CHAPTER 5: PAGHIHIGANTI
Zeph's POV
Dahil sa pangingialam ni Zild, naabala pa tuloy ako ng ilang araw para hanapin si Katrina. Isa sa rason kung bakit ko siya pinatuloy sa amin ay para itanong pa ang ilang importanteng bagay na magagamit ko para sa mga plano ko.
Mabuti na lang may mga koneksyon ako kahit papaano Sa tulong ng ilang miyembro ng Poison Blade, nakita nila kung saan nagtatago ngayon ang babaeng 'yon.
At hindi na nga 'ko nagpatumpik-tumpik pa, pagkatapos i-report sa akin ng mga tauhan ko ang lokasyon niya ay agad ko siyang pinuntahan. Mahirap na dahil baka makaramdam pa siyang alam ko na kung nasaan siya tapos makatakas pa ulit.
"Ang tagal kitang hinanap, saan ka nagpunta?" Bungad kong tanong kay Katrina nang buksan niya ang pinto.
Agad na nabalot ng gulat ang buong sistema niya nang makita niyang ako ang bisita niya ngayon.
"Anong sinabi sa 'yo ni Berde? Bakit ka umalis sa bahay nang walang paalam?" Muli kong tanong at saka nangahas nang pumasok sa kanyang apartment na tinutuluyan.
Prente akong naupo sa couch niya at seryoso siyang tinitigan. Naghintay ako ng naging sagot niya sa akin.
Dali-dali niyang isinara ang pinto saka naupo sa tapat ko bago sumagot. "Zephaniah, hindi ka na dapat nagpunta rito. Alam mo naman ang banta sa buhay ko, 'diba? Baka idamay ka ulit nila," aniya.
Ngumisi ako sa kanya. "Mas maganda kung ganoon nga ang mangyari...mas maaga ang magiging pagkikita namin ng mga demonyong iyon."
Pansin ko ang pag-aalala sa boses niya nang muli siyang magsalita, "Tama ang mga kaibigan mo, hindi mo sila dapat banggain. Zephaniah, hindi mo sila kaya! Tuldok ka lang kumpara sa kanila."
Napangiwi ako dahil sa sermon niyang iyon. Nakaramdam ako na parang gusto kong patayin si Zild dahil tiyak kong may sinabi siyang kung anu-ano kay Katrina.
"Hindi ako nagpunta rito para pakinggan ang mga drama mo. Nandito ko para maningil." Tumingin ako ng diretso sa kanya.
Kumunot ang noo niya. "Maningil? Anong ibig mong sabihin?"
Napailing na lang ako. "Ang tao talaga kapag usapang utang, nakakalimot. Pero sige, ipapaalala ko sa 'yo lahat...ako ang nagdala sa 'yo sa ospital, ako rin ang nagbayad ng bills mo, at hindi lang iyon...tumuloy ka pa sa bahay ko ng ilang araw. Malinaw na dahil sa akin kaya malakas ka na ulit ngayon. Kaya hindi lang sa salamat nagtatapos ang lahat Katrina...may kabayaran ang lahat."
Nakita ko ang paglunok niya saka ako sinagot ng seryoso, "Kung 'yun lang ang kailangan mo, babayaran kita kahit magkano pa."
Muling gumuhit ang ngisi sa labi ko. "Hindi pera ang kailangan ko, marami ako niyan. Ibang bayad ang gusto ko mula sa 'yo."
Muli na namang kumunot ang noo niya. "Ano ba talagang kailangan mo?"
"Impormasyon. Gusto kong sabihin mo sa akin lahat ng nalalaman mo tungkol sa Pistol's Tribe."
Naging matalim ang tingin sa akin ni Katrina. "Paano kung ayoko?"
Hindi nawawala ang ngisi sa labi ko. "Ayos kung gan'on, madadagdag ka sa listahan ng mga pinatay ko." Nilabas ko ang dagger ko. "Kilala mo na 'ko, 'diba? Kasing demonyo nila 'ko," sabi ko pa.
Napaiwas siya ng tingin sa akin at tila biglang hindi mapakali sa kanyang kinauupuan. Alam niya ang lason sa talim nito, alam niya rin na ako ang leader ng gang namin, at alam niyang hindi niya ako kayang labanan. Ramdam ko 'yun, hindi ako puwedeng magkamali.
"Bakit mo ba ito ginagawa?! Bakit ba ganyan ka ka-desperada na patayin sila? Ano bang kasalanan ng Pistol's Tribe sa 'yo?"
