Michiko’s POV
Isang linggo na ang nakalilipas simula noong bumalik ako sa Baguio pero ngayon lang ako binibigyan ng sermon ni Kuya Euan sa pagpapasama kay Caelen sa mamasyal ko roon samantalang nakapag-usap naman sila kaya hindi ko rin alam kung bakit ang daldal niya sa pagsermon ngayon. Kanina ko pa nga ipinaliliwanag sa kanya na hindi naman kami tumakas ni Caelen sa kanya at hindi naman talaga kami nagkikita sa ibang lugar! Nagkataon lang na nagkita kami sa Makati kung saan siya nagtatrabaho! Iniisip niya na kada may pupuntahan ako ngayon ay nakikipagkita ako kay Caelen! Grabe naman talaga itong kapatid ngayon. Parang hayskul ako na tumatakas dahil sa ginagawa niya.
Hindi naman daw nakikipag-usap sa kanya si Caelen kaya ayaw niyang nagkikita kami sa ibang lugar. Ipinaliwanag ko naman sa kanya pero pinagsasabihan pa rin ako. Palibhasa ay ngayon lang siya dumalaw sa bahay kaya naman ngayon lang niya ako nakausap nang personal.
Tumingin ako kay Ate Rosaleen para manghingi ng tulong. “Ate Rosaleen, tingnan mo nga ang ginagawa sa akin ni Kuya Euan, hindi pa rin nagbabago sa kasungitan. Nag-iingat naman ako at saka kaibigan ko naman si Caelen! Hindi ko naman inasawa iyong tao pagkatapos ay kinausap din niya. Ako na nga itong nang-abala at nagpasama kay Caelen pero siya pa ang pinag-iisipan ng kung ano-ano. Nagpasama lang akong mamasyal. Iyon lang naman, eh!”
Ano ba kasi ang iniisip ng kapatid ko?
Tumingin naman si Ate Rosaleen kay Kuya Euan para magtanong ng, “Ayaw mo ba talagang magkaroon ng boyfriend si Michiko?”
“Ate! Hindi ko naman po siya boyfriend!”
Dito pa naman nila ako pinunatahan sa flower shop ngayon at hinihintay rin nila akong umuwi ngayon para sabay-sabay na kami dahil sa bahay sila matutulog. Sadyang dumiretso sila rito para mabigyan ako ng sermon ni Kuya Euan.
Inayos ko na lang ang gamit ko para makauwi na kami. Saka wala rin namang saysay na pag-usapan si Caelen dahil sa tingin ko ay magaling lang talaga ang isang iyon sa salita. Kumbaga ay mabulaklak lang din siyang magsalita kagaya ng mga bolerong lalaki pero hindi naman natutupad.
Bago kami maghiwalay noong magkasama kami ay sinabi niya na babalik siya kinabukasan para magkita kami bago bumalik sa Baguio pero hindi naman siya bumalik. Sayang lang ang paghihintay ko sa kanya dahil hindi naman siya dumating at hindi naman din niya ako kinontak. Napasama pa yata na nagkita ulit kami dahil ako na naman si tanga na naghihintay sa wala.
Pagkatapos kong ayusin ang mga gamit sa Dream Flower Shop ay naghanda na kaming lumabas. Tinulungan pa ako ni Kuya Euan na isara iyon kahit na panay ang sermon niya sa akin kaya kahit minsan lang kaming magkita ay madalas pa rin kaming nagtatalo. Sino ba ang matutuwa kapag sermon ang isinalubong sa iyo?
“Michiko.” Napalingon kaming lahat noong may tumawag sa pangalan ko.
“Close na po ang—Caelen? What are you doing here?” I asked. Nakatayo si Caelen sa harap ng Dream Flower Shop. He’s in Baguio!
Kaagad naman akong nilingon ni Kuya Euan at naramdaman ko ang pagtitig niya sa akin. Iisipin na naman niyang itinatago ko ang manliligaw ko dahil kasasabi ko lang na hindi kami nagkikita ni Caelen pero heto siya sa Baguio ngayon at nasa harapan pa namin!
“I came here to give it to you, you left it in my car,” sabi pa niya kaya inilahad ko ang kamay ko noong nakita kong may iniaabot siya sa akin. Halos napatulala na lang din ako noong nakita ko ang ibinigay niya sa akin. Seryoso ba na pumunta siya at nakipagkita sa akin para ibigay ang kapareha ng hikaw ko na hindi naman gold?
Ano naman ang trip niya ngayon? He drove all the way here to Baguio just to give back my earring? Matutuwa sana ako kung gold pa itong hikaw ko pero fake ito! Fake! Peke! Hindi tunay!
“Talaga yatang may saltik ka na, Caelen. Are you aware that this is not a real gold? Sana ay tumawag ka na lang dahil sayang naman ang pagpunta mo rito.”
Nakuha pa talaga niyang ngumiti ngayon? Seryoso naman ang tanong ko pero bigla siyang ngumiti at binati pa sina Kuya Euan bago sagutin ang tanong ko. “Bakit naman masasayang ang pagpunta ko rito kung ikaw naman ang makikita ko?”
“What’s the catch? What do you want? May project siguro kayo rito, ’no?”
“Wala,” sagot niya.
