Akki:
Hey!
May chika ako sayo
Humphrey:
Hello!
Ano 'yon?
Akki:
Nag-usap kami nang matagal ni Shaun kanina!
Humphrey:
Siya 'yong kapitbahay niyong pinaglihi sa yelo 'di ba?
Akki:
Siya nga!
Humphrey:
Well, that's good to hear then.
Bakit parang tuwang-tuwa ka?
Akki:
Hello? Si Shaun yun! Ang hirap kayang makipag-usap sa taong katulad niya kaya big deal na yun sa akin na kinausap niya ako nang matagal kanina
Humphrey:
Ano ba ang ginawa mo? Dinaan mo sa dahas 'no?
Akki:
Ay grabe ka naman!
Hindi ko naman gagawin yon no!
Ang bait-bait ko kaya *smirks*
Humphrey:
I was just joking, okay? Sineryoso mo naman masyado.
Akki:
Seryoso talaga akong tao
Hindi nga lang halata HAHAHAHAHA
Anyways, to answer your question, binigyan ko lang naman siya ng bubble tea kanina
Napadaan kasi ako sa bubble tea shop kanina sa mall at naalala ko na paborito pala ni Shaun ang bubble tea kaya naisipan ko siyang bilhan
Humphrey:
Mabait ka nga
Akki:
Sabi ko naman sayo eh
Then ayun nga, doon na kami nagsimulang nag-usap. Ang dami naming napag-usapan at habang nag-uusap kami ay may napansin ako sa kanya
Humphrey:
Ano naman 'yon?
Akki:
Napansin kong ngumingiti at tumatawa na siya
Bihira lang kasi siyang ngumiti at tumawa at isang milagro lang kapag nakikita mo siyang ganon
Humphrey:
Hahahahaha you're funny
Baka komportable lang talaga sayo kaya nakikita mo siyang ngumingiti at tumatawa habang nag-uusap kayo
Akki:
Siguro nga. Ang gwapo pa naman niya kapag ngumingiti siya, parang nawala ang mga mata niya eh.
Nakakagaan lang sa pakiramdam kasi yung taong katulad ni Shaun ay nagawa mong pangitiin at patawanin
Sana maulit pa ulit yun
Humphrey:
Sa kulit mo ba naman, alam kong mauulit pa 'yan.
Akki:
Ha?
Wala na akong natanggap na mensahe mula kay Humphrey pagkatapos no'n. Weird.
***
MATAPOS kong mag-jogging at mag-agahan kanina ay naghahanda na ako ngayon para pumunta sa bahay ni Shaun. Nabanggit ko kasi sa kaniya na kailangan kong mag-interview para sa thesis na ginagawa ko. He's willing to help naman kaya pumayag din siyang i-interview-hin ko siya ngayon.
Dala-dala ang papel at ballpen ay naglalakad na ako palabas ng bahay. Hindi pa man ako nakakalabas ay tinawag na ako ni Kuya Alex. Kakapasok lang nito sa bahay.
"Saan ka pupunta?" tanong niya.
"Kila Shaun lang po, i-interview-hin ko lang po siya para sa thesis ko," sagot ko.
"Ah gano'n ba? Mukhang nagiging close na kayo ah?"
"Parang gano'n na nga po." Ngumiti ako sa kaniya. "Sibat na po ako, Kuya," paalam ko at tumango naman siya bilang sagot.
Nang makarating ako sa bahay nila ay wala na naman akong nakitang tao sa loob. Umalis kaya siya?
Bigla ko tuloy naalala 'yong nangyari sa amin no'ng nakaraan. Iyong napuno ng usok ang buong kusina ng bahay nila dahil sinubukan niyang magluto ng hotdog. Nakaramdam ulit ako ng takot at pangamba dahil baka maulit na naman ang pangyayaring 'yon.
Dali-dali akong nagtungo sa kusina pero wala naman akong nakitang kakaiba at hindi ko rin nakita si Shaun dito. Sobrang payapa pa nga ng kusina. Napansin ko rin na masyadong nabago ang itsura nito. Pinaayos niya ata ang kusina dahil sa nangyaring insidente no'ng nakaraan. Napuruhan din kasi ito matapos maapula ang apoy.
