HABANG NAGLALAKAD SILA patungo ng Seldron ay muling nanumbalik kay Taigo ang huling sakuna na naganap sa kanilang lugar. Nang dahil sa nangyari ay nagbago ang takbo ng kanilang buhay. Anim na taon siya nang mangyari ang delubyong sumira sa kanilang lugar. Hindi nila matawag na himalang buhay pa sila kahit maraming nakaligtas sa kanila sapagkat kinalimutan na ng buong bayan ang kanilang lugar.
Malas lang namin dahil kami lang ang napagtripan ng tadhana. Sa lugar lang namin nangyari ang trahedya. Malungkot na pahayag ni Taigo.
Nagpatuloy sila sa paglalakad. Bakas pa rin ang trahedya saanman siya bumaling.
"Salot, pabaya, malas at pinakamababang uri ng tao. 'Yan ang tingin nila sa amin," panimula niya. "Ang lugar namin ang pinakamaunlad noon. Dito umaasa ang mga taga-Northon, Eastron at Wardron. Ngunit nang mangyari ang sakunang humagupit sa aming lugar ay marami ng nagbago.
Lahat ng mamamayan ay halos nagkakasakit na sa kadahilanang walang pagkain na dumarating sa amin. Gustuhin man ng iba magtrabaho sa labas ng Seldron ay hindi namin magawa sapagkat ang tingin nila sa amin ay salot. Ipinagbawal din ang pagpunta sa ibang lugar nang walang pahintulot. Kahit tapos na ang delubyo ay puro hinagpis pa rin ang nangyayari. Ganito ba talaga ang sakit ng ibang may kaya sa buhay? Mahilig manapak ng nasa ibaba makaangat lang sa buhay."
Kahit hindi man umiimik ang kausap ay alam niyang nakikinig ito.
"Hindi ka tagarito, tama ba?"
Kaagad naman itong tumango habang patuloy pa rin ang paglingon sa iba’t ibang parte ng kanilang lugar. Kahit siguro ito ay hindi makapaniwalang pagkatapos ng malakas na lindol ay tinamaan naman ng tsunami ang kanilang lugar at ngayon ay hindi na na nasisikatan ng Seldron dahil walang araw na hindi umuulan.
"Taigo nga pala ang pangalan ko. Liliko tayo sa kaliwa pagdating sa kanto."
"Blaze," simpleng pagpapakilala nito. “Tama. Hindi nga ako tagarito.”
"Halata naman dahil tinulungan mo ako. Totoo ngang may mundo pa sa labas. Maaaring ang langit na nakikita ko ngayon ay may mas malaki pa sa labas. Sa lugar namin ay walang tigil ang pag-ulan. Isa iyong misteryo na napakahirap sagutin. Hinanap na namin ang dahilan kung bakit patuloy pa rin ang pag-ulan sa lugar ngunit hindi namin matagpuan ang kasagutan. Kung sa iba, ang ulan ay biyaya, sa amin naman ay sumpa. Dahil sa patuloy ng pag-ulan, parami nang parami ang nagkakasakit. Wala rin kaming mapagkunan ng makakain sa Seldron dahil naapektuhan din ng pag-ulan ang paligid at lupa.”
"Hindi ko maintindihan kung bakit itinago ng bansa natin ang lugar na ito."
Napangiti si Taigo. Kahit papaano ay may nalalaman pa silang hindi alam ng tagalabas.
"Ang sabi nila, itinago ito para sa mga prominenteng tao sa labas ng Reiffton City. Wala ito sa mapa sapagkat umaasa sila na ang lugar na ito ang magiging huling bala kung sakaling may mangyaring hindi maganda sa bansa. Kahit daw ang mga ibang mga bansa ay hindi alam ang lugar na ito. Kasali sa mga pinagkasunduan nila na hindi tatawid ang mga sasakyang panghimpapawid dito. Hindi makakaligtas ang lalabag kahit sino ka pa. Sa ere pa lang ay sasabog na ang sinasakyan nila. Masagana ang bansa natin, kung hindi lang sakim ang ibang namumuno nito."
"Marami ka pa lang nalalaman?" hindi mapigilang ngumisi ng lalaki nang tumingin sa kanya.
