Magulo ang lahat pagdating nina Leia at Ross. Kanya-kanyang puwesto, lahat nagda-daldalan. Sarado ang pinto para hindi gaanong marinig sa labas ang ingay, gawain iyon ng mga kaklase niya tuwing wala silang professor.
Walang kaabog-abog na pinihit ni Ross ang door knob at itinulak ang pinto. Natahimik ang lahat. Naramdaman ni Leia na tumutok ang lahat ng mga mata sa kanya.
May narinig siyang lalaking tumawa, ang ka-loveteam ng bruhang si Brixie sa fairy tale na story niya—Gabbi, ang pinakamatanda sa mga boys at isa rin sa mga pasimuno sa paggawa ng kalokohan na sa malas ay siya lagi ang target.
"Hey, ugly ducky—"
"Hey you, monkey!" bigla at malakas na agaw ni Ross. Nawala naman ang ngisi ni Gabbi, kumunot ang noo. "Dugtungan mo ang insulto, babasagin ko ang nguso mo, unggoy!" dugtong ni Ross na mahinang nagpasinghap kay Leia.
Ang inaasahan ni Leia ay magtatawanan ang lahat at babatuhin sila ni Ross ng mga kinuyumos na papel, takip ng ball pen, eraser at chalk—na normal na niyang nararanasan sa 'forest'—mali siya, nanatiling tahimik ang mga kaklase niya!
Ano'ng nangyari?
"Valdforz. Ross Valdforz, guys! Transferee." malakas na pakilala ni Ross na hindi niya sigurado kung tonong friendly o sarcastic. "IV-Garnet. I am nineteen years old and had my sixth expulsion case last year. Reason? Anim na kaklase lang naman ang binali ko ang buto. May gustong maging pampito?" hinila siya nito at dinala sa harap, malapit sa board. Hinawakan siya sa balikat habang nakatayo ito sa likuran niya. "Nasabi ni Leia na hindi n'yo siya masyadong gusto? Sarilinin n'yo na lang ang mga kalokohang naiisip n'yong gawin sa kanya ngayong nandito na ako," nawala ang isang kamay ni Ross sa balikat niya. Napasinghap na lang si Leia nang binato nito ng chalk si Gabbi na nawalan na ng sasabihin. "Lalo kana, monkey boy!" dinuro pa nito si Gabbi. "Pakialaman n'yo pa si Leia at babasagin ko lahat ng matigas sa katawan n'yo, maliwanag?"
Walang sumagot, nabigla yata ang lahat.
"'Kita tayo after class," bulong ni Ross sa kanya, hinaplos ang mahabang buhok niya bago tinungo ang pinto. Bago ito lumabas ay lumingon uli. "Nakalimutan kong sabihin na nananapak rin ako ng babae," kasunod ang sarkastikong ngisi. "Nabanggit ko lang para alam n'yo, girls." Kay Brixie na napanganga tumutok ang tingin ni Ross bago inilapat pasara ang pinto.
Parang robot na naglakad si Leia pabalik sa upuan niya. Hindi niya naisip na ang maikling speech na iyon ni Ross ang tatapos sa kalbaryo niya sa St. James.
NARAMDAMAN kong parang biglang umangat ang katawan ko sa ere, kasunod ay lumapat ang likod ko sa malambot na higaan. Sa isip ay napangiti ako, pareho ang pakiramdam na iyon sa pakiramdam ni Leia, kakaibang ginhawa—ah...may rumehistro sa pang-amoy ko, ang pamilyar na manly scent, ang pabango na kahit sa pagtulog ay hindi ko ipagkakamali sa iba. Kasunod ng bango na iyon ay naramdaman ko ang parang hangin lang na paglapat ng...ng mga labi sa itaas ng noo ko?
Hindi, pagod lang ako at bahagi lang iyon ng isang panaginip. Walang gagawa noon—natigilan ako bigla.
Ross?
Bigla akong napadilat, nalilito. Kulay tsokolateng mga mata ang namulatan ko. Nag-iba ang pintig ng puso ko.
Nasaan ako?
"Gising ka na rin lang, mag-usap tayo, M."
Gumuho ang pag-asang nagpabangon ng kakaibang pintig sa dibdib ko.
Walang Leia.
Walang St. James.
Walang Ross.
Ang nasa harap ko ay realidad. Realidad na naroon si B, na sa pagkakatingin pa lang sa akin ay nahulaan ko nang may dapat akong ipaliwanag.
Ano'ng nakikita mo?
Katotohanan.
Na pilit mong tinatakasan?
Na parang aninong nakasunod at 'di ko maiwan.
Ano nga ba'ng nangyari?
Ang dapat...
Kahit hindi mo talaga gusto?
Hindi lahat ng gusto ko ay kailangan.
At ang mga hindi mo gusto ang dapat?
Hindi ko alam.
Hanggang kailan mo tatahakin ang pinili mong daan?
Hanggang nakikita kong naroon din siya—sa parehong daan, kahit napakalayo ng nakikita kong pagitan.
"SORRY, nakatulog ako, B."
"Hindi ka nagising sa tunog ng telepono at cell phone?"
"Nahimbing ako, eh."
"Ginawa mo na ang ipinagagawa ko?"
"Hindi pa..."
Nanahimik si B, inabot ang tasa ng kape at maingat na humigop. Nakakunot na ang noo niya Inihanda ko na ang sarili ko. Sa oras na ilapag niya ang tasa ng kape, kailangan ko nang mag-ingat sa mga sagot ko. Naroon na kaming dalawa nang sandaling iyon sa dating Library ni Lolo Jose na ginawa kong brainstorming room. Kung seryoso ang trabaho ay naroon kami ng mga kaibigan ko, kung hindi naman, sa sala kami kaharap ang iba't-ibang pagkain.
Pero kami ni B ay laging doon ang meeting, kaharap ang maraming libro, patung-patong na Magazine at newspapers, mga research materials at iba pang kailangan at ginagamit ko sa trabaho bilang online writer ng Love&Life.
At bilang consultant s***h assistant niya for Marketing.
Dalawang araw lang sa isang linggo ang pasok ko sa opisina. Kompleto ako sa employee incentives and perks at ang suweldo ko ay diretso sa bank account ko mula kay B. Sobra o kulang man ang halagang pumapasok sa account ko, wala nang kaso sa akin. Pero sobra-sobra ang ibinibigay niya at hindi na namin pinag-uusapan iyon.
Trabaho ang lagi naming focus.
"Nagawa mo na ang assignment mo this week, M?"
Tahimik lang akong tumango.
"May iba kang ginagawa na wala sa utos ko?"
Hindi ako umimik. Kung sasagot ako ay sasagutin rin niya ako ng isa pang tanong at hindi na matatapos ang tanungan namin sa isa't-isa. Pamilyar na pamilyar ako sa ang ganoong eksena sa pagitan namin ni B.
"Ano'ng problema?" mababa pero mariing tanong niya.
"Wala, B."
"Bakit hindi mo pa ginagawa?"
"Gagawin ko, 'wag kang mag-alala."
"Five entries in a week. Dalawang entries mula sa Diary ni Meah, dalawa mula sa Diary ng Maganda—na ikaw ang gagawa, at isang article na magsa-summed up sa apat na entries. Malinaw ang utos na iniwan ko, M."
"Nabasa ko."
"And?"
"And I'm gonna do it—nang naaayon sa lahat ng gusto mo."
"Wala ka bang gustong idagdag pa?"
Umiling lang ako. Kung magsasalita ako ay isa-suggest kong itapon na lang ni B ang ideyang iyon dahil nahihirapan akong gawin, hindi ko lang maamin. Wala pa akong hindi sinunod sa mga utos niya. Hindi ko siya balak suwayin sa unang pagkakataon. Kakayanin kong gawin iyon gaano man ako nahihirapan.
"May mga nakapilang entries, B," ang hindi na mabilang na diary entries sa email inbox ko na padala ng mga readers ng Dear Beautiful ang tinutukoy ko. "Umaasa silang isa sa mga entries na iyon ang mababasa nila sa mga susunod na linggo."
"Tapusin mo na lang ang dalawa pang napili ko. Pagkatapos, mag-focus na tayo sa Diary ni Meah."
Gusto kong itanong kung ano'ng mayroon sa Diary ng pangit na si Meah para pag-aksayahan niya iyon ng panahon. Hindi ko na ginawa para hindi na humaba pa ang usapan. Kung magtatanong ako, alam kung sasagutin niya rin ako ng tanong, hindi na kami matatapos. Kilalang-kilala ko na ang istilo ni B.
"Kung may hindi ka gusto sa ideas ko, kung may gusto kang alisin, idagdag, o kahit anong reklamo—"
"Wala, B." Kailan ba ako nag-reklamo?
Naramdaman kong tumutok sa mukha ko ang mga mata niya, ilang segundo iyon. Tulad ng lagi kong ginagawa, hindi ako nagtangkang salubungin ang mga mata niya. Nagpanggap akong abala sa hawak kong Magazine. Itinuloy ni B ang tahimik na paghigop ng kape.
"Nabasa mo na ba ang buong diary ni Meah?"
"Hindi pa."
"Tawagan mo ako bago mo gawin ang bawat entry na kailangan natin. Gusto kong mag-brainstorm tayo bago mo isulat ang draft ng article."
Tahimik na tumango ako. Lalo niyang pinapahirap ang trabaho ko.
"No, hindi na nga pala kailangan. Tawagan mo ako sa mga gabi lang na hindi kita madadaanan."
"Lagi ka bang dadaan?"
"May problema ba do'n?"
"Hindi ka ba busy sa ibang project mo?"
"Maglalabas ang Love&Life ng Voices of Venus 2, M. Ang project na gagawin natin ng magkasama ang tututukan ko."
Gusto kong bumuka na lang ang sahig sa tapat ko at lamunin na ako. Isasagad pa talaga niya ang pagpapahirap sa akin. Gusto kong magalit sa sarili ko na kahit ganoon, hindi ko pa rin mapilit ang sarili kong umangal at magreklamo. Sumususunod pa rin ako kay B nang wala ni katiting na protesta.
Saglit na katahimikan. Nararamdaman ko pa rin ang titig ni B.
"Hindi ka ba aalis ngayon?" tanong niya, mababang-mababa lang ang boses niya pero buong-buo. Isang boses na kahit sa pagtulog ko man marinig ay alam kong sa kanya. Marami na akong mga nakilalang lalaki—mula sa mga ordinaryo hanggang sa mga sikat, mga simple hanggang sa mga guwapo na may iba't-ibang estado sa buhay pero walang makapantay kay B sa mga mata ko. Iba si B sa mga lalaking iyon.
Ibang-ibang siya...
"Hindi."
"Dito ako uuwi mamaya, M."
Uuwi, isang simpleng salita iyon na lagi niyang ginagamit pero hanggang nang sandaling iyon ay gusto ko parin na naririnig. Sa isip ko, gusto kong bigyan iyon ng ibang kahulugan—sa isip ko lang dahil nasaksihan ko mismo ang pagguho ng isang mundong pinangarap ko noon—ah, ayokong pagurin ang isip ko.
"Nasa room lang ako. Bahala kana sa dinner mo." sabi ko, nagpatuloy ako sa pagpapanggap na nagbabasa ng Magazine.