Bumalik ulit ako sa paghahanap sa kaniya. Mula sa unang palapag hanggang sa ikalawang palapag ay hindi ko siya nakita. Maski sa kwarto niya ay wala rin siya. In fairness ang ganda at ang linis ng kwarto niya.
"Shaun! Nasaan ka?" malakas na sigaw ko at nagbabakasakaling marinig niya ako. Ilang minuto ang lumipas mula no'ng sumigaw ako ay wala akong narinig na kahit na ano.
Jusko mag-i-interview lang naman ako, bakit nagte-treasure hunt na ako rito?
Bumaba ulit ako sa unang palapag at sinubukan ulit siyang hanapin sa kasulok-sulukan ng bahay nila. Bakit kasi ang laki-laki ng bahay nila? Ang hirap niya tuloy hagilapin.
Hanap ako ng hanap sa kaniya hanggang sa napadpad ako sa bodega ng bahay nila. Nakita kong bahagyang nakabukas ang sliding door kaya naman nilapitan ko ito. Nandito kaya si Shaun? Kung sakali mang nandito siya, ano naman ang gagawin niya rito?
Pumasok ako sa loob at tanging kadiliman lang ang nakikita ko. Masyado namang madilim dito. Kinapa ko ang switch ng ilaw sa pader at nang makapa ko na ito ay agad ko itong pinindot. Akala ko bubukas na ang ilaw pagkatapos ko itong pindutin kaso gumalaw ang sliding door at tuluyan nang sumara ang pintuan.
"Hala!" natatarantang bulalas ko.
Sinubukan ko ulit pindutin ang switch ngunit hindi na bumukas ang pintuan! Nagsisimula na akong mataranta. Binalikan ko ang daan patungo sa pintuan at sinubukan kong buksan ito gamit ang lakas ko pero nabigo ako.
Paano na ako nito ngayon? Ang dilim-dilim pa naman dito.
Hindi dapat ako matakot. Dapat lakasan ko lang ang loob ko. Maghahanap ako ng paraan para makalabas dito. Tama!
Agad din akong napanghinaan ng loob dahil wala naman akong nakikita rito. Paano ako makakahanap ng paraan para makalabas dito kung wala naman akong nakikita?
"May tao ba rito?" Nilakasan ko ang boses ko para may makarinig sa akin dito. Baka nandito lang si Shaun. "Shaun, nandito ka ba?" tanong ko ulit sa hangin.
Ilang sandali lang ay nakarinig ako ng kaluskos mula sa kung saan. May tao rito!
"May tao ba rito?" pag-uulit ko.
Hindi ako gumalaw sa kinatayayuan ko at pinakinggan lang ang naririnig kong kaluskos. Nakakaramdam man ako ng takot ay nilakasan ko lang ang loob ko.
Habang tumatagal ay mas lalo kong naririnig sa malapitan ang kaluskos. Papalapit na ito sa gawi ko maya hindi ko tuloy mapigilang sumigaw.
"Ahh!!!"
"Akki?" tanong ng pamilyar na boses.
"Shaun? Ikaw ba 'yan? Nasaan ka?" natatarantang tanong ko.
"Oo, ako 'to. Nasa harap mo lang ako, Akki," sambit niya.
Naramdaman ko ang presensya niya sa harap ko. Inangat ko ang dalawang kamay ko para kapain siya at una kong nakapa ang kaniyang mukha. Sa tangos ng ilong niya at sa haba ng pilik mata niya ay alam kong si Shaun nga ito.
"Tapos ka na bang kapain ang gwapo kong mukha?" pilyong tanong niya.
Agad kong bumitaw sa pagkakahawak sa mukha niya. Hindi ko siya nakikita kaya hindi ko alam kung ang reaksiyon niya. Bigla tuloy akong tinamaan ng hiya.
"Anong ginagawa mo rito? Kanina pa kita hinahanap!" Hindi ko na lang pinansin ang tanong niya dahil sa hiya at tinanong na lamang siya.