“Ang ibig bang sabihin ay ibinalik mo lang talaga itong peke kong hikaw sa akin kaya ka nagpunta sa Baguio? Seryoso ka ba ngayon?”
“Sa tagal ng biyahe ko, sa tingin mo ba ay magbibiro pa ako ngayon?”
Nabigla naman ako noong sumingit sa gitna si Kuya Euan para sabihin na sa bahay na lang ituloy ang pag-uusap dahil gusto rin niyang makausap si Caelen. Natandaan nga siya ni Kuya Euan dahil minsan na silang nakapag-usap noong ibinalik din ni Caelen ang ibang gamit na naiiwan ko sa sasakyan niya at base naman sa pag-uusap nila ay mukhang natandaan nila na sila ang magkausap noong nakaraang linggo. Ano na naman kaya ang sasabihin ni Kuya Euan sa kanya?
MAGKAHARAP KAMI NI CAELEN ngayon at hindi pa rin ako makapaniwala na pumunta siya rito para ibigay ang hikaw ko. Sinabi naman din niya na nandito siya para pumunta sa mga kamag-anak at kaibigan niya. Bago kami magharap ngayon ay nakapag-usap na rin sila ni Kuya Euan kanina at wala pa rin akong ideya sa pinag-uusapan nila.
“Pasensya ka na ulit kung ano man ang sinabi sa iyo ni Kuya Euan. Ayaw kasi niya na ikaw ang isinama kong mamasyal sa Makati kahit na ano ang paliwanag ko na ako naman ang nakiusap sa iyo.”
“It’s okay, Michiko. I totally understand your brother for being protective.”
Napakamot naman ako sa ulo ko. “Ikaw ang hindi ko maintindihan. May cell phone ka naman, may social media o ano pa pero nandito ka ngayon. Alam ko na madalas itong nangyayari noon pero gadget naman ang madalas kong naiiwanan sa sasakyan mo at hindi iyong hikaw na peke pa. Lahat na lang ng naiiwanan kong gamit sa iyo ay personal mo pang dinadala sa akin kahit puwede naman na ako ang kumuha o hayaan na lang sa iyo lalo na kung hindi naman importante. Sa ginawa mo ngayon, kaunti na lang ay iisipin kong may gusto ka talaga sa akin.”
Tahimik na ulit siya pero mukhang marami na namang sinabi sa kanya si Kuya Euan. “Kaunti na lang at maniniwala ka na? Bakit? Ang ibig bang sabihin ay kulang pa ang ginagawa ko para malaman mong gusto kita?” Is he teasing me right now? Nag-enjoy naman yata siyang kulitin ako kaya inuulit niya ngayon.
“Hala, nasaan na ba iyong Caelen na masungit?”
Ngumiti lang siya sa akin. Nagtataka na talaga ako sa kanya. Hindi iyan sanay ngumiti noon at may pagka-suplado ang dating niya! Dahil nga alam namin na pagod siya sa biyahe ay inanyayahan na rin siya ni Kuya Euan na sumabay sa amin sa pagkain.
Pagod at gutom ako kaya bahala silang makita ang pagiging gutom ko. Mabuti na lang at katabi ko si Tovee na magana rin kumain kaya parang naghahabulan kami ng kakainin pero sadyang gutom lang ako ngayon. Napansin ko naman na nakatingin silang lahat sa akin.
“Ano na naman? Ngayon lang ba kayo nakakita kung paano kumain ang babaeng gutom?” tanong ko sa kanila.
“Ikaw ba ang mayroong mahabang biyahe? Bakit mas gutom ka pa yata kaysa sa “kaibigan” mong si Caelen?” tanong ni Kuya Euan at hindi naman niya nakalimutan na bigyang diin ang salitang kaibigan. Natawa pa sila dahil sa tanong sa akin ni Kuya Euan. Kahit kailan din talaga ay ang galing niyang mang-asar.
Pagkatapos kumain ni Caelen ay may ibinulong sa akin si Caelen pero hindi ko naman naintidihan kaya tinanong ko ulit kung ano iyon. Gusto na kaya niyang umalis dahil tapos na siyang kumain?
“Ano ang pinagbubulungan niyong dalawa riyan?” tanong ng masungit kong kapatid.
“Oo nga. Ilakas mo iyan,” sabi naman ni Jiro.
“I have to tell her something,” sagot ni Caelen sa dalawa kong kapatid.
“What is it? Puwede mo namang sabihin dito at gusto ko rin marinig.”
Ako naman ang tumingin kay Caelen pagkatapos ay tinanong ko siya ng, “What is it?”
“I love you.”
Bigla na lang akong nabulunan sa narinig kong sinabi niya. Nagkataon pa na umiinom ako ng tubig noong nagsalita siya. What was that? It was all of a sudden and out of nowhere confession!
I heard Kuya Euan smirked. “Kaibigan lang pala, ah?”
Panibagong paliwanagan at sermon na naman ba ito?
Pero . . . bakit naging masaya ako noong narinig ko iyon sa kanya? Bakit bumilis ang t***k ng puso ko sa paraan na isang tao lang naman ang nakagagawa ng ganitong epekto sa akin noon? Bakit kailangan ko na naman ikumpara ang t***k ng puso ko sa pag-amin ni Caelen at noong umamin din sa akin si Vonn?