LOCATION: Reiffton City
TAHIMIK NA PINAGMAMASDAN ni Taigo ang kanilang bayan. Magsimula nang magkaisip siya ay namulat na siya sa magulong pamamahala ng kanilang lungsod. Kahit saan siya lumingon, puro kahirapan ang kanyang nakikita. Bawat sulok ng kanilang lugar ay may bakas ng paghihinagpis at paghihikahos. Wala na siyang magagawa sa problemang iyon sapagkat maging siya ay biktima rin ng magulong kalakaran ng kanilang bayan.
Isa siyang pipi na hindi maisigaw ang nais sa mga nakatataas. Bingi. Nagbibingihan habang paulit-ulit na tinatakpan ang kanyang taynga sa mga hinaing at pagdaing. Bulag. Nagbubulag-bulagan upang hindi makita ang paghihirap ng kanyang mga kababayan.
Iisa lamang ang tingin sa kanila ng mga nakaupo sa kanilang bayan. Dukha. Hindi nararapat na paglaanan ng atensyon at panahon. Kaya, sino siya para magbigay ng hinaing?
Paulit-ulit siyang nanalangin na sana ay makakita siya ng pag-asa na mabago ang kapalaran nilang mahihirap. Ngunit, katulad ng ulan ang kahirapan sa lugar nila, wala iyong katapusan. Nalulungkot din siya sapagkat tila kinalimutan na ng sibilisasyon ang kanilang bayan. Nakalimutan na ang mga mamamayang nakatira dito.
Habang tumatakbo kanina ay may nakita pa siyang lalaki na pinagtulungan ng mga bandido. Hindi niya magawang tulungan ito sapagkat wala siyang kakayahan. Bawal siyang lumaban at kailangang umiwas sa gulo. Sa ganoon paraan lamang siya makakatulong kahit pa ang kapalit niyon ay pagpikit ng kanyang mga mata para sa naaapi.
Nawawalan na ng pag-asa na makikita ng mga nasa itaas ang paghihirap nila kaya naman siya na mismo ang kumilos para sa nakararami. Kailangan ng gamot ng mga may sakit. Mamamatay ang mga ito kung hindi magagamot.
Pagod na siyang maging duwag. Ayaw niya ng mabahag pa ang kanyang buntot. Lalo niya lamang kamumuhian ang sarili.
Hingal aso si Taigo habang tinatakbo ang mabatong bahagi ng Seldron. Ilang gamot ang hawak niya para sa mga kababayan. Ito lang ang tanging paraan upang makatulong sa mga ito. Wala na siyang maisip na ibang paraan maliban sa pagnanakaw.
Madilim man ang ay pinilit niyang titigang mabuti ang paligid.
Ngunit hindi rin malabong dito na rin magwakas ang kanyang buhay. Ang mga opisyales ng lungsod na nasa kanyang likuran ay nandito na upang tugisin siya. Babawiin ng mga ito ang gamot na kailangan ng kanyang mga kababayan.
Nagpadausdos siya paibaba sa mga batuhan at muli ng tumakbo nang makarating sa maruming ilog. Ang ilog na iyon ang isa sa mga pinagkuhuhanan nila ng tubig ngunit nang naging tapunan ng mga delikadong kemikal ay hindi na napakinabangan.
Ganoon na lamang ang pagkataranta niya nang sunod-sunod ang pagpapaputok ng baril. Nagkukumahog si Taigo sa pagtakbo habang hindi alam ang kanyang gagawin.
Kakalingon niya sa mga humahabol sa kanya ay hindi niya na napansin ang nakausling bato na naging dahilan ng kanyang pagkatumba. Ang mga gamot na iniingatan niya ay tuluyang nagkalat sa lapag nang masira ang lalagyan. Nagkukumahog siyang pulutin iyon kahit abot-abot pa ang kanyang kaba.
Tatlong opisyales ang dumating at tinutukan siya ng mga hawak na baril.
Ayaw man niya, pinili rin ni Taigo na huminto noong huli.
"Totoo nga ang sabi-sabing mga magnanakaw ang mga taga-Seldron!" pang-uuyam ng isa bago sipain ang kanyang sikmura.
Ganoon na lamang ang pagguho ng mundo niya nang kunin ng mga ito ang mga ninakaw niyang gamot.
Hinigpitan niya ang hawak sa gamot na nasa kanyang kamay. Kahit ang isang iyon man lang ay umabot sa kanyang kababayan. Hindi maaaring masira ang pinaghirapan niya.
"Mga dagang nagsusumiksik na maambunan ng pagkain!" segunda naman ng isa at tinapakan ang kanyang kamay na may hawak na gamot.
Nagsusumigaw siya sa sakit dahil paglapirot sa kanyang kamay na tumatama pa sa mga bato habang dinidikdik ng sapatos nito.
"Kahit patayin niyo na ako—wala akong pakialam!” galit niyang sigaw habang umiinda sa sakit. “Pero pakiusap... ang mga gamot, hayaan niyong makarating sa kanila..."
Hindi niya alam kung saan nanggaling ang kanyang lakas ng loob na lumuhod upang magmakaawa. Handa niyang talikuran ang natitira niyang dignidad kung iyon ang makasasalba sa buhay ng nakararami.
Halos halikan niya ang sapatos ng isa habang tumutulo ang luha. Mas natatakot siya na mas maraming mamatay dahil hindi naibigay ang mga pangangailangang gamot ng katawan ng mga ito.
"Pakiusap..." nagsusumamo niyang hiling.
Kung tumingin ang mga ito sa kanya ay tila ba isa siyang pinakamababang uri ng hayop na kailanman ay hindi papantay sa kanila. Patuloy pa ang pagtawa ng mga ito na para bang walang pakialam sa nararamdamang sakit ng iba.
"Ang mga ito ay hindi libre! Hindi mababayaran ng buhay mo ang presyo!" Dinuduro siya ng isa pa habang galit na galit.
Naikuyom niyang muli ang kanyang kamay. Nanliliit na siya sa kanyang sarili…
Habang nakaluhod ay isang sipa pa sa kaliwang pisngi ang kanyang inabot. Hindi pa nakuntento ang mga ito at mayamaya pa ay pinagtatadyakan siya sa kung saan maabutan.
Tanging pagpikit na lamang ang nagawa ni Taigo habang yakap-yakap ang gamot. Kailangan niyang protektahan ang mga iyon.
"Walanghiya ka! Dahil sa pagiging magnanakaw mo, napasok pa namin ang maruming lugar na ito!"
"Pwe!" dinuraan pa siya ng isa.
Sa paulit-ulit na tadyak, suntok, at pambubugbog na inabot niya ay hindi niya na alam kung mabubuhay pa siya. Wala na ba talagang pag-asa sa tulad niyang maralita? Isa ba talagang kasalanan ang pagiging mahirap? Hindi nila kasalanan na ipinanganak silang ganoon ngunit bakit matindi kung husgahan at kutyain sila ng nakararami?
Naniniwala ako sa pagkakapantay ng tao. Pare-parehong hubad ng ipanganak tayo. Nagkatalo lang sa estado ng buhay natin. Malas lang naming mahihirap, sapagkat lalo kaming inilulogmok paibaba...
Ayaw niyang mawala sa mundo at iwan ang kanilang lugar na naghihirap. Ngunit kung mamamatay man siya, gusto niyang sabay-sabay na lang sila. Ang pang-iiwan sa kanyang mga kababayan ay isang malaking kataksilan. Ngunit kung mabubuhay man siyang muli ay gusto niyang sa lugar pa rin na ito sapagkat ayaw niyang maiwan ang mga taong narito.
Hindi niya pinili ang buhay na mayroon siya. Ang binuong estado ng lipunan ang nagdiin sa kanila.
Kaunti na lang ay bibigay na ang katawan ni Taigo. Bumibigat na rin ang talukap ng kanyang mga mata. Pakiramdam niya ay malapit na siyang malagutan ng hininga.
Tumulo ang kanyang luha sa bintana ng malungkot niyang mga mata.
GANOON NA LAMANG ang bilis ng pag-iwas kanina ni Blaze sa biglaang pagbagsak ng malalaking tipak ng bato sa pinto na kanyang pinaglabasan. Mahuli lamang siya nang kaunti ay ikamamatay niya iyon.
Hindi niya alam kung ilang oras siyang tumatakbo para sa kanyang buhay kaya naman laking pasasalamat niya nang matapos din iyon kalaunan. Patuloy siyang naglalakad sa mabatong bahagi ng lugar na iyon. Hindi siya huminto nang matapos ang kanyang kalbaryo. Hindi niya teritoryo ang kinalalagyan. Hindi siya maaaring makampante.
Bawat madaanan niya ay kakakitaan ng kahirapan. Halatang napabayaan na ang lugar. Hindi na rin siya magugulat kung wala ng nakatira doon. Naging tambakan ng basura ang lugar na iyon. Mukhang ang buong isla ay doon dinadala ang basura.
Hindi pa man siya tuluyang nakakalayo ay nakakita siya ng isang lalaking binubugbog ng ilang unipormadong opisyales.
Maaaring mamatay ang lalaking iyon sa matinding bugbog na inaabot kung hindi niya tutulungan.
Napakamot nang wala sa oras ng kanyang baba si Blaze gamit ang kanyang hintuturo. Ano ba itong papasukin niya? Dapat umiiwas siya sa gulo dahil hindi siya tagarito.
Sa huli, hindi magawa ni Blaze na magsawalang-bahala. Nang makababa sa tambak ng basura, hindi siya nagdalawang-isip na kumuha ng bato at ibato sa ulo ng isa.
Nakuha niya kaagad ang atensyong nais nang tamaan ang pobreng binato niya ng bato.
"Anak ng!" galit na sigaw ng isa. "Anong problema mong hangal ka?" halos umusok ang ilong nito sa galit nang makita ang dugo na pinunasan mula sa ulo.
"I was distracted by the commotion. To make it equal, I interrupted you too," wala sa hulog niyang katwiran.
“A-ano?” hindi makapaniwalang tanong ng isa. Halata sa mukha nito ang galit na sinusupil kanina.
Alam niyang hindi nagustuhan ng mga ito ang sagot niyang pabalang. Ngunit sino para intindihin iyon?
"Bata, nakikilala mo ba kami? Alam mo ba kung sino ang binabangga mo?" nanggigigil na itinutok ng mga ito sa kanya ang baril.
Isa malalim na buntonghininga ang pinakawalan ni Blaze bago kumunot ang noo. Imbis na sagutin ito ay nagtanong rin siya. "What's wrong with the low status in society if everyone can die anytime? You cannot take your wealth to your grave. Iyang kakarampot na gamot na iyan, hindi kawalan sa buhay niyo. Ayaw niyo iyon, nakatulong pa kayo?”
Lumapit siya nang nakataas ang dalawang kamay at nagpanggap na tila susuko.
Sa tinatagal niya sa mga uri ng labanan, sa pagbasa pa lang ng galaw ng tao alam niya na kung baguhan pa lamang ang isang tao. Hindi siya mahihirapan sa mga kaharap niya. Pansin niyang mahina ang mga ito sa malapitan at hindi marunong sa hand to hand combat kaya hindi magiging delikado ang buhay niya.
"Hanggang diyan ka na lang bata!" galit na sigaw ng isa.
Siya naman ngayon ang ngumisi nang tuluyang makalapit.
Sa pagkalabit ng gatilyo ng baril ay hindi inakala ng mga ito na ang kasamahan ang matatamaan sa mabilis niyang pag-ilag.
Bumagsak ito sa lapag nang wala ng buhay. Sa gulat ng dalawa ay hindi na nakapalag pa nang undayan niya ng suntok ang isa. Sa gulat ng nasa kanan ay muli itong nagpaputok ng baril ngunit hindi nito inaasahan na muli niyang uulitin ang taktika kanina.
Iniharang niyang muli ang isang opisyales kaya ito ang tinamaan ng bala. Sa pag-aagawan nila ng baril ng huling natitira ay ito ang tinamaan ng bala sa sikmura matapos niyang pilipitin ang braso nito at itutok doon ang baril.
Kung may isang bagay na natutunan si Blaze sa matagal na pakikipaglaban, iyon ang huwag magdadalawang-isip na kalabitin ang gatilyo ng baril sa oras na maitutok iyon sa taong halang ang bituka Ang mga demonyong katulad ng kaharap niya ngayon ay may pinunong sinunod na hindi magagawang suwayin para sa kapangyarihan. Ang gusto ng mga ito ay mas umangat sa buhay kahit sa anong paraan na maiisip. Walang pakialam ang mga ito kung masama ang pamamaraang iyon. Hindi na rin papasok sa isipan ng mga ito ang taong magdurusa sa kawalang-hiyaang ginawa.
"Do you know me too?" tanong niya sa isang natitira pang buhay. “Ang mga katulad niyo, demonyo sa mga taong mas mahihina sa inyo. Sa ganoong paraan niyo ipinapakita ang lakas niyo na hindi maipakita sa sinusunod niyong pinuno.”
Sinubukan pa nitong kuhanin ang baril ngunit pinigilan ni Blaze sa pamamagitan ng pag-apak sa kamay nito katulad ng ginawa sa pobreng lalaki. Gusto niyang maranasan nito ang sakit na ipinadanas sa iba.
Pinagsisipa niya ang baril papalayo sa isa pang opisyales na buhay pa bago pulutin ang isang baril saka siya naglakad papalapit sa lalaki na pinagtulungan kanina.
Pinagmasdan niya ang gula-gulanit nitong damit. Kung hindi siya nagkakamali ay mas matanda ito nang bahagya sa kanya.
Nahihirapan man dahil sa pambubugbog na natamasa ay pinipilit nitong pulutin ang mga gamot sa pamamagitan ng paggapang.
Tinulungan niya itong makaupo habang iniipon niya ang iba pang nagkalat na bote ng gamot nang walang imik. Hindi man siya nakatingin ay alam niyang nakatitig ito sa kanya. Nagtataka rin siguro ito kung sinong maglalakas ng loob ng tumulong sa ganoong sitwasyon?
Ngunit hindi niya inaasahan na sa pagharap niya ay umiiyak na pala ito.
"M-maraming salamat…" mahina nitong saad.
Hindi alam ni Blaze ang sasabihin. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya sanay na may nagpapasalamat sa kanya. Ngunit sa mga ganitong pagkakataon, ang laging sinasabi sa kanya ni Diezel ay ngumiti man lang kung hindi niya kayang magsalita.
Bahagya niyang tinapik ang balikat ng lalaking tinulungan bago magpulot din ng gamot. Nakamot niya pa ang kanyang kilay. Totoo nga yata ang sinabi ng kaibigan na kailangan niyang mag-aral ng pakikisalamuha sa iba. Doon kase siya mahina. Iyon ang hindi niya alam na gawin…