Agatha KUNG MAYROONG kinaaayawan si Tita Berta. Iyon ay ang masira ang reputasyon ng pamilya. Mahilig siyang maki-tsismis sa kapitbahay kaya naman ayaw niya na magkaroon ng kahit na anong pangit na marka sa tahanan na iyon. “Wala akong lalaki na dinadala rito o kahit na ipinasok dito sa bahay,” tanggi ko. “‘Ma, huwag kang maniwala sa kanya. Nakipagrelasyon siya sa schoolmate ko na si Marcus! Sikat siya sa school namin ngayon dahil inagaw niya ang boyfriend ng dati niyang kaibigan. Sigurado ako na dito sila nagtatago para hindi sila makita ni Janice sa labas!” Naikuyom ko ang kamao. Naiirita na ako sa pinsan ko. Hindi ko alam kung saan niya nakukuha ang mga istoryang iyon. Daig niya pa ang writer ng mga teleserye sa paghabi ng kuwento. Sa pagkaasar ko ay nagawa ko siyang sampalin.

