Chapter 16: Pag-aalala

2277 Words
May mga pangyayari talaga na hindi mo inaasahang mangyari sa buhay mo. Iyong magugulat ka na lang na nangyari na pala iyon nang hindi mo inaasahan. "Jusko, Akki, ayos ka lang ba? Patingin nga ng kamay mo." Tiningnan ni Aling Beth ang kamay kong napaso kanina. "Masakit ba?" tanong niya pagkatapos niyang tignan ito. "Mahapdi po," aminadong sambit ko. Noong napaso ako kanina ay nakaramdam ako ng matinding hapdi sa kamay ko pero ang iniisip ko lang no'n ay kailangan kong hanapin at iligtas si Shaun sa panganib kaya wala na rin sa isip ko ang nangyari sa kamay ko. Saka ko lang natingnan nang maayos ang kamay ko nang nakalabas na kami sa bahay nila. Medyo may kalakihan iyong paso sa kanang kamay ko at konting galaw ko lang ay nakakaramdam na agad ako ng hapdi. "Mabuti pa sumama ka na lang sa ambulansya para magamot iyang sugat mo. Hindi biro ang sugat mo, Akki," nag-aalalang sambit ni Aling Beth. Nilapitan na rin kami nina Aling Rosa at Kuya Alex at pareho silang nag-aalala sa akin nang makita nila ang kalagayan ko. Nang makalabas kami ni Shaun sa bahay nila kanina ay agad akong humingi ng tulong kina Aling Beth. Akay-akay ko pa siya kanina noong lumalabas kami sa bahay nila. Nang makita nila kami ay bigla silang nataranta at agad na humingi ng tulong sa awtoridad. Hindi rin nagtagal ay dumating na rin ang ambulansya at ang bombero para iapula ang apoy sa kusina ng bahay ni Shaun. Ang kusina lang naman ang naapektuhan ng apoy at hindi ang buong bahay. Hanggang ngayon ay naalala ko pa rin ang nangyaring insidente kanina. Hindi rin kasi biro ang nangyari sa amin kanina. Pinasok na sa ambulansya ang wala pa ring malay na si Shaun at sinunod ko naman ang sinabi ni Aling Beth sa sumama ako sa kanila para na rin magamot itong sugat ko. "Susunod kami sa inyo mamaya," huling sabi sa akin ni Aling Beth bago umalis ang sinasakyan naming ambulansya. Nagsimula nang umandar ang ambulansya at sinimulan na ring lagyan ng paunang lunas ang sugat ko. Tinanong din ako ng nurse na umalalay sa akin kung ano ang nangyari kanina. Sinabi ko naman sa kaniya ang buong detalye. Matapos akong lagyan ng paunang lunas ay tiningnan ko si Shaun. Wala pa rin siyang malay hanggang ngayon. Magulo ang kaniyang buhok at nadumihan na rin ang kaniyang mukha at ang damit niya dahil sa usok. May nakakabit din na oxygen mask sa kaniyang mukha. Hindi rin kasi biro ang dinanas niya kanina. Bakit pa kasi sinubukang magluto? Tsk! Nakapagtataka lang. Bakit palagi na lang siyang mag-isa sa bahay nila? Nasaan ang mga magulang niya? Dapat nga nandito sila para samahan ang anak nilang nasa panganib. Palaisipan talaga sa akin iyan. Wala namang naikwento sa akin sina Eli tungkol sa usaping iyon. Sana magising ka na. Pagkarating namin sa ospital ay agad na akong inalalayan ng nurse papasok at gano'n rin si Shaun. Dinala kami sa emergency area. Doon na tuluyang ginamot ang sugat ko. Hindi ko na natingnan si Shaun dahil inasikaso na rin siya ng ibang doktor doon kung saan siya dinala. "Huwag mo masyadong pwersahin ang kamay mo dahil nakakaramdam ka pa ng panghahapdi sa kamay mo. Ipahinga mo lang 'yang kamay mo at may mga gamot ka rin naman kaya unti-unti na rin 'yan mawawala sa susunod na mga araw," instruksyon sa akin ng nurse matapos gamutin ang sugat ko. "Magpahinga ka na lang muna rito, parating naman na ang guardians mo. Mauna na ako," paalam niya. "Salamat po," pagpasasalamat ko. Ngumiti lang siya sa akin at umalis na. Umupo lang ako sa hospital bed at pinagmamasdan ang paligid. Hindi na rin kasi sinarado 'yong parang kurtina kaya kitang-kita ko ang mga taong dumadaan sa harap ko. Kumusta na kaya si Shaun? Gising na kaya siya? Okay na kaya siya? Ilang sandali pa ay dumating na sina Aling Beth at kinumusta ako. Tinanong din nila ang kalagayan ni Shaun pero hindi ko nasagot ang tanong nila dahil maski ako ay hindi ko ang alam kung ano nang nangyari sa kaniya. "Nasabihan ko na 'yong nurse kanina na kukuha tayo ng kuwarto para roon ka na magpahinga," sambit ni Aling Rosa na ikinagulat ko. "Ho? Kahit 'wag na po, hindi naman malubha ang nangyari sa akin para kumuha pa ng kuwarto eh," pagtanggi ko. "Ibinilin iyon ng mommy mo nang tumawag kami sa kaniya kanina," singit ni Aling Beth. "Hay si mommy talaga," sambit ko. Napailing na lang. "Nag-alala lang 'yong mommy mo sa 'yo. At saka tatawag din iyon sa 'yo mamaya kaya dinala na namin ang cellphone mo." Pinakita lang sa akin ni Aling Beth ang cellphone ko at hindi na binigay sa akin baka raw mapaano pa ang kamay ko. Ibibigay na lang daw niya kapag tumawag na si mommy. Matapos ang pag-uusap namin ay dumating na ang mga nurse para aalalayan kami papunta sa hospital room ko. Gusto pa nga nilang sumakay ako sa wheelchair eh. Hindi naman ako pilay para sumakay pa roon. Binigay na lang nila sa akin iyong adjustable arm rest para doon ilagay ang kamay kong napaso. Minsan talaga, patawa itong sina Aling Beth. Naglakad na kami papunta sa room ko at nang makarating kami roon ay nagulat na lang ako nang makita ang kabuuan nito. Bakit ang laki? "Bakit ang laki naman ng room na ito?" tanong ko sa kanila. "Iyong pinakamalaki raw na room ang kukunin namin sabi ng mommy mo," sambit ni Aling Rosa. Napasapo na lang ako sa aking noo. Hay si mommy talaga. "Magpahinga ka na, Akki. Gigisingin ka na lang namin mamaya." Tumango lang ako at humiga na ako sa hospital bed para magpahinga. Gabi na nang magising ako mula sa pagkakatulog. Nakita ko kaagad sina Kuya Alex na nag-aayos ng mga pagkain sa mesa. Nang mapansin nila ako na nakatingin sa kanila ay inaya na nila akong kumain. Tamang-tama raw ang gising ko dahil maghahapunan na kami. Inalalayan nila ako sa pagkain dahil hindi ko pa pwedeng igalaw ang kanang kamay kong napaso. Hindi ko rin naman kayang kumain gamit ang kaliwang kamay ko kasi hindi naman ako kaliwete. "May magandang balita na kay Shaun," pagbubukas ng topic ni Aling Rosa. "Gising na siya at nagpapahinga na sa hospital room niya. Kasama na rin niya ang mga kaibigan niya at nasa katabing room lang 'yong room ni Shaun," dagdag anunsiyo niya. Parang akong nabunutan ng tinik sa aking dibdib nang marinig ang magandang balitang iyon. Buti na lang gising at okay na siya. "Dumaan din pala rito 'yong mga kaibigan niya para kumustahin ka pero tulog ka pa kaya babalik raw sila rito mamaya," aniya. "Ako na lang po ang pupunta sa room ni Shaun. Kukumustahin ko rin po siya," sambit ko. "Mag-iingat ka lang baka mapaano 'yang kamay mo." "Opo," huling sambit ko bago ako nagpatuloy sa pagkain. Matapos