"Sapagkat ang tatay ko ang kalihim ng dating hari."
"Dating hari?" pansin niyang lalong naguluhan ang lalaki.
"Ang Reiffton City ay isang monarkiya na pinamamahalaan ng hari at reyna. Ngunit matapos ang delubyo ay nawala ang nag-iisang anak ni Haring Driffin. Hindi nito kinaya nang sabay na mawala sa kanya ang asawa at anak. Ilang araw ay binawian ito ng buhay, at iniwan kami nang nakalugmok sa ganitong sitwasyon. Ngayon, ang namumuno rito ay isang kriminal. Pumapaslang kunmg kailan naisin. Kayua hindi nakakabangon ang bayan namin dahil sa kanya."
MARAMING PUMASOK SA isipan ni Blaze habang nakikinig kay Taigo nang mga sandaling iyon. Hindi niya ikakailang may talino siyang taglay ngunit ang pagpasok ng maraming impormasyon sa kanyang utak ay hindi niya kayang tanggaping lahat. Habang nadadagdagan ay mas dumaraming lalo ang tanong niya.
"Ano namang kinalaman nito sa lugar ninyo?" tanong niya nang makabawi.
"Dahil ang haring iyon lang ang tanging nagmahal sa lugar namin. Siya ang simbolo ng pagkakapantay-pantay ng lahat," napangiti si Taigo nang sabihin iyon. "Narito na tayo."
Sa dami ng kanyang iniisip ay hindi niya napag-ukulan ng pansin ang buong lugar kanina. Nadala siya sa mga kwento nito.
"Kuya! What happened to you?" bungad na tanong ng babaeng sumalubong sa kanila.
Kumunot ang noo ni Blaze nang makita ito. Naiiba kase ang suot ng babaeng iyon kung ikukumpara sa mga nakatira sa Seldron. Makikitang maayos, mamahalin at hindi gutay-gutay.
"Kuya! Bakit mo hinayaang pumasok ang lalaking iyan mula sa harapan? Pwede siyang mapahamak sa ginawa mo. Bakit hindi ka nag-iingat?" bulong nito ngunit umaabot sa kanyang pandinig.
Pinapagalitan pa nito si Taigo.
"Pinsan ko nga pala, Blaze. Si Zina. Zina, si Blaze."
Ngumiti sa kanya ang babae at tila kumikislap pa ang mata nang makipagkamay. Kulay pula ang buhok ng pinsan ni Taigo at may malaking hoop earrings sa taynga.
Tanging pagtango lang ang naging sagot niya dito.
"Ikaw! Alam mong bawal kang pumunta sa lugar na ito hindi ba? Maaari ka nilang ipapatay sa ginagawa mo," sermon naman ni Taigo sa dalaga.
"Maaari ka ring mamatay sa ginagawa mo. Nag-iingat ako, Kuya Taigo. Alam ko ang ginagawa ko. Hindi ka na lang naghintay sa akin! Pupunta rin naman ako rito. Natagalan dahil hindi madaling makakita ng tyempo. Sa amin nakatutok ngayon ang mga mata ng nasa pwesto. Hindi madaling makatakas."
Siniomulan nitong ilabas ang mga gamot. Nakalagay iyon sa isang malaking bag.
Doon lamang pumasok sa isipan ni Blaze ang mga kasama. Nanlaki ang mga mata ng binata nang maaalala ang mga kaibigan. Tatalikod na sana siya upang hanapin sila Diezel ngunit pinigilan siya ng dalawa.
"Hoy! Saan ka pupunta?" tanong ni Zina sa kanya.
"I need to find them."
"Who?"
Hindi siya sumagot sa tanong nito. Wala din namang mangyayari.
Napansin niyang tila may iniisip si Taigo.
"Hindi kaya kaibigan mo ang dinakip ng mga bandido?"
"Bandido?" lumaki ang gatla ng pagkakakunot ng noo niya.
"Taigo!" tawag ng isang matandang lalaki rito. “Taigo!” ulit nitong muling hanggang makarating sa kinalalagyan nila.
