"Sa tingin mo? Ilang tao ang nakakaalam na third husband na ni Nikki si Arnold?" Tanong ni Jozel kay Althea habang kumakain ng nilutong spaghetti.
"I don't know. Her family and close friends maybe? And us." Sagot ni Althea.
"Yung alam ni Rebecca na nagkaroon ng first two husbands si Nikki, mauunawaan ko pa kasi best friends sila since high school diba? Pero si Mrs. Aguiluz? Close ba sila?" Tanong ulit ni Jozel. Itinigil nito ang pagkain at humarap sa kanya.
"I don't know. Maybe?" Uminom si Althea ng mango juice.
"Kahit na. Base na din sa kwento ni Mrs. Aguiluz sayo, tingin ko eh isa lang ang alam niyang naging asawa ni Nikki before Arnold. Wala siyang idea na nagkaroon ito ng asawa after Barry diba?" Bakas sa mukha ni Jozel na naiintriga ito. Ayaw mang aminin ni Althea pero siya man ay naiintriga din.
"Oo pero- alam mo bakit ba natin pinag aaksayahan ng panahon kung nagkaroon ng tatlong asawa si Nikki and all of them were dead. Baka-"
"Wait!" Naputol ang sasabihin ni Althea ng impit na mapasigaw si Jozel. Namimilog ang mata nito.
"Nakakagulat ka naman. What is it?" Tumatawang wika ni Althea.
"May naalala lang ako. Do you remember nung hindi ka sumama sa fitness center kasi pumunta kayo ni Nathan sa birthday ng mommy niya?" Tanong ni Jozel. Tumango si Althea. She cancelled at the last minute dahil sa biglaang dinner invitation ng mommy ni Nathan na originally ay sa Boracay magcelebrate. "Hindi ko lang nabanggit agad sayo kasi nawala sa isip ko and hindi ko masyadong in-entertain that time."
"And?" Tanong ni Althea. Hindi niya alam kung ano ang tinutumbok ng kaibigan.
"I remember na tinanong ko si Nikki kung ilang taon na silang kasal ni Arnold. She said they've been married for six years."
Kumunot ang noo ni Althea. Tinitigan niya si Jozel para mabasa sa mukha nito ang nais nitong ipahiwatig sa kanya. It took her a minute to realize kung ano ang ibig sabihin ng kaibigan. "Oh my..."
Jozel smiled and nodded. First time niyang makita ng malapitan ang kambal noong burol ni Arnold kahit pa sabihing sa iisang village lang sila nakatira. Protective na ina si Nikki dahil bukod sa tig-isa ng yaya ang kambal, hindi pinapayagan ni Nikki ang mga anak na lumabas o mamasyal ng hindi siya kasama.
"Sa tingin mo, ilang taon na ang kambal? Definitely not six years old to me." Malakas na wika ni Jozel.
Tama ito, hindi anim na taong gulang ang kambal. Estimate ni Althea ay nasa walo o siyam na taong gulang na ang mga ito.
#
"This is crazy." Pahayag ni Althea. Naghahati ang isip niya kung ie-entertain ang ideyang pumasok sa isip nila ni Jozel o hindi. Alam niyang mali na pagchismisan nila si Nikki pero hindi naman niya magawang putulin ang usapan lalo na at tama ang sinasabi ni Jozel.
"What's crazy? Sa tingin mo, ano pa ang magandang rason na makakapag-explain na si Arnold nga talaga ang father nung kambal?" Tanong pa ni Jozel. Hindi na nila pinansin ang spaghetti na nakahain dahil napako na ang focus nila sa buhay ni Nikki. Althea looked at her watch. Quarter to five pa lang. Isang oras bago dumating si Nathan at dalawang oras pa bago umuwi sa Bebeng.
"Ewan ko. Baka naman nagkaanak lang sila agad ni Nikki bago sila magpakasal diba? It happens." Sagot niya.
"Nope. I think Arnold is not the father of the twins. Have you seen their features? Malayong-malayo sa itsura ni Arnold." Justification pa ni Jozel.
