UMUWI ako ng bahay na palaisipan ang malamig na pakikitungo ni Ram sa akin kanina. Para siyang ibang tao. Hindi ko maintindihan. Siguro galit siya sa akin dahil pa rin sa mga nasabi ko sa kanya kanina. Naiintindihan ko kung masama ang loob niya. Kailangan ko siyang makausap. Kaya naman pagdating ng gabi ay hinintay ko ang pag-uwi niya. Pero pinapak na lang ako ng mga lamok sa kahihintay ay walang Ram na dumating. Hanggang sa hindi ko na kinaya ang antok at sumusuko na akong nagtungo sa kwarto upang magpahinga at matulog. Bukas ko na lamang siya siguro kauusapin. Kinabukasan, pagmulat ay ang lalaki agad laman ng isip ko. Hinanap kaagad siya ng diwa ko. Taranta akong lumabas ng kwarto pero tulad ulit kagabi, walang Ram na maaga pa lang ay nag-eehersisyo at gumagawa na ng gawaing bahay.

