5:30 am ay nakaayos na ako. Nakaligo na at nakakain na ng breakfast. Mahigit sampung minuto lang ang layo ng school ko dito kaya mukhang mapapaaga ang pasok ko. Medyo kinakabahan na nae-excite ako dahil ito ang unang araw ng pagpasok ko as a first year college.
Mamayang tanghali narin ang simula ng trabaho ko. I just hope everything goes well. Kahit pa dalawang araw na akong nape-perwisyo.
Gustuhin ko mang makalimutan ang nangyari kahapon ay hindi ko magawa. Paano ko magagawa iyon? Nasa katabing bahay lang naman ang taong nagparamdam sa akin ng sobrang galit kahapon at mukhang mas madalas pa kaming magkikita!
Magdamag kong inisip ang nangyari dahil hindi parin ako makapaniwala na may mga tao palang ganoon. Sa sobrang taas ng pride nila ay tinatabunan nalang nila ito ng pera.
Pinilig ko ang aking ulo para mawala sa isip ko iyon. Unang araw ng eskwela at trabaho ko ngayon at ayaw kong masira.
Nang masiguro kong wala akong naiwan ay lumabas na ako ng apartment at ni-lock ‘yon. Bumili ako ng dobleng lock kahapon dahil mas mabuti nang mag-ingat.
Abala ako sa pagla-lock nang biglang bumukas ang katabing pinto. Bahagya pa akong nagulat dahil do’n. Mula sa pinto ay lumabas doon ang lalaking kanina lang ay iniisip ko.
Bagong ligo siya at ang mas nakapagpagulat sa akin ay ang suot niyang uniform. Kaparehas ng disenyo ng uniform ko ang uniform niya. Nakita niya ako at agad na nagusot ang kanyang gwapong mukha. Tumaas pa ang kilay niya nang makita ang suot kong uniform.
Iniwas ko na ang tingin ko at pinagpatuloy nalang ang ginagawa. Nainis pa ako dahil hindi ko agad maayos ang pagla-lock.
Nang dumaan siya sa likod ko ay naamoy ko kaagad ang kanyang bango. Pinaghalong sabon siguro ‘yon at perfume niya. Hindi masakit sa ilong. Dire-diretso siya hanggang sa makababa.
Nang matapos kong i-lock ang pinto sumilip ako sa baba at nakitang sumakay siya sa kotse niya. Napataas ang aking kilay nang makitang bago ang sasakyan niya. Black Ford Mustang.
As usual ay pinaharurot niya ito paalis. Napabuntong hininga ako sa kaalamang parehas kami ng school na pinapasukan at parehas pa ng oras. Ipagdarasal ko nalang na hindi na kami magkita pa doon.
Matapos ang kaunting paglalakad ay nakarating din ako sa school.
Wisdom State University (school does not exist in real life)
Isa itong State university pero covered ito ng free tuition law. Walang tuition pero mataas ang kinakailangang requirements para makapasok. Masaya ako dahil isa ako sa mga estudyanteng pinalad na maabot ang mga requirements na ito.
Nang makapasok ay natanaw ko pa si Atlas. Nakasukbit ang kanyang bag habang papunta sa engineering department. Engineering student?
Sandali pa akong napaisip dahil kung mayaman pala siya, bakit hindi siya mag-aral sa pretihiyosong eskwelahan?
Nagkibit balikat ako. It’s not my business to find out.
Ang unang subject ko ay Panitikang Filipino kaya naman nagpunta na ako sa room para sa subject na iyon.
Naging maayos naman ang unang subject ko kahit pa wala akong kakilala. Sa pangalawa at pangatlong subject ay ganoon din. May mga ilan akong nakausap pero hindi rin ‘yon nagtagal dahil kaunting tanungan lang.
Break time at nagbabalak akong pumunta ng Cafeteria nang biglang may tumawag sa akin.
“Caroline!”
Nakita kong sina Irene at Jessica iyon.
“Sabay kana samin,” anila habang sinesenyasan akong lumapit. Ngumiti ako at tumango saka lumapit sa kanila.
Medyo nahihiya pa akong sumama dahil mukhang close na close silang dalawa sa isa’t-isa. Tahimik lang si Irene at si Jessica naman ay madaldal.
“Pasensya kana kay Jessica, sadyang ganyan lang siya kaingay.” bulong sa akin ni Irene. Natawa ako dahil napansin yata ‘yon ni Jessica.
“Pinagkakalat mo na namang maingay ako ha,” busangot ang kanyang mukha.
“Totoo naman,” sagot ni Irene.
Napakaraming estudyante sa Cafeteria at maingay. Isa lang ang Cafeteria ng school pero malaki naman. Medyo kinabahan pa ako dahil hindi ako sanay sa ganito karaming tao.
Pumila kami para bumili ng pagkain. Light meal lang ang in-order ko dahil uuwi din naman ako mamaya. Nakahanap pa kami ng bakanteng lamesa kaya doon kami pumwesto.