Sinimulan ding gamutin ni Zina ang mga sugat ni Taigo matapos pagbalingan saglit ang matanda. "Ka Ambo, kumalma ka."
Humahangos ang matanda nang sumugod sa kanilang silong. Ngunit mas tumindi ang paghikbi nito nang aluin ng mga naroon.
"Ang apo ko, Taigo. Nawawala ang apo ko! Siya na lang ang mayroon ako..."
"Kuya," tawag ni Zina kay Taigo nang mapansing natulala na ito. "Hindi na ako natutuwa sa nangyayari sa lugar natin. Ilang bata na naman ang nawawala nitong nakaraan lang. Hindi na lang dito sa Seldron, pati na rin sa Wardron."
Patuloy lang na nagmasid sa paligid ng lugar si Blaze nang mapansin niyang seryoso ang tinatakbo ng usapan ng dalawa. Hindi siya maaaring makialam dahil wala siyang alam.
Pansin ni Blaze na may mga gusali man ngunit sira-sira na iyon. Ang tabing sa lugar ay isang tela na punit-punit habang may barong-barong sa dulong bahagi. Ang ilaw sa buong lugar ay puro gasera lamang. Saanman siya lumingon ay kahirapan ang kanyang nakikita. Napakalayo nito sa maunlad na lugar na kinagisnan niya.
"Nawawala ang dalawang kaibigan ko. Kailangan ko silang mahanap," pagbibigay alam niya sa mga ito.
Napansin niya ang pag-iling ni Zina.
"Hindi magiging ganoon kadali ang paglabas mo rito, Blaze. Maaaring sa Seldron ay ligtas ka pa ngunit kung susubukan mong magpunta sa ibang lugar ay pwede kang mamatay. Hindi malabong mangyari na nagkalat na ang litrato mo sa kinauukulan ngayon. Si Kuya Taigo, ang tingin nila’y isang simpleng tao lamang ng Seldron. Hindi siya pag-uukulan ng panahon ng mga nasa taas," seryosong saad ni Zina matapos gamutin si Taigo. "Sumama ka sa akin sa paglabas ko. Ako ang bahala sa ‘yo." Kumindat pa ito at muling inasikaso ang mga gamot na inilabas kanina sa bag.
Sa paglabas niyang muli sa barong-barong ay sumalubong sa kanya ang ngiti ng mga naroon na hindi niya inaasahang mangyari. Hinintay siya ng mga itong lumabas kahit napakalamig doon.
"Maraming salamat, hijo. Kaybuti mo," hinawakan ng matandang babae ang kanyang kamay. "Kung hindi mo tinulungan si Taigo maaaring mamatay na lang kaming lahat ng dahil sa sakit."
"Walang anuman po," simpleng ngiti ang kanyang iginanti matapos makabawi sa pagkagulat.
"Ngunit, tila may bumabagabag sa iyong isipan? Maupo ka, hijo," iginaya siya nito sa isang mahabang kahoy na upuan sa silong matapos makaalis ng iba.
"Bukod sa aking kaibigan ay nawawala din po ang kapatid ko, at babaeng minamahal. Maaaring narito sila."
Ngumiti itong muli. "Ang problema ng tao ay sadyang napakarami. Hindi nauubos iyan, bagkus ay nadagdagan pa. Malaki man ito o maliit ay isa pa ring uri ng problema. Sa kabila ng lahat, kailangan mo pa ring bumangon para harapin ang bukas. Tandaan mo na ang araw ay sumisikat sa madilim na parte ng kalangitan."
Pagkatapos na magsalita ng matanda ay tinapik nito ang kanyang balikat at muling pumasok sa barong-barong na pinagsisilungan.
Masusi niyang inalisa ang sinabi ng matanda.
"How come she said that thing when there's no sunlight in this place?" napangisi na naman ang binata bago titigan ang maulan na labas. Ipinikit niya ang mga mata habang nakikinig ng pagpatak niyon. "Sky is the most beautiful creation of Him. Yet, suddenly, when I look up to it I feel so lonely..."
Muli niyang tiningala ang kalangitan. Ang pagbugso ng ulan sa Seldron ay walang hinto. Hindi niya pa rin lubos maintindihan kung paano nakatatagal ang mga naroon…