"Sundin mo na lang ang gusto ko, para hindi ka na masaktan."
Kagat niya ang kanyang labi at nangingilid na ang luha sa mga mata niya. Hindi ko ito gustong gawin, pero ito lang ang alam kong paraan para masindak siya at mapilitang sabihin sa akin lahat ng alam niya.
Nagsimula siyang magsalita ng mga bagay tungkol sa kailangan ko na hindi niya pa nasasabi noon.
Pagkatapos ng ilang oras na pag-uusap, umalis ako sa apartment niya na nag-iwan ng banta: "Kapag natuklasan kong niloloko mo 'ko, babalikan kita. 'Wag mo na rin subukang tumakas dahil kahit saan ka magpunta, mahahanap at mahahanap kita."
***
Alas-tres na ng madaling araw nang makauwi ako sa bahay. Hindi na 'ko nag-abalang kumatok sa pinto, dumiretso na 'ko ng akyat sa bintana ng kwarto ko. Sinadya ko kasing hindi i-lock 'yon para sa mga ganitong pagkakataon.
Nang makapasok ako ay hindi na 'ko nag-aksaya ng oras, lumapit ako sa closet ko at agad na nag-impake ng mga gamit at damit na kailangan ko.
Aminado akong wala pa talaga akong malinaw na plano kung paano ako makakaganti sa Pistol's Tribe, ang tanging mayroon lang ako ngayon ay impormasyong galing kay Katrina. Gusto ko lang talaga munang lumayo para makapag-isip at para mailayo na rin sa gulo ang mga kaibigan ko. Kilala na 'ko ng Pistol's Tribe dahil sa pagtulong ko kay Katrina, pero tingin ko naman sa ganoon kaliit na bagay...hindi na nila aabalahin pa ang sarili nilang alamin kung sino talaga ako at kung sino ang mga tao sa paligid ko, kaya habang wala pa 'kong nagagawang hakbang laban sa kanila...lalayo na ako.
Matapos kong maiayos ang gamit ko, dahan-dahan akong naglakad palabas ng kwarto ko at tinungo ang kwarto ni Tyron. Gusto kong silipin manlang siya bago ako umalis. Hindi ko alam kung gaano katagal bago ako makakabalik o kung makakabalik pa 'ko, kaya gusto ko lang na makita siya sa huling pagkakataon.
Bukod kay ate Tiffany at Xenon, si Tyron na lang ang mayroon ako...siya na lang ang natitira kong pamilya. Kaya kung meron man akong dapat protektahan at ilayo sa kaaway, siya 'yon.
Napangiti na lang ako nang abutan ko siyang mahimbing nang natutulog. Dahan-dahan kong hinalikan ang noo niya. "Mahal na mahal kita, Tyron. Mag-iingat ka palagi," bulong ko.
Gusto ko rin sanang bisitahin si Roxanne at ang iba pa, pero baka mahirapan lang ako makaalis kapag ginawa ko 'yun. Mas mabuti na umalis ako nang walang pasabi.
***
Kasama sa mga sinabi sa akin ni Katrina ang lugar kung nasaan ang base ng Pistol's Tribe. Hindi naman ako nahirapan na tuntunin iyon, katunayan nga ay mas madali pa ang naging byahe ko dahil madaling araw pa lang, kaunti pa lang ang sasakyan sa kalsada.
Bago ko puntahan ang mismong base nila, mas pinili ko munang mag-check-in sa isang hotel na halos kalapit lang ng mismong lugar ng kalaban. Kailangan ko munang huminga at mag-isip ng paulit-ulit.
Napabuntong hininga na lang ako nang makaupo na ako sa kama. Wala nang atrasan ito, Zephaniah. Narito ka na, ilang metro na lang ang layo mo sa kaaway mo. Kaunting panahon na lang at maisasakatuparan mo na ang kagustuhan mo.
Inabot na 'ko ng umaga pero hindi ako nakatulog, walang ibang laman ang utak ko kundi ang makita ng malapitan ang kuta ng kaaway ko at wasakin iyon gamit lang ang sariling kong lakas.
Hanggang sa napagdesisyunan ko na lang na mag-jogging, gagawin ko ito para makalapit doon. Ang kuta nila ay hindi kagaya ng aakalain mong nasa pelikula na abandonadong gusali, dahil ang kuta nila ay isang napakalaki at napakagandang mansyon.
