17

1088 Words
Aurelia’s POV Huminga ako nang malalim habang mas pinapasok ko ang loob ng kagubatan. Sa bawat hakbang, ramdam ko ang bigat ng lupa na basa pa mula sa hamog at ang malamig na simoy ng hangin na dumadampi sa balat ko. Ang liwanag ng araw ay halos hindi tumatagos dahil sa kapal ng mga sanga at dahon ng mga punong nakapaligid. Tahimik, maliban sa paminsang lagaslas ng mga dahon at huni ng mga ibon. “Moonveil Herb.” bulong ko sa sarili, pilit inuulit ang pangalan para hindi mawala sa isip. Kung hindi ako magiging maingat, baka mali ang mapulot ko. Binuksan ko ang maliit na mapa na ibinigay ni Madam Celia. Hindi ito malinaw kung saan mismo dapat magpunta, pero may marka na parang linya ng sapa sa bandang hilaga. Doon daw madalas tumubo ang Moonveil Herb. Pinagmasdan ko ang paligid, tapos nagdesisyon na sundan ang banayad na tunog ng umaagos na tubig. Habang naglalakad, hindi ko maiwasang kabahan. Sa kanan ko, may isang kumpol ng halaman na may dahong kumikislap sa liwanag. Napalapit ako. Parang ito na yata ‘yon? Maingat kong sinilip. Ang mga dahon ay berde na may bahagyang asul na gilid. Parang tama sa sinabi ni Madam Celia. Pero napakagat ako sa labi nang mapansin kong may maliliit na tinik sa tangkay. Naalala ko ang babala niya maraming kahawig na peke, at ilan ay delikado. Hinawakan ko ang notebook ko at sinulat agad “Huwag hahawakan ang mga may tinik. Baka ito ang tinatawag na False Veil, nakakalason.” Tumindig ang balahibo ko. Kung hindi ako naging mapanuri, baka nasugatan ako. Nagpatuloy ako sa paglalakad, mas naging maingat sa bawat makikita. ------- Makalipas ang ilang minuto, narinig ko ang mga yabag sa di-kalayuan. Agad akong nagtago sa likod ng isang malaking puno. May dalawang binatang dumaan, sila rin yung nakita ko kanina sa Guild Hall. Natawa sila habang may hinahawakan na tila bungkos ng d**o. “Sigurado ka ba na ito na ‘yon?” tanong nung isa. “Syempre! Pareho ang kulay sa kwento ni Madam Celia. Tsaka, kahit hindi ito ang Moonveil Herb, marami naman tayong nakuha.” sabi ng kasama niya. Napakunot ang noo ko. Hindi nila sigurado pero kinukuha pa rin nila lahat? May kaba akong naramdaman. Kung ganito ang mga kalaban ko, hindi pala basta-basta ang laban. Baka sa bandang huli, hindi lamang paghahanap ng tamang herb ang kailangan kundi tibay ng loob laban sa iba. Nang makalayo sila, lumabas ako at muling naglakad. ------- Narating ko ang isang maliit na sapa. Kumalma ang puso ko nang makita ko ang malinaw na agos ng tubig. Lumapit ako at uminom ng kaunti para maibsan ang uhaw. Doon ko napansin ang isang kumpol ng halaman sa lilim ng isang bato. Ang mga dahon nito ay mapusyaw na berde, at may kakaibang ningning kapag tinatamaan ng sinag ng araw. Hindi ito ordinaryong halaman. Ito na kaya? Lumuhod ako at maingat na tiningnan. Walang tinik, makinis ang tangkay, at parang may maliliit na puting bulaklak na nakapalibot. Naalala ko ang sinabi ni Madam Celia. "Ang Moonveil Herb ay tila kumikinang kapag nadadampian ng buwan, pero kahit sa araw, mapapansin mo ang kakaibang liwanag nito.” Tumibok nang mabilis ang puso ko. Ito na kaya talaga? Ngunit bago ko pa ito masilip nang mabuti, biglang may narinig akong kaluskos sa likuran. Agad akong napalingon. Isang babae, yung may dalang bow kanina. Nakatitig siya diretso sa akin, at bahagyang nakataas ang kilay. “Ano ‘yan? Moonveil Herb ba?” malamig niyang tanong. Kinabahan ako, pero pinilit kong hindi magpakita ng takot. “Hindi ko pa alam. Tinitingnan ko pa lang.” Sabi ko. Lumapit siya nang dahan-dahan, pero ramdam ko ang bigat ng kanyang presensya. Parang sanay na sanay siya sa kagubatan. “Huwag mong hawakan agad. May iba pang halamang ganyan ang itsura pero nagdudulot ng pamamanhid.” Sabi niya sa akin. Nagulat ako. Hindi ko inasahan na bibigyan niya ako ng babala. “Alam mo kung alin ang totoo?” tanong ko. Bahagyang ngumiti siya. “Baka.” Tapos, bigla siyang tumalikod at naglakad palayo. Iniwan niya akong nakatitig sa halaman. Bakit niya ako binalaan? Hindi ba dapat kalaban ko siya? Nalito ako, pero sa loob ko, may kaunting ginhawang nadama. Kahit paano, hindi lahat ay handang manlamang. --- Maingat kong inilabas ang maliit na kutsilyo at pinutol ang isang tangkay ng halaman. Inilagay ko ito sa sisidlan na dala ko. Hindi ko pa sigurado kung ito ang hinahanap, pero kailangan kong kumuha ng sample. Nang maisara ko na ang lalagyan, biglang may narinig akong ungol mula sa malapit. Mabilis kong tinakpan ang bibig ko at yumuko. Sa kabila ng mga halaman, may isang malaking hayop parang usa, pero may matutulis na sungay na kumikislap. Hindi ko pa ito nakikita kahit kailan. Hindi ito normal na hayop. Ramdam ko ang kaba at pawis na dumaloy sa noo ko. Kung mahuli nito ang presensya ko, baka delikado. Tahimik akong umatras, dahan-dahan. Pero aksidente kong natapakan ang isang tuyong sanga. KRRAKK! Nilingon ako agad ng hayop. Tumama ang mga mata nito sa akin mga matang parang kumikislap sa dilim. Tumigil ang oras. “Takbo!” bulong ko sa sarili, at dali-dali akong tumakbo palayo. Narinig ko ang dagundong ng mga paa nito na humahabol. Pabilis nang pabilis ang t***k ng puso ko, at halos mabitawan ko na ang dala kong sisidlan. Kung mahuli ako wala na! Nakita ko ang isang makipot na puwang sa pagitan ng dalawang malaking bato. Doon ako sumiksik, halos magkasugat ang balat ko sa pag-ipit. Humabol ang hayop, pero hindi ito kasya sa butas. Napatigil ito at umungol nang malakas, bago tuluyang umalis. Huminga ako nang malalim, halos mahulog na sa pagod. Nanginginig pa rin ang tuhod ko. Kung ganito pala kahirap paano kung hindi pa ito ang tamang herb? Pero nang ilabas ko ang sisidlan at makita ang halaman sa loob, biglang nagliwanag ng kaunti ang mga bulaklak nito. Kahit nasa lilim ako, parang may sariling liwanag. Napatitig ako. Baka ito na nga. Pero hindi pa ako sigurado at higit sa lahat, kailangan ko pang makabalik nang buhay sa Guild Hall. Pinikit ko ang mga mata, hinigpitan ang hawak sa sisidlan, at bumulong: “Hindi ako susuko. Ito ang unang hakbang ko, at kahit anong mangyari, dadalhin ko ito pabalik.” At doon, nagsimula akong muling maglakad, mas determinado kaysa kanina, kahit ramdam ko pa rin ang takot na maaaring naghihintay sa susunod na sulok ng gubat. ⋆˙⟡🪶─ .✦📜⊹₊ ݁. End of Chapter 17.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD