CHAPTER 13: SUICIDE ATTEMPT
Roxanne's POV
Nakakatuwa pagmasdan ang mga miyembro ng Dark Spade at Poison Blade na nag-uusap na ngayon. Kung tititigan mo sila ng matagal, para silang hindi mga mamamatay tao. Para lang silang magkakaklase na nagkakatuwaan sa isang bagay at walang kahit anong masamang gawain. Tunay nga na payapa na ang lahat sa pagitan ng dalawang gang na ito at tuluyan ng nabuo ang totoong alyansa.
Nasa classroom lang kami at naghihintay sa pagdating ng susunod naming Subject Teacher. Ang sarap sa pakiramdam na may araw kaming ganito...tila isang normal na araw para sa isang normal na estudyante.
Ilang araw ang nakalipas at naging payapa ang buhay namin sa loob at labas ng school.
Bukod sa nagkaroon kami ng normal na araw, nagkaroon din kami ng maayos na samahan. May naidulot ding mabuti ang pagpapapansin sa amin ng mga nagkukunyaring matapang na aso na 'yun, lalong naging maganda ang takbo ng pangyayari rito sa loob ng MCU.
Pagkatapos ng klase ay agad akong niyaya ni Ranz na pumunta sa canteen, napangiti ako ng palihim nang makita ko na pati rito...may mga miyembro ng gang namin at ng ka-alyansang gang na magkakasama sa iisang lamesa.
Naalala ko tuloy bigla ang grupong 'yon...
Mula kasi nang mangyari ang paghaharap nina Xander at Ranz, hindi na muli nagparamdam ang Street Ninja. Gusto ko nang magsaya kasi nagtagumpay si Ranz na sindakin si Xander. Ang tanging hiling ko na lang ay sana...manahimik na talaga siya para maiwasan ang gulo.
Hanggat maari, ayoko na sanang lumaki pa ang problema namin sa gang na iyon...ayokong maabutan ni Zeph na may ganitong nangyari sa MCU and worst malaman niya na may nagtatangka pa na sumagasa sa Poison Blade. Naku, tiyak na kahit pa tapos na 'yung issue...babalikan niya ang mga 'yun.
Inaya akong maupo ni Ranz sa isang mesa na walang nakaupo. Hinintay ko siya r'on dahil nagprisinta siya na bibili siya ng pagkain naming dalawa. Iginala ko ang tingin ko sa paligid para pagmasdan ang mga kasamahan ko sa gang na nag-e-enjoy kasama ang mga bago nilang kaibigan.
Pero habang tinitingnan ko sila...bigla kong nakaramdam ng pangungulila. Inalis ko na ang tingin sa kanila dahil habang tumatagal na nakikita ko sila, lalo akong nakakaramdam ng lungkot. Nakikita ko kasi ang bonding namin ng best friend ko, 'yung masayang kulitan namin kapag mga ganitong pagkakataon.
Kumusta na kaya si Zeph? Nasa mabuti kaya siyang kalagayan ngayon?
"Minsan talaga...nakakaselos na si Zeph. Siya na lang lagi ang laman ng isip mo."
Nabaling ang tingin ko sa boyfriend ko, nahuli na naman niya akong malungkot kaya binabati na naman niya iyon. Hindi ko napansin na dumating na pala siya dala ang pagkain namin.
Ngumiti ako bago sumagot, "Hal, hindi na kita dapat isipin kasi katabi na kita, saka palagi naman tayo magkasama, eh," palusot ko.
Muli na namang natunaw ang puso ko nang ipakita na naman niya sa akin ang ngiti niya na sinabayan pa ng pagpungay niya ng mata. "Ayos lang, Hal. Alam ko naman na kahit hindi ko makuha ang isip mo, sa akin na ang puso mo."
At nauwi na naman sa lambingan ang lahat. Patnubay at gabay ng magulang ang kailangan.
"Puwede ba?! Kung maglalandian kayo, huwag naman sa lugar na madaming nakakakita? Kairita, eh." Bati sa amin ni Mace pag-upo niya sa kabilang upuan sa harapan namin ni Ranz.
"Sino ba may sabi sa 'yo na sumabay ka sa amin sa pagkain? Ang luwang ng canteen at madaming bakanteng upuan, bakit dito ka makikiupo? Istorbo," Reklamo ng boyfriend ko. Lumayo na rin siya sa akin at umayos ng upo, siguro ay nailang din sa pagdating ni Mace. Ang cute niya talaga!
"Just give others respect. Hindi lahat, may jowa."
"Kagaya mo? Arte mo kasi, nandiyan naman si Kris...ayaw mo pansinin."
"Shut up, idiot! I don't need your lame suggestion!"
Natawa na lang ako sa usapan nilang dalawa. Oo nga pala, may gusto si kuya sa kanya. Ang bagal naman kasi niya kumilos, baka mamaya ay maunahan pa siya ng iba.
"Ano ba kailangan mo?" pag-iiba ni Ranz sa usapan.
"Well, gusto ko lang naman kayong kumustahin about sa galaw ng weak Founder ng gang na gumugulo sa inyo. How is he? Pinepeste pa rin ba kayo?"
Sumali na ako sa usapan nilang dalawa nang mapansin ko na nagsimula nang kumain si Ranz. "Sa ngayon, tahimik siya. At sana lang ay tuluyan na siyang manahimik. Huwag na sana siyang gumawa ng panibagong problema dahil mahirap kumilos na wala si Zeph," sagot ko.
"Oh, and what about her? Wala ka ba balita? Hinanap ba siya ng mag-isa ni Tyron?" usisa ni Mace.
Napayuko ako, naalala ko ang hitsura niya nang iwan namin siya sa bahay ni Katrina. "Wala akong balita."
Aminin ko, hanggang ngayon ay naiinis pa rin ako kay Tyron kasi kasalanan niya kung bakit nangyayari ang lahat ng ito...mula sa pag-alis ni Zeph, sa pagkapahiya ng Poison Blade, at sa panggugulo ng Street Ninja.
Pero sa kabila ng lahat ng iyon, gusto ko pa rin siyang puntahan at kumustahin. Kaibigan na rin ang turing ko sa kanya kahit puro sakit at problema lang ang binigay niya sa aming lahat.
"Siguro stress ka na ngayon, hindi mo alam kung ano uunahin mo...hanapin ba si Zeph or ayusin 'yung problema about epal na Street Ninja na 'yun. Baka need mo help, I'm here to help naman, eh."
Muli akong tumingin kay Mace at ngumiti. Palagay ko ay nagbago na siya, medyo maarte at maldita pa rin siya pero at least...siya na ang lumalapit sa amin ngayon. Gumaan din ang loob ko dahil sa sinabi niya.
"May tiwala naman ako kay Zeph, alam ko babalik siya kagaya ng dati at hindi niya 'ko pag-aalalahanin ng husto. Sa ngayon, mas dapat natin bigyan ng pansin ang Street Ninja."
Sa tuwing naiisip ko si Zeph, nakakaramdam talaga ko ng guilt. Napaka walang kwenta ko kasing best friend, pinabayaan ko ang kaibigan ko na suungin ang panganib ng mag-isa. At heto ako...sa halip na sundan at iligtas siya, nandito lang ako nakatunganga at naghihintay sa pagbabalik niya.
Alam kong ginagawa niya ito para rin sa sarili niya...pero dapat nandoon ako kasama niya, dapat ako ang karamay niya!
Pero sa kabilang banda, wala rin naman akong magagawa, eh. Kagaya ng sinabi ni Katrina, mga bata lang kami kumpara sa gang na iyon. Kahit pa lumusob kaming lahat doon, wala pa rin kaming laban sa baril.
Walang taong nasa matinong pag-iisip ang hahayaan ang taong mahalaga sa kanya na mapalapit sa kamatayan...dapat ay sundan namin siya at tulungan. Pero kapag ginawa ko 'yun...masisira naman ang gang na pinaghirapan niyang ayusin muli.
Importante ang buhay ni Zeph, pero importante rin ang Poison Blade. Alam kong kahibangan ang sabihin na may tiwala akong babalik siya sa akin ng buhay, pero iyon na lang ang tanging pinanghahawakan ko ngayon.
Wala akong magagawa para iligtas o tulungan siya sa laban niya, hindi ko siya kayang suportahan doon...kaya babawi ako sa ibang paraan, aalagaan ko ang mga naiwan niya rito. Para pagbalik niya, makikita ko na ang masayang Zephaniah.
Natahimik na kaming tatlo. Itinuloy na namin ang pagkain at bumalik sa classroom para umattend ng susunod na klase.
Wala nang masyado pang nangyari, sa klase na kami nagbigay ng atensyon. Sandali ko munang binaling dito ang isip ko at ayoko muna mag-isip ng kahit anong problema, lalo lang ako nagi-guilty sa tuwing naiisip ko si Zeph. Kaya ngayon, gusto ko lang muna maranasan kahit sandali ang maging isang normal na estudyante.
