CHAPTER 1
“Ang panget mo!”
“Nakakadiri ang mukha mo!”
“Mas maganda pa ang unggoy kaysa sa 'yo!”
“Ang baho ng itsura mo! Nakakasuka ka!”
Walang araw na hindi naririnig ni Ciara ang mga masasakit na salitang 'yon na binabato lagi sa kaniya ng kaniyang mga classmate at schoolmate mula elementary hanggang highschool.
Pero ang mas masakit ay hindi lang ibang tao ang nang-iinsulto sa kaniya ng gano'n kung 'di pati ang kaniyang sariling pamilya ay kinukutya ang hitsura niya.
Araw-araw man niyang naririnig ang salitang panget at mas maganda pa ang unggoy, pero hindi niya pa rin mapigilan ang masaktan.
Katulad na lang ngayon.
“Eww. Look guys, dumaan na naman ang panget,” irap na wika ng isang babaeng estudyante at napatakip pa ito sa sariling ilong na may pandidiri.
“Feeling maganda, may patakip-takip pa ng buhok sa mukha. Mas lalo lang naman naging mukhang aswang!” sagot pa ng isang kaibigan nito bago nagtawanan ang mga ito at nag-apiran ang mga kamay kasama ng iba pa.
Hindi na lang pinansin ni Ciara at pinagpatuloy lang niya ang paglalakad palabas ng campus habang dala-dala ang kaniyang diploma at suot ang kaniyang toga. Katatapos lang ng graduation nila, at heto siya ngayon mag-isa lang. Ni hindi man lang dumating ang kaniyang ama na siyang inaasahan sana niya.
Nang makalabas ng campus ay naupo muna siya sa may waiting shed at doon naghintay ng bus, dahil mas nakakamura siya sa pamasahe pauwi kaysa sumakay pa ng tricycle.
Habang nakaupo sa waiting shed ay nakatakip lang ang kaniyang buhok sa kalahati ng mukha niya kung saan kahit papaano ay mukhang tao naman kapag natatakpan ang kabila; 'yong kalahati lang kasi ng mukha niya ang may deperensya: banat na banat ang balat patungo sa kaniyang kaliwang mata at labi, abot pa nga ang pagkabanat hanggang sa kaliwang tainga niya. Kung titingnan ay parang nakaluwa ang isang mata niya, kaya nagugulat talaga ang mga tao kapag may napapatingin sa kaniya sa unang pagkakataon.
Hindi naman siya ganito mula nang ipanganak. Maayos naman ang mukha niya noong bata pa siya, katunayan ay puro papuri ang inaabot niya tuwing nakikita siya ng ibang tao dahil sa pagiging magandang bata niya. Pero nang magpitong taong gulang siya ay nasunog ang kanilang dating bahay, at naroon siya sa loob kasama ang kaniyang Ina. Sa awa ng diyos ay nailigtas naman siya pero hindi ang kaniyang Ina, nailigtas man ito ng mag rescuer pero binawian din agad ng buhay dahil sa sinapit na malalang pagkasunog ng buong katawan. Pero hanggang sa huling hininga nito ay prinotektahan talaga siya mula sa sunog na 'yon, dahil kung nagkataon hindi siya nito tinakpan ay baka nasunog na rin siya. Minalas lang kasi nahulugan ng nag-aapoy na kahoy mula sa bubong ang kalahati ng mukha niya, kaya naging ganito siya.
Naiiyak pa rin siya tuwing naaalala ang pangyayaring 'yon ten years ago. Natu-trauma siya kapag nakakakita ng sunog, dahil kahit pitong taong gulang pa lang siya no'n ay malinaw na malinaw pa rin sa kaniyang alaala magpahanggang ngayon ang sinapit ng kaniyang Ina.
“Nami-miss na kita, Mama,” mahina niyang sambit kasabay ng pagtulo ng kaniyang luha habang nakaupo pa rin sa waiting at nakatingin sa kalangitan. “Kung sana narito ka lang . . . napaayos mo sana ang mukha ko.”
