Ano'ng nararamdaman mo?
Marami. Nakakalito.
Ano'ng sinasabi ng isip mo?
Ituloy ang lahat.
At ng puso mo?
Wala.
Ano'ng wala?
Wala akong marinig dahil wala akong gustong pakinggan.
Paano mo nagagawa 'yan?
Ang maging manhid?
Hindi, ang magpanggap na walang nararamdaman?
ISANG oras na akong nakatitig sa mga bagay na nasa harap ko: Ang Diary ng pangit na si Meah, ang laptop ko at isang bondpaper—ang diary entry para sa huling article na gagawin ko.
Nag-iisip ako kung alin ang uunahin kong gawin—ang buklatin ang Diary para magka-ideya ako sa magiging takbo ng Diary ng Maganda na gagawin ko, o tapusin muna ang huling article.
Wala akong gustong gawin. Hindi ko gustong buklatin ang Diary ni Meah. Hindi ko rin gustong tapusin agad ang article para may dahilan akong maibibigay kay B kapag nagtanong siya tungkol sa 'Diary project.'
Isang oras ang lumipas na naroon lang ako sa kuwarto ko, nakatitig sa mga bagay na nasa ibabaw ng bedside table.
Napatingin ako sa pinto nang may kumatok. Noon ko lang napansin ang oras—gabi na pala?
"Bukas 'yan,"
Bumukas ang pinto at sumilip si B, tama nga ang hula ko na dumating na siya.
"Kanina ka pa?" tanong ko.
"Mga two hours na," simpleng sabi niya, hindi nagtangkang pumasok. "Dinner. 'Baba ka."
"B—" hindi ko na naituloy ang sasabihin ko na hindi ako kakain nang umangat na ang mga kilay niya at tumiim ang titig sa akin—pamilyar iyon, ganoon ang emosyon sa mga mata niya kapag hindi niya gustong tumanggap ng sagot na 'no'
Sumuko agad ako. "Okay."
"Good. Five minutes!" sabi niya at mabilis na inilapat ang pinto. Napatitig uli ako sa mga bagay na nasa bedside table.
Aaahhhh! Malakas na sigaw ko sa isip, sabay bagsak ng katawan sa kama. Hindi sapat ang sigaw na iyon kaya isinubsob ko sa unan ang mukha ko kasunod ang malakas na ungol.
Bumangon rin ako mayamaya para ayusin ang sarili ko. Sinuklay ko lang buhok ko, 'yon ang madalas mapansin ni B na magulo. Nasa dining room na ako bago natapos ang limang minuto.
Hindi na ako nagulat sa inabutan ko sa mesa—soup, fried fish, steamed veggies and fresh fruits lang. Strict sa diet si B, lalo na kung siya ang nagluto. Hindi siya kumakain ng pork at bihirang-bihira rin mag-beef. Tuwing nagpapa-deliver na lang ako ng pagkain namin ay saka siya napipilitang kainin ang kahit anong in-order ko. Tuwing siya naman ang nagluluto, tulad ng gabing iyon ay ako naman ang napapa-veggies at fish na lang.
"Mushroom soup 'to?"
"Yeah." Sagot ni B, pinanood akong humila ng silya at umupo. Inilapit niya sa akin ang kanin, kasunod ang soup. "Habang mainit pa, M."
"Thanks."
Nagsimula na kaming kumain pareho. Sa mga unang sandali ay tahimik kami pero mayamaya ay tuloy-tuloy na ang palitan namin ng ideas tungkol sa Voices of Venus 2, ang librong ilalabas ng Love&Life bago matapos ang kasalukuyang taon.
Ganoon lagi kami ni B. Sa mga pagkakataong nagsasabay kaming kumain, walang ibang pinag-uusapan kundi tungkol sa trabaho. Lahat tungkol sa Love&Life, Sa Dear Beautiful page, sa mga Diary entries, sa mga babaeng nasa likod ng mga iyon, sa mga dahilan ni B kung bakit napili niya ang particular na entry, mga research output ko at mga idinadagdag niyang ideas, sa mga ads, promos, strategies—lahat tungkol sa negosyo at trabaho. Hanggang nagising na lang ako isang araw na mas pamilyar na ako sa trabaho ko kaysa kay B. Hanggang nagising na lang akong pakiramdam ko ay estranghero na ang lalaking itinuturing kong housemate sa bahay ni late Lolo Jose.
At sa paglipas pa ng mga araw, lahat ng pamilyar na bagay tungkol kay B ay wala nang iniwang bakas.
Hindi na siya ang lalaking kilala ko.
"M?" napakurap ako, hindi ko napansin na napatitig na pala ako sa mukha ni B. "What's wrong?"
"H-Ha?" ang nausal ko, kasunod ang biglang pagbawi ng tingin.
"Nakatitig ka sa akin kanina pa."
"O-Oh," tanging nasabi ko. "Iniisip ko lang ang mga utos mo. Ang dami."
"Ang lungkot ng mga mata mo kanina."
"Mali ka lang ng basa, B."
Tiningnan niya ako, ilang segundo...na parang gusto niyang basahin ang lahat ng nasa isip ko nang sandaling iyon. "Alam mong hindi ko gusto na ginugulat ako, M. Kung may problema man, ipaalam mo agad sa akin. Hindi 'yong nasaktan ka na bago ko pa man mapigilan."
Naudlot ang pag-abot ko sa baso ng tubig. Napatingin ako kay B—na nakatingin naman sa akin kaya nagsalubong ang mata namin. Hindi ko alam kung ano ang nangyari at pakiramdam ko ay umikot ang paligid. Nawala ang lahat ng pamilyar na bagay sa dining room na iyon sa bahay ni late Lolo Jose.
Ibang lugar na ang nakita ko...isang dining room na may long table, makinang ang lahat mula sa mesa hanggang sa mga wooden chairs. Alam ko ang lugar na iyon, ang mahabang mesa na laging walang tao...na laging isang tao lang ang malungkot na kumakain...
"Leia?"
Napahinto ang dalagitang si Leia. Bumaba lang siya para kumuha ng tubig sa kusina. Madaling-araw na iyon kaya inaasahan niyang tahimik na ang buong bahay. Siya na lang ang gising dahil sa nilalamay niyang script.
Abala siyang bumubulong-bulong kaya hindi niya napansin na may nakaupo sa mahabang mesa na lagi niyang tinitingnan bilang malungkot na tanawin sa bahay na iyon. Tinatanong ni Leia lagi ang kanyang ina kung ano ang silbi ng isang sobrang habang mesa para sa mga mayayaman kung lagi namang isang tao lang ang kumakain?
Naputol sa gitna ang mga linyang ibinubulong ni Leia. May role-playing sila at siya ang gaganap na Laura sa isang maikling play na siya rin ang sumulat. Florante At Laura Sa Makabagong Panahon, iyon ang titulo ng script na isinulat niya bilang adaptation ng Florante At Laura. Isang fifty-points quiz ang equivalent niyon. Lima sila sa grupo at siya ang nag-iisang babae. Ang resulta, siya na ang scriptwriter, siya pa si Laura! Nangako ang mga lalaki niyang kaklase na sagot ng mga ito ang make-up at costumes niya para pumasa siyang Laura sa paningin ng lahat. Bumabagsak kasi ang apat na iyon kaya kailangang mataas ang makuha nilang score sa play. Tagapagligtas ang tingin sa kanya ng apat niyang kasama sa grupo.
"Ross?" nagtakang lingon ni Leia. "Bakit nandito ka pa?" napakunot noo siya nang makitang may kaharap na pagkain ang lalaki na hindi naman ginagalaw. "Ngayon ka pa lang kumakain ng hapunan?"
"Bumubulong ka ba ng spell?" sa halip ay tanong ni Ross, hindi pinansin ang mga sinabi niya. "Effective ba 'yan? May spell ka ba na pampaalis ng pains?"
"Lines ni Laura ang mine-memorize ko, 'oy! Spell ka d'yan! Mukha lang akong witch, pero hindi ko balak sumakay sa walis 'no!" tinawanan pa niya si Ross. Naupo siya sa tabi nito. "Bakit kailangan mo ng spell sa pains, ha?" Pabiro pa niyang sinilip ang mukha nito. "Saan ang masakit sa 'yo? Ulo? Katawan? Ikukuha kita ng gamot kay Nanay—" biglang hinawakan ni Ross ang kamay niya, hindi na naituloy ni Leia ang pangungusap. Nakaawang na lang ang bibig niya nang iangat ng lalaki ang kamay niya at inilapat sa sariling dibdib.
"Dito, Leia," halos bulong na lang na sabi ni Ross. Nakatutok ang mga mata nito sa kanya kaya kitang-kita ni Leia na parang naiiyak ito. "Naiipon ang sakit dito..." at mas idiniin nito ang kamay na nakalapat sa likod ng palad niya kaya damang dama niya ang pintig ng puso nito.
Wala na siyang nasabi, nakatitig na lang siya sa mga mata ni Ross habang pinakikiramdaman niya ang pintig ng puso nito. Iniisip ni Leia kung bakit nasasaktan ang lalaki, kung bakit nalulungkot parin ito gayong hinahangad ng lahat ang uri ng buhay nito.
"Ang lungkot-lungkot mo," hindi niya napigilang isaboses iyon. Binawi ni Leia ang kamay mula sa hawak ni Ross. "Bakit ka ba nalulungkot? Ang yaman-yaman n'yo, ang guwapo mo, para kang artista, may kotse ka, maraming damit, gadgets, nabibili mo ang kahit ano, takot din sa 'yo ang mga Jamo dahil sa impluwensiya ng Mommy mo. Ano pa ba? Para kang walking prince sa campus, nililingon ka ng lahat. 'Pag tinitingnan nga kita, sobrang taas mo, eh. 'Yong parang sobrang strong na Senior student. Sana ganoon kana lang lagi. Hindi ba puwede? 'Pag nandito kana kasi sa bahay, nag-iiba kana. Parang lagi kang malungkot, parang lagi kang nasasaktan. Ba't ganoon ka? Minsan nga, ayaw kitang tingnan, eh." Saglit siyang huminto sa pagsasalita. "Kasi ayokong nakikita kang ganoon. Nalulungkot din kasi ako..."