"May hinahanap lang ako rito. Ikaw, paano ka nakapasok dito?"
"Sa kahahanap ko sa 'yo ay napadpad ako rito. Nakita kong nakabukas 'yong sliding door dito kaya pumasok ako at nagbabakasakaling nandito ka. Hindi ko naman alam na may pagka-hightech pala 'yong pintuan kaya no'ng pinindot ko 'yong switch na akala ko sa ilaw ay bigla na lang sumara ang pintu—"
"What?" pagputol niya sa sinasabi ko. Sa tono pa lang ng pananalita niya ay alam kong nagulat ito.
"Sinubukan ko ngang pindutin ulit baka sakaling bumukas ulit pero hindi," sambit ko.
"We're locked," biglang sambit niya.
"Wala na bang paraan para bumukas ulit ang pinto?" tanong ko.
"Wala," puno ng panlulumong sagot niya. "Nasa labas lang ang switch ng pintong ito," dugtong niya.
We're doomed.
Namutawi ang katahimikan sa pagitan namin. Ramdam ko pa rin ang presensya niya sa harap ko kaya alam hindi kong hindi pa rin siya umaalis.
"Wala ba talagang ilaw dito? Kanina pa ako walang nakikita," tanong ko na kaniya, pambasag ng katahimikan kumbaga.
"Meron, wait."
Naramdaman kong umalis na sa harap ko si Shaun at nagtungo sa kung saan naroroon ang ilaw. Ilang sandali pa ay biglang bumukas ang ilaw at doon ko pa lang nakita ang buong kwarto. Hindi pala ito isang bodega kundi isang secret room. Katulad din siya ng ordinaryong kwarto na may kama pero ang kaibahan lang ay puro mga antigo at mahahalagang gamit lang ang nandito. May pagkaluma ang kwartong ito pero napapangalagaan naman ng maayos kaya nanatiling malinis at maaliwalas ito.
May nakita akong sofa kaya naisipan kong umupo roon. Kanina pa ako nakatayo kaya nangangalay na ang mga binti ko. Si Shaun naman ay naghahalungkat ng mga gamit. Pinapanood ko lang ang ginagawa niya.
"Bakit mo pala ako hinahanap?" tanong niya nang hindi tumitingin sa akin. Abala ito sa paghahanap ng gamit.
"Hindi mo ba naalala ang sinabi ko kahapon? I-interview-hin kita ngayon, pumayag ka pa nga eh," sagot ko.
"Ngayon na pala 'yon? Akala ko mamayang hapon pa?" inosenteng tanong niya. Cute.
"Wala naman akong sinabing hapon eh," pangatwiran ko. "Anyways, may dala ka bang cellphone? Maaari tayong humingi ng tulong sa labas para makalabas tayo rito."
Tumingin ito sa akin at saka umiling. Mukhang mawawalan na talaga ako ng pag-asang makalabas dito.
"Ikaw ba?" tanong niya.
"Magtatanong ba ako sa 'yo kung may dala ako?" sarkastikong tanong ko.
Hindi ito sumagot at napabuntonghininga na lamang sabay iling.
"Ano ba 'yang hinahanap mo? Baka may maitulong ako?" Lumapit ako sa kaniya at tiningnan ang pinagkakaabalahan niya.
"Hinahanap ko lang 'yong kwintas na binigay sa akin ni mommy," sagot niya.
"Anong klaseng kwintas ba 'yan? Tulungan na kita," presinta ko.
"Heart-shaped pendant necklace."
Agad ko namang nakuha ang sagot niya at nagsimula nang maghanap. Inabala na lang namin ang sarili namin sa paghahanap ng kwintas tutal hindi naman kami makakalabas dito. Ang tanong, kailan pa kaya kami makakalabas dito?
Nang mahanap niya ang kwintas ay agad na niya itong binulsa. Ni hindi ko pa nga nakikita ng buo ang kwintas eh. Napakadamot naman nito.