Kumawala na ang impit na paghikbi sa kaniya, hanggang sa tuluyan na siyang naiyak nang mag-isa.
Sa kakahintay niya sa waiting shed ay naabutan na siya ng malakas na ulan. Pero hindi na niya binigyan pa ng pansin dahil kung kailan lumakas ang ulan ay doon na rin lumakas ang pag-iyak niya. Binigyan na niya ng laya ang kaniyang boses, sinabay sa malakas na buhos ng ulan.
Paborito na niya yatang umiyak tuwing umuulan, dahil kahit mapalakas ang pag-iyak niya ay walang makakarinig.
Natauhan lang siya mula sa pag-iyak nang may huminto nang bus sa harap niya. Ngunit bago pa siya makatayo ay umandar na ito.
“S-Sandali lang po! Sasakay po ako!” taranta niyang sigaw at agad na humabol kahit malakas ang buhos ng ulan.
Huminto naman ang bus nang makita ng driver ang paghabol niya. Kaya kahit kagagaling lang sa pag-iyak ay napangiti na lang siya at nagmamadali nang pumasok sa bumukas na pinto.
Ngunit sa kaniyang pagsakay ay siya ring paghinto niya sa bungad ng pinto dahil sa mabilis pagharang sa kaniya ng dalawang babaeng sakay ng bus na nagkataong mga classmate niya pala, mga bully niyang classmate.
“Hi, panget,” ngising bati sa kaniya ng mga ito at bigla na lang siyang tinulak ng sabay sa dibdib.
Sa lakas ng pagtulak sa kaniya ay tumalsik siya palabas ng bus at gumulong ang katawan sa basang kalsada. Mabuti na lang ay mabilis na napapreno ang isang humaharurot na blue sports car.
Narinig niya pa ang pagtawa ng kaniyang mga classmate at ang pagsigaw ng driver sa mga ito na parang nagulat din sa nasaksihan. Ngunit imbes na tulungan siya ay pinaandar na lang nito ang bus.
“Bye-bye, panget!” her two classmates taunted from the window, laughing louder as the bus drove away. Ni hindi man lang naawa sa kaniya ang mga ito.
Hindi naman niya mapigilan ang mapangiwi sa sakit at pinilit na lang bumangon kahit pakiramdam niya ay parang nabalian yata siya.
Ngunit bago pa siya makabangon ay isang lalaki na ang bumaba sa isang nakahintong blue sports car at tumakbo na ito papunta sa kaniya habang hawak ang itim na payong.
“Miss, are you okay?!” may pag-aalala nitong tanong at agad siyang inalalayan pagkalapit; gamit ang isang braso nito ay hinapit siya baywang at tinulungan na makabangon.
Napahawak na lang siya sa braso nito at pinilit na makatayo kahit namimilipit pa sa sakit. Ngunit sa kaniyang pagtayo ay parang nawalan pa siya ng balanse at muntik pang bumagsak muli kung hindi lang siya mabilis na nasalo baywang. Nahigit na lang niya ang kaniyang paghinga sa gulat nang mapasubsob sa mabangong dibdib ng lalaki.
Pag-angat niya ng tingin dito ay agad na bumungad sa kaniya ang guwapo nitong mukha na may matangos na ilong, makapal na kilay, magandang hugis ng labi na tama lang ang kapal at kulay, at higit sa lahat ay napakaganda ng mga mata nito na kulay green, hindi magkalayo sa kulay ng dagat.
Natulala siya bigla, dahil first time niyang makakita ng ganito kaguwapong lalaki na madalas ay sa mga palabas lang naman niya nakikita. Pero ngayon ay para siyang nananaginip at nakatayo ito sa mismong harap niya habang nakatingin sa kaniya.
Napatulala rin ito sa kaniya nang masilayan ang kalahati ng kaniyang mukha, pero nang mapatingin sa kalahati ay parang nagulat.
