhay at kaligtasan ng anak mo, pero kakayanin mo bang kayo ay mawalay sa isa’t-isa?” mahaba niyang pahayag. Nagdalawang isip kaagad ako sa sinabi niya. Kung papayag ako, mawawala sa akin ang anak ko. Kung papayag ako, malalayo siya sa akin at masisira ang lahat ng ipinangako ko sa kaniya. Kung hindi naman ako papayag, mapapahamak siya sa piling ko. Kahit na masakit isipin, alam kong imposibleng abutin pa ng umaga ang aking anak.