Chapter 17

1471 Words
"ANG DAMI nito, Tazmania. Baka masanay ang mga bata," iiling-iling na sabi ni Odie habang nakatingin sa mga laruang binili ni Tazmania—dalawang malalaking robot, dalawang remote-controlled na laruang helicopter, at dalawang baril-barilan. "Lagot ka kina Garfield. Ayaw rin kasi ni Snoopy na binibilhan ng sobrang toys ang kambal." Nagkibit-balikat si Tazmania. "Minsan lang naman 'to. Hindi kasi ako makapili ng isa lang, kaya binili ko na lang lahat ng nagustuhan ko." "Para namang malalaro agad nila 'yan. Pang-big boys na 'yang helicopter at baril-barilan, eh. Baka maging bayolente 'yong dalawa," nakalabing reklamo ni Odie. "'Buti na lang talaga, hindi mo agad ipinakita sa kanila ang mga 'yan." "Gusto ko kasi sila i-surprise bukas. Saka sleeping time na nila kaya hindi ko na inilabas para hindi na nila malaro ngayong gabi." "Huwag mo nang uulitin 'to, Tazmania. Sa susunod, kung ano lang ang ipapabili, 'yon na lang ang bilhin mo, ha?" Lumuwang ang pagkakangiti ni Tazmania. Ang cute ni Odie kapag pinapagalitan siya. Gusto niya itong yakapin, pero pinigilan niya ang sarili. "Tulog na ba ang kambal?" "Oo. Nabusog sa sobrang dami ng pasalubong mong food," natatawang sagot ni Odie. "Ikaw? Nabusog ka ba sa lasagna mo?" "Oo naman. Salamat," sabi ni Odie, saka binasa ang resibo na kinuha ng dalaga mula sa mga pinamili ni Tazmania kanina. Pagkatapos ay inilabas nito ang wallet nito. "Kung binabalak mong bayaran ang mga nagastos ko ngayon, kalimutan mo na," saway ni Tazmania kay Odie. "Hindi ko rin tatanggapin 'yang ibabayad mo." Kumunot ang noo ni Odie. "Bakit naman?" "Dahil hindi ko naman pinababayaran ang mga regalo ko sa inyo ng mga bata," katwiran ni Tazmania. "So please, Odie. Maiinsulto ako kapag nagpumilit ka pa." Bumuga ng hangin si Odie at ibinalik ang pera sa wallet. "Men and their inflated ego." Tazmania smiled triumphantly. Inilabas niya mula sa ref ang mga beer na inilagay niya kanina roon habang naghahapunan sila nina Odie. Binuksan niya ang isang bote at inabot kay Odie. "Beer?" "Thanks, Tazmania." Dinala ni Tazmania si Odie sa balkonahe ng kuwarto niya. Umupo lang sila sa sahig habang nakasandal sa railing. Magandang puwesto iyon dahil malamig doon, at nababantayan pa nila ang kambal na mahimbing pa ang tulog sa kama. "Galing si Garfield dito kanina," pagbasag ni Odie sa katahimikan. "Oh. Na-miss na niya ang mga bata?" "Yep. Nag-Skype pa nga sila para makausap si Snoopy. I saw Snoopy. She looks weak. Alam kong maselan ang pagbubuntis ng hipag ko. Pero hindi ko inasahan na babagsak nang gano'n ang katawan niya," tila malungkot na kuwento ni Odie. "No wonder my brother looks stressed." "Gano'n siguro talaga. Hangga't hindi pa one hundred percent safe si Snoopy at ang baby, hindi mapapakali si Garfield. Let's just pray for your sister-in-law and the baby." Niyakap ni Odie ang mga binti, pagkatapos ay tumungga ito ng beer bago nagsalita. "My brother and Snoopy only dated for two years before they decided to get married. Pagkatapos ng kasal, biniyayaan agad sila ng kambal. Their marriage has been so blessed. At sa totoo lang, kinakainggitan ko si Garfield kasi ang suwerte-suwerte niya sa buhay niya." Humigpit ang pagkakahawak ni Tazmania sa boteng hawak. Ayaw na ayaw niya sa lahat na naririnig ang lungkot at sakit sa boses ni Odie, pero iyon na naman ang nangyayari. "Minsan, iniisip ko, baka hinigop ni Garfield ang lahat ng suwerte ko no'ng nasa tiyan pa kami ni Mommy," natatawang biro ni Odie, pero walang buhay ang tawang iyon. "Siguro sasabihin ng iba na hindi ako marunong um-appreciate sa ibinigay sa 'kin. Kung tutuusin, masuwerte ako dahil may pamilya ako, successful na negosyo, komportableng buhay. Akala ko, naging malas lang ako sa pag-ibig, dahil iniwan agad ako ni Pluto. Pero alam mo kung ano?" "What?" tanong ni Tazmania, dahil nararamdaman niyang gusto ni Odie na itanong niya iyon. "Masuwerte pa rin ako dahil kahit maagang nawala si Pluto, pinaranas niya sa 'kin kung pa'no ang mahalin at magmahal nang sobra-sobra. May ibang mga tao na mahabang panahon ng nagsasama, pero hindi pa rin nila magawang mahalin nang tama ang isa't isa. Kaya siguro, dapat na 'kong makontento na sa maigsing panahon, natutunan ko na ang lahat ng dapat kong matutuhan sa pag-ibig. Memories... experiences... lessons..." Nabasag na ang boses ni Odie. "What Pluto has given me is probably enough to last me a lifetime." Tumungga lang si Tazmania ng alak para pigilan ang sarili niyang sagutin si Odie. Kinimkim na lang niya ang saloobin dahil alam niyang hindi pa iyon ang tamang oras para sabihin niya ang kanyang damdamin. May tao pang puwedeng magmahal sa 'yo nang katulad ng pagmamahal ni Pluto sa 'yo, Odie. Nandito ako. Nandito lang ako. "Gusto ko sanang pumunta sa malayo..." pagpapatuloy ni Odie. "Pero ngayong nakikita ko kung gaano ako kasuwerte kahit nawalan ako ng taong mahal, parang hindi ko na magawang maging makasarili." Napaderetso ng upo si Tazmania. Nilinga niya si Odie. Pero nagulat siya nang makitang kalmado ito, wala na ang kabaliwang nakikita niya sa mga mata nito tuwing sasabihing pupunta ito sa malayo. He could see life in her eyes now. "Habang kasama ko ang kambal nitong nakaraan, naisip kong hindi pa ito ang tamang oras para umalis ako. Binigyan nila ako ng dahilan para maging masaya. Kaya nagdesisyon akong manatili muna dito para makasama sila. Hindi lang ang mga bata. Kailangan ako ng mga pamangkin ko, ng kapatid at hipag ko, ng mga kaibigan ko." Tumingala si Odie na parang pinipigilan ang pagpatak ng mga luha. "Pluto, okay lang ba kung dito muna 'ko? Okay lang ba kung maghintay ka pa nang kaunti bago tayo magkita uli diyan? Okay lang ba kung bubuuin ko uli 'yong mundo kong gumuho nang nawala ka? Okay lang ba na piliin kong mabuhay uli, kahit nangako ako sa 'yo noon na sasamahan kita hanggang kamatayan? I'm sorry..." Tuluyan nang umiyak si Odie. Niyukyok nito ang mukha sa mga tuhod. Yumugyog ang mga balikat nito, at halos hindi na maintindihan ang mga sumunod na sinabi. "Pluto, kahit mabuo uli ang mundo ko, hinding-hindi kita makakalimutan. I miss you, you know? You don't know how much I wish you were here. But I have to live. I want to live. I'm sorry. I'm sorry..." "Hindi mo kailangang humingi ng tawad kung gusto mong mabuhay, Odie. Itigil mo na ang kaka-sorry," naiinis na saway ni Tazmania sa basag na boses. "Kung gusto mong mabuhay, mabuhay ka. Sigurado naman akong 'yon din ang gusto ni Pluto na gawin mo. Because you deserve to live and be happy." Unti-unting humina ang kanina ay malakas na hikbi ni Odie. Hanggang mayamaya, isinandal nito ang ulo sa balikat ni Tazmania. "Thank you, Tazmania. Thank you for being there during the times I was being so stupid." *** "AKO ANG dapat magpasalamat sa 'yo, Odie," halos pabulong ni sagot ni Tazmania nang masiguro niyang mahimbing na ang tulog ni Odie sa kanyang balikat. Hinintay talaga niya na makatulog si Odie pagkatapos nitong umiyak nang umiyak. Hindi pa kasi siya handa na marinig nito ang mga sasabihin niya. Nagiging emosyonal kasi siya nang mga sandaling iyon, at ayaw niyang malaman ng babaeng mahal niya na umiiyak siya ngayon sa sobrang saya dahil lang pinili ng dalaga na mabuhay. "Salamat kasi pinili mong mabuhay. Salamat dahil hindi na 'ko mag-aalala na baka mawala ka sa akin dahil diyan sa kalokohan mo..." pagpapatuloy niya sa basag na boses. Tinakpan niya ng braso ang mga mata. He felt silly for crying right now, but it felt good. Kung noon siguro, baka naramdaman niyang nabawasan ang p*********i niya sa pag-iyak. Pero ngayon, bale-wala na iyon dahil para kay Odie naman ang kanyang ginagawa. Naramdaman ni Tazmania ang tuloy-tuloy na pagdaan ng malamig na likido sa kanyang mga pisngi. Sa buong buhay niya, ngayon lang yata siya nakahinga nang ganito kaluwag. Ngayon lang yata siya nakapagpasalamat sa lahat ng mga santong kilala niya. Ngayon lang siya naging ganito kaemosyonal at ganito kasaya dahil sa desisyon ng ibang tao. "Salamat dahil ipinakita mo sa 'kin na may totoong pag-ibig pa sa mundong ito. Salamat kasi tinuruan mo 'kong maging mas mabuting tao. Salamat dahil binigyan mo 'ko ng pagkakataong makaramdam uli ng pamilya. Salamat dahil binuhay mo ang kagustuhan kong maging asawa. Maging tatay. Magkaroon ng buong pamilya." Naalala niya noon ang mga hinanakit niya sa mga magulang na inipon lang niya sa kanyang dibdib. Bigla ay nakalimutan niya ang lahat ng iyon, at nagpasalamat pa siya dahil kahit nawala sa kanya ang ama at ina, nakilala naman niya ang taong nagbigay sa kanya ng mga bagay na nawala agad sa kanya noong bata pa siya. "Salamat dahil tinuruan mo akong magmahal. Salamat dahil ipinaramdam mo sa 'kin kung pa'no mabuhay. Salamat dahil hindi mo na 'ko iiwan." Odie muttered incoherently in her sleep. Nang dumaan ang malamig na hangin ay sumiksik ito sa katawan ni Tazmania. Inakbayan niya ang dalaga at kinabig palapit sa kanyang katawan. Pagkatapos ay hinalikan niya ito sa sentido. "Thank you for teaching me everything I didn't know about love and life," bulong ni Tazmania. "I love you, Odie."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD