“Okay ka lang?” tanong sa akin ni Irene nang mapansin niyang kanina pa ako tulala. Tumango ako at ngumiti.
One week has passed. Kahit papaano ay nakakaipon na ako. Ibinubukod ko ang pambayad ng rent, kuryente at tubig habang ang natitira naman ay para sa pagkain at iba pang gamit na kailangang bilhin.
Naisip kong lumipat na sa gas stove dahil alam kong kalaunan ay masisira narin ang electric stove ko. Baka mamaya ay malakas ding kumonsumo sa kuryente iyon. Napagtanto ko rin na nakakapagod din palang pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho. Ramdam ko ang pagod at puyat pero siguro ay masasanay din ako.
“Gutom lang yan, halika na.” yaya naman ni Jessica sa Cafeteria.
May mga pagkakataon na nakikita ko si Atlas pero hindi madalas. Sa isang linggong lumipas ay hindi kami nag-usap. Wala naman kaming dapat pag-usapan. Minsan nga ay nagsasabay pa kaming umuwi sa tanghali pero walang conversation o kahit ano.
Masaya ako dahil doon. Dahil kapag nag-uusap kami ay sumasama lang ang loob ko sa kanya.
“Sama ako!” humabol sa amin si Marcus Ferrer. Sa architecture department siya pero madalas siyang bumuntot sa amin. Gwapo, mabait, at madalas pang ngumiti.
Sumimangot si Jessica.
“Huwag na, mag-iingay ka lang e.” reklamo niya.
“Edi hindi kita kakausapin. Si Caroline at Irene lang ang chichikahin ko.” sagot niya sabay kindat. Nanlaki ang mga mata ni Jessica.
“Hoy anong chismis yan?” habol na tanong ni Jessica. Ngayon ay sabay na silang naglalakad habang nag-uusap. Hindi man lang sila nag-abala na hinaan ang mga boses niya.
“Tayo lang talagang dalawa ang matino,” ani Irene. Natawa ako dahil doon.
Natigil ang pagtawa ko nang mahagip ng paningin ko si Atlas. Mukhang papunta rin sila sa Cafeteria. May kasama siyang dalawang lalaki. Ang dalawa ay nagtatawanan habang siya ay poker face lang.
“Transferee,” wika ni Irene kaya tinignan ko siya.
“Huh?” tanong ko.
“Transferee ‘yang si Atlas,” sagot niya. Uminit ang pisngi ko dahil nahuli niya akong nakatingin kay Atlas.
“Ang alam ko ay sa Heartstone College siya napasok pero lumipat dito. Hindi ko alam ang rason kung bakit,” dagdag pa niya. Napanguso ako.
“Hindi ko naman tinatanong,” mahinang sabi ko. Tumawa si Irene at nagkibit balikat nalang.
Nang matapos ang klase ay naghanda naman ako sa pagpasok sa trabaho. Naka-ponytail ang mahaba at straight kong buhok. Hindi ako marunong mag-apply ng make-up kaya lip tint at foundation ay okay na.
Naisip ko ring mag-aral kung paano mag-make up dahil baka mamaya ay kailangan ‘yon pero wala namang magtuturo sa akin.
Buong akala ko ay mabait ang lahat sa trabaho ko pero hindi pala. Galit yata sa akin si Kate. Isa siya sa mga saleslady at sa tuwing makikita ko siya bigla nalang niya akong iirapan. Hindi ko alam kung bakit.
Napapansin yata ‘yon ni Ate Dianne, cashier din gaya ko. Minsan nang break namin ay nilapitan niya ako.
“Huwag mo nang pansinin si Kate. Inggit lang yan,” sabi niya.
“Wala naman dapat kainggitan sa akin.” sagot ko. Bahagyang natawa si Ate Dianne sabay tapik sa balikat ko.
“Anong wala? Ang ganda mo kaya. Kung naging lalaki ako, liligawan talaga kita.” aniya sabay hagikgik ng tawa.
“Maganda rin naman siya ah saka ikaw,” tumango ako dahil totoo ‘yon. Hindi ko alam kung totoong maganda ba ako pero wala naman akong paki.
“Alam ko no, pero si Kate kasi ayaw niya ng may kakumpetensya. Balita ko crush no’n si Mark pero si Mark, ikaw yata ang gusto.”
Nagulat ako dahil hindi ko alam ‘yon. Hindi ko rin naman napapansin.
“Mali ka, imposible naman.” tanging sagot ko.
“Asus! Makita mo ha, one of these days aamin ‘yan sayo!” determinadong sabi niya. Hindi na ako nakasagot dahil tapos na ang 10 minute break namin.
Hindi ko masyadong inisip ‘yon dahil alam kong mali si Ate Dianne. Saka wala pa naman sa isip ko ang mga ganong bagay.
Naglalakad na ako pauwi ng apartment. Iniisip kong gawin mamaya ang mga schoolworks ko. Konti lang naman ‘yon kaya mabilis kong matatapos.
Tinatamad akong magluto kaya naisipan kong kumain nalang sa isang fastfood chain. Minsan lang naman ‘to kaya pagbibigyan ko na ang sarili ko.
Busog na busog ako pagkatapos. Pinigilan ko pa ang sarili kong mag-takeout. Siguro ay sa susunod nalang. Mas pipiliin kong itabi muna ang natitirang pera.
Paglabas ko ng fastfood chain ay napahinto ako nang makitang nasa harap ko ang isang kuting. Siguro ay nasa two or three months palang ito. Nakaupo lang siya doon habang takot na takot na nakatingin sa mga dumaraang tao. Purong kulay puti at medyo madungis.
“Kuya, kanino pong alaga ito?” tanong ko sa guard.
“Wala Ma’am, palagi po ‘yang nandito.” sagot ng guard.
Dahan-dahan akong lumapit sa maliit na kuting. Nang makita niya ako ay unti-unti siyang lumayo.
“It’s okay,” pag-alo ko sa kanya na para bang naiintindihan niya ako. Nang mahawakan ko siya ay agad din naman siyang kumalma.
“Meow,” aniya habang nakatingin sa akin.
Binuhat ko ang pusa at saka humarap sa guard.
“Kukunin ko po siya Kuya, pero kung may maghahanap po sa kanya, pakitawagan nalang po ako. Isosoli ko po,” sabi ko. Ibinigay ko kay Manong Guard ang kapirasong papel na may number ko.
“Sige po Ma’am.” sagot nito.
Umalis ako doon habang karga ang pusa. Sa tingin ko ay medyo natatakot pa siya. Hindi ko alam kung bakit naisipan ko siyang kunin pero nakakaawang makita na nandoon lamang siya sa harap habang takot na takot.
Bumili ako ng tuna para ipakain sa kanya. Isang beses ko lang siyang papakainin nito dahil sa pagkakaalam ko ay masama ang sobrang pagkain ng tuna sa mga pusa. Gusto ko sanang gatas ang ipainom sa kanya pero hindi ko alam kung anong gatas ba dapat.
Hindi ako masyadong mahilig sa hayop pero sa kaalamang may makakasama ako kahit papaano ay masayang-masaya na ako. Kahit na isosoli ko naman siya kapag may naghanap sa kanya.
Pagkarating sa building ay agad akong umakyat. Nakangiti ako habang inaalo ang pusa. Sinusubukan ko siyang mapaamo para masanay siya sa presensya ko.
Napawi ang ngiti ko nang makita ko si Atlas na nakasandal sa railings habang nakatingala. May hawak siyang sigarilyo pero walang sindi. Hawak niya lang.
Nang mapansin niya ako ay agad na bumaling siya sa pwesto ko. Tumaas ang kanyang kilay nang makita kung ano ang hawak ko.
Hindi ko siya pinansin at dumiretso sa apartment ko. Pagpasok ay agad kong binaba ang kuting at hinayaan itong maglakad sa loob. Siguro ay naninibago siya sa lugar.
“Dito ka muna pansamantala,” wika ko nang bigla siyang lumapit sa akin. Kiniskis niya ang kanyang katawan sa palad ko. Napangiti ako.
“Kapag mahigit na dalawang linggo ay walang paring naghanap sa’yo, akin ka nalang.” sabi ko pa.
“Meow,” napangiti ako dahil mukhang naiintindihan niya ngayon ang sinasabi ko.
Hindi pinapaliguan ang pusa pero baka bukas ay paliguan ko siya. Marumi kasi siya kaya kailangan linisan.
Naglagay ako ng maliit na batya sa isang tabi para incase na dudumi siya. Napagisipan kong bumili ng litter sand at pagkain niya bukas. Alam kong dagdag gastusin pero masaya naman ako.
Napangiti ako nang mabigyan ko siya ng pangalan.
Tinapos ko ang schoolworks ko at saka natulog.
Kinabukasan ay hinayaan ko sa labas ang pusa. Papasok na ako sa eskwela kaya maiiwan siyang mag-isa rito. Nilagay ko ang mat at batya niya sa labas, sa may tabi lang ng pinto ko. Naglagay din ako ng pagkain. Pwede naman siya sa loob ng apartment ko kaya lang ayaw ko naman siyang ikulong doon.
“Papasok muna ako, dito ka lang ha?” pagkausap ko sa kanya habang hinihimas ang kanyang katawan. Naliguan ko na siya kanina. Mabilis lang dahil baka sipunin.
“Pagbalik ko may pasalubong ako sayo,” sabi ko. Naupo siya sa mat habang nakatingin sa akin. Ngumiti ako at saka naglakad na paalis.
Nangangamba ako dahil baka umalis siya pero sana naman ay hindi.
Habang tumatagal ay mas dumadami ang mga schoolworks namin. Nagagawa ko naman lahat kahit pa may trabaho ako. Iyon nga lang, minsan ay kulang ako sa tulog.
“Caroline!” napalingon ako sa tumawag sa akin at nakitang si Jerald ‘yon. Kaklase ko rin.
“Sabi ko ‘Cali’ nalang e. Bakit?” napakamot siya sa kanyang ulo.
“Isosoli ko lang yung notes at ballpen mo,” sagot niya. Absent kasi siya ng 2 days kaya nanghiram siya ng notes. Tinanggap ko ang notes ko.
“Sa’yo nalang ‘yang ballpen. Baka mamaya wala ka na naman e,” pabirong sabi ko. Tumawa siya at sinabayan ako sa paglalakad.
“M-May sasabihin pala ako,” aniya sabay iwas ng tingin.
“Ano?” tanong ko agad. Ayoko talaga ng mga ganito. Kinakabahan ako kapag hindi nila sinasabi agad.
“May gagawin ka sa bukas?” tanong niya.
Bukas ay Sabado, off ko sa trabaho pati narin sa linggo.
“Hindi ko pa sigurado, bakit?”
“Yayain sana kitang manood ng sine. Nagkataon kasing may extrang ticket do’n sa favorite kong movie kaya yayayain sana kita.” hindi siya makatingin ng diretso sa akin. Pinaningkitan ko siya ng mata kaya lalo siyang umiwas.
“Hindi ako sigurado dahil maglalaba ako bukas saka maglilinis ng apartment ko.” sagot ko. Two consecutive days ang off ko kaya kailangan kong ituon ‘yon sa paglilinis, paglalaba, at paggawa sa iba pang schoolworks.
Lumungkot ang kanyang hitsura sa sagot ko. I suddenly felt bad dahil tumanggi ako.
“Ganoon ba? Sayang naman,” aniya.
“Magyaya ka ng ibang pwede. Sayang naman kung wala kang kasama.” sabi ko. Hindi na siya sumagot at tumango nalang.
Sigurado naman ako na maraming willing sumama sa kanya dahil gwapo naman siya. Mabait at matalino rin kaya maraming nagkakagusto. Hindi ko lang alam kung bakit ako ang naisipan niyang yayain.
Excited akong umuwi sa bahay dahil sa alaga ko. Pinagdarasal ko na sana hindi talaga siya lumayo.
Nakahinga ako nang maluwag nang makita ko ang pusa na nakaupo sa tapat ng pinto ko. Nakatingin siya roon na para bang hinihintay akong lumabas.
Narinig niya yata ang yabag ko kaya lumingon siya sa akin at agad na tumakbo.
“Meow,” agad niyang kiniskis ang katawan sa paa ko.
“Sabi sa’yo babalik ako e,” sabi ko. Pinakita ko sa kanya ang binili kong catfood at litter sand.Binilhan ko rin siya ng shampoo niya. Hindi siya mapakali nang maamoy niya ang pagkain niya.
Pumasok ako sa loob ng apartment para naman magbihis ng damit pang-trabaho. Nilagyan ko siya ng pagkain sa kainan niya. Agad siyang kumain kaya hindi ko na siya ginalaw pa.
“Aalis ulit ako ha, pero babalik din ako.” sabi ko. Hindi ko alam kung naiintindihan niya ako dahil nakatingin lang siya sa akin. Hindi na siya madungis at mas lalong tumingkad ang pagkaputi ng balahibo niya dahil nalinisan.
Naglakad ako paalis doon at nagulat nang makitang nakasunod sa akin ang kuting.
“Hindi ka pwedeng sumama,” sabi ko.
“Meow,” napakagat ako ng labi dahil para bang nagmamakaawa siya.
“Papasok akong trabaho at hindi ka pwede roon. Dito ka muna,” paliwanag ko. Hindi sumagot ang kuting pero nandoon parin siya.
“Don’t worry. I’ll watch her for you.”
Gulat akong napatingin kay Atlas na mukhang kanina pa nandoon. Nakasandal sa railings habang nakatingin sa amin. Nakasuot siya ng simpleng t-shirt at short na pambahay. Mas lalo siyang gumwapo ngayong wala na siyang sugat sa mukha. Ang kinis ng mukha at amoy na amoy ko ang panlalaking amoy niya.
“Lalaki siya,” sagot ko. Hindi naman siya nagbigay ng reaksyon sa sinabi ko.
“Hindi naman ako aalis kaya babantayan ko nalang siya,” seryosong sabi niya.
Hindi ko alam kung totoong seryoso ba talaga siya o hindi. Parang nagdududa ako dahil mabait siya ngayon. Napansin niya yata ang kakaiba kong tingin kaya hinagod niya ang kanyang buhok palikod at umiwas ng tingin.
“Tsk. Kung ayaw mo edi wag,” masungit na sabi niya. Akmang aalis na pero pinigilan ko.
“Kung babantayan mo nga siya, t-thank you.”sabi ko. Nakita ko ang pagnguso ni Atlas pero nawala rin agad ‘yon.
Pumasok ako sa trabaho na medyo magulo ang isip. Kalmado naman ako dahil alam kong babantayan nga niya ang pusa ko. Hindi ko alam kung bakit siya nag-presinta.
Hanggang ngayon nga ay nahihiya pa rin ako dahil umiyak ako sa harap niya isang linggo na ang nakalipas. ‘Yon ang unang beses na umiyak ako sa harap ng isang taong hindi ko pa lubos na kilala.
Pauwi na ako galing trabaho. Natigil ako sa pag-akyat ng 2nd floor nang matanaw ko si Atlas sa labas. Bahagya siyang nakaupo habang hinahawakan ang kuting. Ang magaling na pusa naman ay parang gustong-gusto at nakahiga pa.
Para akong nakakita ng Anghel nang makitang ngumiti si Atlas. Kahit naka-side view ay napakagwapo niya parin.
Kumalabog ang dibdib ko nang bigla niya akong balingan ng tingin. Para bang alam niyang kanina pa ako nandoon. Napawi ang kanyang ngiti at saka tumayo.
“Good evening,” aniya.