Nang makalapit ako sa gate ng mansyon, nagkunyari akong inaayos ang sintas ng rubber shoes ko. Ipinatong ko ito sa gutter sa mismong tapat ng mansyon. Habang ginagawa ko ito ay pa-simple akong nagmamasid sa paligid.
Napakahirap pigilan ng sarili kong lumusob sa loob. Nakakainis, gustong-gusto ko na silang patayin lahat pero hindi ko pa sila kaya ngayon. Gusto ko ring saktan ang sarili ko dahil ang bagal ko kumilos at mag-isip.
May dalawang guard na nakaposte sa harap ng malaking gate, simpleng rehas lang ang gate nila pero napakaganda ng paligid ng mansyon sa malapitan. Kung isasantabi mong mga demonyo ang nakatira rito, para itong isang paraiso sa sobrang ganda.
Bukod sa dalawang guard, wala na 'kong ibang nakikitang tao. Maingat talaga sila, perkpektong mansyon talaga ang itsura ng lugar na 'yon.
Dahil napapansin kong tumitingin na sa akin ang isa sa mga guard, napagpasyahan ko nang umalis at magpatuloy sa pag-jogging. Mahirap na, baka makahalata pa sila.
Hindi doon nagtatapos ang pagmamasid ko sa kanila. Inaraw-araw ko ang pagdaan sa mansyon upang mag-jogging. Gusto kong maipakitang residente ako sa lugar na ito para makapante sila at hindi nila ako pagdudahan na may gagawing masama.
Isang araw, nang muli akong dumaan sa gate ay may pumasok na kotse sa mansyon. Sa buong pagmamasid ko, ngayon lang ito nangyari.
Napangiti ako, palagay ko ito na ang pagkakataong hinihintay ko.
***
May kalaliman na ang gabi, itim ang lahat ng damit ko at nagsuot din ako ng itim na cap at jacket na may hoodie. Dala ang aking dagger at ilang gamit na maari kong mapakinabangan, muli kong tinungo ang mansyon.
Tama ang isa sa impormasyong sinabi ni Katrina. Ilang araw na nawawalan ng tao ang mansyon at tanging guard lang ang naiiwan rito. Makalipas ang ilang araw na iyon ay babalik ang founder na parang isang negosyante na busy lang sa kanyang mga negosyo sa ibang lugar.
Sa pagkagat naman ng dilim, darating ang iba pang miyembro at pag-uusapan nila ang mga naging update sa kanilang mga ilegal na negosyo, maging ang mga iba pang pinagawa sa kanila at kung ano pa ang susunod na iuutos sa mga ito. Sa pagtitipon ding iyon nagaganap ang pagha-hati ng perang kanilang kinita sa maling gawain.
Pagkatapos ng meeting nilang iyon, aalis sila dala ang bagong utos mula sa kanilang founder. Maiiwan naman ang founder sa mansyon na iyon.
At ito ang pinakahihintay ko, ang magkaroon ng pagkakataon na masolo ang taong iyon at mapatay siya sa sarili kong mga kamay.
Pagdating ko sa mansyon ay nagtago ako sa poste ng kuryente na katapat nito. Sakto lang ang dating ko dahil nag-aalisan palang ang mga miyembro ng gang.
Mula sa pwesto ko, tiniktikan ko ang kuta ng aking kaaway. Napangiwi ako nang makita ko ang dami ng miyembrong nakakalat sa paligid at hawak ang kani-kanilang baril.
Kumabog ang dibdib ko, street fighter pa rin ba sila? Bakit ganito? Bakit parang masyado na silang demonyo kumpara sa amin? Bakit pakiramdam ko, triple ang lakas ng bawat isa sa kanila kumpara sa akin?
Kaya ko ba talaga silang labanan?
Napailing ako, siguro nga hindi na sila street fighter. Baka nga sindikato sila at malayo na sa mga nakakaaway kong ibang gang. Pero hindi ako dapat matakot, hindi ako dapat magpadaig sa kabog ng dibdib ko.
Lumunok ako upang pakalmahin ang sarili ko, pinikit ko ang mata ko at napagdesisyunang iatras ang plano kong sugurin ang founder nila. Tiyak kong mamamatay muna ko bago ko makapasok sa loob niyan dahil sa dami ng bantay na may dalang mga baril.
Pero anong gagawin ko? Papanoorin na lang sila? Ito na ba ang pinagmamalaki ko sa harap ni Claude?
Naduduwag ka na ba, Zephaniah? Umaatras ka na ba agad? Babalik ka na ba sa mga kaibigan mo at kakainin mo ang mga sinabi mo?
Naikuyom ko ang kamao ko, hindi ako duwag. Hindi ako aatras. Itutuloy ko ang labang ito.
Sinuot ko ang face mask ko at hoodie ng suot kong jacket, saka pumara ng taxi. Alam kong masama itong gagawin ko dahil mandadamay ako ng inosente, pero wala akong choice... kailangan ko ng masasakyan. Sumakay ako sa back seat at tinutukan ng dagger sa leeg ang driver.
"Bumaba ka ng tahimik, akin na itong sasakyan mo. Dalhin mo lahat ng importanteng gamit dito sa taxi mo at umalis ka na. Huwag kang mag-alala, babayaran ko naman, eh."
Nangangatog si Manong habang sinusunod ang pinag-uutos ko—hindi na nga niya nagawang magsalita pa. Bago siya tuluyang lumabas ng kotse ay inabot ko sa kanya ang tseke na nagkakahalaga ng isang milyon. Wala sa akin ang halaga ng pera, marami ako niyan.
Nakakainis lang kasi hindi ko naisip bumili ng sarili kong kotse, namerwisyo pa 'ko ng inosenteng tao.
Agad kong pinaandar ang taxi, kalmado lang akong nagmaneho at medyo mabagal para maunahan ako ng isa pang kotse na umalis sa mansyon.
Nang malagpasan na niya ko, hindi ko na inalis ang tingin sa plate number ng kotse na 'yon para matandaan ko. Hindi ako puwedeng basta na lang bumuntot ng malapitan dahil mahahalata ako. Kailangan kong dumistansya sa kanya.
Alam ko ang iba pang lugar at address na kanilang pinupuntahan dahil sinabi sa akin lahat 'yon ni Katrina, pero hindi ako nakakasigurado kung tama ang mga ibinigay niya kaya mas mainam kung susundan ko sila mismo. At isa pa, hindi ko rin naman alam puntahan lahat ng address na binigay niya.
Nakarating kami sa isang factory. Sinabi sa akin ni Katrina ang tungkol sa factory na ito pero hindi ganoon ka-detalyado. Bukod sa impormasyon ni Katrina, halata namang factory talaga siya dahil nang umangat ang malaking gate nito, natanaw ko ang mga makina mula sa loob.
Nilagpasan ko ang lugar na pinasukan ng kotse. Pumarada ako sa pwestong medyo malayo roon na tago. Naglakad ako pabalik sa factory.
Ang swerte ko pa rin dahil hindi pa nila isinasarado, malaya pa akong nakapasok sa loob dahil wala ring tao sa paligid. Nang makapasok ako, bumungad sa akin ang malalaking makina at ilang mga magkakapatong na sako at halatang may laman.
Nilapitan ko ang mga sako, napag-alaman kong pagawaan ng asukal ang lugar na ito dahil nakasulat sa sako kung ano ang laman nito.
Pero iba ang nakapa ko nang hawakan ko ang sako, parang hindi asukal ang laman kasi parang may plastic pa sa loob. Kaya naisipan kong hiwain ito gamit ang dagger ko.
Nanlaki ang mata ko nang makita ko ang laman ng sako, para siyang asukal na naka-sachect pero malayo sa asukal ang itsura nila. Inamoy ko ang laman at tama ang hinala ko, hindi siya matamis.
Drugs.
Hindi pa 'ko nakakakita o nakakatikim ng drugs, pero alam kong hindi asukal ang hawak ko ngayon.
Kung ganoon, dito nila itinatago ang mga drugs na ibinebenta nila. Sino nga bang mag-aakala na sa isang pagawaan pala ng asukal ay may nakatagong drugs?
Nakarinig ako ng ilang yabag ng paa kaya dali-dali akong nagtago sa kabilang tumpok ng sako.
"Ilang sako ba ang kukunin?" dinig kong tanong ng isang lalaki.
Sumilip ako ng kaunti at nakita ko ang dalawang lalaki na nasa harap ng tumpok ng sako na nilapitan ko kanina.
Hindi sinagot ng isang lalaki ang tanong ng kanyang kasama. Kinabahan ako nang mapansin niya ang hiwa na ginawa ko sa isa sa mga sakong 'yon.
Patay na.