Ilang oras ang nakalipas ay natapos ng matiwasay ang klase, napainat ako pag-alis ng prof. Hapon na at wala na kaming susunod na klase. Grabe, mas masakit pa sa ulo 'yung lesson kaysa sa sarili kong problema.
Tumunog ang cellphone ko na nangangahulugang may nag-chat sa akin.
"Hal, saan mo gusto tumambay?"
Hindi ko na nasagot si Ranz dahil sa nabasa kong chat ni Rizza.
"Hal, may problema ba?"
Tumingin ako sa kanya. "Hal, si Tyron...nasa ospital siya ngayon."
Bahagya pa siyang napangisi bago ako sinagot, "Wala namang bago doon, natural na sa mga gaya natin ang maging laman ng ospital."
"Ranz, hindi! Si Tyron, nagtangka siyang magkapamatay!"
***
"Depress daw si Tyron."
Nandito kami sa kwarto ni Tyron sa ospital, magkatabi kami ni Rizza habang nakatitig ako sa pulso ni Tyron na hanggang ngayon ay hindi ko mapaniwalaan na nilaslas niya ito.
Hindi na nagtagal sa loob ng kwarto si Ranz, paghatid sa akin ay nagpaalam siyang hihintayin na lang niya 'ko sa labas.
"Hindi na niya kinaya ang kalokohan niya, siguro gabi-gabi na siya binubulabog ng konsensya niya kaya nagtangka na siyang magpakamatay para matahimik. Siraulo talaga, sa bahay ko pa nagkalat ng dugo," dagdag pa niya.
"Doon ba siya nakatira sa iyo?" tanong ko.
"Hindi, pinagtatabuyan ko na siya pero ayaw niya umalis. Maghapon lang siyang nakakulong sa guest room at kahit ako ay hindi niya pinapapasok doon. Ang galing, 'diba?"
"Bakit ganoon mo na lang siya ipagtabuyan? May pinagdadaanan 'yung tao. Bukod kay Zeph, ikaw lang ang malalapitan niya kasi girlfriend ka niya. Paano mo nadadala sa konsensya mo na tratuhin siya ng ganyan?"
Sa halip na makakita ako ng kahit kaunting guilt sa ginawa niya, ngumisi pa siya sa akin. "Kinokonsensya mo 'ko? Sinasabi mo ba na tratuhin ko siyang baby kasi nandoon siya sa bahay ko at pilit na isinisiksik sarili sa akin? Wala kong alam sa problema niya at mas lalong wala akong kinalaman sa nangyari sa kanya. Pinili niyang magtangkang magpakamatay, kaya bakit parang ako pa sinisisi mo?"
"Hindi kita sinisisi, wala naman akong sinabing ganyan. Ang akin lang...sana inintindi mo siya. Kung nandoon lang pala siya sa bahay mo, bakit hindi mo manlang siya kinausap? Bakit parang bigla na lang nawala 'yung pagmamahal mo sa kanya?"
"Wala ka nang pakialam doon."
"Meron, Rizza. Sa oras na sinabi mo sa akin ang nangyari, binigyan mo na rin ako ng pahintulot na mangialam. Kung may problema kayong dalawa, naiintindihan ko na magkaroon ka ng tampo o galit...pero sa ganitong sitwasyon, mahalaga pa ba sa 'yo 'yung galit na 'yun? Nakita mo na nangyari pero bakit parang wala lang sa 'yo?"'
"Bakit ba nangingialam ka? Ano ba alam mo sa amin ni Tyron?"
"Wala akong alam sa nangyari sa inyo pero—"
Nahinto ako sa pagsasalita nang bigla siyang tumayo. "Tama na, Roxanne...tama na, okay? Kaya ko lang naman pinarating sa 'yo ang nangyari kay Tyron ay para may magbantay sa kanya rito."
Kumunot ang noo ko. "Huh? Anong ibig mong sabihin?" Napatayo na rin ako nang magsimulang maglakad si Rizza palabas ng pinto. "Teka, saan ka pupunta?" tanong ko.
"Tapos na kami ni Tyron, kaya wala nang rason pa para magpaka-girlfriend ako sa kanya. Ikaw na bahala sa kanya."
"Rizza!"
Hindi ko na siya napigil, talagang umalis siya at iniwan niya si Tyron. Grabe, hindi ako makapaniwala sa mga ginagawa niya...nakakaya niyang ganituhin si Tyron? At ano ba kasing dahilan ng away nila para mauwi pa sa hiwalayan? Gaano ba 'yun kalalim?
Sa huli, wala na 'kong nagawa kundi sabihin kay Ranz ang nangyari. Pinabalik ko na lang siya rito sa kwarto ni Tyron.
Pagbalik niya ay agad ko siyang sinalubong ng reklamo. Ikinuwento ko ng buo sa kanya ang naging usapan namin ni Rizza.
"Hindi ko siya maintindihan, Hal! Ang OA niya naman magalit. Kahit ganito na kalagayan ni Tyron...titiisin niya pa rin ang boyfriend niya? Grabe naman, ang sama niya."
Tuloy-tuloy lang ako sa pagsasalita, "Alam mo kasi...napaka unbelievable talaga ni Rizza. Oo nga, hindi ko alam ang issue nila...pero kasi, kahit naman anong away 'yun...kung makita mo na ganito ang lagay ng mahal mo, maisasantabi mo 'yun at iisipin mo siya, 'diba? Kung ikaw man ang magkaganito, Hal...kahit pa siguro napakalaki ng kasalanan mo sa akin, pupuntahan pa rin kita at hindi ako mawawala sa tabi mo."
Napatingin na ako kay Ranz nang mapansin ko na hindi siya nag-re-react sa mga sinasabi ko. Ang seryoso niya habang nakatingin kay Tyron. "Hal? Nakikinig ka ba? Ano iniisip mo?"
"Hindi ka ba nagtataka? Bakit naglaslas si Tyron? Bakit biglang nawalan ng pakialam si Rizza sa kanya?"
Kumunot naman ang noo ko. "Nagtataka, pero sabi naman sa akin ni Rizza...dahil daw sa depression kaya nagtangkang magpakamatay si Tyron, eh. Saka may away rin sila dahil sabi niya, rin break na sila. Tapos ayun nga, 'diba...sinisisi niya rin sarili niya bakit umalis si Zeph."
"Hal, think outside the box. Sa tingin mo sa ganoon lang na rason...magtatangka na si Tyron na magpakamatay?"
"Hal, depressed nga 'yung tao. Siyempre kahit na sinong tao makaranas ng depression, kahit wala sa ugali niya ang makaisip magpakamatay...magagawa talaga 'yun."
"Hindi, imposible. Hindi lang sa ganoong kababaw na dahilan magpapakamatay si Tyron. Ang dami nang napagdaanan na pagdurusa ni Tyron noon pa kay Zeph, lalo na sa ate niya...pero hindi naman niya ito ginawa."
"Ano ba kasing iniisip mo?"
"May hindi sinasabi si Rizza sa atin. Palagay ko, may kinalaman siya sa nangyari kay Tyron."
"Wait, don't tell me...pinagbibintangan mo si Rizza na pinagtangkaan niyang patayin ang boyfriend niya? Hell no, siya pa nga ang nagdala kay Tyron sa ospital! Saka nakita mo naman, siniguro niya muna na may magbabantay nga kay Tyron bago siya umalis, 'diba? May tao bang pagkatapos pumatay ay mag-aabala pang dalhin ang pinatay niya sa ospital? Hindi ba dapat ang ginawa niya na lang ay sinigurong patay nga si Tyron?"
"Maaring nagdalawang isip siya na patayin si Tyron dahil sa boyfriend niya nga. Hindi natin alam ang totoong nangyari, Rox."
"Yes, hindi nga natin alam...kaya 'wag ka naman mag-conclude agad ng ganyan."
"Okay, I'm sorry...hindi na. Pero hindi pa rin nawawala ang kutob ko na may hindi sinasabi sa atin si Rizza."
"Agree ako, halata naman, eh."
Tumingin akong muli kay Tyron na hanggang ngayon ay payapa pa ring natutulog.
Sorry, Tyron...pinag-uusapan ka namin habang tulog ka. Nag-aalala lang naman kami sa 'yo, eh.
Napabuntong hininga ako, nakakaawa ang sinapit niya. Siguro nga totoo ang karma at ito na siguro ang karma niya.
Alam ko na may plano sila para sa sinasabi nilang kaligtasan ni Zeph, alam ko na nagawa niyang magsinungaling para na rin sa inakala niyang makakabuti para sa pinsan niya. Pero ang masakit, mas malala ang nangyari. Sa huli, nauwi rin sa paglusob ng mag-isa ni Zeph sa Pistol's Tribe.
Sana lang ay matapos na itong problema sa pamilya ninyo, Tyron. Sana lang ay makabalik ka na, Zeph.