“Weh? Nagbo-board ka?” tanong ni Jessica dahil nabanggit kong mag-isa lang ako sa apartment ko.
“Oo, ayos naman.” sagot ko.
“Parang gusto ko din no’n! Walang pipigil sa kahit anong gusto mong gawin.” aniya.
“Hindi rin naman madali ‘yon, mahirap din kayang mag-isa.” sabi naman ni Irene. Hindi ko alam kung sasang-ayon ba ako dahil hindi ko pa naman iyon nararamdaman. Siguro malungkot kasi wala kang kasama pero para sa akin ay okay lang ‘yon.
Hindi naman nakakaawa kahit mag-isa ka lang.
Tahimik akong nagpasalamat nang matapos ang break time na hindi ko nakita si Atlas. Hindi naman sa mag-uusap kami kapag nagkita kami pero ayoko lang talaga siyang makita.
Natapos nang maayos ang unang araw ng klase. Hindi pa ako tuluyang nakakalabas ng school ay iniisip ko na ang trabaho ko. May kaunting schoolworks akong dapat gawin pero siguro ay gagawin ko ‘yon kapag nakauwi na galing trabaho.
Madaming estudyante ang labas-pasok sa gate dahil panghapon naman ang mga papasok ngayon. Siksikan kaya naman hirap akong lumabas.
Nang tuluyan akong makalabas ay nakahinga ako ng maluwag. Kailangan kong magmadali dahil naisipan kong kumain muna bago pumasok sa trabaho.
Natigilan ako sa paglalakad ng may biglang nadapa sa harap ko. Nanlaki pa ang mga mata ko nang makitang isa itong ginang. Nakasabog sa daan ang mga gamit mula sa bayong niya. Dali-dali ko siyang nilapitan para tulungan. Wala nang masyadong tao rito dahil medyo nakalayo na ako sa eskwelahan.
“Ayos lang po kayo?” magalang na tanong ko habang inaalalayan ito. Tumingin sa akin ang babae. Siguro ay nasa mid 40s na ito.
“Salamat hija, pasensya na.” nahihiya niyang sambit bago tuluyang pinagkukuha ang mga gamit niya. Tumulong din ako sa pagpulot at nilagay iyon sa bayong niya.
Nang matapos siyang tulungan ay sabay pa kaming tumayo. Nagulat na lamang ako nang bigla niya akong niyakap. Naguguluhan ako dahil sa biglaan niyang pagkilos. Hinimas niya rin ang magkabila kong braso.
Hindi ko alam kung anong nangyari dahil bigla na lamang akong nakaramdam ng pagkahilo. Parang umiikot ang paningin ko.
Bigla na lamang may humawak sa kanang braso ko at saka ako hinila. Kahit nahihilo ay pinilit kong tignan kung sino iyon.
Si Atlas.
Kunot na naman ang kanyang noo habang tinitignan ko. Hindi ko alam kung bakit siya nandito at bakit niya ako hinila.
“Let’s go,” madiin na sabi niya bago hinila palayo doon. Hindi ako makaangal dahil hanggang ngayon ay nahihilo parin ako.
Namalayan ko na lamang na papunta na kami sa sasakyan niya at pinapasok ako roon. Umikot siya papuntang driver’s seat at saka pinaandar iyon.
“You’re naive,” wika niya. Lumingon ako sa kanya.
“A-Ano?” naguguluhan kong tanong. Nagpasalamat ako dahil unti-unti nang nawawala ang pagkahilo ko. Ano ba ang nangyari?
“Mananakawan kana ng hindi mo alam,” sagot niya pero sa daan parin nakatingin.
“Huh? Anong mananakawan?” nagpa-panic na tanong ko.
“Tsk, nahihilo ka parin ba at ang bagal mong umintindi?” inis na tanong niya sabay lingon sa akin pero ibinalik din agad sa daan ang tingin.
“E hindi ko nga maintindihan e..saka p-paano mo nalaman na nahihilo ako?”
“Modus iyan dito, kunwaring madadapa sa harap mo para kapag tinulungan mo saka ka nila nanakawan. And you’re one of the dumbest person to not notice that.” sinabi niya ang panghuling pangungusap na para bang wala lang iyon.
“Hindi ako tanga ha! At saka hindi ko naman alam ‘yon! Nadapa siya sa harap ko kaya natural na tulungan ko siya,” depensa ko.
“Nanakawan kana nga, pagtulong pa rin ang iniisip mo.” inis na sabi niya.
“E sa hindi ko nga alam e! At saka paano ka nakakasiguro na nanakawan nga ako?” inis ko ring sabi. Hindi ako makapaniwala nandito ako sa loob ng sasakyan niya at nakikipagbangayan na naman sa kanya.
“First, you felt dizzy. They have something in their palm and they will rub it into your shoulders until you feel dizzy. Second, your bag is open.”
Mabilis kong tinignan ang bag ko at napanganga na lamang nang makitang nakabukas nga ito. Kinalkal ko ‘yon at tinignan kung may nawala ba. Walang nawala kaya nakahinga ako ng maluwag. Unti-unti na akong naniniwala sa kanya. Hindi ako makapaniwala na ang ginang na tinutulungan ko ay nanakawan na pala ako.
“B-Bakit mo alam lahat? Nabiktima kana rin?” tanong ko. Hindi siya sumagot pero alam kong oo dahil hindi naman niya malalaman ang lahat ng sinabi niya kung hindi niya naranasan.
Napasandal ako sa upuan ng kotse niya habang yakap ang bag ko. Nakakapanghina. Kung hindi dumating si Atlas, ano na ang mangyayari sa akin?
“Always observe your surroundings. Taga-probinsya ka yata e,” mahina niyang ibinulong ang huling sinabi. Marahas akong napalingon sa kanya.
“Kanina ka pa ha! Ano namang masama kung taga-probinsya nga ako? For your information, may mga magnanakaw din naman sa probinsya kaya alam kong mag ingat.” sabi ko. Konti nalang ay sisigaw na talaga ako.
“Tsk. I didn’t say anything bad about living in a province. Kung alam mo palang mag-ingat, bakit muntik kanang manakawan?” sarkastiko ang pagkakasabi niya at para bang nangi-insulto.
“Hindi ko nga kasi alam…” nanginig ang aking boses. Kanina pa pala ako nagpipigil ng iyak. Halo-halo na ang nararamdaman ko kaya hindi ko na napigilan. Pagod, inis, galit, at takot.
Bigla siyang lumingon sa akin at mahinang napamura nang makitang umiiyak na ako. Hindi na siya nagsalita pa pagkatapos no’n. Tahimik akong umiyak at huminto ng mahimasmasan na.
Nang makarating kami sa tapat ng building ay agad kong tinanggal ang seatbelt ko.
“Thank you at sorry sa abala,” mahina kong sabi. Bababa na sana ako nang bigla siyang magsalita.
“We are even now, You helped me last time and I helped you in return. “aniya.
Hindi ako sumagot at bumaba na ng sasakyan. Dire-diretso ako hanggang 2nd floor. Nakita ko pa si Aling Ida na nakatingin sa amin. Siguro ay iniisip niya ngayon na mag-boyfriend nga kami ni Atlas dahil bumaba ako sa sasakyan niya.
Ayoko munang magpaliwanag dahil para pa rin akong nanghihina hanggang ngayon.
Pinilit kong siglahan ang aking pagtatrabaho. Nakatulong pa sa pakiramdam ko na halos lahat ng katrabaho ko ay mabait sa akin. Ako yata ang pinakabata sa kanilang lahat. Kahit pansamantala ay nakalimutan ko ang nangyari.
Maraming tao ang namimili sa Premier Mart, bukod sa mabibili na dito ang kahit ano ay madali pang makita.
Mabuti na lamang at kahit working student ay tinatanggap nila. May experience rin naman ako sa pagka-cashier dahil noon ako minsan ang bantay sa hardware store na pag-aari ng Tito at Tita ko.
Ngumiti ako sa babae nang maibigay ko ang kanyang sukli.
“Thank you,” wika ko.
Ang aking ngiti ay napawi nang makita kung sino ang susunod na customer. Parehas pa kaming nagulat sa isa’t-isa. Parang kanina lang ay magkasama kami at ngayon ay narito siya. Nakasuot siya ng sweatshirt at maong shirts.
Nilapag niya sa counter ang mga pinamili niya. Puro groceries at stocks iyon. Hindi naman masyadong marami kaya mabilis ko lang inasikaso.
“ 470 po lahat Sir,” sabi ko. Napakagat siya ng labi at saka kinuha sa bulsa ang wallet. Naglabas siya ng buong 500. Ibibigay ko na sana ang sukli pero tinanggihan niya.
“Keep the change,” sabi niya at kinuha na ang mga pinamili.
“Thank you,”
Hindi na siya sumagot at tumalikod na paalis. Isa beses siyang lumingon pero sandali lang ‘yon.
Nang makuha ang aking sweldo para sa araw na iyon ay masaya akong umuwi. Paakyat na ako sa sa 2nd floor nang matanaw ko si Atlas na nakapatong ang dalawang kamay sa railings at may hawak na beer.
Mukhang napansin niya ako kaya lumingon siya. Nag-iwas ako ng tingin at pumunta sa pinto ng aking apartment. Nang makapasok ay nakahinga ako ng maluwag.
Hindi ako makapaniwala na dalawang araw ko palang nakikilala ang lalaking ‘yon pero sobra-sobrang emosyon na pinaparamdam niya sa akin. Lalo na ang pangmamaliit niya sa akin.