Tama ito. Nang makita niya ang kambal ng malapitan noong burol ni Arnold ay nagtaka siya dahil moreno ang mga ito samantalang parehong maputi sina Nikki at Arnold. Even their facial features are not similar to Nikki and Arnold.
"Baka naman nasa lahi ng isa sa kanila ang ganoong features. Malay natin diba? And with all the technology now, pwede ka ng maging maputi." Sagot ni Althea. Tumango-tango si Jozel pero bakas sa mukha nito na hindi ito kumbinsido.
"Maybe, anak ni Nikki ang kambal sa unang asawa?" Biglang sambit ni Jozel. Tumango si Althea. Iyon din ang naiisip niya kanina pa. "Ano na nga ulit pangalan nung first two husbands ni Nikki?"
"Barry Chavez or something yung first tapos Jonas yung second. Walang nabanggit na apelyido si Rebecca eh." Sagot niya.
"And all of them are died habang kasal kay Nikki?"
"Yeah. Hindi ko alam kung paano sila namatay. All I know is what the paper told us." Wika ni Althea. Natahimik sila ni Jozel.
Lumabas sa mga pahayagan na ayon sa SOCO, natagpuan ang hubo't-hubad na katawan ni Arnold na lumulutang sa sarili nitong bathtub. Bukod sa posible raw na nakatulog si Arnold habang nakababad doon at nalunod, wala ng iba pang impormasyon na inilabas ang mga pulis. A lot of people especially those from their village speculated na marahil ay lasing na lasing si Arnold at nakatulog ito at nalunod sa sariling bathtub.
"Well, aside sa hunch ko na hindi si Arnold ang ama nung kambal, isang malaking tanong na lang ngayon eh how did that Barry and Jonas died anyway?" Wika ni Jozel.
Hindi sumagot si Althea. Tumayo siya at nagsimulang magligpit ng mga plato
#
"Mas mabuti na iyong ganito, babe." Wika ni Althea sa asawa. Nakahiga sila sa kama at kasalukuyan siyang nakaharap sa Macbook at naghahanap ng hotel accommodation para sa one week vacation nila sa Hawaii. Next month na ang alis nila. "Para hindi na tayo mahirapan pang maghanap doon."
"Well, para sa akin, mas maganda kung personal nating makikita iyonng hotel para makilatis natin ng mabuti. Baka mamaya, sa picture lang maganda yan. Alam mo naman sa panahon ngayon, it's all in the angle ang labanan. Mapapalaki mo ang maliit na kwarto using photoshop or other editing softwares." Sagot ni Nathan. Itinupi nito ang John Grisham paperback at pinatay ang ilaw sa bedside table nito. "Pero kung gusto mong mapuyat diyan, bahala ka. Basta ako, matutulog na."
Hinalikan siya nito sa pisngi at humiga na. Ipinagpatuloy naman ni Althea ang pagse-search sa world wide web. Target niya ang malapit sa beach, night market, tourists spots, public transportation at airport at the same time kahit pa alam niyang mahihirapan siya.
Ilang sandali pa ay naramdaman ni Althea ang mahinang paghilik ni Nathan, senyales na mahimbing na ang tulog nito. Nakaramdam si Althea ng antok. Itinigil niya sandali ang ginagawa at bumaling sa asawa. Napangiti siya sa itsura nito kaya marahan niyang hinaplos ang pisngi nito. Napakaswerte niya dahil kahit wala pa silang anak sa loob ng tatlong taon nilang pagiging mag-asawa ay hindi ito nagbago at mas lalo pang naging malambing. Kaya naman lalo niyang pinagbubuti ang pagtupad sa sumpa niya na aalagaan ang asawa at susuportahan ito sa mga desisyon nito na sa tingin niya ay ikauunlad ng buhay nilang mag-asawa. Alam ni Althea na hindi niya kakayanin kung basta na lang mawawala sa piling niya si Nathan tulad ng nangyari sa tatlong asawa ni Nikki. Baka iyon pa ang dahilan ng pagkasira ng katinuan niya.
Biglang nawala ang antok ni Althea ng pumasok sa isip niya si Nikki. Bumalik sa kanya ang pinag-usapan nila ni Jozel kanina. Naglaro sa isip niya ang tanong na iniwan ni Jozel. Hindi man niya aminin ay curious din siyang malaman kung ano nga ba ang dahilan ng pagkamatay ng first two husbands ni Nikki.
Napatingin siya sa laptop. Mabilis siyang nag-add ng new tab at saka wala sa sariling nagtype.
BARRY CHAVEZ
Pakiramdam ni Althea ay napahaba ng sandali na ipinaghintay niya habang naglo-load ang hinahanap niya. Kaagad niyang binasa ang mga results na lumabas sa screen at kaagad napako ang atensyon sa isang article mula sa isang kilalang broadsheet.
VARSITY SWIMMER DROWNED
Tuluyan ng naglaho ang antok ni Althea ng i-click ang post at magload iyon. Kumakabog ang dibdib niyang binasa ang article.
PATAY NA NG MATAGPUAN NG SARILING KASAMBAHAY ANG KANILANG AMO NA SI BARRY CHAVEZ, 24-ANYOS , ANAK NG KASALUKUYANG BISE-GOBERNADOR NG LALAWIGAN NG QUEZON.
AYON SA SALAYSAY NI ISAY SUAREZ, ANG KASAMBAHAY NA NAKAKITA SA LABI NG BIKTIMA, DAKONG ALAS-9, LUNES NG GABI AY TUMAWAG UMANO SA TELEPONO ANG MISIS NI CHAVEZ AT HINAHANAP ITO KAYA MABILIS NIYANG HINANAP ANG AMO SA KABAHAYAN AT LAKING GULAT UMANO NIYA NG MAKITA ANG HUBOT-BUHAD NA LABI NI CHAVEZ NA PALUTANG-LUTANG SA SWIMMING POOL SA LOOB NG SARILI NITONG PAMAMAHAY. KAAGAD UMANO SIYANG TUMAWAG NG AMBULANSYA NGUNIT AYON SA SOCO, DEAD ON THE SPOT NA SI CHAVEZ.
NAGDADALAMHATI NAMAN ANG MGA MAGULANG AT KAANAK NI CHAVEZ. ISANG TAON PA LANG NAIKAKASAL SI CHAVEZ SA KANYANG 22-ANYOS NA ASAWA NA KASALUKUYANG ANIM NA BUWANG BUNTIS, ANG LOCAL BEAUTY TITLIST NA SI NIKKI CHAVEZ.
INAALAM PA NG PULISYA KUNG MAY FOUL PLAY SA NANGYARI DAHIL COLLEGE VARSITY SWIMMER UMANO ANG BIKTIMA AT NAKAPAGTATAKA UMANO NA MALUNOD ITO SA SARILI NITONG POOL.
GAGANAPIN ANG BUROL SA BAHAY NG BISE-GOBERNADOR SIMULA BUKAS HANGGANG AT ILILIBING SA SACRED HAVEN SA DARATING NA BIYERNES.
Nang matapos basahin ni Althea ang article tungkol sa pagkamatay ni Barry Chavez ay mabilis siyang nagtype ng pangalan ni Jonas ngunit kaagad siyang nanlumo ng maalala na hindi niya alam ang surname ng second husband ni Nikki. Sinulyapan niya ang alarm clock sa bedside table at ng mapansin na malalim na sa gabi ay nagdecide na itigil ang paghalungkat sa nakaraan ni Nikki at maingat na ipinatong ang laptop sa ibabaw niyon. Dahan-dahan siyang humiga kahit alam niyang tuluyan ng naglaho ang antok na nararamdaman niya kanina. Hindi niya alam kung ano ang iisipin sa nalaman tungkol sa pagkamatay ng unang asawa ni Nikki na si Barry. At may isang bagay na hindi akalain ni Althea na maliliwanagan siya dahil sa nabasa niyang article.
Si Barry Chavez ang tatay ng kambal ni Nikki.