Si Ross Valdforz ay isang Senior transferee sa St James. Hindi alam ni Leia kung bakit ang lahat ng sulok ng St. James na nagsilbing taguan niya ay naroon rin ni Ross.
Hindi niya katulad si Ross na mahirap. Unang tingin palang ni Leia sa lalaki ay alam niyang 'belong' ito sa St. James. Tindig pa lang ay pang-mayaman na. Porma at kilos palang ay marka na ng pinagmulan nitong marangyang pamilya. Hindi niya ito kilala pero kitang-kita niya ang kaibahan nito sa kanya.
Hindi katulad ni Leia si Ross na outcast sa St. James kaya hindi niya alam kung bakit tila nagtatago rin ito sa crowd. Madalas tuloy silang magkatagpo sa mga lugar na taguan niya—sa likod ng Junior Building, sa side ng Chemistry Laboratory, sa sulok ng Library, sa hagdan paakyat sa rooftop, at sa gilid ng rest room sa first floor ng Freshmen Building. Wala masyadong gumagamit sa rest room na iyon dahil luma na at naka-plano ang renovation. Kapag wala na siyang mapagtaguan sa mga nang-aasar sa kanya ay doon siya nagsusumiksik habang nag-aaral para sa recitation at quiz—doon sila unang nagtagpo ni Ross.
Lakad takbo si Leia nang araw na iyon para pagtaguan ang grupo ni Brixie na lagi siyang nahahanap kahit sa sulok ng Library. Kung anu-anong kamalasan ang sinapit niya dahil sa grupo. Siya lagi ang puntirya ng mga ito na gawan ng kalokohan. Siguro dahil wala siyang kakampi, o siguro dahil siya lang ang hindi nababagay sa St James.
Sa kakaiwas ni Leia sa grupo, ang lumang rest room ang 'kaligtasan' para sa kanya. Doon siya lumiko. Hinihingal at sapo pa ang dibdib na sumandal siya sa dingding—upang mapamulagat lang nang makita niyang hindi siya nag-iisa roon. Inabutan niya ang isang lalaki na nakasandal rin sa pader, nakapikit at nakapasak sa mga tainga ang earphones. Gumagalaw ang isang paa nito, sa hula niya ay may pinakikinggang musika.
Aalis sana si Leia pagkakita niya sa lalaki pero narinig niya ang malakas na tawa ni Brixie, ang bruha sa kuwento niya kung siya si Snow White. Bigla siyang umatras uli para magtago. Hindi na niya pinansin na napasiksik na siya halos sa tagiliriran ng lalaking naroon, na nagmulat ng mga mata nang hindi sinasadyang nasiksik niya. Inalis nito ang mga earphones sa tainga at niyuko siya.
Napatitig siya sa buhay na buhay nitong mga mata na kulay tsokolate.
Hindi niya alam kung bakit tinitigan rin siya ng lalaki.
"Leia, right?" ang sinabi nito pagkatapos ng mahabang segundong nagkatitigan sila.
"K-Kilala mo ako?" nausal niya, nagtaka ng husto.
Hindi ito sumagot, bumaba lang sa wristwatch niya ang tingin. Ang relo niyang pinag-ipunan ng Nanay niya at iniregalo sa kanya noong elementary graduation niya na nag-first honor siya. Tanda niya ang sinabi ng Nanay niya, na sa pagtupad ng pangarap, importante ang oras. Hindi niya iyon naintindihan. Nang humingi siya ng paliwanag ay sinabi ng ina niya na hindi siya magtatagumpay sa buhay kung lagi siyang late. Nagkatawanan pa sila. Mahigpit niyang niyakap ang ina bilang pasasalamat. Pinakaingat-ingatan niya ang relo.
"Anong oras na?" tanong ng lalaki.
"Ha?"
"Oras."
Tiningnan ni Leia ang relo pero hindi niya nabasa ng tama ang oras dahil iniisip niya kung bakit kinakausap siya ng lalaki, kung bakit hindi siya ginagawang katatawanan tulad ng mga kaklase niya at ng mga kakilala ng mga iyon na nasa higher years.
Nag-angat si Leia ng tingin para sumagot pero wala siyang nasabi kaya tumingin uli siya sa relo, na hindi na niya nabasa ng tama nang biglang hinawakan ng lalaki ang bisig niya at ito na ang tumingin sa oras.
"Nine thirty," sabi ng lalaki at balewalang binitiwan siya. Mabagal na naglakad na ito palabas sa lumang rest room.
Naiwan si Leia na nakanganga, hindi makapaniwala na may isang 'Jamo', ang tawag niya sa mga lalaking St. James student—'Jamie' naman sa mga babae—na nakausap niya nang hindi siya ipinahamak.
Mas ikinagulat ni Leia ang nalaman niya kinabukasan, ang paliwanag kung bakit siya kilala ng lalaking nagtanong ng oras. Naglipat sila bigla ng Nanay niya ng tirahan. Isang malaking bahay na tatlong palapag ang nilipatan nila. Ayon sa nanay niya ay iyon ang bago nitong trabaho, ang maging katiwala sa malaking bahay na walang tao—may tao nga pala, si Ross Valdforz na nasa ikalawang palapag ang silid. Si Ross, ang lalaking nakilala niya sa lumang rest room ng Freshmen Building!
Nalaman ni Leia sa Nanay niya na pag-aari ng pamilya ni Ross ang bagong bahay na iyon. Bukod sa pagiging katiwala ng ina niya ay kailangan rin nito na maging yaya ni Ross Valdforz. At napamulagat siya sa sumunod na sinabi ng ina: May trabaho rin pala siya—ang maging alalay ni Ross habang nasa Academy ito!
Hindi makapaniwala si Leia na ang una at tanging 'Jamo' na kinausap siya hindi para gawan ng kalokohan ay makakasama pa niya sa isang bahay.
"Sabi ko ano'ng ginagawa mo?" untag ni Ross nang mapatulala na naman si Leia sa mukha nito. Laging nangyayari iyon tuwing nagugulat siya, natatagpuan na lang kasi niyang nasa likuran si Ross.
"N-Nag-aaral," nautal na sagot niya.
Umangat ang mga kilay ni Ross. "Nag-aaral?" susog nito. "Ano'ng subject ba ang kailangan ang: 'Dear Diary, papasok na naman ako sa classroom na parang forest. Forest na puno ng beast. They're special—pretty, handsome and rich beast. I am the outcast beast—ugly and unwanted. The special wants me out of the forest—" tinakpan na niya ang bibig ni Ross kaya hindi na nito naituloy ang iba pang isinulat niya sa Diary.
"B-Binasa mo ang...binasa mo ang isinusulat ko sa—"
"Busy ka," putol nito. "Hindi mo narinig na lumapit ako. Kasalanan mo, hindi ka nag-iingat, Leia."
Kahit hindi nakikita ni Leia ang sarili, alam niyang namimilog ang mga mata niya habang nakamaang siya kay Ross. "Huwag mong ipagkalat, ah? Lalo na akong malalagot 'pag nalaman nilang 'beast' sila sa diary ko—"
"Sino'ng sila?"
"Basta sila..." sagot niya, hindi gustong humaba pa ang pag-uusap. Hindi niya gustong malaman ni Ross ang masaklap niyang kapalaran sa St. James Academy dahil sa mukha niya. "'Yong extra uniform mo nasa kotse, sabihin mo na lang kung gusto mong magpalit, kukunin ko. May towels rin, at snacks—"
"Nineteen na ako, Leia," putol ni Ross. "Hindi ako bata na kailangan mong bantayan. I'm five years older than you, kid, okay? Itinapon ako ni Mommy sa St James para tumino ako. Hindi na niya kayang dumagdag pa ako sa headache niya sa business. Mas gusto niyang intindihan ang businesses niya kaysa sa akin. Handa siyang bayaran ang kahit sino mawala lang ako sa tabi niya. Sa tingin mo, ano'ng mali sa akin para itapon ako ni Mommy dito nang mag-isa? May nakikita ka ba, Leia?"
Napakurap-kurap siya, bahagyang nabigla sa narinig pero mayamaya ay may naisip na agad siyang sagot sa tanong nito.
"Meron."
Nagsalubong ang mga kilay ni Ross. "Meron? May problema sa akin?" paang hindi nito matanggap ang sinabi niya.
Tumango siya. "Sabi mo, nineteen kana. Bakit Senior ka pa rin? Nasa college kana dapat, 'di ba?"
"Marami akong ginawa sa Sophomore at Junior years ko. Nag-drop out ako, na—"
"Na-kick out?"
"No," iling nito. "Hindi umabot sa ganoon. Choice ko lagi ang huminto at umalis sa School na hindi ko gustong pasukan."
"Hindi dapat ganoon, Sir Ross, sinasayang mo ang oras. Kung naging anak ka ni Nanay, lagot ka!"
"Walang problema kay Mommy iyon. Wala nga siyang pakialam. Isi-settle lang niya lahat ng fees tapos ihahanap na naman niya ako ng ibang School, na hindi man lang muna niya itatanong kung gusto ko bang pumasok sa School na napili niya."
"Hindi nga dapat ganoon, eh. Kung di ka nanghihinayang sa pera kasi marami naman kayo n'on, manghinayang ka sa oras. 'Di mo na 'yon maibabalik 'pag lumipas na. Ang suwerte mo pero 'di mo makita. Dapat magpalit tayo ng lugar para ma-realize mo na sobrang blessed ka. Ako, kailangan kong pagtiisan ang 'forest' na ito para sa pangarap namin ni Nanay. Sa araw-araw, lagi akong kinakabahan at natatakot, nag-iisip kung ano na naman ang gagawin ng mga kaklase ko—babanggain ba ako hanggang bumagsak ako sa sahig, itutulak para madapa, ikukulong sa CR, bubuhusan ng juice o tubig, didikitan sa likod ng malaking 'PANGIT AKO, LAYUAN' pagkaka-isahan ng mga ka-grupo ko sa project para wala akong maipasa, pupunitin ang page ng assignment ko, papahiran ng eraser para pumuti naman daw ang mukha ko—lahat 'yon kailangan kong harapin at pagtiisan kasi kung susuko ako, parang isinuko ko na rin ang pangarap namin ni Nanay. Mawawalan ng silbi ang pinag-ipunan niyang regalo sa akin kung sasayangin ko ang oras na ibinigay sa akin para makapasok sa St. James. Nakayanan ko na ang isang taon, alam kung kakayanin ko ang tatlong taon pa. Tiis-tiis lang!" huminga siya nang malalim at nginitian si Ross, na napatitig naman sa kanya na nakaawang ang bibig. Nagulat yata sa mahaba niyang sinabi. Hindi niya naman intensiyon na ikuwento iyon, nadala lang siya. Nagsasayang kasi ito ng oras na para sa kanila ng ina niya ay ginto. "Kailan pala ang birthday mo?" may bigla siyang naisip.
Saka lang kumurap si Ross. "Why?"
"Ibibigay ko na munang gift sa 'yo 'tong relo ko." sinipat niya pa ang pinakaiingat-ingatang relo na galing sa ina. "Wala akong pambili ng bagong relo eh, kaya hindi kita mabibigyan ng gift. Hindi ko naman puwedeng ibigay sa 'yo kasi gift sa akin 'to ni Nanay. Sobrang iniingatan ko nga, eh. Naisip ko lang na mas kailangan mo 'to kaya ipapahiram ko muna sa 'yo. Ibalik mo na lang kapag alam mo na ang halaga ng oras sa tagumpay ng isang tao. Sabi 'yon ni Nanay no'ng binigay niya sa akin ang relong 'to."
"Ibibigay mo sa akin ang relo mo?"
"Hindi, ipapahiram ko lang nga!"
"Next year pa ang birthday ko pero gusto ko ng advance gift. Bigyan mo ako ng relo, Leia."
"Wala akong pambili."
"Ikaw ang pipili, ako'ng magbabayad."
"Hindi ko na gift 'yon."
"'Yong oras na ilalaan mo sa pagpili, gift na 'yon, Leia."
Napakunot-noo si Leia. Mayamaya ay napangiti. "'Oy, ah? Ang bilis mong matuto tungkol sa oras, Sir!" bulalas niya kasunod ang tawa. "Si nanay ang nagturo sa akin, no'n!"
"'Pag nagustuhan ko ang napili mong wristwatch, hindi mo na ako tatawaging 'Sir'"
"Ano na lang?"
"Ross."
"Kuya Ross?"
"No, ayoko. Hindi kita kapatid."
"Master?"
"Ross."
"Manong?"
"No!"
Bumungisngis si Leia. "Mas matanda ka naman sa akin, ah? Puwede na ang manong—'wag!" bigla nitong inagaw ang Diary niya. Hindi handa si Leia kaya napanganga na lang siya nang nakuha agad ni Ross ang pinakaiingatan niyang 'silent friend.'
"Babasahin ko at ipagkakalat sa buong St. James ang laman ng Diary! Gusto mo, Leia?"
"Ross. Ross na nga!"
"Mag-sorry ka na tinawag mo akong manong."
"Kailangan pa 'yon?" reklamo niyang napasimangot, nakatitig siya sa Diary na mahigpit na hawak nito.
"Ang guwapo ko para tawagin lang na 'Manong'. Nasaktan ako."
"Para manong lang, eh..."
"Hindi ka magso-sorry?"
"Sorry, Manong—Oy, sandali!" napahabol siya nang bigla na lang tumayo ito at naglakad palayo dala ang Diary niya. Mabilis siyang sumunod. Sa takot na kumalat ang sekreto niya ay yumakap si Leia nang mahigpit sa baywang ni Ross para tumigil ito sa paghakbang—napatigil nga ang lalaki, lalo niyang hinigpitan ang yakap.
"Ross na. Ross na! Please, ang Diary ko."
Hindi umimik si Ross, parang posteng yakap niya.
"Sorry na! Sorry, Sir! Sorry, Master, Kamahalan, Boss! Sorry na nga!"
Hindi pa rin umimik ang lalaki.
"Sige na naman, oh? Sorry na..."
"Mag-sorry ka kasama ang pangalan ko."
"Sorry...Ross, please, ang Diary ko!"
"Ang higpit ng yakap mo, o!"
"Ayaw mong ibigay ang Diary ko, eh."
Naramdaman niyang kinalas ni Ross sa baywang ang isang kamay niya para ilagay ang Diary. "Isusumbong kita sa mga beast kapag may ginawa kang hindi ko nagustuhan, Leia."
Binitiwan na ni Leia si Ross nang mapasakamay na niya ang Diary. "Pumasok kana sa klase mo. 'oy! Wala si Sir kaya dito lang muna ako." taboy pa niya sa lalaki.
"Wala kayong professor ngayon?" balik ni Ross.
"Wala—" nagulat na lang si Leia nang biglang hinawakan ni Ross ang bisig niya. Hinila siya nito. Tuloy-tuloy ang malalaki nitong hakbang na napilitan siyang sabayan. Hila-hila siya ng lalaki hanggang nakarating sila sa classroom na 'forest' para sa kanya.