Chapter 3

1491 Words
"Ma, pwede bang 'wag na lang muna tayo tumuloy, please," paki-usap ko kay Mama habang inaayos na niya ang mga dadalhin namin pagluwas. Hindi niya ako pinansin. Nagpatuloy siya sa kanyang ginawa. Kaya hinawakan ko na siya sa kanyang braso saka bahagya ko pa itong niyugyog para lang pansinin niya ako. "Ma, please," mangiyak-ngiyak kong pakiusap sa kanya.  Napahinto siya sa kanyang ginagawa saka niya ako binalingan. "Ito 'yung gusto ng Papa mo. Ayaw kong kontrahin siya dahil baka maulit na naman 'yung nangyari sa kanya. Nak, para naman 'to sa'yo. Kahit ito lang ang gagawin mo para mapagaan mo ang kalooban ng 'yong ama." "Pero, Ma." Kung alam lang sana nila ang totoong nangyari sa amin ng ama ng anak ko. Kung alam lang sana nila ang sakit na nadarama ko nang sabihin sa akin ni Nick na hindi na niya ako mahal at may bago na siyang minamahal. "Larah, alam kong ginagawa 'to ng Papa mo dahil na rin sa ayaw niyang maisilang ang anak mong walang ama dahil hindi niya 'yun ginawa sa'yo. Hindi namin 'yun ginawa sa'yo. Binigyan ka namin ng buong pamilya at sana ganu'n ang magiging pananaw mo sa magiging buhay ng magiging anak mo." Sino bang ina ang gustong isilang ang kanilang anak na walang ama? Wala naman siguro, di ba? May iba nga sigurong ina na kahit gaano pa kamasalimuot ang mararanasan niya, titiisin niya mabigyan lang ng ama ang kanyang anak. Hindi ko rin pinangarap na lalaki ang anak ko na walang ama. Noon pa man, lagi ko talagang hinihiling na sana magkaroon ng ama ang magiging anak ko, ama na katulad ni Papa. Kailanma'y hindi nang-iiwan, hindi tumatakas sa kabila ng hirap ng buhay. Hindi sumusuko, mabigyan lang kami ng magandang buhay. Pero kabaliktaran naman ang nangyari sa akin. Siguro, kung hindi lang sana ako nagpadala sa init ng dugo, sa tawag ng laman, hindi ko siguro mararanasan ang nararanasan ko ngayon. Pero, may katuturan pa ba kung magsisisi ako ngayon? "Bakit, ayaw ba managot ng lalaking nakabuntis sa'yo?" Sabay kaming napalingon ni Mama sa pintuan ng kwarto nang biglang bumungad mula doon si Papa. "H-hindi naman po sa ganu'n. Nag-aaral pa po kasi-----"Yun nga ang tanong. Alam niyo namang nag-aaral pa kayo pero bakit niyo pinasukan ang isang bagay na hindi pa dapat pinapasukan ng isang estudyante?!" Galit na bulyaw ni Papa. Napayuko ako. Hindi makaimik. Muling napahiya. Nagpakawala na lamang si Mama ng isang malalim na hininga habang nakantingin sa akin. Agad namang umalis si Papa saka padabog na isinara niya ang pinto. Wala na akong nagawa. Kahit labag man sa loob ko ang pagluwas namin ay hindi na ako makatanggi pa. Tahimik na nagmamaneho si Papa. Tahimik ring nakaupo sa tabi niya si Mama. Hindi ko rin alam kung anong sasabihin ko habang tahimik rin akong nakaupo sa back seat. Nakakabingi ang katahimikang namamagitan sa aming tatlo. Walang gustong bumasag sa katahimikang 'yun at hinihiling ko na lang na sana isang bula na lamang ako para pagkalipas ng ilang sandali, maglalaho na lang din kaagad sa kinauupuan. Sana lalamunin na lang ako ng inuupuan ko ngayon para hindi na matuloy ang binabalak ni Papa. Pero sadyang hindi nangyayari sa buhay ng isang ordinaryong tao ang ganu'ng bagay dahil sa fairy tale lang ito makikita at mababasa. Lalong lumakas ang pagtambol ng dibdib ko nang tuluyan na kaming nakarating sa bahay nina Nick. Nang akma na sanang pipindutin ni Papa ang door bell ng bahay nina Nick ay agad ko siyang pinigilan. "Pa, huwag na tayong tumuloy, please," pakiusap ko sa kanya. Agad naman akong hinawakan ni Mama sa braso ko at bahagya siyang napailing-iling nang tingnan ko siya na para bang sinasabi niyang 'wag na akong tumutol pa dahil wala naman akong magagawa pa dahil andito na kami. Makalipas ang ilang sandali matapos mag-door bell si Papa ay may isang babaeng nasa mid 40's na ang edad nito. Dali-dali siyang lumapit sa amin saka niya kami pinagbuksan ng gate. "Hello po. Ako po ang ina ni Nick. Monica," nakangiti nitong bati sa amin. Napatingin siya sa akin kaya napayuko na lamang ako. "Ikaw ba si Larah?" tanong nito sa akin. "O-opo," maikli kong sagot. For more than a year na naging kami ni Nick, ni hindi niya talaga ako naipakilala sa kanyang pamilya lalo na sa kanyang mga magulang kaya hindi nila ako kilala. Naisip ko noon na baka hindi nagawang ipakilala ako ni Nick sa mga ito dahil nga siguro bago pa lang na naging kami at inintindi ko iyon. "Nice to meet you, Hija," masigla nitong sabi pero ramdam ko naman ang tensyon na nararamdaman niya. "Tuloy kayo," aya nito saka ito nagpatiuna sa paglakad papasok. "Nagawa ka niyang pagbuntisan pero hindi ka man lang niya nagawang ipakilala sa kanyang mga magulang?" baling sa akin ni Papa saka umiling-iling na may panunudyo. Agad siyang lumakad papasok. Napatingin naman ako kay Mama saka niya ako inalalayan sa paglakad. Nang tuluyan na kaming nakapasok sa kanilang sala ay agad kong nakita ang nakayukong si Nick. Ni hindi man lang niya ako nagawang sulyapan kaya lalong nagwawala ang puso ko. Sa kabilang sofa naman ay nakita ko ang isang lalaki na nakaupo habang nakayuko rin. Siguro, ito 'yung Papa niya. "Upo muna kayo," nakangiting sabi ni Tita Monica. Agad naman kaming umupo. "Ahmmm ...bago tayo magsisimula sa mga dapat nating pag-uusapan. Dapat nga sigurong pormal muna tayong magpapakilala sa isa't-isa," aniya. Walang umimik. Walang sumagot. Hindi ko tiyak kung saan ba ang lahat sa ideyang 'yun. "Ako nga pala si Monica. Ang ina ni Nick. Ito naman si Arman, ang kanyang ama at 'yan si Nick. Anak namin," pagpapakilala nito. Agad na tumayo si Mama at siya naman ang nagpakilala. "Ako si Sandra. Ito naman ang asawa kong si Arturo at ito naman ang kaisa-isa naming anak, si Larah," ani Mama. Nagpalipat-lipat ang kanyang tingin sa mga ito. Hindi niya alam kung ano ang susunod na sasabihin. Pilit naman ang ngiting namumutawi sa mga labi ng dalawang ginang. "Alam niyo naman kung ano ang pinunta namin dito," pagsisimula ni Papa. Dahan-dahan namang bumalik sa pagkakaupo si Mama. "Gusto naming pananagutan ng inyong anak ang responsibilidad niya sa aming anak. Gusto kong mangyari, kailangang hindi pa matatapos ang buwang ito, makasal na silang dalawa," tugon ni Papa. "Pa," mahina kong sambit sa kanya. "Buntis na si Larah," sabi naman ni Tito Arman, "...kilala namin ang mayor ng lugar na'to. Kahit sa civil lang muna sila makasal. Bakit pa ba natin patatagalin?" Napaangat ako ng mukha sa aking narinig. Napaawang ang mga labi ko dahil hindi ko talaga inaasahang marinig iyon galing sa kanila. "Pa!" agad namang alma ni Nick. Halos lahat ng nandu'n napatingin sa kanya habang ako, muling napayuko. Ngayon pa lang, ramdam ko na ang pagtutol niya. "Hindi pwede ang gusto niyong mangyari! Nag-aaral pa ako. Sana inisip niyo 'yun!" galit nitong sabi. "Nag-aaral ka pa, sana inisip mo rin 'yun bago mo binuntis si Larah!" galit ring sagot sa kanya ng kanyang ama. "Larah, sabihin mo sa kanila na hindi ko anak 'yan!" Napapikit ako, naikuyom ko ang palad ko na nasa ibabaw ng mga hita ko. Galit namang tumayo si Papa at hinarap si Nick. "Pagkatapos mong pagsawaan ang anak ko, ganyan lang ang sasabihin mo, Nick! Saan ang respito mo para sa sarili mo?! Magpakalalaki ka naman! Huwag kang duwag!" galit na galit niyang sabi. Hinawakan siya ni Mama sa kamay saka inawat. Agad namang tumayo si Tita Sandra saka sapilitang ngumiti. "Pakiusap, huminahon muna tayo. Hindi natin maso-solve ang problemang 'to kapag idinaan natin sa ganitong paraan." Dahan-dahan na umupo si Papa at napatingin naman ako sa kamay ko nang biglang ipinatong ni Mama ang palad niya rito. Napatingin ako sa kanya, ningitian niya ako, pilit na pinapagaan ang nararamdaman ko lalo na at nangingilid na sa gilid ng mga mata ko ang akong nagbabadyang mga luha. "Maghanda na kayo dahil pupunta na tayo sa mayor ngayon," kalmadong sabi ni Tito Arman. "Pa!" sigaw ni Nick. "Nick! Huwag mo 'kong subukan. Pinasukan mo 'yan. Harapin mo," matigas nitong sabi saka ito umalis sa harapan namin. Nakita kong napahilamos ni Nick ang dalawa niyang palad sa kanyang mukha at padabog na tumayo at iniwan kami. Napatingin sa amin si Tita Sandra saka sapilitang ngumiti. Natuloy ang kasal namin ni Nick sa civil. Oo, that was our wedding. Dapat nakangiti kami. Dapat masaya kami. Pero iba ang nangyari. Kasal nga pero para naman kaming namatayan dahil kapwa hindi namin ginusto ang kasal na iyon. Kami lang din ang nakakaalam sa nangyaring kasal. Secret wedding na nga puno pa ng galit ang bawat puso ng nandoon. Walang nagsasalita maliban lang sa mayor na nasa harapan namin. Ang singsing namin ay binili lang sa malapit na jewelry shop na hindi man lang nga idinaan sa masusing pagsusuri kung maganda ba ito o hindi. Kasal ko ito, dapat ako ang pinakamasayang bride pero nagdurugo ang puso ko. Hindi ito ang kasal na pinapangarap ko. Hindi ito ang kasal na gusto ko. Puno ng sakit, puno ng galit. Ano na kaya ang magiging buhay ko pagkatapos nito? May pag-asa pa kaya akong makamtan ang kasal na ninanais ko?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD