MAAGANG nagising si Arabella pero pakiramdam niya ay hindi rin siya talagang nakatulog. Naupo siya sa kama at itinali ang lampas-balikat niyang buhok. Bumuntong-hininga siya, saka inihilamos sa mukha ang dalawang palad. Naiinis na siya sa kanyang sarili. Bakit ba kahit ano ang gawin niya - at pilit man niyang kalimutan ang lahat - ay hindi maalis sa isip niya ang ginawa ni George. She wanted to get over this feeling, but she didn't know where to start. Sinulyapan niya ang cell phone niya na nasa bedside table. Hindi pa rin siya tinatawagan ni George.
Kung malalaman ko lang ang dahilan kung bakit ginawa mo iyon, George, baka sakaling gumaan ang loob ko, baka mabawasan ang sakit. Baka sakaling maintindihan kita.
Tumayo siya at naghilamos sa banyo. Pagkatapos ay lumabas siya ng silid upang maghanda ng almusal. Napatigil siya sa pintuan ng kusina nang makitang naroon din si Jared. Nakaupo ito patalikod sa kanya at nasa harap nito ang isang laptop. Hahakbang na sana siya paatras nang magsalita ito.
"Good morning," bati nito sa kanya.
Awtomatikong tumaas ang isang kilay niya. Himala! Ano'ng nakain ng lalaking ito at mukhang walang sumpong? Nilingon niya ito pero nakatalikod pa rin ito sa kanya.
Huminga siya nang malalim bago itinuloy ang pagpasok sa kusina. Habang naghahanda siya ng almusal ay nararamdaman niyang nakasunod sa bawat kilos niya ang tingin ni Jared. Bahagya na siyang naiilang dito pero pinigil niya ang sariling patulan ito. Pagkuha niya ng itlog sa refrigerator ay nakita niya ang niluto niyang afritada kagaabi. Nakakunot-noong kinuha niya iyon at humarap kay Jared.
"Bakit hindi mo ito kinain?" tanong niya.
Tiningnan siya ni Jared. "Ha?"
"Para sa 'yo ito. Obvious naman siguro, 'di ba? Ito ang kapalit ng afritada mo na pinakialaman ko kahapon."
"Sinabi ko naman sa 'yo na huwag ka nang mag-abalang palitan 'yon, 'di ba?"
"Oo, pero-"
"At hindi ko rin gusto ang lasa ng niluto mo," putol nito sa sinasabi niya bago muling ibinalik ang tingin sa laptop nito.
Naka-awang ang labi na napatanga siya rito. Akala pa man din niya kanina ay wala itong sumpong ngayon, 'yon pala ay bumubuwelo lang ang damuhong ito. Akala mo naman kung sino kang napakahusay magluto, eh, mas masarap pa nga itong niluto kong afritada kaysa sa niluto mo, eh! 'Yong afritada mo nasobrahan ng tomato sauce! nais sana niyang sabihin rito.
Timpi ang inis na tinalikuran niya ito at inilagay sa microwave ang pagkain. "Ayaw mo, di 'wag!" mahinang bulong niya.
"Did you say something?" tanong ni Jared.
Hindi niya ito pinansin. Namayani ang katahimikan sa pagitan nila. Nang pumihit siya paharap kay Jared ay nakatutok pa rin ang mga mata nito sa laptop. Walang kibong naglagay siya ng pagkain sa plato, saka iyon ipinatong sa tray. Naisip niyang doon na lang siya sa silid niya kakain. Hindi talaga siya makakatagal na kaharap ang lalaki. Baka mawalan lang siya ng ganang kumain. Palabas na siya ng kusina nang magsalita ulit ito.
"Wala ka bang pupuntahan ngayon?"
Napalingon siya rito.
"Akala ko ba nandito ka para magbakasyon? Pero bakit parang mas gusto mo pang magkulong lang sa kuwarto mo?"
"It's none of your business," mataray niyang sagot rito.
Tiningnan siya nito. "Namumugto ang mga mata mo. Hindi ka ba nakatulog kagabi or have you been crying all night?"
Tumikwas ang kilay niya. "Teka nga, akala ko ba wala tayong pakialamanan? Eh, bakit ang dami mong tanong ngayon?"
"Nagtatanong lang ako dahil may mga bisita akong darating mamaya, iniisip ko kasi na baka maabala ka namin."
"Ah, I see," sarkastiko na sabi niya na patango-tango pa. "Kayo ba talaga o ako ang iniisip mong makakaabala? Don't worry `di ba sabi mo nga wala tayong kiber sa isa't-isa. I'll be inside my room kapag dumating na ang mga bisita mo. You can do whatever you want with your friends, I won't bother you."
Hindi na niya hinintay na makapagsalita ang lalaki, tinalikuran na niya ito at nagmartsa patungo sa kanyang silid. Pagdating niya doon ay sinimulan na niya ang pagkain. Hindi pa rin mawala ang inis niya kay Jared. Habang kumakain ay pilit niyang hinahanapan ng mali ang niluto niyang ulam. Para sa kanya ay tama lang ang lasa niyon, kaya hindi niya maisip ang dahilan kung bakit hindi nito nagustuhan ang lasa ng afritada niya. Napasimangot siya nang maisip na baka iniinis lang talaga siya ng lalaki.
Eh, bakit kasi pinapansin at pinapatulan mo pa rin? sabi ng isang bahagi ng isip niya.
Lalong nanghaba ang nguso niya sa inis.
"MARAMI na naman tayong huli, Jared. Suwerte ka talagang bata ka. Tuwing sumasama ka sa amin sa laot, nadodoble ang huli namin," nakangiting sabi sa kanya ni Mang Antonio.
"Kayo naman, Mang Antonio, ginawa pa ho ninyo akong agimat," natatawang sabi niya. Kapag umuuwi siya sa isla ay madalas siyang sumasama sa mga ito sa pangingisda. Mula pagkabata ay nakasanayan na niya iyong gawin. Dati nga, sila pa ng kanyang ama ang sumasama sa mga ito kapag nagbabakasyon doon ang pamilya nila.
Nagkatawanan silang mga naroon sa bangka.
"Ang mabuti pa'y umuwi na tayo. Sapat na itong huli natin," sabi ni Mang Antonio.
"Oo nga. At saka 'di ba may usapan tayong magha-hapi-hapi ngayong hapon," sabi ng isa nilang kasama na si Marco.
"Jared, sumama ka sa amin mamaya, ha," sabi ni Ambet. Ito ang panganay na anak ni Mang Antonio.
"Oo naman," tugon niya. "Pero susunod na lang ako sa inyo. Magpapahinga muna ako sandali sa bahay."
Iminani-obra na nina Mang Antonio ang bangka pabalik sa pampang. Walang kibong inilagay ni Jared sa isang basket na yari sa fishnet ang isda na parte niya sa mga nahuli nila habang ang iba niyang kasama ay inaayos na rin ang mga banyerang naglalaman ng isda.
Ilang sandali pa ay natatanaw na niya ang rest house mula sa sinasakyang bangka. Nangunot ang noo niya nang mapansin si Arabella na nasa tabing-dagat; nakaupo sa buhanginan ang babae. Naalala niya ang ayos nito nang makita niya ito sa veranda noong isang gabi
Sa totoo lang ay isang palaisipan sa kanya si Arabella. Ang sabi ni Charity ay naroon ang babae para magbakasyon, pero may nagbabakasyon bang halos hindi naman umaalis ng rest house? At bakit sa dami nang magagandang lugar sa Pilipinas ay dito pa nito naisipang magbakasyon nang nag-iisa. Palaisipan din sa kanya ang nakikita niyang kalungkutan sa mga mata nito. Kahit madalas na nakataas ang isang kilay nito kapag nagkakaharap sila, nadarama niyang may mabigat itong dinadala.
"Mukhang mapapasarap ang pagpapahinga mo, Kuya Jared," sabi ng bunsong anak ni Mang Antonio na si Lito mula sa kanyang likuran.
Napatingin siya rito. "Ano?" naguguluhang tanong niya.
"Mukhang maganda ang bago mong girlfriend, Kuya," dagdag ng binatilyo na tumabi sa kanya at nakatanaw na rin kay Arabella na noon ay tumayo na at nakatingin sa direksiyon ng bangkang sinasakyan nila.
"Hindi ko siya girlfriend," pagtatama niya at ibinalik ang tingin sa babaeng nasa tabing-dagat.
"Pero bakit kasama mo siya sa rest house n'yo? Nakita ko siyang pumasok doon kahapon, eh," tanong pa ni Lito.
"Kaibigan siya ni Charity. Nagbabakasyon din siya rito. Nagkataon lang na nagkasabay kami sa pagpunta rito," sabi niya. Nang humarap siya rito ay nakita niyang mukhang hindi ito kumbinsido sa sinabi niya.
"Hindi mo talaga 'yon girlfriend?" pangungulit pa nito.
Natatawang ginulo niya ang buhok nito. "Oo. Hindi nga kami halos nag-uusap ng babaeng iyan, eh."
"Hoy, Lito! Tigilan mo nga ang pangungulit sa Kuya Jared mo," saway ni Mang Antonio sa anak. "Halika rito at tulungan mo na lamang ako sa pag-aayos nitong lambat natin."
Agad na tumalima si Lito sa utos ni Mang Antonio. Nangingiting sinundan niya ng tingin si Lito na palapit na sa ama nito. Nang ibalik niya ang tingin sa kinaroroonan ni Arabella ay nakita niyang naglalakad na ito pabalik sa rest house.
Napahinga siya nang malalim habang sinusundan ito ng tingin.
NAPABUNTONG-hininga si Arabella habang pinagmamasdan ang sarili sa malaking salamin na nasa silid. Katatapos lang niyang maligo at pinatutuyo na niya ang kanyang buhok. Kanina ay nag-e-enjoy pa siya sa tabing-dagat pero nang makita niya ang paparating na bangka na sinasakyan ni Jared ay pumasok na siya sa bahay. Ayaw niyang magpang-abot na naman sila ng binata. Masyado nang okupado ang isip niya dahil kay George at ayaw na niyang madagdagan pa iyon ng pagngingitngit dahil sa antipatiko niyang kasama sa bahay na iyon.
Bumaba siya sa kusina para kumuha ng makakain habang nagbabasa siya ng libro pero napatda siya nang makitang nasa kusina rin si Jared. Napatingin ito sa kanya. "I'm sorry, hindi ko alam na nandito ka," aniyang pipihit na sana palabas ng kusina.
"Ang sabi ko, hindi natin pakikialaman ang isa't isa. Hindi ko sinabi na huwag kang magpapakita sa akin," sabi ni Jared na nakapagpatigil sa kanya.
Hindi siya nakaimik. Tama naman ito. Ano ba ang pakialam niya kung naroon ito? Gutom na siya at kailangan niyang kumuha ng pagkain. Lumapit siya sa kinaroroonan ng mga gamit sa kusina at kumuha ng baso at dalawang platito. Sinikap niyang huwag tingnan si Jared na abala sa pagluluto. Naramdaman niya ang pagkalam ng sikmura niya nang maamoy ang niluluto ng lalaki. Tingin niya ay sinigang iyon base sa amoy ng kalamansi na nanunuot sa ilong niya.
Sinikap niyang balewalain ang naaamoy, binuksan niya ang refrigerator at kumuha roon ng dalawang orange. Pagkasara niya ng refrigerator ay muntik na niyang mabitiwan ang mga prutas dahil nang pumihit siya ay tumambad sa harap niya si Jared. Bahagya pa nga niyang nabunggo ang dibdib nito.
"Sorry," hinging-paumanhin nito. "May kukunin din kasi ako sa ref."
"Excuse me." Bahagya niya itong tinabig. Hindi niya maintindihan kung bakit bigla siyang nakaramdam ng pagkailang. Kinuha niya ang kutsilyo at chopping board. Hihiwain na sana niya ang mga orange pero napatigil siya nang tumabi sa kanya si Jared at binuksan ang overhead cabinet na nasa uluhan nila. Samyong-samyo niya ang natural na amoy nito. Naghahalo ang amoy ng pawis nito at ng dagat. Biglang bumilis ang pagtahip ng kanyang dibdib.
Ano'ng nangyayari sa 'yo, Arabella? sita niya sa sarili.
Inilagay niya ang dalawang orange sa ibabaw ng chopping board at ang kutsilyo bago siya pumihit patungo sa dining table. Kinuha niya ang juicer at dinala rin iyon sa lamesa. Sinimulan na niya ang pag-gawa ng juice, pero napatigil siya nang umupo si Jared sa silya sa mismong harap niya. Titig na titig ito sa kanya habang umiinom ng tubig.
"Nananadya ka ba?" hindi na nakapagpigil na tanong niya.
Kumunot ang noo ng lalaki. Tumigil ito sa pag-inom at ibinaba ang baso. "Ano ba'ng ginagawa ko sa 'yo?"
Nagtagis ang mga bagang ni Arabella. Nakumpirma niyang nananadya nga ito. Wala ba itong ibang magawa kaya siya na naman ang napag-tripang asarin? Matalim niyang pinukol ng tingin ang lalaki. And that was a very wrong move. Mabilis niyang binawi ang tingin mula rito. Lalo lamang siyang nailang nang mapansin ang hubad na dibdib nito.
"Tinatanong kita kung ano ba ang ginagawa ko sa 'yo," ulit ni Jared sa tanong nito.
"Wala," she snapped. "Can you please put your shirt on?" Nakaiwas pa rin ang tingin niya rito. Binilisan niya ang ang pag-gawa ng juice.
"Why? What's wrong?"
Hindi siya sumagot. Patuloy lang siya sa pagpiga ng orange. Doon niya ibinunton ang gigil sa lalaki.
"Do I make you feel uneasy?"
Tinaasan niya ito ng kilay. "You wish!"
Lumapit siya sa refrigerator at kinuha ang vegetable salad na ginawa niya kaninang tanghali. Pagpihit niya ay nasa harap na naman niya si Jared. "Ano ba? Umalis ka nga sa harapan ko!" naiinis na sabi niya.
"Bakit ba? Ngayon ka lang ba nakakita ng half-naked na lalaki?" tanong nito na tila nakakaloko ang pagkakangiti. Bago pa siya makapagsalita ay tinalikuran na siya nito. Pinatay nito ang gas stove at iniwan na siya sa kusina. Naiwan siyang nagngingitngit sa inis.
Lihim niyang kinakastigo ang sarili. Bakit nga ba siya biglang naging apektado? Ano ba ang problema kung nakahantad ang dibdib ni Jared? Hindi naman iyon ang unang beses na nakakita siya ng hubad na katawan ng lalaki. Ilang beses na niyang nakitang hubad si George at halos nakahubad na nga sa harap niya ang mga lalaking modelo na ipini-feature nila sa kanilang mga magazine. Ipinilig niya ang kanyang ulo. Sinasadya siyang asarin ni Jared at ang nakakainis ay pinapatulan niya ang mga ginagawa nito.
Tinapos na niya ang pag-gawa ng juice. Eksaktong pagbalik niya sa kanyang silid ay nag-ring ang kanyang cell phone. Tiningnan muna niya kung sino ang caller bago iyon sinagot.
"Charity," aniya sa nasa kabilang linya.
"Hi, dear. Kumusta ka diyan? Are you having a good time?" tanong ng babae.
Napabuga siya ng hangin. "Sana nga!" sarkastikong sagot niya.
"Bakit na naman?"
"Ang pinsan mo, sinasagad yata talaga ang pasensiya ko!" naiinis na sumbong niya. Tumawa lang ito. "Ano'ng nakakatawa?"
"Ang tagal-tagal na kasi nating magkaibigan, pero ngayon ko lang nalaman na marunong ka rin palang mapikon."
Pinaikot niya ang kanyang mga mata. "Utang-na-loob, Charity, huwag mo nang dagdagan ang pang-iinis sa akin ng pinsan mo. Kung ayaw mong mag-alsa-balutan ako at bumalik diyan, tigilan mo 'ko!"
"Ano ka ba, Ara? Kumalma ka nga. Kapag sinabi kong magbakasyon ka diyan, diyan ka lang," maawtoridad na sabi nito. "Huwag mo na lang intindihin si Jared. Lalo ka lang niyang iinisin kapag nakita niyang napipikon ka niya."
Hindi siya nagsalita.
"Anyway, tumawag ako kasi may gusto akong ipagawa sa 'yo."
"Ano naman 'yon?"
"Kahapon kasi ay kasama ko ang mommy ni Jared. Nabanggit sa akin ni Tita 'yong tungkol sa big project nila na sisimulan next month. Isang malaking man-made paradise daw ang gagawin ng kompanya nila sa Cebu."
Kumunot ang noo niya. "What do you want me to do?"
"Well, sabi kasi ni Tita, si Jared mismo ang magha-handle ng project na 'yon," sabi nito na tila sinadyang dahan-dahanin ang pagsasalita.
Isang hinala ang nabuo sa isip niya. Oh no! naisaloob niya.
"Dahil nandiyan ka na rin naman, naisip kong ikaw na ang mag-gather ng info from Jared. Sabi kasi ni Tita, gusto niyang i-feature natin iyon sa magazine. And I've already said 'yes'.'"
She rolled her eyes in exasperation. "Charity! Nananadya ka ba?"
"Of course not. Naisip ko lang naman 'yon. At saka hindi naman kita pipilitin kung ayaw mo."
Hindi siya umimik.
"Pero siyempre, matutuwa ako kung papayag ka," dagdag nito nang hindi siya magsalita.
Napabuntong-hininga siya. "Hindi nga kami magkasundo ng pinsan mo, `di ba? 'Tapos sa akin mo pa talaga ipapagawa `yan!"
Si Charity naman ang hindi nagsalita.
Nagtitimpi ng panggigigil na nahilot niya ang kanang sentido. Ano ba namang sakit ng ulo ang ibinibigay sa kanya ng kaibigan niya? "Charity, please. Huwag mo naman gawin sa akin ito," pakiusap pa niya.
Hindi pa rin ito nagsalita.
"Fine!" nayayamot na sabi ni Arabella. "Susubukan kong habaan ang pasensiya ko sa pinsan mo para magawa ko ang gusto mo."
"Thank you! Be safe always, okay? I'll hang up na. Bye!"
Napailing siya nang wala na sa linya ang babae. Habang kumakain ay patuloy na nagkukukot ang kanyang kalooban. Buwisit talaga ang lalaking iyon! I'm supposed to be on vacation here!