Ilang sandali lang din ay sinimulan ko na ang pag-interview sa kaniya. Buti na lang hindi ko nabitawan itong dala-dala kong papel at ballpen kanina. Hindi naman ako nahirapan sa pagtatanong ko sa kaniya dahil matino naman itong sumagot. Ang gaganda pa nga ng sagot niya.
Habang tumatagal ang pananalagi namin dito ay mas lalo akong inaantok. Walang ano-ano'y biglang bumagsak ang talukap ng mga mata ko at tuluyan nang nakatulog.
ELI'S P.O.V.
Pagka-park ko ng aking sasakyan sa tapat ng bahay ni Shaun ay hindi na akong nag-atubiling pumasok sa bahay niya. Binisita ko lang si pinsan dahil nami-miss ko na ang ugok na 'yon. Pinangakuan ko siya noong nakaraan kaso hindi ako nakapunta dahil nagka-problema lang sa trabaho at ngayon ay bumabawi ako.
Masyadong tahimik ang buong salas pagkapasok ko pa lang sa loob. Nilapag ko muna ang pinamili kong groceries sa center table at naisipang pumunta sa kwarto. Baka nandoon lang ang ugok na 'yon.
Agad din naman akong bumalik sa baba dahil hindi ko siya nakita. Sinubukan ko siyang tawagan kaso hindi naman siya sumasagot.
Nandito ba siya? Baka ako na naman ang mabobokya nito.
Naikot ko na ang buong bahay pero ni anino ni Shaun ay hindi ko nakita. Pambihira, saan na naman nagsusuot 'yon?
Bigla kong naalala ang secret room nila. Palagi siyang pumunta roon at baka sakaling nandoon siya ngayon. Agad akong nagtungo sa secret room at nagtaka ako nang makitang sarado ito. Kapag pumunpunta naman si Shaun dito ay palaging nakaiwang nakabukas ang pintong ito. Bakit sarado ito ngayon?
Pinagsawalang-bahala ko na lang iyon at pinindot na lamang ang switch ng pinto. Bumukas ito at nakita kong nakabukas na ang ilaw kaya alam kong may tao rito. Pagkapasok ko ay bumungad sa akin ang natutulog na si Akki habang binabantayan ni Shaun sa kaniyang tabi.
AKKI'S P.O.V.
Bigla akong naalimpungatan nang may naririnig akong may nag-uusap sa paligid ko. Nang inimulat ko aking mga mata ay sina Shaun at Eli ang una kong nakita. Nakaupo sila sa sofa at nag-uusap ito. Napansin nila ang pagbangon ko kaya naman nilapitan nila ako.
"Paano ka nakapasok dito, Eli? Na-lock kami ni Shaun kanina eh," tanong ko kay Eli.
"Binisita ko lang si Shaun pero no'ng hindi ko siya mahanap kanina ay nagtungo ako rito," sagot niya.
"Pareho pala tayo," nakangiting sambit ko. Ngumiti lang din si Eli.
"Osiya, lumabas na tayo. Nakahanda na ang pagkain sa mesa, alam kong hindi pa kayo kumakain. Ilang oras ba naman kayong na-lock dito," pagyayaya ni Eli.
Bago ako lumabas ay kinuha ko muna ang papel at ballpen na dala ko kanina at sinabayan silang lumabas.
"Ilang oras ba tayong na-lock?" mahinang tanong ko kay Shaun.
"Tatlong oras," sagot niya. I heard him chuckled. Napansin ata ni Shaun ang pagkagulat ko dahil sa sinabi niya.
Nang matapos kaming kumain ng pananghalian ay inaya ko rin si Eli na interview-hin siya. Agad din naman itong pumayag kaya sinimulan ko nang magtanong sa kaniya. Katulad din ni Shaun kanina ay hindi rin ako nahirapan sa pagtatanong kay Eli. Sigurado akong makatutulong itong mga sagot nila sa thesis ko.
"Siya nga pala, Akki," paunang sabi niya. Binalingan ko siya ng tingin at hinihintay ang kadugtong ng sasabihin niya. "Gusto mo bang sumama sa outing namin?" pagyayaya nito.
Outing? Kasama nila?