NAPABILING si Arabella sa kabilang bahagi ng kama. Kanina pa siya nakahiga pero hindi siya makatulog. Sinulyapan niya ang wall clock at nakitang pasado alas-dose na ng hatinggabi. Marahas siyang napabuga ng hangin bago bumangon. Lumabas siya ng kanyang silid at nagtungo sa veranda. Marahan ang bawat kilos niya upang hindi maabala si Jared. Nayakap niya ang sarili nang umihip ang hangin at humaplos sa kanyang balat. Napatingin siya sa malawak na dagat na tinatanglawan ng bilog na bilog na buwan. Tanging tunog ng alon at mga huni ng kuliglig lang ang naririnig niya. Napakatahimik at payapa ng paligid. Kabaliktaran iyon ng kanyang isip, na hanggang ngayon ay naghahanap at naghihintay pa rin ng kasagutan mula kay George. “Mahigit isang buwan na, George. Nasaan ka na ba?” mahinang tanong niya

