Chapter 4: Tomorrow

1938 Words
HININTAY NI GOLDEE ang pagtusok ng kutsilyo sa kanyang katawan. Tanggap niya na ang magiging mapait na kapalaran. Tanging pagpikit ng nababahalang mata na lamang ang kanyang nagawa. Sana lang ay nabigyan siya ng mahabang panahon upang gawin ang mga bagay na hindi niya pa nagawa sa mundo. Hindi niya pa muling nakikita ang taong pinangakuan niya. Hindi niya man lang nasabi sa mga kaibigan kung gaano siya kasaya nang makilala ang mga ito. Magsimula nang makulong sila rito ay tila mga aso silang sunod-sunuran sa mga ipinag-uutos ng nasa itaas. Hindi niya na matignan ang sarili sa salamin. Wala na siyang karapatan na harapin ang dating siya. Isa na lamang alaala kung sino nga ba ang totoong siya. Pagod na siya sa ganoong sistema. Sawang-sawa na siya sa mga rehas na pumipigil sa layunin at pangarap niya. Nagbalik sa kanyang isipan ang ngiti ng mga kaibigan. Mga tawanang kanilang pinagsamahan. Hanggang dito na nga lang ba siya? Mali… hanggang hindi siya nalalagutan ng hininga ay walang puwang ang pagsuko sa kanya. Sa pagkakataong iyon ay naidilat ni Goldee ang kanyang mga mata. Hindi niya inaasahan ang eksenang mabubungaran. Masyado siyang nagpatangay sa emosyong nararamdaman upang makalimutan ang nasa kanyang paligid. Hindi niya na napansin ang pagkalansing ng kadena na ngayon ay isa sa dahilan kung bakit buhay pa siya. Hinila ng babaeng may suot na hood na puti ang kadena. Napakalakas na naman ng nilikhang pagkalansing niyon. Ito ang bagay na kanina ay nakapulupot sa kutsilyo at braso ng papatay sana sa kanya. Narinig niya ang paglagutok ng buto sa daliri ng kamay nito na unti-unting pinapatunog. Inihahanda nito ang katawan sa maaaring sapitin sa pakikipaglaban. "Masyado kayong masasakit sa mata," malamig na wika nito. Inihampas iyon ng babaeng naka-hood sa unang nagtangkang sumugod dito ang kadena na laging nakasampay sa katawan nito. "Alam niyong naaalibadbaran ako sa ingay, pero ayaw niyong patahimikin ang paligid ko," ngumisi ito at sumalampak ng upo malapit sa pwesto. Itinagilid din nito nang bahagya ang ulo upang makita ang mukha ng kapwa nilang preso na nakahandusay sa lapag. “Anong gagawin ko ngayon sa inyo? Hindi ko pa napag-iisipan kung bubuhayin ko kayo…” Nakatingin lamang si Goldee sa misteryosang babae. Ngayon niya lamang ito narinig magsalita kaya siguro pinanayuan siya ng balahibo sa malamig na boses nito. Ngunit hindi, may kakaiba sa babae na pangingilagan ng kahit sino. Ganito ang una niyang naramdaman sa Ate Alluka niya. Tila ba ang boses nito ay nanggaling sa kailaliman. Idagdag pa ang tila mga walang buhay na mata. Ito ba ang epekto sa mga tao na nagtatagal sa kulungan? Nagtatakang pinagmasdan ni Goldee ang kamay na nabalot ng dugo. Magiging ganoon din ba siya? Magiging katulad din ba siya ng mga ito? O hindi niya namamalayan na ganoon na rin siya? Tuluyan na pala siyang binago ng kulungan nang hindi niya nalalaman. Tinulungan siya nitong maisandal nang maayos ang sarili sa pader. Doon natauhan si Goldee at muling tinignan ang misteryosang babae. Inipon nito ang mga kadena na humaba kanina. "Quest, I am Quest." Nakita niya ang kaseryosohan ng mga mata nito. Ngayon niya lamang iyon nakita sapagkat laging blangko iyon. Dahil nakatingin siya, nakita niya ang pagpapalit na naman nito ng emosyon. Napuno ng poot at galit ang paraan ng pagkakatingin ng misteryosang babae nang tumingala ito. Parehas ng kanyang nararamdaman ang babae nang tumingala rin siya at makita ang lalaking naging dahilan ng pagiging miserable niya ngayon. Katulad niya, hinahamon din nito ang nasa itaas. Ipinaparating na walang makakapagpatumba sa kanya kahit ilang ulit na lumpuhin ang pangarap nila na makalabas sa lugar. "Be ready. I will bring you down," pabulong na wika ni Quest. "Not now, maybe tomorrow. Just wait for my turn…” Nakita niya ang pagkagulat ng ibang naroon noong ibaling muli sa kanila ni Quest ang tingin. Hindi sigurado si Goldee kung tama ang pagkakaintindi niya ngunit tila ba may mga bumubulong sa mga ito nang hindi nila nalalaman. “You’re right, Goldee,” saad na naman ng misteryosang babae, “they want us dead.” Sabay-sabay na nagsipagsugod ang mga kalaban sa kanila. Sa pagkakataong iyon ay may kakaiba sa mga ito na hindi niya mawari. Humarang si Quest sa kanyang harapan na ikinagulat niya. Napakabilis nitong gumalaw. Tila iisa ito at ang kadena na hawak. Parang parte na ng katawan ng misteryosang babae ang mga tanikala. Himalang napapasunod nito ang mga iyon nang walang kahirap-hirap. May pagkakataong na nagmimintis ang mga tanikala sa paghampas ngunit nagagawan nito iyon ng paraan. Nasa layunin din nitong huwag patayin ang mga naroon dahil tanging mga paa ang pinupuntirya nito. Sa bawat paghampas ng kadena ay pagdaing naman ng mga biktima nito. Hindi na magawa pang makalapit ng iba sa takot na matamaan. Nagtatangka pa lang kase silang lumapit ngunit tumutumba na dahil nadadali ng mahabang kadena ni Quest. Sa pagkakataong kase iyon, hindi ito nagdadalawang-isip na ihampas ang hawak. Matamaan na ang tamaan. Ang mahalaga sa babae ay maiwasan ang mas malaking bilang na lalapit sa kanila. Pinaikot-ikot nito ang kadena sa ere at mayamaya pa ay inihampas sa sikmura ng nagtangkang mapalapit sa kanya. "Break a leg. I'm not here to please you," panghahamon nitong muli. Awtomatikong napatingala si Goldee. Hindi para sa mga kalaban nitong nasa ibaba ang sinabi ni Quest. Para iyon sa lalaking nagdala sa kanila sa kulungang ito. Nagtuloy-tuloy ang paghampas ni Quest. Wala itong pinipili. Kung sinong makalapit, paniguradong hindi makakaligtas. Iilan na lang ang natitira sa pababagsakin ni Quest nang pumalakpak ang lalaki sa itaas habang humalakhak. "You don't know me, young lady. Don't challenge me." Sa paglagutok ng dalawang beses ng baston nito ay awtomatiko namang nagsipagtabi ang ibang mga babaeng preso na nakatayo pa at hindi natatamaan ng mga tanikala ni Quest. Kung anong dahilan ay hindi niya alam. Lalong lang ding nagiging tama ang hinala niya na may nakakabit sa taynga ng mga ito. Nabaling ang tingin ni Goldee sa pintuan na lumagutok ang tunog ng kandado. Hindi kalaunan ay bumukas ang malaking pintong naroon. Sa madilim na bahagi, nakarinig siya ng mabigat na yabag ng paa. Ang una niyang nakita sa dilim ay ang itim na combat shoes. Hanggang sa lumitaw ang kabuuan nito. Isa lalaking may malaking pangangatawan ang lumabas sa kadilimang iyon. Nakasuot ang lalaking kalbo ng wasak-wasak na pantalon wala itong suot na pantaas kaya litaw na litaw ang mga peklat ng dating sugat sa katawan. Batak na batak din muscle nito at tila magpuputukan na ang ugat sa katawan. Ang isa sa nakatawag ng pansin niya ay malaking peklat nito sa kaliwang mata. Tila hiniwa ng patalim iyon paibaba na naging dahilan ng pagkabulag ng mata nito. Nakikita ni Goldee ang galit ng lalaki. Tila handang pitpitin ng katawan nito ang sinumang lalaban. Hindi siya nagkakamali! Sa ganoong paraan sila hinahamon nito. Ang mga babaeng kalaban nila ay lalo pang umatras papasok sa kanilang mga selda. Tila nabahag ang buntot na kanina ay hayok na hayok pa sa pakikipaglaban sa kanila. "Hanapin natin ngayon ang tapang mo!" saad ng lalaki. Muli na namang nabaling ang tingin ni Goldee kay Quest dahil sa pag-aaalala.Halos kapareho ng boses ni Quest ang boses ng lalaking kaharap nila. Ang kaibahan lang ay panlalaki ang sa kaharap nila. Ito na nga siguro ang bunga ng matagal na pagkakabilanggo sa selda. Makakalimutan mo kung sino ka. Kahit ang impyerno ay isusumpa mo. Sa simulang pagsugod ng lalaki ay mabilis na itinaob ni Quest ang lamesa. Nanlaki ang mata ni Goldee nang suntukin ng lalaki ang lamesa at makita ang malalim na butas na nilikha niyon. Delikado kung matatamaan si Quest ng kamao nito. Hindi pwedeng tumunganga na lang siya at maawa sa sarili. Kailangang may gawin siya! Dali-daling hinagilap ni Goldee ang kumot na ginamit kanina. Nasa upuang tumaob iyon. Kaagad niyang kinuha nang makita. Ipinantakip niya iyon sa sugat saka itinali ang isang punit nang mahigpit upang maampat ang pagdurugo. Ipinulupot niyang pang muli bago higpitan muli nang mabuti. Lumapit siya sa tabi ni Quest kahit nahihirapan. Malamig lang siyang binigyang-pansin ni Quest bago muling hinarap ang kalaban. "The other part of the world is too dark and cruel. But sometimes you need to think positively so that you won't forget how beautiful it is," wala sa sariling sabi niya. Hindi niya alam kung bakit niya iyon sinabi kay Quest. "You better say that if I see the sun again," seryosong sagot ni Quest. “Think positively?” bahagya itong natawa at umiling. “That’s bvllshit!” Sasagot pa sana si Goldee ngunit muling nabaling ang tingin niya sa harapan. Nagwawalang sumugod sa kanila ang lalaki. Unang bumwelo sa paggalaw si Quest. Ginamit nito ang kadena sa opensa na tira. Paulit-ulit na iniilagan iyon ng lalaki. Maliksi ito para sa katawang malaki. Kaya hindi na siya nagulat nang kalaunan ay mahuli nito ang dulong bahagi ng kadena. Nanlaki ang mga mata ni Quest noong unti-unting hilahin ng lalaki. Dali-daling pumunta sa likuran si Goldee ng lalaki habang sinusubukang pigilan ni Quest sa harapan. Nang makakuha ng tamang bwelo si Goldee ay dinamba niya ang likuran ng lalaki upang makasampa at sinimulang puntiryahin ang ulo nito gamit ang siko. Paulit-ulit niyang ginagamitan ng siko ang bunbunan nito habang yakap ang leeg ng lalake. Natangay si Quest noong hilahin ng mas malakas na pwersa ng lalaki! Hindi na ito nanlaban pa, at piniling magpatangay sa paghila. Nang makuha ng lalaki si Quest ay inipit nito ang kawawang dalaga sa malalaking braso nito. Lalong nataranta si Goldee nang marinig niya ang pagdaing ni Quest habang sinusubukan nitong kumawala. Kahit anong gawin niya ay hindi nasasaktan ang lalaki! Umurong ito sa isang pader habang binabalya siya mula sa likod. Sa pangalawang pagtama ng likod ni Goldee sa pader ay napaubo siya ng dugo. Mas lalo niyang ikinagulat ang kakayahan ng lalaki na ipitin lamang si Quest sa isang kamay. Pinipilit na kunin si Goldee ng lalaki mula sa likuran nito ngunit mahigpit ang pagkakapulupot ng paa ng dalaga sa katawan nito. Hinidi niya alam kung ipagpapasalamat niya rin ang pagkakadikdik sa dingding na nagiging dahilan upang hindi siya nito mahila kahit ang resulta naman niyon ay mapupuruhan ang katawan niya sa paulit-ulit na pagbangga niya sa pader. Para itong higante at sila ay mga bubwit na nanggugulo lamang. "Quest!" tawag niya rito. Laking pasasalamat niya nang makuha nito ang iibig niyang sabihin. Kinagat ni Quest ang braso ng lalaki kaya muling bumalik ang kamay ng lalaki dito. Hinawakan nito ang leeg ni Quest at sinimulang sakalin. Nanlalaki ang mata ni Goldee sa gulat. Nagawa nitong itaas si Quest gamit lamang ang isang kamay sa ere. Nang muling umalis ang lalaki sa pader ay bahagya niyang niluwagan ang pagkakakapit ng paa niya sa lalaki. Napwersa ang sugat niya nang bahagya siyang lumiyad paibaba ngunit wala siyang paikalam. Nakabaliktad ngayon ang katawan ni Goldee matapos na maikapit ang paa sa leeg ng lalaki. Dali-dali ang paggalaw niya dahil ibabangga na naman siya ng lalaki sa pader. Noong makita niya ang target na spinal cord ng kalaban ay walang pagdadalawang-isip na pinuntirya iyon ni Goldee. May maliit na parteng lumagutok dito nang hilahin niya. Nahinto ang lalaki sa pakikipaglaban sa kanila kaya alam niyang nagtagumpay siyang tapusin ang buhay nito. Umalis kaagad si Quest nang makitang gumewang ang lalaki. Inalalayan siya ni Quest nang subukan niyang tumayo. Nang titigan niya ang kanyang sugat ay napailing siya. Naging kulay pula na ang kumot na ipinantali niya dahil sa dami ng dugong nawala sa kanya. Naramdam niya rin ang paghina ng kanyang tuhod at pagbigat ng talukap ng mga mata nang bumagsak ang lalaki sa kanilang harapan...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD