Ayoko ring mag-isip ng masama pero hindi ko maiwasang isipin ang huling sinabi ni Vincent sa akin. Magdamag akong gising at madaling araw na nang dinalaw ako ng antok dahil sa pag-iisip. Maaring tama si Vincent dahil wala akong ibang maisip na dahilan kung bakit ako hinalikan ni Atlas. Parang may kung anong bumagsak sa dibdib ko nang unti-unting mapagtanto iyon. Kung totoo ngang iyon ang dahilan ni Atlas, ganoon ba siya kasama para gawin ‘yon sa’kin? Ngayon ako nagsisisi kung bakit hindi ko siya sinampal noong gabing hinalikan niya ako. Nang gabing hinatid ako pauwi ni Vincent ay nadatnan ko sa labas ng kanyang apartment si Atlas. Ako yata ang hinihintay niya dahil para siyang nabuhayan nang makita ako. Ramdam kong gusto niya akong kausapin pero hindi ko siya binigyan ng pagkakataon.