kong kumain ay nagpaalam na ako sa kanila para magtungo sa room ni Shaun. Dala-dala ko pa rin ang arm rest ko. Nang makarating ako ay kumatok muna ako sa pintuan. Narinig ko pa ang sigaw ni Eli sa loob at sinabi nitong "sandali lang". Bumukas ang pinto at tumambad sa akin ang pagmumukha ni Eli. "Akki!" pagtawag niya sa pangalan ko. Nalipat ang atensyon nila sa akin at lahat sila ay masayang nakita ako. "Pasok ka," sambit niya kaya naman pumasok na ako sa loob. "Hello!" bati ko sa kanila. "Hi, Akki!" bati nila. Kompleto ulit sila ngayon at hindi ko pa rin talaga maiwasang bumilib sa pagkakaibigan nila. "Dapat kami na lang ang pumunta sa room mo. Nag-abala ka pang pumunta rito," sambit ni Bjorn. "Hay naku ayos lang 'yon 'no! Kukumustahin ko rin kasi si Shaun." Pagkasabi ko no'n ay dumako ang tingin ko kay Shaun na nakaupo sa kama niya at inalalayan ni Dendrick na kumain. May nakakabit ng swero sa kamay niya. "Nabalitaan namin ang nangyari sa inyong dalawa ni Shaun. Ano, okay ka lang?" tanong ni Eli. "Okay lang ako, hindi pa naman ako patay," natatawang biro ko sa huling pangungusap. "Salamat sa tulong mo, kung hindi dahil sa 'yo baka napaano na si Shaun." "'Yan kasi sinubukan pang magluto kahit hindi naman marunong," pagkukunwaring galit na sambit ko habang nakatingin kay Shaun. Iniwas niya lang ang tingin sa akin at nagpatay malisya. Natawa naman ang mga kasama niya. Marami pa kaming napag-usapan at isa na roon ang tungkol sa parents ni Shaun. Missing in action sila ngayon kaya hindi ko maiwasang itanong iyon sa mga kaibigan niya. Nalaman kong wala na pala ang mga magulang niya three years ago. Nagulat ako sa nalaman ko dahil hindi ko rin inaasahan na gano'n pala ang nangyari sa parents niya. At saka ibinilin din nila sa akin na huwag ko raw i-open 'yong topic tungkol sa parents niya kasi ayaw na ayaw niya raw marinig iyon. Buti na lang nasa malayo kami ni Shaun noong kinwento nila sa akin 'yon. Ang pagkawala kaya ng parents niya ang nag-lead sa kaniya na maging anti-social at cold siya sa mga tao? Habang abala sila sa kanilang ginagawa sa loob ay kinuha ko ang pagkakataon para makalapit ako kay Shaun. Napansin nila iyon kaya hinayaan na nila ako. Lumapit ako sa hospital bed niya at umupo sa katabing upuan. "Uy," pagtawag ko sa kaniya. "Ano?" tanong niya. "Okay na ba talaga?" nag-aalalang tanong ko. Hindi ko kasi siya naririnig na nagsalita kanina. Baka napaano na 'to nang hindi namin nalalaman. "Oo naman. Bakit mo naman natanong?" "Hindi ka kasi nagsasalita eh baka kung napaano ka na r'yan nang hindi namin nalalaman," sagot ko. "Hindi ka pa ba nasasanay sa akin?" Para siyang natatawa nang tinanong niya iyon sa akin. "Sabagay, gano'n ka naman talaga," sambit ko. Hindi na ako nagsalita pa at nanatili muna sa tabi niya. Ilang sandali pa ay nagsalita siya na siyang ikinagulat ko. "Salamat pala kanina." Doon na ako napatingin sa kaniya nang diretso. Tatlong salita lang 'yon pero iba ang naging epekto sa akin. First time ko siyang narinig na nagpasalamat sa akin! Hindi ako makapaniwala! "H-Ha?" nauutal na tanong ko. Kahit narinig ko naman ang sinabi niya kanina pero gusto ko pa rin marinig ulit iyon. "Salamat sa ginawa mong pagligtas sa akin kanina. Kung hindi ka dumating kanina baka kung napaano na ako," sinserong sambit niya. Ramdam na ramdam ko talaga ang sincereness niya. Parang galing sa puso. Ngumiti ako. As in purong ngiti. "Wala 'yon. Masaya na ako na okay ka na, iyon naman talaga ang mahalaga," nakangiting sambit ko. "Nagkasugat ka pa tuloy nang dahil sa akin." "Naku 'wag mo nang intindihin 'to." Tiningnan ko ang kamay kong nasa arm rest. "Hindi naman ako mapipilay nito eh," biro ko. Hindi na siya nagsalita at ngumiti na lamang. Pagkatapos ng pag-uusap namin ni Shaun ay bumalik na ako sa kwarto ko para magpahinga na. Tumawag na rin sina mommy at kinumusta ako. Marami silang tanong sa akin at nag-aalala talaga sila sa nangyari sa akin pero sinabi ko naman sa kanila na ayos na ako at wala nang dapat ipag-alala. Gamit ang kaliwa kong kamay ay tiningnan ko ang messenger app at nagbabakasakaling nagchat na sa akin si Humphrey pero wala pa rin. Galit pa rin ba siya sa akin? Napaso na ako't lahat lahat hindi pa rin siya nagchachat sa akin. Hays, as if naman malalaman niyang napaso ako. MABILIS lumipas ang isang linggo at nakalabas na si Shaun mula sa ospital. Nauna ako nakauwi sa kaniya noong nakakadalawang araw pa lang ako sa ospital dahil hindi naman grabe ang nangyari sa akin at napaso lang naman ako, pwera kay Shaun. Mini-maintain ko pa rin ang paggamot sa sugat ko para tuluyan na itong mawala. Pumasok na rin ako sa school dahil tapos na iyong one week break namin. Kahit na may bandage pa ang kanang kamay ko ay naigagalaw ko naman na ito nang maayos. Nag-alala nga sa akin si Mika dahil sa nangyari sa akin eh. Nagdilang anghel daw ako noong panahong iyon. Bumalik na ulit kami sa pagcha-chat ni Humphrey nitong nakaraang araw. Akala ko talaga nagalit siya sa akin kaya ilang araw niya akong hindi chinachat pero hindi naman pala. May nangyari lang daw sa kaniya lately kaya hindi siya madalas nag-o-online. Okay na rin 'yon at least bumalik na siya. Kakarating lang ng sinasakyan kong taxi galing school sa subdivision namin. Naglakad na ako patungo sa bahay nang makababa ako ng taxi. Nang dumaan ako sa playground ay may nakita akong pamilyar na lalaki na nakatayo 'di kalayuan sa kinatatayuan ko ngayon. Nang namukhaan ko siya ay napatigil ako sa paglalakad at tinitigan na lamang siya. Siya 'yong first crush ko na nambasted sa akin noong high school. Anong karapatan niyang magpakita rito ngayon? Hindi naman siya tagarito. Magkahalong inis at galit ang nararamdaman ko ngayon. Unti-unti siyang naglakad papalapit sa akin. Gugustuhin ko mang maglakad palayo ay hindi ko naman maigalaw ang paa ko. Nang makalapit na siya sa akin ay ngumiti siya at magsasalita na sana siya nang may biglang sumigaw sa likod ko. Nawala rin ang ngiti ng lalaking nasa harap ko ngayon. Pamilyar 'yong boses ng sumigaw kaya naman lumingon ako sa pinanggalingan ng boses at biglang nawala ang inis ko nang makita ko ang siyam kong kaibigan na papalapit sa akin. Nakataas pa ang kamay nina Kairen at Aixiel na animoy kumakaway. Ilang sandali pa ay nakalapit na sila sa akin at tumabi sa magkabilang gilid ko. Nagulat ako sa pagdating nila. Hindi ko akalaing dadating sila dito. Saan sila nanggaling? "Ano ang kailangan mo sa kaibigan namin?" tanong ni Shaun sa lalaking nasa harap namin ngayon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD