– IKALAWANG KABANATA –

1519 Words
DISTORTED Sinulat ni Draven Black TAKBUHAN ang mga bata pagkakita kay Roselia. Pasuray-suray itong naglalakad sa daan at bahagyang nakatirik ang mga mata. Para itong bangkay na bumangon sa hukay dahil sa labis na kadungisan. Dagdag pa ang punit-punit nitong damit na tila ilang taon nang hindi napapalitan. “Balik n’yo puso ko… Kailangan ko puso ko…” paulit-ulit niyang sambit sa malamig na tinig. Kinakapa pa niya ang dibdib na waring hinahanap ang puso. Labis na kinatakutan si Roselia. Tingin nga sa kanya ay malala na ang sakit sa utak. Palagi niyang hinahanap ang sariling puso, hindi puso ng damdamin, kundi ang mismong puso na tumitibok. Naniniwala ang babae na dinukot ang kanyang puso at ang katawan niya ay isang bangkay na lamang. Kailangan daw niyang mahanap ang nawawalang puso para muli siyang mabuhay. “Baliw na talaga ang babaeng ‘yan!” sabi ng ale na bumibili sa isang tindahan. “Ano ka ba naman! Huwag mo nang laitin ‘yong tao. Hindi ka naman niya ginugulo,” sagot naman ng tindera. Naging interesado ang journalist na si Russel kay Roselia. Naghahanap pa naman siya ng kakaibang kuwento na puwedeng ipasok sa kanilang magazine. Nagtanong-tanong siya sa mga tambay. Napag-alaman niya, sawi pala sa pag-ibig si Roselia. Iniwan ito ng sariling asawa mula nang mamatay ang kanilang anak sa pneumonia. Nanalo rin daw sa lotto ang babae, ngunit dahil lumaki itong mangmang at walang pinag-aralan, nakuha ng mga kamag-anak nito ang premyong napalanunan. Nawalan na nga ito ng karapatan sa sariling yaman, pinalayas pa ito sa sariling tahanan. Kaya heto si Roselia, pagala-gala na lang sa lansangan. “…pero nakikita namin siyang tumutuloy sa abandonadong bahay malapit doon sa sementeryo. Sa tingin ko, iyon ang tirahan niya ngayon,” pahayag ng matandang lalaking nakausap niya. Pinuntahan ni Russel ang nasabing bahay at kinuhanan ng litrato. Kahit sino ang tumira sa abandonadong tirahan ay talagang tatamaan ng depresyon. Bukod sa nakakatuyo ng utak ang katahimikan, ang tanging kapitbahay ni Roselia ay mga nitso. Paalis na si Russel sa lugar nang masalubong niya si Roselia na pauwi sa tahanan nito. Bahagya siyang nagulat sa mala-bangkay na hitsura ng babae. Sobrang payat. Parang kalansay na naglalakad. “Ang puso ko… Tulong mo ako hanap puso ko… Gusto ko buhay muli… Kailangan ko puso koooo!” Napatakbo si Russel sa takot. Kung magsalita kasi ito, para talagang patay na umahon sa lupa. Ayon naman sa ibang napagtanungan niya, sinapian na raw ng mga kaluluwa si Roselia kaya ganoon na lang kung kumilos ito. “Sa tagal ba naman kasi niyang tumira doon, malamang pinaglalaruan na siya ng mga multo ngayon!” Isang araw, bigla na lang hindi nagpakita si Roselia sa kalsada. Ni anino nito sa sariling bahay ay hindi na mahagilap. Saan kaya napunta ang babae? Pansamantalang nahinto si Russel sa pananaliksik kay Roselia dahil wala na siyang nasasagap na balita rito. Samantala, isang ina ang nag-utos sa kanyang anak na bumili ng suka at toyo sa tindahan. Malayo ang tindahan sa kanilang lugar at kailangang lampasan ang sementeryo. Tahimik lang sa paglalakad ang batang lalaki nang mapasulyap sa bahay na katabi ng sementeryo. Ganoon na lang ang pagkagulat niya nang masilayan ang babaeng nakasilip sa sirang bintana. Natatakpan ng buhok ang kalahating mukha at bahagyang nakalitaw ang nanlalaking mata. Nagtatakbo sa takot ang bata. Hindi nito napansin agad ang dumadaang motor. Gumulong-gulong ito sa daan at nagtamo ng mga galos sa katawan. Halos hindi makausap ang bata nang iuwi sa bahay. Palagi lang nitong sinasambit ang nakitang nakakatakot na babae. “Baka si Roselia ang nakita niya!” bulungan ng mga usyoso. Nang sumunod na araw ay nasundan ang kakatwang pangyayari. Napadaan sa sementeryo ang mag-asawa nang mahagip ng kanilang mga mata ang katabing abandonadong bahay. Isang babaeng tabingi ang ulo at tirik ang mga mata ang nakasilip sa bintana. “Diyos ko pooo! Multooo!” Inatake sa puso ang babae. Mabuti na lang at naisalba ito sa ospital. Marami pa ang nagsabing naaksidente at minalas daw sila matapos magpakita ang nakasilip na babae. Dahil doon, naghinala ang mga tao na si Roselia ang nagdudulot ng iba’t ibang kamalasan sa kanilang lugar. Sa kanya ibinato ang sisi. “Patay na nga talaga si Roselia! At siya ngayon ang nagmumulto sa sementeryo!” Maging si Russel ay hindi makapaniwala sa bagong tsismis na narinig. Kaya pala hindi na nakikita ang babae ay dahil namatay na ito sa sariling tahanan. Mula noon, iniwasan ng mga tao na lumingon o mapalapit man lang sa bahay ni Roselia. Nagsasabog daw ito ng malas dahil hindi matanggap ang masaklap na pagkamatay. May naidagdag na naman si Russel sa sinusulat niya. Humahaba na ang documentary na ginagawa niya tungkol sa buhay ni Roselia. Para na nga siyang gumagawa ng biography sa haba ng naisulat niya. Sa kasalukuyan ng pagsusulat ay nahinto si Russel at napaisip. Bakit kaya iniisip ni Roselia na dinukutan ito ng puso? Bakit ito lumalakad na parang zombie? Noon lang siya nakakita ng ganoong kaso. Labis siyang nahiwagaan sa babae. Higit itong naiiba kumpara sa ibang biktima ng depresyon. Dulot ng kuryosidad ay napilitan siyang manaliksik tungkol sa iba’t ibang uri ng depression. Hanggang sa makita niya ang tungkol sa Walking Corpse Syndrome. Ang nangyari kay Roselia, isa nga bang uri ng WCS o Walking Corpse Syndrome? Walking Corpse Syndrome, also known as Cotard's delusion, is a rare mental disorder in which the affected person holds the delusional belief that they are already dead, do not exist, are putrefying, or have lost their blood or internal organs. Napaisip si Russel. Mukhang ito nga ang sakit na dumapo sa babae. Naghanap pa siya ng artikulo tungkol sa Walking Corpse Syndrome, at ito ang natuklasan niya: Isang Scottish man ang nagkaroon ng head trauma matapos ang motorcycle accident noong 1996. Nang maka-recover ay palagi na nitong sinasabi na patay na raw ito at nasusunog sa impiyerno. May isang bata rin ang naitala noong 2005. Lahat daw ng nakikita nito sa paligid ay patay na. Mga gusali, puno, kalikasan. Naniniwala rin ito na isa na lang ding bangkay ang sariling katawan at wala nang silbi. Isang 27 taong gulang na lalaki rin ang nagsabing nawawala raw ang tiyan nito at hindi nito magawang kumain. Saan nga ba nakukuha ang Walking Corpse Syndrome? Nabasa ni Russel ang iba’t ibang health conditions na maaaring pagmulan ng WCS, kabilang na ang bipolar disorder, catatonia, psychotic depression, postpartum depression, brain injuries, epilepsy, dementia, at schizophrenia. Wala pa raw natatagpuang cure para sa disorder na ito. Ang mga pasyenteng meron nito ay isinasalang lamang sa pamamagitan ng drugs at electroconvulsive treatments. Kapag lumala na raw ang Walking Corpse Syndrome, mawawalan ng kakayahan ang tao na makakita ng mga mukha. Walking Corpse Syndrome will start sending false signals to the brain, and those who are affected of this disorder will start losing the ability to recognize faces. Kapag umabot na sa final stage ay nananatili na lamang sa bahay ang may mga ganitong karamdaman at hindi na lumalabas. Dahil para sa kanila, lahat ng bagay sa mundo ay patay na kabilang ang mga sarili nila. Iba na ang takbo ng realidad sa utak nila. They are living in a world where everything is distorted. Maliwanag na ang lahat kay Russel. Posibleng hindi pa patay si Roselia. Maaaring nagkulong lamang ito sa loob ng bahay dahil lumala na ang sakit. Marahil ay iniisip talaga nitong patay na ito at hindi nag-e-exist. Ang nakikita ng mga tao na sumisilip sa bintana ay ang mismong babae na malala na ang kalagayan. Hindi ito multo. Hindi isinumpa. Mali ang iniisip ng mga tao. Nahinto siya sa ginagawa nang marinig ang mga taong tumatakbo sa labas. Pagsilip niya, may dala-dalang gas ang mga ito at nagsisigawan. Ayon sa mga narinig niya, susunugin daw ng mga ito ang bahay ni Roselia para mahinto na ang kamalasang idinudulot ng kaluluwa nito. “Lintik na!” Tarantang lumabas si Russel at sumunod sa mga tao. Hindi niya alam kung paano sasabihin sa mga ito na hindi pa patay ang inaakala nilang patay na. Galit na galit ang mga tao. Wala silang pinalampas na oras at sinunog nga nila ang bahay ni Roselia. Maya-maya’y nagulat ang lahat sa narinig na sigaw. Mula sa bintana ay nakita nila ang biglang pagtayo ng babae habang nagsusumigaw sa galit ang nag-aapoy nitong katawan. Si Roselia, buhay pa pala! Halos panlakihan ng mga mata si Russel habang nasasaksihan kung paano masunog nang buhay ang babae kasama ang bahay nito. Kung kailan nangyari na ang insidente ay saka pa nagsisihan ang mga tao. “Ikaw kasi kung anu-anong sumpa ang pinagsasabi mo d’yan!” “Hindi ako! Siya! Siya ang nagsabi na patay na raw si Roselia!” Mas naaawa si Russel sa mga tao kaysa kay Roselia. Parang mas baliw kasi ang mga ito kumpara sa babae. Kung anu-anong kababalaghan ang pinaniniwalaan kaya heto at nakapaminsala pa ng buhay. NANG matapos ang trabaho ni Russel, nagbalik na siya sa Maynila para isumite ang ginawang documentary. Wala na siyang balita sa naturang lugar, pero araw-araw niyang ipinagdadasal ang kaluluwa ni Roselia. Wakas. (One Shot Story)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD