NASA Lovely Quiñones Medical Clinic and Diagnostic Center si Agila Vedana. Miyerkules pa lang pero naka-duty na siya roon dahil ilang Sabado at Linggo na siyang hindi nakapag-clinic. Bumabawi siya sa mga araw na iyon. Isa siyang internist. Nang makapasa siya sa medical board ay inalok siya ni Dr. Rocky, ang founder ng clinic, na maging residente roon kasabay ng residency niya sa isang pampublikong ospital. Naging masaya siya sa pagiging doktor doon kaya hanggang ngayon ay naroon pa rin siya.
“Very good ka ngayon, Mommy,” nakangiting sabi niya kay Mrs. Cruz pagkatapos niyang basahin ang resulta ng laboratory test nito. Isa ito sa mga hypertensive patients niya na regular na nagpapatingin sa kanya. Limang taon na niya itong pasyente. Limang taon na rin itong hypertensive.
“Palagi naman akong very good, Doc,” tugon ng may-edad na ginang.
Inabot niya ang kamay nito at dinama ang pulso nito. “Minsan kasi, nakakalimutan n’yo ang mga bawal. Maigi at nag-normal na ngayon ang cholesterol level n’yo,” aniya habang nagtatala sa patient’s chart nito.
“Mahirap kalaban ang tukso, Doc Eagle.”
Napangiti siya. “Puwede namang kumain ng sitsaron pero isang piraso lang. Tandaan, Mommy, lahat ng sobra ay masama.” Ang paggawa at pagtitinda ng sitsaron ang negosyo ng pamilya nito. “Basta tandaan n’yo lang lagi ang mga bilin ko. A balanced diet, exercise, and maintenance.” Nagsulat siya ng panibagong reseta para sa maintenance nito.
“Hindi ko na kinakalimutan ngayon. Hindi na ako nagpapatukso sa matatabang pagkain. Madalas na gulay at prutas na lang ang kakainin ko. Gusto ko pa kasing mabuhay nang matagal. Gusto ko pang maalagaan ang mga apo ko.”
Natuwa siya sa sinabi nito. Maigi at may motivation naman pala ito. Kung kagaya lang sana nito ang lahat ng mga pasyente niya sa pagsunod sa mga utos niya, mas magiging maginhawa ang trabaho niya.
“Ilang taon ka na, Doc?” tanong ni Mrs. Cruz.
Ngumiti siya nang malapad. “Bata pa ako, Mommy,” sagot niya.
“May nobya ka na ba? Sa guwapo mong `yan, siguradong meron, `no?”
“Wala nga ho. Baka may maipapakilala kayo sa akin.”
Nagliwanag ang mukha nito. “Ay, meron!” sabi nito sa masiglang tinig. “May anak akong dalaga. Maganda at balingkinitan ang katawan. May magandang trabaho sa isang malaking kompanya. Sekretarya siya ng vice president. Sa susunod na checkup ko ay magpapasama ako sa kanya. Ipapakilala ko kayo sa isa’t isa. Sigurado akong magkakagustuhan kayo. Sa tingin ko ay bagay na bagay kayo. Alam mo bang natutuwa ako tuwing tinatawag mo akong ‘Mommy’? Pangarap kong magkaroon ng anak na doktor, alam mo ba? Ang kaso, walang gustong magdoktor sa mga dalaga ko.”
Hindi niya napigilan ang matawa. “Sige, Mommy, ipakilala mo sa `kin sa susunod ang anak mo.” Hindi na bago sa kanya ang mga ganoong linya nito. Kung hindi anak na dalaga ang inirereto nito sa kanya ay mga dalagang apo nito. Minsan ay sumasama ang mga iyon sa pagpapa-checkup nito. Maganda naman ang karamihan sa mga iyon; hindi lang siya interesado.
He indulged his patients once in a while but he never crossed the line. Unang-una, walang nakakapukaw ng atensiyon at interes niya. Secondly, he didn’t want to do anything that might ruin his career. Kung hindi magiging maganda ang kahihinatnan ng relasyon, hindi lang siya ang apektado, pati ang trabaho niya. Maayos ang relasyon niya sa mga pasyente niya at nais niyang manatiling ganoon.
Nang magpaalam na si Mrs. Cruz ay inihatid pa niya ito hanggang sa cashier. Wala pa siyang susunod na pasyente kaya sinamahan muna niya sina Hedwig at Apple sa reception. May mga araw talaga na napakaraming pasyente ngunit may mga araw ding paisa-isa lang ang dating ng mga iyon.
“Pagbalik n’on, kasama na niya ang anak niyang dalaga na maganda at balingkinitan,” sabi sa kanya ni Hedwig pag-alis ni Mrs. Cruz.
“Wala talagang nakakalagpas sa `yo, `no?” sabi niya sa maliit na babae. All the people there adored Hedwig. May-kadaldalan ito ngunit mahusay sa trabaho at nakukuha nito ang loob ng lahat ng pasyenteng pumapasok sa clinic.
Lumabi si Hedwig habang abala sa pagso-sort ng mga patient’s chart sa harap nito. Mula sa cashier ay ibinabalik dito ang mga chart upang mai-encode nito sa computer ang mga bagong nakatala roon. Pagkatapos nitong mai-encode ay ibabalik nito sa filing cabinet ang mga chart. Hindi lang ito receptionist. Ito rin ang dahilan kung bakit organisado ang files ng mga pasyente nila. At maliban sa mga nurse na matagal na sa clinic, si Hedwig lang ang nakakabasa ng magulong penmanship nilang mga doktor. Madalas nga siyang sabihan ni Apple na parang waves sa ECG trace ang sulat niya—siya lang ang nakakabasa.
“Nandito pa lang siya sa reception, sinasabi na niya sa `kin na ipakikilala niya ang anak niya sa `yo. Ikaw daw ang ideal man niya para sa anak niya. Mabibigyan mo raw siya ng matatalinong apo. Nakakainsulto `yon, Doc, ha? Ano’ng gusto niyang palabasin, matalino ka lang at hindi guwapo?” tanong ni Hedwig
Natawa si Agila. “Mas importante na ngayon ang talino kaysa sa kaguwapuhan.”
“Mali,” sabad ni Apple na inaayos ang BP apparatus sa lalagyan. “Mas importante ang datung kesa sa ano pa mang bagay,” pagbibiro nito.
“Korak!” sabi ni Hedwig. Nag-high-five ang dalawang babae at humagikgik.
“Ganyan na pala kayong mga babae ngayon, ha?”
“Seriously, Doc Eagle, bakit wala kang girlfriend?” tanong ni Hedwig na humarap na sa computer nito. Ilang sandali pa ay naging abala na ito sa pag-e-encode ng files ng mga pasyente.
“Sino naman ang nagsabi sa `yong wala akong girlfriend?”
“Seryosong girlfriend ang tinutukoy ko, Doc.”
Nagkibit-balikat si Agila. Kailan nga ba siya huling nagkaroon ng seryosong karelasyon? Five years ago. He remembered that her name was “Lindsey” but he couldn’t remember now what it had been like being with her. He couldn’t remember loving her. May mga babae namang dumaan sa buhay niya sa nakalipas na limang taon, ngunit sandali lang at walang nagtagal upang mag-iwan ng marka. Idagdag pang naging abala siya sa kanyang trabaho.
“Humanap ka ng babaeng karapat-dapat, Doc,” payo sa kanya ni Apple. “Sayang ka. Ang guwapo mo na, ang galing mo pang doktor. Ikaw pa ang pinakamabait na doktor dito.”
“Oo nga, Doc,” pagsegunda ni Hedwig. “Ang pogi mo, lalo na ngayong araw. Bagong gupit? Alam mo, Doc, masarap ang turon ni Aling Alice. Baka gusto mo kaming ilibre ni Apple bago ko ibigay sa `yo ang mga ECG strip na kailangan mong basahin at lagyan ng findings.”
Humalakhak siya. “Kayong dalawa talaga, binola n’yo pa talaga ako.” Tumayo na siya sa kanyang kinauupuan. “Sige, ililibre ko kayo. Wala pa naman akong pasyente.” Pailing-iling siya habang palabas ng klinika. Hindi siya nagpabola sa dalawa. Ayaw lang niyang pag-usapan ang love life niya dahil wala siya niyon sa kasalukuyan.
Dahil sa tanong ni Hedwig ay hindi niya maiwasang maalala ang naging pag-uusap nila ng Lolo Lucio niya nang umuwi siya sa probinsiya noong nakaraang weekend.
“Kailan ka ba uuwi rito na may kasamang mapapangasawa, Agila? Hindi na ako bumabata, loko. Ilang taon na lang ang ilalagi ko rito sa mundo. Bago man lang ako lumisan ay bigyan mo naman ako ng apo. Kahit masilayan ko lang siya, ayos na. Solb na solb na ako ro’n.”
“`Lo, hindi naman minamadali ang pag-aasawa. Hindi pa po dumarating ang tamang babae para sa `kin. Isang babae na magpapasaya nang lubos sa akin. Isang babaeng mamahalin ko habang-buhay. At saka huwag n’yo nga munang isipin ang kamatayan. Ang lakas-lakas n’yo para sa isang eighty-three years old.”
“Kung hindi ka ba naman loko-loko, nahanap mo na ang tamang babae—isang babaeng magpapasaya sa `yo—pero pinakawalan mo. Ano ka ngayon?”
Nagsalubong ang mga kilay niya. “Nahanap ko na? `Lo, ulyanin na ba kayo?”
“Ay, talagang naloko na. Si Gabrielle! Siya ang tamang babae para sa `yo. Pero pinakawalan mo! Hiniwalayan mo! Kung gusto mong maging masaya uli sa piling ng isang babae, hanapin mo siya. Kung hindi pa siya ikinakasal, huwag mo nang pakawalan pa. Huwag ka nang magsayang ng panahon.”
Napailing-iling si Agila. Hindi niya akalaing maaalala pa ng lolo niya si Gabrielle. Masyado pa silang mga bata noon ng babae nang magkaroon sila ng relasyon. Ipinakilala niya ito sa lolo niya nang araw na sagutin siya nito.
Napangiti siya nang luminaw sa isip niya ang mukha ni Gabrielle. She was his first serious girlfriend. His first true love. Minahal ito ng batang puso niya. Dahil sa kabataan at malaking distansiya nila sa isa’t isa kaya sila nagkahiwalay.
Kumusta na kaya ito ngayon? May asawa at mga anak na kaya ito? She would be a lovely mother. Bukod sa pag-aalaga ng mga anak, baka abala rin ito sa pagiging manunulat. Mahilig itong magbasa at magsulat. Mahilig itong magkuwento ng tungkol sa mga magical creature. Nabasa niya ang ilan sa mga tula nito at kahit hindi siya mahilig sa poetry o literature ay masasabi niyang mahusay ito. Naaaliw rin siya sa mga fantasy story na gawa nito.
He encouraged her to become the writer she dreamed of becoming. Ngunit pagtuntong nito sa kolehiyo ay kumuha ito ng kurso na gusto ng ama nito. Naging praktikal ito kaya ginusto na rin nito iyon. Magiging hobby na lang daw nito ang pagsusulat.
Nostalgia filled his whole being. He remembered that he had been very happy with her. They were very happy together. They shared a lot of laughter and good memories. They cuddled and kissed endlessly. Kinasasabikan niya ang pag-akyat sa Baguio upang makasama ito noon dahil doon ito nagkolehiyo. Siya ay sa Maynila piniling mag-aral. They kept up a long- distance relationship for more than two years before he ended their relationship.
He missed her. He could remember her perfectly now. She was very lovely. Mas tumitingkad ang kagandahang iyon kapag ngumingiti ito. Palaging buhay na buhay at nangingislap ang mga mata nito. Masarap pakinggan ang tawa nito. Simple lang ang kaligayahan nito. Hindi ito kailanman naging maarte tulad ng ibang babaeng nakilala niya. Her lips were the softest and the sweetest. Naalala niya na tuwing hinahagkan niya ito ay nawawala siya sa sarili.
How long had it been since the last time they saw each other? Magkukrus pa kaya ang mga landas nila?
“Doc? Okay ka lang?”
Napapitlag siya nang may mga daliring pumitik sa tapat ng mukha niya. Hindi niya napansing nasa harap na siya ng tindahan ni Aling Alice. Doon madalas na bumili ng merienda ang mga taga-clinic.
“Huh?”
“Ano po’ng atin, Doc?”
Noon lang niya naalala ang sadya niya. Masyado siyang nalulong sa pag-iisip ng tungkol kay Gabrielle. Bumili siya ng limang tuhog ng banana cue at limang pirasong turon. Inalok siya ni Aling Alice ng kamote cue ngunit tumanggi siya. Pabalik na siya sa klinika nang mamataan niya ang pagparada ng sasakyan ni Ylak, ang otolaryngologist ng clinic. Babatiin sana niya ito pagbaba nito ng sasakyan, ngunit may kausap ito sa cell phone. Kunot na kunot ang noo nito at tila nauubusan na ng pasensiya sa kausap.
“No, Gabbie, I don’t think you have Huntington’s disease,” narinig niyang sabi nito sa kausap. Hindi muna ito pumasok sa loob ng klinika. “You’re too young. You read that symptoms can develop at any age? That’s true, but—” Natigil ito sandali sa pagsasalita at napakamot sa ulo. “What symptoms? Rapid involuntary twitching? Baka naman napakislot ka lang o napagod lang ang daliri mo sa kakapindot sa BlackBerry at laptop mo kaya nagtu-twitch. Difficulty in concentrating? Baka kulang ka lang sa pahinga at tulog. My over-the-phone diagnosis? Stress, Gabbie. You’re stressed. And please, stay away from Google. Throw your BlackBerry away.” He sighed in exasperation.
Agila didn’t mean to eavesdrop. Medyo naaaliw lang siya. Ngayon lang kasi niya nakitang ganoon ka-frustrated ang kaibigan niya. Hindi sila gaanong close dahil hindi naman sila madalas na nagkikita pero palagi itong cool sa clinic man o sa ospital. Hindi ito ganoon makipag-usap sa pasyente nito kung pasyente nga ang kausap nito. Mahaba ang pasensiya nito at palaging malumanay magsalita.
“Kung hindi ko lang mahal si Sab, Gabrielle!”
His heart jolted when he heard the name Ylak mentioned. Napapailing na pumasok na siya sa loob ng klinika. Masyado naman yata niyang na-miss si Gabrielle kaya sa simpleng pagbanggit ng pangalan nito ay naapektuhan siya. Bigla ay nagkaroon siya ng matinding kagustuhan na makita ito at makumusta.
Habang pabalik sa mesa niya ay naalala niya na “Sabrina” ang pangalan ng best friend ni Gabrielle noon.
Coincidence.