ELISHA
Nagulat ako sa biglang paglitaw ni Emilia sa likuran ni Teagan saka n’ya hinawakan ang balikat nito. Isang mahika na humuhigop sa kamalayan ng tao ang ginawa n’ya dahilan para mabilis na mawalan ng malay si Teagan. Mabilis na nasalo ni Emilia ang katawan ni Teagan bago pa man ito bumagsak.
Minsan talaga na wiwerduhan ako sa mga ikinikilos ni Emilia. Bigla na lang sumusulpot at nawawala.
"Sasama kayo sa amin sa ayaw at sa gusto ninyo." baling ni Emilia sa demoness na nagngangalang Zhola.
"Magpali-" hindi na naituloy ng demoness ang sanang sasabihin n’ya nang unti-unti kaming higupin ng portal na ginawa ni Emilia.
"Nice!" saad ko nang mabilis kaming makarating sa harap ng bahay. Sana ay may kapangyarihan din ako katulad ng kay Emilia.
Bumukas ang pinto at linuwa nun ang seryosong si Magda o mas kilala rin sa pangalang Magdalene. Hindi ko nanay si Magdalene at hindi ko rin kapatid si Emilia. Ginawa lang namin magpanggap na isang pamilya para sa kapakanan ni Teagan.
Si Magdalene ang pinagsisilbihan ko at nagmamay-ari sa akin. Kaming mga Familiar ay nakalaan para pagsilbihan ang tulad n'yang mangkukulam. Tama! Mangkukulam si Magda pero ng dumating si Teagan sa buhay n'ya ay unti-unti s'yang nagbago hanggang sa talikuran n'ya ang buhay n'ya noon.
Masasabi kong mahal na mahal ni Magdalene si Teagan. Tinuring n’yang totoong anak ang batang 'to.
Si Emilia naman ay isang demoness na may kakayahang manipulahin ang sarili n'yang katawan. Kaya nitong gawing sandata ang katawan n'ya. Limitado lang ang kaalaman ko tungkol sa kanya dahil hindi naman kami ganun ka-close. Ang alam ko ay dati s'yang alipin ni Azazel - ang ama ni Teagan.
"Elisha, dalhin mo si Teagan sa kwarto n'ya." utos sa akin ni Magdalene na agad ko namang sinunod.
Ngayon ko na lang ulit nakitang seryoso si Magdalene.
MAGDALENE
Simula nang umapak sa edad na labing pito si Teagan ay iba't ibang uri na ng nilalang ang humahabol sa kanya. Hindi ko mapigilang mag-alala para sa kaligtasan n'ya. Bukod pa roon ay may masasamang pangitain din akong nakikita na ilang araw ng gumagambala sa akin. Nakita ko mula sa panaginip ang pagsalakay nang ilang hindi pa kilalang alipin para kunin sa pangangalaga ko si Teagan.
Itinuon ko sa dalawang bisita ang atensyon ko nang makapasok sa loob sina Elisha. "Anong kailangan n'yo kay Teagan?" diretsong tanong ko sa dalawa.
"Huh? Anong pinagsasabi ng matandang 'to? Bakit naman namin sasayangin ang oras namin sa taong iyon?" mataray na sagot ng demonya.
Naging isang matalim na espada ang kamay ni Emilia saka ito itinutok sa leeg ng demonya. "Hindi ka makakaalis sa kinatatayuan mo ng buhay." banta ni Emilia.
"Mukhang napakaimportante ng babaing iyon." pahayag naman ng lalaking kasama n’ya.
"Kung hindi ako nagkakamali ay ikaw si Leviathan?" panimula ko. Hindi ko alam kung sinong diyablo ang pinagsisilbihan nila pero sigurado akong ginagamit n'ya ang lalaking 'to para makalapit kay Teagan.
Si Emilia ang naging mata at tenga ko kaya alam ko kung sino ang mga nilalang na nakakasalamuha ni Teagan.
"Kilala mo ba si Azazel?" tanong ko rito.
"Magda!" suway sa akin ni Emilia pero hindi ko s’ya pinansin. Gusto kong malaman nila ang pinasok nila, alam ko namang kahit hindi ko sabihin na patayin ang dalawang 'to ay 'yon din naman ang gagawin ni Emilia. Ang protektahan si Teagan ang isinumpang tungkulin n’ya. Kahit pusong bato ang demoness na ito sa harap ni Teagan ay tapat naman s’ya rito dahil anak ito ng dating diyablong pinagsisilbihan n'ya noon.
"Isa s'ya sa apat na makangyarihang diyablo na namumuno sa kadiliman." sagot ni Leviathan.
Bago pa man ako makapagsalitang muli ay isang malakas na kalabog ang narinig namin mula sa loob ng bahay. Napatakbo ako papasok ng bahay at nakita ang nanlilisik na kulay dilaw na mga mata ni... "Tea...gan?"
"Emilia!" pagtawag ko sa kanya. Mabilis naman s’yang lumapit kay Teagan at gumawa ng force field para maikulong ito.
Hindi makontrol ni Teagan ang kalahating diyablong kumakawala sa katawan n'ya ngayon. Tanging ang mata pa lang nito ang nagbago na naging kulay dilaw na. Masyado pang maaga. Ano ang dahilan para magising ang diyablo sa loob n'ya?
Hindi nagtagal ay parang mga salamin na nabasag ang force field na ginawa ni Emilia. Wala pa s'ya sa edad na labing siyam pero gan'to na kalakas ang diyablo sa loob n'ya.
"Isa rin s'yang diyablo?" puno ng pagkagulat na tanong ng demoness.
Sinubukan muli ni Emilia na gumawa ng force field pero madali lang itong nasisira ni Teagan. Unti-unting lumitaw sa katawan ni Teagan ang nag-aapoy na awra.
"Dahil sa matagal n'yang pananatili sa mundo ng mga tao ay humihina ang kakayahan n'ya bilang isang diyablo." pagtukoy ni Leviathan kay Emilia. Tama s'ya ilang dekada na naninirahan si Emilia sa mundo ng mga mortal dahilan para humina ang kapangyarihan n’ya bilang isang demoness.
"A-Ang i-init. N-Nasasaktan n-na a-ako." iyak ni Teagan. Hindi ko mapigilang mapaluha habang pinapanood s’yang nahihirapan. Simula pa lang ang lahat ng ito. Paano na lang kapag dumating na s'ya sa tamang edad?
Nakita ko ang paglapit ni Leviathan kay Teagan. Hindi ko ito pinigilan. Umaasang matutulungan n'ya ang anak ko. Isa lang akong hamak na mangkukulam, wala akong kakayanan para pigilan ang kumakawalang diyablo sa katawan ni Teagan.
"Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?" asik ni Emilia nang maglakad nang sobrang lapit si Leviathan kay Teagan.
Sa paggawa ni Leviathan ng force field ay hindi agad ito nasira pero makikitang paunti-unti itong nababasag. Mabilis itong humampas sa hangin at doon lumabas sa kamay nito ang isang nagyeyelong kawit.
"Huwag mo s'yang papatayin!" pagmamaka-awa ko.
Naging isang patalim ang kamay ni Emilia at itinapat ito sa nakatalikod na si Leviathan.
"Kapag sinaktan mo s'ya ay ako mismo ang papatay sayo!" pagbabanta ni Emilia. Pero imbis na pakinggan si Emilia ay bigla n'yang ibinaon ang kawit sa puso ni Teagan. Unti-unti itong natunaw hanggang sa balutin ng tubig ang nag-aapoy na awra ni Teagan. Makikitang naglalaban ang tubig at apoy sa katawan ng anak ko. Kung ganun ay yelo ang kapangyarihan ng lalaking 'to. Ito ang unang beses na makakita ako ng aliping gumagamit ng ganoong mahika. Isang user ng yelo sa nagaapoy na impyerno.
Hindi nagtagal ay tuluyan ng maging kulay asul ang awra na lumalabas sa katawan ni Teagan. Natalo ng yelo ang apoy. Gan'to ba kalakas ang kapangyarihan ng batang 'to para matalo ang apoy ni Teagan?
"Teagan," pagtawag ko sa pangalan ng anak ko nang bumagsak ang katawan nito sa sahig.
Nakita ko ang mabilis na pagkilos ni Emilia. "Emilia!" mawtoridad na tawag ko sa pangalan n'ya.
Mabilis na nasangga ng lalaki ang matalas na braso ni Emilia gamit ang kawit n’ya.
"Anong ginawa mo sa kanya?" nanggagalaiting tanong ni Emilia kay Leviathan.
"Emilia, iniligtas n'ya ang buhay ni Teagan kaya uminahon ka. Sa ngayon ang batang iyan lang ang susi para hindi kumawala ang diyablo sa katawan ni Teagan. Kung papatayin mo s'ya ngayon ay kasunod naman nun ang buhay ng alaga mo."
Hangga't hindi pa namin alam kung paano mapipigilan ang tuluyang pagbabago ni Teagan sa pagsapit ng ika-18 na kaarawan nito ay si Leviathan muna ang magiging susi namin para mapakalma ang diyablo sa loob ng anak ko.