Ala sais palang ng umaga ay gising na agad ako. Mahapdi ang mga mata ko dahil gusto pang matulog.
Gustuhin man ng mga mata ko ang matulog ay hindi naman kaya ng utak ko. Paulit-ulit na nagre-replay sa utak ko ang nangyari kaninang madaling araw.
Iniisip ko kung panaginip lang ba ang lahat ng ‘yon pero hanggang ngayon ay naaalala ko parin. Ang sabi ko ay gusto ko nang tahimik na buhay pero mukhang hindi mangyayari iyon dahil lang sa kapitbahay kong kumatok sa pinto ko ng madaling araw.
Hirap na hirap ako sa pagbangon dahil nakadagan sa akin ang lalaki. Hindi ko rin gusto ang amoy niya dahil sa alak. Bagaman naghahalo ang amoy alak at perfume niya ay hindi ko pa rin gusto. Tinulak ko siya pagilid para tuluyan akong makangon. Nakahinga ako nang maluwag nang tuluyan akong makatayo.
Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Natataranta ako dahil tulog na tulog ang lalaki. Sa sobrang kalasingan ay ibang bahay na ang napuntahan niya.
Wala akong choice kung hindi gisingin ang lalaki. Lumapit ako sa kanya at tinapik ng mahina ang kanyang pisngi.
“Hello? Gumising ka,” wika ko. Napangiwi ako dahil sa sobrang awkward.
Hindi pa rin dumidilat ang lalaki. Nauubusan na ako ng pasensya.
Hindi siya magising dahil sa kalasingan. Kinapa ko ang bulsa ng kanyang pantalon. Nakakahiya mang gawin pero kailangan kong hanapin ang susi ng apartment niya. Hindi siya pwedeng matulog dito.
Isa siyang estranghero!
Nakapa ko ang kanyang wallet kaya kinuha ko ‘yon. Hindi ko pinansin ang makapal na perang papel, kinuha ko ang susi mula sa wallet at saka binalik iyon sa bulsa niya.
Lumabas ako ng apartment ko at nagtungo sa kabila para buksan ang kanya. Nakahinga ako ng maluwag nang mabuksan ko iyon. Bumalik ako sa kanya at saka siya inalalayan patayo.
Parang mangangalas ang mga buto ko dahil sa bigat niya. May kung anu-ano pa siyang sinabi pero hindi ko na pinansin iyon.
Hindi ko na binuksan ang ilaw. Basta inilapag ko na lamang siya sa kama niya na naaninag ko. Halos magdiwang ako nang sa wakas ay mailapag ko siya. Inilagay ko ang susi ng bahay niya sa kanyang tabi at dali-dali nang lumabas doon pero bago iyon ay narinig ko pa siyang nagsalita.
“Tangina,” mura niya. Napangiwi ako dahil doon at nagtungo na palabas.
Hindi ko kinalimutan ang pagla-lock bago lumabas.
Sobra-sobra ang kalabog ng dibdib ko nang makapasok ako sa apartment ko. Sinusubukan yata ako ni Lord ngayong nakabukod na ako.
Humiga ako sa aking kama at pinilit na matulog. Mahigit isang oras lang yata ang naging tulog ko. Nababalisa ako dahil baka maalala niya iyon.
Ano naman kung maalala niya? Siya ang nang-abala!
Mabuti at wala pang gising sa mga oras na iyon kaya medyo nakahinga ako ng maluwag.
Naligo muna ako bago nagpasyang bumili ng breakfast. Mayroon akong kaunting gamit pangluto at meron din akong electric stove. Pwede akong magluto pero tinatamad ako ngayon. Uam lang naman ang bibilhin ko dahil may rice cooker ako.
Kapag nakapag-ipon ay bibili din ako ng mumurahing refrigerator.
Bumili din ako ng ilang school supplies dahil simula na ng klase bukas. May uniform narin ako pagpasok pati na sa trabaho ko. Pinagdadasal ko nalang na sana ay maganda ang maging kalabasan ng unang araw ko sa eskwela at trabaho.
Pagkatapos mamili ay umuwi agad ako. Nasalubong ko pa si Aling Ida na nagwawalis sa tapat ng building. Nang mapansin niya ako ay agad siyang ngumiti. Ngumiti naman ako pabalik.
“Magandang umaga po,” magalang na bati ko.
“Magandang umaga, Hija.” sagot nito. Balak ko na sana siyang lampasan nang bigla niya akong tinawag.
“Hija,” lumingon ako sa kanya.
“Bakit po?” tanong ko.
“Ano nga ulit ang pangalan mo? Clay ba o Carline?”
Ngumiti ako ng bahagya bago sumagot.
“Caroline Therese po pero pwede na po ang ‘Cali’.” sagot ko.
“Ahh okey, pasensya kana at makakalimutin din ako minsan.” aniya sabay hagikgik. Natawa rin ako.
“Okay lang po ‘yon,”
“Naku! Nga pala, may itatanong din sana ako.”
“Ano po yon?” tanong ko.
“Nobyo mo ba si Atlas?” tanong niya.
Nagulat ako sa tanong niya. Bukod sa hindi ko kilala kung sino si ‘Atlas’, paano niya naisip na boyfriend ko ang kung sino mang iyon?
“Sino po? Atlas?” naguguluhan kong tanong.
“Oo, yung nakatira sa tabi ng inuupahan mo.” sagot niya. Napanganga ako dahil doon. So Atlas is his name?
“P-Paano niyo po nasabing boyfriend ko siya?” ako naman ang nagtanong.
“E kasi Hija, nakita kitang lumabas doon sa apartment niya kaninang madaling araw. Kung mag-nobyo naman pala kayo ay dapat sa iisang bahay—-”
“Hindi ko po siya boyfriend!” maagap na sagot ko. Nagulat pa si Aling Ida dahil medyo napalakas ang sabi ko.
“Asus, huwag ka nang maglihim. Marami na akong nakitang mga kabataan na—-”
“Hindi ko po talaga siya boyfriend. Yung kaninang madaling araw po, maling bahay po ang napuntahan niya. Kinatok niya po ako tapos tinulungan ko lang siya dahil medyo…..nakainom po yata.” paliwanag ko.
Mukhang pinaniwalaan ako ni Aling Ida dahil tumango ito.
“Naku! Pasaway talaga ang batang ‘yon.” wika niya. “Gwapo si Atlas kaya lang medyo masungit. Hindi marunong ngumiti,!”
Gusto ko sanang i-voice out ang pagsang-ayon ko pero huwag nalang. Baka kung ano na naman ang isipin ni Aling Ida.
Ilang minuto pa kaming nagkwentuhan ni Aling Ida bago ako umakyat sa apartment ko. Bahagya pa akong nakangiti pero biglang napawi iyon ng makita ko ang lalaki…..or should I call him Atlas?
Magkakasalubong kami kaya agad akong umiwas. Basa ang kanyang buhok, nakasuot ng white T-shirt at black cargo pants. Malinis na ang mukha niya dahil mukhang nagamot na ang mga sugat niya. Gwapo pero nakaka-intimidate dahil sa aura niya.
Buong akala ko ay papansinin niya ako dahil baka naaalala niya ang nangyari kaninang madaling araw pero hindi nangyari. Nilampasan niya lang ako at hindi man lang tinapunan ng tingin.
Dire-diretso siya hanggang makababa. Bahagya akong sumilip sa baba at nakitang pumasok siya sa isang kotse at saka pinaharurot iyon paalis.
Mukhang hindi niya naaalala dahil obvious naman na nilampasan niya lang ako. Siguro ay mas okay narin ‘yon. Nakalimutan niya ang nangyari at ako naman ay kakalimutan na lamang ang nangyari.
Pumasok na ako sa aking apartment. Kumain ako ng breakfast at inayos ang mga gamit ko sa eskwela. Ni-compute ko ang natitira ko pang pera. Nalungkot dahil nabawasan na naman iyon pero di bale na dahil may trabaho narin naman ako bukas.
Biglang nag-ring ang phone ko at nakitang si Tita Clara iyon, bunsong kapatid ni Mama at ang pinakamabait sa lahat.
“Hello po?” sagot ko.
“Cali? How are you? Kamusta ang paglipat mo?” sunod-sunod na tanong niya.
“Maayos naman po, naayos ko narin po ang mga gamit ko.”
“That’s good, how’s your school?”
“Bukas pa po ang simula ng pasok ko at saka po ng…..trabaho ko,” nag-aalinlangan ako kung sasabihin ko ang tungkol sa trabaho ko pero sa huli ay sinabi ko parin. There’s no point in hiding.
“What? Trabaho? You’re working?” histerikal na sabi ni Tita. Nakagat ko ang aking labi dahil doon.
“Opo,” mahinang sagot ko.
“Cali naman. Akala ko ba ay nag-usap na tayo? Hindi ba ako na ang bahala sa financials mo?” malungkot ang tono ng kanyang boses.
“Ayoko pong laging umasa, Tita. Saka kaya ko naman pong magtrabaho—”
“At kaya rin naman kitang tulungan financially,” may diin na sabat ni Tita.
“Alam ko po ‘yon pero gusto ko din pong matuto. Gusto ko pong tumayo sa sarili kong mga paa. Hihingi po ako ng tulong sa inyo kapag alam kong hindi ko po kaya.” sabi ko. Narinig ko ang pagbuntong hininga ni Tita sa kabilang linya.
“I can’t really change your mind, no?”
Hindi ako sumagot pero alam kong alam na ni Tita ang sagot ko.
“Fine, but tell me about your job.”
Sinabi ko kay Tita kung ano ang trabaho ko, kung magkano ang sweldo, at kung saan ang lokasyon. Marami siyang ibinilin na dapat at hindi ko dapat gawin. Hindi nalang ako umangal dahil baka magbago na naman ang isip niya.
Matapos ang tawag ay naglinis ako ng buong bahay. Wala naman akong magawa kaya naglinis nalang ulit ako. Tagaktak ang pawis ko nang matapos ako. Nakakapagod pero masayang makita na malinis ang tinutuluyan ko.
Gusto ko sanang lagyan ng dekorasyon kahit papaano ang apartment ko para naman magkaroon ng buhay. Naitanong ko kay Aling Ida kung pwede ba iyon, pumayag naman siya basta daw ba hindi masisira ang pintura ng bahay. Siguro ay bibili ako kung may extrang pera.
Napaigtad ako nang may biglaang kumatok sa pinto. Umahon ang kaba sa dibdib ko. Naalala ko na naman ang nangyari kanina.
Pinakalma ko muna ang sarili ko bago nilapitan ang pinto. Siguro ay si Aling Ida ito.
Nang mabuksan ko ang pinto ay tumambad sa harap ko si Atlas. Seryoso ang kanyang mukha pero bahagyang nakakunot ang noo. Iyon parin ang suot niyang damit.
“A-Anong kailangan mo?” tanong ko. Kung hindi niya naaalala ang pagkatok niya sa apartment ko ng madaling araw, then wala siyang rason para kumatok sa pinto ko ngayon.
“Ikaw ba ang naghatid sa’kin kanina? In my apartment?” malalim ang tono ng kanyang boses. Hindi ako nakasagot agad dahil gulat parin ako. So naaalala pala niya.
Sabi kasi nila, kapag ang isang tao raw ay nagpakalasing, mataas daw ang tyansa na hindi nito maalala ang mga ginagawa nila dahil lango sila sa alak.
“Ah..oo,” nahihiya kong sagot. Wala naman siyang reaksiyon. Bumuntong hininga siya at hinawi palikod ang buhok niya. Amoy na amoy ko ang perfume niya kahit medyo malayo ako.
