Prologue
"Ayoko sana, na ikaw ay mawawala
Mawawasak lamang ang aking mundo
Ngunit anong magagawa,
Kung talagang ayaw mo na
Sino ba naman ako para pigilan ka"
Nag-echo ang boses ni Doris sa loob ng malaking bahay ng mga Juan. Mabuti na lamang at nasa Hongkong si Ma'am Nikki, ang amo niya, kasama si Natasha at Nathaniel, ang kambal na anak nito, kaya malakas ang loob niyang kumanta kahit alam niyang sintunado ang boses niya. Kung nagkataon, mapapagalitan siya nito. Sasabihin nito na nakakahiya sa mga kapitbahay.
May magagawa ba siya kung hindi niya mapigilan ang sarili na mag-ala rakista? Na-LSS kasi siya sa kanta ng Aegis na napakinggan niya kanina sa radyo ng jeep ng umuwi siya galing sa palengke. Silang dalawa lang kasi ngayon ng Sir Arnold niya ang tao sa malaking bahay dahil hindi ito sumama sa asawa at mga anak na mamasyal sa Hongkong. Mas pinili nito ang maglaro ng golf kasama ang mga kaibigan nito kahapon. Ang driver naman na si Tony at ang dalawang maid na sina Susan at Linda ay naka-day-off kaya siya ngayon ang abala sa paglilinis ng bahay.
Dalawang taon na siya sa pamilya Juan kaya naman memorized na niya ang mga gawain sa pamamahay na ito. Siya din ang pinakamatagal sa mga naging kasambahay ng mga Juan kaya siya na ang tumatayong mayordoma. Nagpapasalamat siya at mababait ang mga amo niya lalo na ang kambal kaya hindi niya alintana ang pagod. Nagtataka nga siya kung bakit walang tumagal na katulong sa mga Juan sa kabila ng pagiging mabait ng mga ito sa mga kasamahan. Nagpapasalamat na din siya dahil "Their lost, is her gain"ika nga.
Ang tatlong anak niya na nasa probinsya ang dahilan kung bakit siya nagtitiis manilbihan bilang kasambahay. Gusto niyang makatapos ang mga ito kahit high school man lang dahil ayaw niyang matulad ang mga ito sa kanilang mag-asawa na hindi man lang nakatapos ng elementarya dahil sa hirap ng buhay. Gusto niyang maging matagumpay ang mga ito. Hindi katulad nila ngayon na isang kahig, isang tuka ang klase ng pamumuhay.
Nagpatuloy si Doris sa pagbirit habang nagba-vacuum ng carpeted na sahig. Alam niyang mamaya pa magigising ang Sir Arnold niya dahil alas-diyes pa lang ng umaga. Masyado pang maaga upang gumising ito. Tutal naman ay kanina pa siya nakapaghanda ng almusal nito kaya wala na siyang ibang gagawin pagkatapos niyang mag-vacuum. Nai-imagine ni Doris na hayahay na siya buong maghapon. Mamayang gabi na lang siya magsisimba. Hindi siya lumiliban ng pagsimba sa airconditioned church ng exclusive village kung saan nakatirik ang bahay ng amo niya.
Lumabas si Doris sa likod-bahay at nagsimulang i-hanger ang mga damit na hindi naisampay ni Susan kahapon. Si Susan ang labandera at si Linda naman ang tagapaglinis. Pagluluto at pagbabantay naman ng mga bata ang kanyang duty.
Napangiti si Doris ng maalala ang petsa. Katapusan na sa Martes kaya makakapagpadala na naman siya sa kanila sa probinsya. Tiyak mabibili na ni Kathryn, ang kanilang unica hija, ang bagong uniform nito sa Drum and Lyre band kung saan isa itong majorette. Baka next year ay maging Baton Leader na ang anak niya, tiyak na sikat ito sa school 'pag nagkataon.
Nang matapos ang pagsasampay ay muli siyang pumasok sa loob. Napatingin siya sa mamahaling wall clock sa pader na ayon kay Ma'am Nikki ay binili pa nito sa Paris three years ago ng mag-5th birthday ang kambal.
"Alas-dose pasado na ah! Bakit kaya tulog pa si Sir Arnold?" Tanong ni Doris sa sarili.
Umakyat siya sa second floor ng bahay at lumapit sa master's bedroom. Pinakinggan niya ang loob ng kwarto. Ang tunog ng naka-on na aircon ang narinig niya. Kumatok siya ng marahan. Walang sagot. Inulit ni Doris ang pagkataok. This time ay sunod-sunod at mas malakas kaysa sa nauna. Wala pa din. Tulog na tulog marahil. Ipinasya niyang bumaba na lang at maunang kumain ng tanghalian.
Nang matapos kumain ay naupo si Doris sa malambot na sofa sa living room at binuhay ang TV. Itinaas pa niya ang mga paa sa center table. Tamang-tama lang dahil simula pa lang ng Sunday All Stars. Mahilig siya sa mga programang may kantahan at sayawan kaya naman patok sa panlasa niya ang palabas. Inaabangan niya ang segment ni Manilyn na idol na idol niya simula nung pareho pa silang dalaga. Napapa-throwback din siya kung minsan. Naaalala niya ang kanyang kadalagahan na hindi niya masyadong na-enjoy dahil nabuntis agad siya ni Ferdinand apat na buwan matapos niya itong maging nobyo sa isang sayawan sa baryo.
Sumasabay siya sa duet ni Jaya at Regine nang biglang tumunog ang telepono. Tinatamad man ay tumayo si Doris at sinagot iyon. "Juan's Residence, hello?"
"Doris? Si Ma'am Nikki mo ito." Wika ng nasa kabilang linya.
"Ay Ma'am! Good morning po. Napatawag po kayo? Kumusta po ang kambal diyan sa Hongkong?" Sunod-sunod na tanong niya ng mabosesan ang amo. Bigla siyang na-excite, iniisip kung ano ang pasalubong sa kanya ng mga ito pag-uwi.
"Nag-enjoy naman ang dalawa. Especially sa Disneyland." Sagot nito. "By the way, nandyan ba ang Sir Arnold mo? Kanina pa ako tumatawag sa cellphone niya, pero puro ring lang."
"Tulog pa po si Sir Arnold nang i-check ko kanina, Ma'am para kumain ng tanghalian." Sagot ni Doris.
"Ganon ba? Sige, gisingin mo ngayon din at sabihin mo na kanina pa ako tumatawag sa kanya. Importante na matawagan niya ako ngayon." Utos nito.
"Sige po Ma'am."
"Okay, sige. Ang bahay okay? Huwag kayong magpapapasok ng kahit na sino. Mahirap na. Alam mo naman na uso ang Budol-Budol Gang ngayon." Bilin pa nito.
"Opo Ma'am. Huwag po kayong mag-alala. Ako po ang bahala. Wala pong mangyayaring anuman ditto sa bahay. Ingat po kayo diyan." Magiliw na wika ni Doris. Siguradong damit o underwear na mamahalin ang pasalubong sa kanya ni Ma'am Nikki.
"Salamat. Sige na. Pauwi na kami sa Tuesday. Bye." Iyon lang at pinatay nito ang linya.
Nang maibaba ang telepono ay umakyat muli si Doris at kinatok ang master's bedroom.
"Sir Arnold? Sir Arnold? Gising na po ba kayo?" Nilakasan niya ang pagkatok sa pinto. Wala pa din sumasagot. "Sir Arnold? Sir Arnold?"
Mapula na ang buto sa likod ng kamay niya sa pagkatok ay wala pa din sumasagot mula sa loob. Sa inis ay pinihit ni Doris ang doorknob at napangiti ng umikot iyon.
Hindi naka-lock? Itinulak niya iyon at tumambad sa kanya ang kabuuan ng pamilyar na silid.
Malaki ang loob ng kwarto. Sa gitna nito ay may isang king size bed. Magulo at gusot-gusot ang comforter niyon pati na ang mga unan, palatandaan na may natulog doon. Ang makapal na kurtina sa floor to ceiling na sliding glass door ay nakabukas kaya kahit patay ang ilaw ay maliwanag ang silid. Tanaw mula sa kinatatayuan niya ang balkonahe.
"Sir Arnold? Tumawag po si Ma'am Nikki mula sa Hongkong. Importante daw po na tawagan niyo siya ngayon. Ilang beses na daw po siyang tumawag sa inyo." Malakas na wika ni Doris pero walang sumagot sa kanya. Lalabas na sana siya ng makita niya ang towel na nakakalat sa sahig. Pumasok siya upang kunin iyon. Pinulot niya ang towel at napasimangot dahil basang-basa iyon. Hindi sinasadya ay mapalingon siya sa nakabukas na pinto ng CR. Bukas ang ilaw doon kaya nakita niya ang nagkalat na mga bote ng shampoo, conditioner, aftershave, lotion at kung anu-ano pang personal na gamit ng kanyang mga amo sa sahig ng banyo.
Ibinaba niya ang basang towel at pumasok sa banyo upang pulutin ang mga iyon ng bigla siyang matigilan. Muntik na siyang matumba kung hindi siya napakapit sa doorknob ng pinto dahil sa nakita niya.
Si Sir Arnold.
Hubo't-hubad ito at lumulutang sa bathtub na puno ng tubig. At base sa itsura nito, wala na itong buhay.
Maiinggit si Kris Aquino sa malakas at nakakapanindig-balahibong sigaw na pinakawalan ni Doris.