SA SULOK ng mga mata ay nakita kong tiningnan ni B ang wristwatch niya. "May meeting nga pala ako in fifteen minutes." Tumayo na siya at inihanda ang sarili sa pag-alis. "Babalik ako pagkatapos ng dalawang oras, M. Kung naghahanap ng pahinga ang katawan mo, magpahinga ka muna—sa room mo, hindi 'yong basta ka na lang natutulog nang nakaupo sa sahig." Naglakad na siya patungo sa pintuan.
Hindi na ako umimik. Nakatulog naman talaga akong nakasalampak sa sahig kanina. Hindi na bago iyon. Madalas niya akong mahuli sa ganoong posisyon. Dalawang bagay naman ang laging nangyayari: Nagigising ako habang inaayos niya ang higa ko sa sofa, o naililipat niya ako nang wala akong kamalay-malay. Normal na tanawin na sa bahay ni late Lolo Jose ang ganoon.
"M?"
Nilingon ko siya. "Yes?"
"May naisip ka na bang best topic sa unang entry mo sa Diary ng Maganda?"
"Best topic? Sabi mo depende sa entry ni Meah?"
"Gusto kong dagdagan mo."
"Dagdagan? Ano'ng gusto mong idagdag ko?"
"Write something about time."
Tumigil ang mga kamay ko sa pahina ng Magazine na kanina ko pa binubuklat para magpanggap na abala.
"Time?" balik ko, kunwari ay tutok sa binabasa ang atensiyon pero ang totoo ay papabilis na ang pintig ng puso ko. Don't do this, B...
"The importance of time."
Hindi ko napigilan ang paglunok. Mas kinakabahan ako sa project na iyon, hindi ko alam kung bakit. Pakiramdam ko ay may plano si B na hindi ko alam kung ano at para saan.
"Importance where?" sa wakas ay natagpuan ko ang boses ko. "May particular topic bang gusto mong tutukan ko? Life? Success? Dreams—"
"Love," biglang putol niya na nagpatigil yata saglit sa paghinga ko.
"Gaano kahalaga ang oras sa isang pag-ibig?" ang iniwan niyang tanong bago siya lumabas at maingat na inilapat ang pinto.
Mahabang sandaling hindi ako nakakilos sa kinauupuan ko. Nang ibaba ko sa Magazine ang tingin ko kung saan naudlot ang pagbuklat ko sa pahina, napansin kong nanginginig ang mga kamay ko.
Dear Beautiful,
Love indeed is an addiction. Victims are everywhere. Hurting. Broken. Imprisoned. Teach me the easiest way of escape.
Broken Soul
July 3, 2013
Bigla ko lang na-imagine ang isang pulang capsule na may pangalang nakasulat sa itim na mga letrang mababasa sa isang word—'love' At dahil malawak ang imagination ko, nakita ko rin ang dalawang tao, isang babae at isang lalaki, pareho nilang hawak ang pulang capsule. Ano ang kasunod na eksena?
Sa imagination ko lang ito posible pero subukan n'yong isipin ang iniisip ko.
Nagtitigan ang dalawa. Nagngitian, nagtitigan ulit—kung sa isang animé series, malamang marami nang nagliparan na mga pulang puso, pinkish na ang pisngi ni Babae at kumikinang-kinang na ang mga mata ni Lalaki. Pero hindi animé series ang nasa imagination ko kundi mental series. Oo, may gano'n, dito sa librong ito.
Ano ang nangyari sa dalawang bida? Basahin sa ibaba...
Lalaki: Salamat, Julieta.
Babae: Huwag kang magpasalamat, Romy. Mahal kita kahit gangster ka. Kahit ang sama mo, kahit ang sarap basagin ng bungo mo.
Lalaki: Mahal din kita kahit ang tanga mo. Bakit mo minahal ang isang tulad ko? Kung 'di ka ba naman isa't-kalahating gaga. Alam mo na nga na gangster ako, na masama ako, na masarap basagin ang bungo ko pero heto ka, dumidiga pa rin. 'Kita mo tuloy ang nangyari, maraming gumaya sa love story natin, kalat na kalat na! Pambansang hero na ang gangster—mali, gangster-gangster-an lang pala. Guwapo, mayaman, may iba nga, look-a-like pa ng mga Kpop idol—kakaibang gangster. *ngumisi ng nakakaloko si Romy* Hindi gaya kong laman ng lansangan at may dalang tubong pang-hataw sa kalaban naming grupo.
Naghawakan sila ng kamay, nagtitigan. Tumugtog ng malakas ang Too Much Love Will Kill You. Namaos na ng todo ang singer, hindi pa rin natatapos ang titigan ng dalawa. Tumugtog uli ang isa pang malakas na musika...
Lord, patawad, pagkat ako'y makasalanan...makasalanang nilalang...
Itinaas ng dalawa ang mga kamay na may pulang capsule.
Babae: Inumin mo na, para sa pag-ibig natin.
Lalaki: Matatakasan na ba natin sila? Wala na bang hahadlang sa pag-ibig natin?
Babae: Wala na, Romy. Magsasama tayo forever, sa paraiso. Hindi na tayo maghihiwalay kahit kailan. Wala na silang magagawa para hadlangan ang pag-iibigan natin.
Nilunok ni Romy ang pulang capsule. Humiga siya at pumikit.
Nilunok rin ni Julieta ang isa pa, ginaya ang ginawa ni Romy.
Napunta ba sila sa paraiso?
Hindi.
Namatay sila nang sabay?
Hindi rin. Hindi lason ang nilunok nila, 'oy! Pulang love capsule lang!
Ano'ng nangyari sa kanila?
Wala. Para maiba naman ang ending, nabuhay sila—naging mga addict lang, addicted sa love!
Ano ang sense ng na-imagine kong ito?
Wala.
Naimagine ko lang. Hindi naman aayon ang imahinasyon ko sa gusto n'yong ending, eh. Ibang ending ang gusto n'yo? Try n'yo isulat ang librong ito. *nang-aasar na ngisi*
Mas kilalanin natin si Broken Soul sa Diary entry niya...
Dear Diary,
Naulit na naman. Seventeen years old ako nang mahulog sa isang pag-ibig. Ngayon, after four years, nagbabalik uli ako sa dati at pakiramdam ko, mas lalo akong nalulubog. Bakit ganoon? Alam kong mali pero hindi ko magawang bumitaw. Dahil ba nakasanayan ko na, o talagang nagmamahal lang ako?
Sinubukan kong umahon, na nagagawa ko nang ilang araw ngunit sa huli, sa parehong lugar ako bumabagsak nang mas malakas—sa kuwarto ko o sa condo ni Bong kung saan naghihintay siya, hindi sa dala kong foods kundi sa katawan ko, para sa mainit na sandaling paulit-ulit naming pinagsasaluhan.
Pag-ibig ang sinasabi niyang dahilan kung bakit umabot na kami ng apat na taon. Oo, pag-ibig nga sa panig ko. Mahal na mahal ko siya at hindi ko makita ang sarili kong nagmamahal ng iba.
Pero isang bawal na pag-ibig ang nasa pagitan namin. May asawa si Bong...at may dalawang anak.
Hindi ako masamang babae. Nagmamahal lang ako.
Nagmamahal ng isang lalaking hindi na malaya.
Hanggang kailan ako magmamahal? Hindi ko alam.
Hindi ko talaga alam.
Broken Soul
April 5, 2013
Broken Soul...Ano ba ang gusto mong sabihin ko? Nasa uso ka, girl! Pati sa movie at teleserye uso ang sitwasyon mo. Pero hindi ako fan ng ganoong movie at serye, sorry.
Wala ako sa lugar at sa sitwasyon mo kaya hindi ko sasabihing naiintindihan kita o ang pinagdadaanan mo ngayon. Sa isang page ng diary lang kita nakilala, isang maikling silip lang sa buhay mo ang nagawa ko through Dear Beautiful kaya hindi kita huhusgahan sa pinili mong buhay, okay? Buhay mo 'yan at ginusto mo, wala akong pakialam.
Wala, dapat.
Kaya lang, sumulat ka sa akin, eh. Dahil sa ginawa mo, binuksan mo ang koneksiyon sa pagitan natin, koneksiyon na baka hindi mo lang putulin, baka sunugin mo pa pagkatapos ng mga susunod kong sasabihin.
Broken Soul, ikaw mismo ang nagsabi na 'love is an addiction' alam mo pala, eh, bakit ka nagpakalunod? Adik to the max ang peg? Turok ng turok until you die? O lunok ng lunok until mapraning? Girl naman, bakit mo hinayaan ang sarili mong malubog sa pag-ibig na alam mong mali? MALI nga, eh! MALI. MALI! *How Can I Tell Her chorus*
Isa kang TASALO, Broken Soul—no, tama ang basa mo, hindi talaga 'kasalo' 'yan, katunog lang. TASALO—TAnga SA LOve kaya PINAMABO—PInili NAlang MAging BObo.
I-capslock natin para mas makita mo, girl. ANG SINASABI MONG PAG-IBIG NA 'YAN AY HINDI KAILANMAN MAGIGING TAMA KAHIT DUMATING NA ANG ZOMBIE APOCALYPSE. *How Can I Tell Her chorus*
Hindi ka masamang babae? Oo, hindi, Broken Soul. HINDI PA. Ano ang punto ko? Ang lalaking mahal mo ay may asawa at dalawang anak, girl! Ano'ng schedule mo, tuwing Huwebes? The Mistress ang peg mo at happy ka do'n? O, 'wag mo akong hihiritan na hindi mo ginusto 'yan at nagmahal ka lang, itatapon ko sa mukha mo ang laptop ko, maniwala ka! *How Can I Tell Her chorus*
Ang katotohanang pinasok mo ang relasyong 'yan ay ginusto mo—unless paulit-ulit kang kini-kidnap ng Bong na 'yan at nire-r**e. May pilitan bang nangyari? Wala? Kung ganoon, bukas na bukas ang mga mata at isip mo nang pinasok mo ang relasyong 'yan. Ang MALING RELASYON na 'yan. *How Can I Tell Her chorus*
Nagmamahal ka lang? 'Kuha ko 'yan, girl. Pero...heto na naman, babalik na naman tayo sa mga gasgas na kasabihan, kaya nga nasa taas ng puso ang isip, 'di ba? Gamitin paminsan-minsan bago ka pa maging KANAPINGTUNAS—hindi panakip-butas 'yan, tama ang basa mo. KANAPINGTUNAS—KAbit NA PInatay NG TUnay Na ASawa. *Knife chorus*
Ang hard—sabi ng mga kabataan ngayon. Hard talaga, dahil hard rin ang sitwasyon mo, Broken Soul.
Hihiritan mo ako ng gasgas rin na 'easier said than done? Aba, eh, ihahagis ko na pabalik ang sulat mo para matapos na.
Alam mo kung ano ang pinaka-hard, girl? Alam mong mali pero sumisige ka, eh! At ang mas mali pa, ayaw mong tumigil. Ayaw mong umahon, ayaw mong itama ang sitwasyong sa umpisa pa lang ay alam mo nang mali. Nasaan ang hustisya—ay, mali rin, sorry na-carried away lang—ang judgment mo sa tama at mali? Dahil ba nagmamahal ka ay puwede nang maging tama ang mali? HINDI, kahit paulit-ulit ka pang mag-tumbling. Ang mali ay mananatling mali kahit mag-tumbling ka pa hanggang sa China Sea. *How Can I Tell her chorus*
Balikan natin ang sinabi ko kanina na hindi ka masamang babae—hindi nga, nagmahal ka lang at ang tanging kasalanan mo ay nagmahal ka ng maling tao, sa maling panahon at sitwasyon. *How Can I Tell Her chorus*
Pero sa oras na mawasak ang pamilya ng maling taong 'yan na minahal mo, sa oras na masira ang kasal na nagbuklod sa mag-asawa, sa oras na nawalan ng ama ang dalawang inosenteng mga bata nang dahil sa 'yo—hindi ka pa rin ba masama? *How Can I Tell Her chorus*
Kung ganoon pala, sino ang dapat nating ituro? Sino ang dapat pukulin ng unang bato—si Bong na naghanap ng iba? Ang asawa niyang maaring may pagkukulang? Ang inosenteng mga anak na walang muwang sa kasalanan o kakulangan ng mga magulang nila? *Separate Lives chorus*
Gusto mong sa akin manggaling ang sagot?
Wala akong sasabihin, Broken Soul. Ikaw ang mag-isip, ang mag-analyze, ang tumimbang sa sitwasyon. Walang ibang makakapagsabi ng dapat mong gawin kundi ikaw mismo dahil ikaw ang nasa sitwasyong 'yan.
Gusto mo bang umahon o gusto mong magpakalunod pa?
Hindi dahil uso ang Mistress movies ay makikisabay ka na.
Pero dahil babae ka, babaeng may kahinaan man ay lakas pa rin na nasa likod ng bawat karapat-dapat na lalaki, ay hangad kong makaahon ka, Broken Soul.
Hindi pa huli ang lahat. Lilipas ang hype sa Mistress movies at mauuso ang mga Gabriella Silang movies—mga pelikulang nakapaloob ang iba't-ibang kuwento ng mga kakababaihang lumalaban sa iba't-ibang giyera ng buhay at nananalo. Gusto kong makita sa big screen ang kuwento mo pagdating ng panahong iyon.
Tandaan ang linyang ito sa isang libro: Your past doesn't define your future. Kung pipiliin mo, ang sitwasyon mo ngayon ay magiging bahagi na lang ng nakaraan mo, Broken Soul. Makakagawa ka pa ng isang magandang kuwento sa hinaharap. Hanggang sumisikat pa ang araw sa isang bagong umaga, lagi kang may pagkakataong itama ang lahat.
One big word for today—LOVE, an addiction? Maybe, but it can be a healer, too.
Subukan mo lang. Subukan mong mas mahalin muna ang sarili mo.
Venusa's watching you, Beautiful!