“I know I’ve caused you trouble but….” kinuha niya sa bulsa niya ang kanyang wallet. Kinabahan ako dahil baka sabihin niya na may nawala doon kahit susi lang naman ang kinuha ko para buksan ang apartment niya.
Bumunot siya roon ng dalawang libo at inabot sa akin.
“Here,” aniya.
Naguguluhan akong tumingin sa kanya. Hindi ko maintindihan kung bakit niya ako binibigyan ng pera.
“Anong g-gagawin ko?” tanong ko.
“Payment for what you did,”
Kumibot ang kilay ko sa sagot niya. Binabayaran niya kung ano ang ginawa ko? Tinulungan ko siyang makarating sa apartment niya kasi lasing siya at ngayon ay binabayaran niya ang pagtulong ko. Is he serious?
“Tinulungan kita hindi dahil gusto ko ng pera. Tinulungan kita dahil bukod sa naabala mo ang pagtulog ko, ginusto rin kitang tulungan.” sabi ko.
Hawak niya pa rin ang pera habang inaabot sa akin.
“Tsk. Just keep it. Huwag mo nang pahabain ang usapan.” inis na sabi niya.
Tuluyan nang napigtal ang pasensya ko. Tumitibok din ang ugat sa ulo ko dahil sa inis.
“Akala mo ba talaga lahat ng bagay nabibili ng pera? Kahit simpleng pagtulong?” tanong ko. Binaba niya ang kamay niya nang mapansin niyang hindi ko talaga tatanggapin ang pera.
“Yes, money can buy everything. At mapapatunayan ko ‘yon kung tatanggapin mo ‘to.” seryosong sagot niya.
Napatawa ako dahil doon. Hindi ko alam na ganito pala kasama ang lalaking ito. Gwapo nga pero ang sama naman ng ugali.
“So naniniwala kang lahat ng bagay kayang bilhin ng pera?”
Hindi siya sumagot, tinaas niya lang isang kilay niya na parang pinaparating sa akin na ang tanga ko.
“O sige, tutal binibigay mo sa’kin yang pera, akin na.” nilahad ko ang kamay ko. Mabilis niyang nilapag sa kamay ko ang pera at akmang lalayas na nang pigilan ko siya.
“Binigay mo sa’kin ang pera kaya akin na’to, ngayon ibibigay ko sa’yo ang perang ito para bumili.” gigil na sabi ko at saka padabog na binalik sa kanya ang pera.
Kunot na kunot ang kanyang noo at alam kong nagmumura na siya sa isip niya ngayon.
“Bumili ng?” tanong niya. Ngumisi ako.
“Bumili ka ng manners mo. Bumili ka din ng mga salitang ‘Thank you’ at ‘Sorry’ dahil mukhang wala ka no’n.” sagot ko. Siya naman ang tumawa ngayon.
“Did you honestly expect me to say those cringe words?”
Mas lalo akong nagalit dahil doon. Hindi ako ang tipo ng tao na mabilis magalit pero dahil sa lalaking tao ay nagmumukhang maikli ang pasensya ko.
“Those are not cringe! It’s a simple words expressing gratitude! Hindi mo ba alam ‘yon?”
“Oh damn, kung ayaw mong tanggapin edi ‘wag.”
“Ha! Paano kung ako naman ang tinulungan mo at dahil ayokong magsabi ng ‘sorry’ at ‘thank you’ ay babayaran nalang kita? Sige nga, anong mararamdaman mo?” galit na sabi ko.
Ilang sandali siyang natahimik dahil doon. Akala ko ay may isusumbat pa siya pero wala na.
“Tss..” ang tanging lumabas sa bibig niya bago umalis sa harap ko. Padabog ko namang sinarado ang pinto.
Galit na galit ako. Ngayon ko lang naramdaman ang ganitong klaseng galit. Nakakapanghina. Bahagya pang nangilid ang luha sa aking mga mata dahil sa sobrang frustration.