Doon ay natauhan na siya at mabilis nang kumawala sa mga bisig nito sabay yuko ng ulo para itago ang kaniyang panget na anyo.
“S-Salamat po sa tulong.” Nagmamadali na siyang lumakad nang paika-ika dahil parang nabalian yata ang kaniyang kaliwang paa niya.
Ngunit bago pa siya makalayo ay mabilis na siyang hinabol ng lalaki at muling pinayungan. “Malakas ang ulan at baka wala ka nang masakyan pang bus pauwi. Sumakay ka na lang sa kotse ko, ihahatid na kita sa inyo.”
Nagulat siya pagsasalita nito. Hindi niya inaasahan na matuwid ito magsalita ng Tagalog kahit wala sa itsura. Pero mas nagulat siya nang marinig ang alok nito. Bago pa siya makasagot ay hinawakan na nito ang isa niyang braso at hinila na siya palapit sa sports car nito. Agad siya nitong pinagbuksan ng pinto pagkalapit.
“Sige na, sumakay ka na. Huwag kang mahiya.”
Napakurap siya sa gulat.
She hesitated, glancing down at her soaked uniform and the graduation toga clinging to her skin.
“It's fine. Tubig lang naman 'yan. Sumakay ka na,” muling wika ng lalaki nang makita nito ang pag-aalangan niya.
“H-Huwag na po, salamat na lang,” pagtanggi niya at akmang aalis na pero mabilis siya nitong napigilan sa braso.
“Huwag kang matakot, hindi naman ako masamang tao.”
Pag-angat niya ng tingin dito ay hindi niya inaasahan ang pagngiti nito sa kaniya.
Nagulat siya at parang nahigit pa ang kaniyang paghinga. Sa unang pagkakataon ay may ngumiti sa kaniya nang hindi pinandidirihan ang mukha niya.
“Sige na, pumasok ka na.”
Kaya naman parang magkaroon na siya ng lakas ng loob at pumasok na nga sa loob ng kotse nito kahit basang-basa na. Nang makapasok siya ay mabilis nang umikot ang lalaki sa kabila at pumasok na rin ito. Hanggang sa pinaandar na nito ang kotse paalis.
Namayani na ang katahimikan at napayuko na lang siya para itago pa rin ang kaniyang mukha. Saka lang din niya napansin na katulad niya ay nakasuot din ng toga ang lalaki na para bang katatapos lang din nito mag-graduate.
“Graduation namin kanina,” wika na nito nang mapansing tumingin siya sa suot nito. “Mukhang ikaw rin. Highschool?” he asked.
Mahina lang siyang tumango at iniwas na lang ang tingin sa suot nito.
“College naman ako, from Lerem School. My name's Riven.”
Natahimik siya nang marinig ang sinabi nito. Lerem? Kilala ang school na 'yon bilang school ng mga mayayaman.
“Ikaw, ano'ng pangalan mo?” he asked.
“C-Ciara po, sir,” mahina niyang sagot na nautal pa habang nanatiling nakayuko ang ulo at pisil-pisil pa ang kaniyang nanginginig na kamay dahil sa nerbiyos.
“Are they bullying you because of your looks?” diretso na nitong tanong sa kaniya. “Nakita ko kung paano ka tinulak kanina palabas ng bus. Muntik na tuloy kita masagasaan, mabuti na lang ay nakapagpreno agad ako.”
“S-Salamat po, s-sir,” tangi lang niyang nasagot.
Ngumiti naman ang lalaki habang patuloy ang pagmamaneho. “Hindi mo dapat hinahayaan na apihin ka ng iba. Dapat lumaban ka kapag inaapi ka nila, dahil hinahayaan mo lang ang mga 'yan ay masasanay 'yan at hindi ka tatantanan.”
Hindi na siya sumagot at hinayaan lang itong magsalita. Pero kahit papaano ay naging komportable siya dahil mabait nga pala talaga ito, hindi nandidiri sa kaniya kahit nakita na kung gaano kapanget ang mukha niya. Samantalang halos lahat ng mga lalaking kaklase niya ay palagi na lang kinukutya ang anyo niya.
“Huwag kang mahiya sa akin,” muli nitong sabi at isang mahinang buntonghininga na ang kumawala. “Katulad mo ay ganyan din si Mommy dati. Her skin was covered with rashes, scars that marked her face so deeply that even my father couldn’t stand to touch her anymore. Nandiri sa kaniya si Dad at ayaw na siyang lapitan pa. Kaya tanging ako lang ang naging karamay niya hanggang sa kaniyang huling hininga.”
Nagulat siya sa kuwento nito at biglang napaangat ng tingin. Doon niya nasaksihan ang pagsilay ng malungkot na ngiti nito. Kaya hindi na niya mapigilan ang mapatitig sa guwapong mukha nito. Ngayon lang siya nakakita na bukod sa sobrang guwapo na ay napakabait pa, napakamahinahon magsalita.
Hindi na niya namalayan ang pagsilay ng kaniyang munting ngiti. Pero nang mapalingon sa kaniya ang lalaki ay mabilis din siyang napayuko at bumilis na lang bigla ang t***k ng puso.
Napangiti naman ang lalaki at hindi na ito nagsalita pa.
Makalipas ang ilang minuto ay hininto na nito ang kotse. Pero nagulat na lang siya nang pagtingin niya sa labas ay police station ang kaniyang nakita.
“Go inside and report what they did to you. Isumbong mo sa mga pulis ang ginawa sa 'yo kanina ng mga bully na 'yon para managot sila. Sabihin mo muntik ka nang mamatay at masagasaan.”
“N-Naku huwag na po, sir,” mabilis niyang pag-iling. “Ayos lang po ako.” Nagmamadali na siyang bumaba. “Dito na lang po ako, maglalakad na lang po ako pauwi. Malapit na rin naman ang bahay namin dito.”
Napatitig naman sa kaniya ang lalaki na parang nagulat pa sa pagmamadali niya.
“Salamat po, sir.” Hindi na niya ito hinintay pang makasagot at nagmamadali na siyang naglakad palayo.
Para siyang nakahinga ng maluwag nang tuluyan nang nakalayo sa kotse nito. Hindi na niya mapigilan ang mapangiti at tuluyan nang nakalimutan ang lungkot. Parang gumaan ang pakiramdam niya dahil sa lalaking 'yon, at parang may kung anong saya ang bigla na lang sumibol sa inosente niyang puso.
Sa unang pagkakataon ay nakasakay siya sa isang mamahaling sasakyan.
Sa unang pagkakataon ay may nagmagandang loob sa kaniya na isang guwapong lalaki.
Hindi man dumating ang kaniyang ama sa araw ng kaniyang graduation, pero masaya siya dahil nakakilala siya ng isang mabait na tao na hindi siya kinutya dahil sa kaniyang panget na hitsura.
Sa kaniyang kakangiti ay hindi na niya napansin pa kung saang daan na siya napadpad. Nanlaki na lang ang mga mata niya nang mapansin ang buong paligid. Nasa bayan na pala siya, at mas lalo siyang napalayo.
“N-Naku po,” gulat na lang niyang sambit na agad na napahinto sa paglalakad.
Mabilis na siyang dumukot sa bulsa ng kaniyang skirt. Pero limang pisong barya na lang ang nakuha niya, hindi na pala abot pamasahe pauwi. Nang mapatingin siya sa suot niyang relo ay alas kuwatro na. Pero dahil masama ang panahon ay madilim na sa paligid, kung kaya kahit maaga pa ay nakabuhay na ang mga streetlights.
“Malalagot na naman ako nito.” Para na siyang nataranta at binilisan na lang ang paglalakad.