1
Ophelia
“Ophelia, tumakbo ka na! Hayaan mo na kami ng mama mo! Iligtas mo ang mga kapatid mo!”
Umiling ako. Mas hinigpitan ko pa ang hawak ko sa braso ni Papa at pilit siyang hinila papalayo sa kumpol ng mga nilalang na ‘yon.
Alam kong ayaw niyang iwan sina Mama at Aling Gisela. Pero ano pa bang magagawa namin, gano’ng nakita na namin kung paano sila nilapa ng mga… halimaw…
“Pa…” mahinang anas ko nang panoorin ko kung paanong bumilog ang mga mata niya. Napatingin ako sa dibdib ng aking ama at nakita ko na may isang marungis na kamay na may matutulis na kuko ang tumagos do’n.
“T-t-takbo n-n-na… Oph…”
Bago ko pa man maihakbang ang mga paa ko, naramdaman ko na ang pagdukot ng mga matutulis na kamay na ‘yon sa mga mata ko…
“¡Viva nuestro Principe! Viva, Grigor Verdugo!” rinig ko pa na sigaw ng isa sa mga nilalang, bago ako tuluyang mawalan ng malay—-
“Ate Opy! Gising ka na, nagugutom na kami ni Sasha…”
Kaagad akong napangiti at napabangon nang marinig ang tinig ng bunso kong kapatid na si Moira. Kahit na hindi ko na siya nakikita, alam kong nakabusangot na siya. Kinapa ko ang paligid ko hanggang sa maramdaman ko ang katawan niya.
“Hala, Moimoi, bakit parang lalo ka yatang lumulusog?” biro ko habang pinanggigigilan ang braso ng kapatid ko. Humahagikhik naman siyang yumakap sa ‘kin. “Nasa’n ba si Jeremiah?”
“Ate Opy, umalis si Kuya… sabi niya mangongolekta lang siya ng kahoy sa gubat…”
Napapalatak ako dahil sa katigasan ng ulo ng kapatid ko. Palagi ko kasi siyang pinagbabawalan na magpunta sa kagubatan nang mag-isa, pero kahit kailan, hindi niya ako pinakinggan.
At isa pa, wala rin naman kaming mapagpilian. Bulag ako at maliliit pa ang mga kapatid namin.
Ulila na kaming lubos. Kung hindi lang kami nakita ni Sister Gloria at kinupkop sa luma niyang bahay-ampunan sa gitna ng kawalan, siguro ay matagal na kaming…
“Ate…”
“Wait lang… iabot mo muna sa ‘kin ‘yong tungkod ko. Tapos, tulungan mo akong magluto, okay?”
Narinig ko ang mga mahihinang yabag ni Moira papalayo sa ‘kin. Mayamaya ay bumalik siya, at inipit sa mga kamay ko ang isang mahaba at matigas na piraso ng kahoy na binigay ni Sister sa ‘kin para maging mga mata ko.
Naramdaman ko ang pag-alalay sa ‘kin ng mga munting kamay ni Moira patungo sa kusina. Maya-maya ay iniabot niya sa ‘kin ang kahon ng paborito niyang cereal at tinulungan niya akong gawan siya ng agahan.
Hindi man kami sagana, palagi kaming iniiwan ni Sister Gloria ng sapat na supply ng pagkain habang nasa Maynila siya. Hindi niya masyadong sinasabi sa ‘min ang mga ginagawa niya sa Maynila, at bilang pagrespeto na rin sa pagkupkop niya sa ‘min, hindi na kami nag-uusisa.
Tahimik ang buhay sa lumang ampunan, dahil na rin wala nang ibang mga batang kinukupkop si Sister Gloria. Sabi niya sa ‘min, sapat na raw kaming apat na sakit ng ulo niya. Madalas nga akong magprisinta na pumasok na rin sa kumbento para sumunod sa yapak niya, pero palagi akong pinipingot ni Sister.
Hindi raw biro ang debosyon na gusto kong piliin.
Alam ko naman ‘yon. At matagal ko nang nabuo ang loob ko na hindi na ako mag-aasawa at babantayan na lang ang mga kapatid ko.
Nabitawan ko ang hawak kong kutsara nang marinig ko ang pabalibag na bukas ng pinto ng maliit na bahay-ampunan. Kaagad kong sinenyasan si Moira at hinila niya ako patungo sa pinanggalingan ng ingay.
“Ate Opy! May nakita akong lalaking duguan sa gubat!” humahangos na saad ni Jeremiah, na sinundan ng tunog ng pagbagsak ng sa tingin ko ay bungkos ng kahoy sa lapag. Sinundan ‘yon ng tunog ng pagbagsak ng tila mabigat na katawan sa ibabaw ng upuang narra ng receiving area ng bahay-ampunan.
“Ano?” nag-aalalang tanong ko. “Bakit mo inuwi rito? Paano kung may humahabol sa kanya—”
“Ate, ‘di na ‘yon mahalaga! Kailangan niya ng tulong, mukhang naghihingalo na siya!”
Niyugyog ni Moira ang braso ko. “Ate… dugo…”
Nagpakawala ako ng malalim na buntong-hininga. “Dalhin mo muna si Moimoi sa kuwarto nila ni Sasha, ta’s dalhan mo sila ng cereal na nasa kusina. Tapos, balikan mo ‘ko dito. Bitbitin mo ‘yong first aid kit.”
Nang marinig ko ang papalayong yabag ng mga kapatid ko ay dahan-dahan ‘kong kinapa ang daan papalapit sa estrangherong iniuwi ng kapatid ko. Bahagya pa akong napapitlag nang maramdaman ko ang malamig niyang balat. Napaupo ako kaagad sa gilid ng upuan.
Kaagad na umangat ang mga kamay ko patungo sa bandang ilong at bibig ng estranghero para tingnan kung humihinga pa siya, na sa awa ng Diyos ay oo. Pinadaan ko ang mga kamay ko sa katawan ng estranghero, para masipat kung nasaan ang mga sugat niya…
Napalunok ako, lalo na nang maramdaman ng mga daliri ko ang hubog ng kanyang katawang tila ba inukit sa bato…
“Ate Opy,” bungad ni Jeremiah sa ‘kin nang makabalik siya, dahilan para mapapitlag ako. Narinig ko ang paglapit niya sa ‘kin, dahilan para bawiin ko ang kamay ko na kanina lang ay hinahawakan ang estranghero. “Oh, bakit para kang nakakita ng multo d’yan?”
“Siraulo, bulag nga ako, ‘di ba? Isa pa, tinitingnan ko kung anong nangyari sa kanya…”
Narinig ko na binuksan ni Jeremiah ang first aid kit. Mahina ang ingay na nilikha n’yon, kasunod ng mahihinang kaluskos. “May malaki siyang sugat sa braso, pati na rin sa may dibdib. Nakasuot pa nga ng jacket, e. May medalyon sa leeg.”
“Medalyon?”
“Oo.” Narinig ko ang mahinang kaluskos ni Jeremiah. “May nakaukit pa nga, e… Verdugo…”
Nanlamig ang katawan ko nang banggitin ni Jeremiah ang pangalan na ‘yon. Humigpit ang kapit ko sa tungkod na nasa kamay ko. Bago pa man ako makapagsalita, narinig ko ang hiyaw ng kapatid ko.
“Hala! Dumilat! Ate, dumilat ‘yong lalaki!”
“Anong— t-t-teka—” Naramdaman ko ang paghigpit ng kamay na bigla na lang humawak sa leeg ko. Sinubukan kong kalmutin ang kamay, pero sadyang hindi ko mapantayan ang lakas niya. Narinig ko ang paghampas ni Jeremiah sa lalaki.
“Aurora…”
Napalunok ako nang marinig ko ang tinig na ‘yon. Ang malalim at maamong tinig ng lalaking tila ba may halong panunuyo. Pangungulila.
“Sir, b-b-bitawan mo a-ako… hindi kami masamang tao. Dinala ka ng kapatid ko dito kasi wala kang malay—”
“Aurora…”
Huminto ang mundo ko nang siilin niya ako ng halik sa labi.