~Zaina Jhin~
“Bhess bilisan mo,” excited na tawag sa akin ni Rossy.
“Wait lang bhess, ililigpit ko lang ito,” sagot ko naman habang nagmamadali na sa pag aayos ng mga gamit ko.
Kanina pa ako minamadali ni Rossy dahil malapit na daw mag umpisa ang practise ng soccer. Nagulat ako dahil may soccer team pala ang school namin at taon taon ay kalahok kami sa contest sa pang lahatang school dito sa aming probinsya. Isang linggo na rin ang lumipas at naging maganda ang takbo ng pag aaral ko dito, maging ang pakikipagkaibigan ko sa mga taong nakakasalamuha ko sa araw araw. Kami ni Rossy ay napalapit ng sobra sa isat isa at halos araw araw ay kami ang magkasama. Bhess na nga pala ang tawagan namin at natutuwa akong ang laki na pinagbago ni Rossy. Natututo na siyang mag ayos ng sarili at hindi na rin masyadong mahiyain, kaya na rin niyang ipagtanggol paminsan minsan ang kanyang sarili.
Sa bahay naman ay ganon parin, mahirap parin ang pamumuhay namin. May mga pagkakataong nakikita ko ang pag aaway nila nanay at tatay,dahil sa kakulangan ng kinikita ni tatay. Tanging sa Panginoon na lamang ako humihingi ng tulong at alam kong hindi niya kami pababayaan. Malalagpasan namin ito dahil sa tulong niya.
“Tara na bhess,” wika ko nang makalapit na ako kay Rossy.
Magkahawak kamay pa kaming tumakbo papunta sa soccer field ng school namin.Maliit lang ang school namin kumpara sa dati kong school pero sinikap nilang magkaroon ng soccer field dito dahil doon daw magaling ang mga kabataan dito sa aming bayan.
“Ang dami ng tao hindi na tayo makakapunta sa unahan,” nanghihinayang na sambit ni Rossy.
“Ina, Rossy, dito oh.” Sabay kaming napalingon sa pinanggagalingan ng tawag at mula sa unahan ay nakita namin si Jaycee.
Kapwa kami napangiti at nagmamadali ng tumakbo papunta doon. Nang makalapit kami ay natuwa kaming pareho ni Rossy sapagkat may upuan sa unahan para sa amin. Ilan lang kase ang nakaayos na upuan dahil nga sa maliit lang naman ang extra space dito sa school namin.
“Salamat Jaycee,” pagpapasalamat ko kay Jaycee na agad nitong sinuklian ng simpleng ngiti.
Naupo na kami at natawa pa ako ng abutan kami ng pagkain ni Jaycee, ang kinakapatid ko talagang ito hindi mawawalan ng bitbit na pagkain.
“Hi Zaina Jhin.” Napatingin ako sa mga lalaking lumapit sa amin lalo na sa lalaking matangkad na siyang tumawag sa pangalan ko.
Bumaling ang tingin ko sa bawat isa sa kanila na kapwa nakangiti sa akin. Sa tingin ko ay matatanda sila sa akin sapagkat mas matatangkad sila.
“Ako nga pala si Bobby, grade 4 na ako. Sila naman ang mga kaibigan ko.” Pagpapakilala nung lalaking tumawag sakin na Bobby daw ang pangalan.
“Hello po,” tanging naisagot ko at nagtawanan naman silang lahat bagay na kinakunot ko ng noo.
“Wag ka ng mag po sa amin, hindi naman kami ganon katanda,” wika ng isa sa kanila.
“Ano bang kailangan nyo sa akin?” kinakabahan kong tanong.
Agad namang humarap sa mga kasama niya si Bobby at mula doon ay may inabot sa kanyang isang basket na puno ng ibat ibang prutas.
“Para sayo nga pala Zaina Jhin, sana magustuhan mo,” wika niya sabay abot sa akin. Hindi ko iyon kinuha at sa halip ay tiningnan siya ng may pagtataka.
“Totoo nga ang sabi nila, bukod sa maganda ka ay matalino kang bata,” sambit noong isang lalaki na kasama nila habang bahagyang natatawa. Nakita ko pang nagtanguan ang mga kasama nila habang si Bobby ay nakangiti paring nakatingin sa akin.
“Wag kang mag alala, mababait naman kami. Lagi kitang naririnig at sa totoo lang ay lagi rin kitang nakikita. Natutuwa ako sayo kayat naisipan kitang bigyan ng mga prutas na ito. Gusto kitang maging kaibigan Zaina Jhin, kaya kung papayag ka pwede mo akong maging kuya dito gaya ng ibang bata dito,” pahayag ni Bobby.
“Oo bhess tama iyon, siya ang kuya namin dito,” singit naman ni Rossy.
Muli kong pinagmasdan si Bobby, at sa huli ay tinanggap ko na rin at nginitian sila. Muka namang mabait sila lalo na si Bobby kayat wala naman siguro masama kung makikipagkaibigan ako sa kanila.
“Salamat kuya Bobby,” nakangiti kong wika.
Doon ay nakita kong napangiti siya na siyang sinuklian ko din ng isang ngiti. Saglit pa silang nakipagkwentuhan pagkatapos ay bumalik na sa kanilang mga upuan. Habang naghihintay na magsimula ang practice game ay nalaman kong mabait daw si Kuya Bobby sa mga batang babae dahil wala itong kapatid na babae dahil puro sila lalaki. Natural na daw kay kuya Bobby ang pagiging mabait kayat madami itong kaibigan. Napangiti ako dahil sa nalaman ko, nakakatuwa na magkakaroon ako ng kuya kuyahan sa katauhan niya.
Hindi naman nagtagal ay nagsimula na ang practice games at talaga namang nag enjoy ako sa panunuod. Wala akong alam masyado tungkol sa soccer pero nakakatuwang panuorin ang laro nila. Nang matapos ang game ay tumayo na ako dahil sa pag aakalang tapos na subalit nagulat ako ng sabihin nila Rossy na maglalaro pa ang ilan sa mga kaklase namin.
“Go Jude Maikko!” Napalingon ako sa mga studyanteng sumigaw ng pangalan ni JM. Doon ay nakita ko grupo ng ilang mga babae na sa tingin ko nasa higher grade na. Nang muli kong ibalik ang tingin ko sa soccer field ay napataas ang kilay ko ng makita ko si JM na nakauniform at ready na maglaro.
“Soccer player din sya?” bigla kong naibulalas.
“Oo bhess, si JM ang pinakamahusay sa mga junior player natin. Hindi pa sila sumasali sa contest pero dati ng naglalaro dito sa barangay natin iyang si JM kaya magaling na siya,” sagot ni Rossy.
“Hindi pa sila sumasali, bakit magpapractice sila?” naguguluhan kong tanong, sorry naman wala talaga kong alam pagdating sa mga sports.
“Kase bhess gusto ng coach nila na habang mga bata pa ay mahasa na silang mabuti. Hindi pa tayo nagchachampion at gusto sana ng school na magchampion tayo balang araw,” muling sagot niya.
Napatingin ako sa kinaroonan ni JM at nakita ko doon ang mga kaibigan niyang sina Romel at Melchor. Masaya silang nag uusap habang hindi pa nagsisimula ang game. Speaking of JM simula noong nasugatan siya ay hindi niya ako panapakitaan ng kagaspangan ng ugali niya. Pero hindi parin nawawala ang pagiging suplado niya gaya ngayon. Nagulat ako ng biglang tumuro si Romel sa banda namin at napatingin tuloy si JM. Nawala ang ngiti niya nang magtama ang mga tingin namin. Nakita kong umakbay sa kanya si Romel at tumatawa. Nang ibalik ko kay JM ang tingin ay sinimangutan niya ako. Ano na naman kasalanan ko sa mokong na iyon.
Buti na lamang ay nagsimula na ang practice nila kaya nawala na ang masama niyang tingin sa akin. Naisip kong tanungin si Rossy dahil naalala kong magpinsan nga pala sila.
“Bhess, sabi mo mabait naman si Jude Maikko,” sambit ko na agad namang tinanguan niya.
“Oo bhess mabait yang pinsan ko na iyan. May mga kalokohan syempre lalaki hindi naman mawawala iyon. Pero mabait siyang bata, magalang at madaming kaibigan. Hindi rin iyan madamot, alam mo ba pag wala akong baon binibigyan ako niyan kaso patago lang kase magagalit mama niya.” Sagot ni Rossy matapos kainin ang atis na binigay sa akin ni kuya Bobby.
“Bhess masarap tikman mo oh,” dagdag pa niya na agad ko naman tinikman at totoo nga masarap nga.
Muli kong binalik ang tingin ko kay JM na abala sa paglalaro. Totoo ngang mahusay siya, ang bilis pa niyang kumilos at halatang nag eenjoy siya sa paglalaro.
“Kung mabait siya, bakit ang sungit niya sa akin, bakit parang ayaw niya sa akin bhess?” malungkot kong tanong.Tila kase sakin lamang siya ganyan dahil sa nakikita ko halos lahat ay kaibigan naman niya.
“Hindi ko rin alam eh, baka may gusto sayo,” derederetchong sambit ni Rossy na kinasamid ko.
“Joke lang bhess, ayos ka lang ba?”
“Oh tubig, napano kaba?” nagtatakang tanong ni Jaycee ng marinig ang pagkasamid ko.
Agad kong kinuha ang tubig na bigay ni Jaycee at ininom agad iyon.
“Bhess bunganga mo,” sambit ko matapos uminom.
“Sorry naman bhess, wala kase kong maisip na dahilan, mabait at maganda ka naman, hindi mo din sya inaaway kaya bakit siya magagalit sayo diba?” pahayad ni Rossy na lalong nagpagulo sa isip ko.
“Siguro dahil taga Maynila ka.” Napalingon kami kay Jaycee dahil sa sinabi nito.
“Ano naman kung galing akong Maynila?” tanong ko.
“Ang narinig ko kase sa usapan nila dati sabi ni JM maarte daw ang mga taga Maynila, at matatapobre. Kapag nalamang probinsyano ka kadalasan ay pinagtatawanan ka daw pag nagpunta ka sa Maynila.” Napakunot noo ako sa sinabi ni Jaycee.
Naputol ang usapan namin nang maghiyawan ang mga nanunuod. Lahat nang atensyon namin ay napunta sa mga naglalaro. Lalo lamang akong napaisip at naguluhan. Tila napakababaw naman ata ng dahilan niya para magalit sa akin. Totoo naman na may ilang mga taga Maynila na ganon ang ugali pero hindi naman lahat at hindi ako ganon saka isa pa ay probinsyana rin naman ako,dito pinanganak at natira lang naman kami doon dati. Malayo naman ang pag uugali ko sa inaakala niya kayat bakit ganon na lamang ang trato niya sa akin.
Matapos ang games ay nagpasya na kaming umuwe at gaya dati ay sabay kami ni Rossy at Jaycee sa pag uwe. Pagdating ko sa bahay ay ginawa ko na agad ang mga gawain ko upang maaga akong mkapag aral habang may liwanag pa dahil sayang ang gaas na gagamitin sa gasera.
Maaga ko natapos ang mga aralin ko kayat nang kakain na kami ay tapos na ako. Matapos naming kumain ng hapunan ay naglinis na ako ng sarili ko kasama si Faye at naghanda na kami ng higaan namin. Banig lang at mga unan ang ihahanda ko dahil hindi ko abot ang pagsasabitan ng mga tali ng kulambo kayat si nanay na ang gagawa non.
Matapos maghanda ng higaan namin ay bumaba kami ni Faye upang umihi na muna bago matulog. Paakyat na sana kami ng tawagin kami ni tatay. Lumapit naman kami agad sa kanila ni nanay. Naroon sila sa aming hapag kainin at iniintay kaming makaupo sa upuan naming kahoy.
“Ano po iyon tatay?” tanong ko.
Kapwa sila tahimik nang tumingin sa amin. Humigop si tatay ng kape mula sa tasa niya saka nagwika.
“Mga anak babalik na tayo sa Maynila,” pagsisimula nito.
Agad na natuwa si Faye at nagtatalon pa. Habang ako naman ay natahimik at hindi makakibo. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Hindi ko rin alam kung ano ang mararamdaman ko dahil sa binalita ni tatay.
“Bakit po?” tanging naitanong ko.
“Ilang buwan na tayo anak dito, nakikita niyo naman ang hirap natin dito. Kaya nagpasya kaming bumalik na lamang tayo sa Maynila doon may regular na trabaho ang tatay niyo,” sagot ni nanay.
“Ayaw mo ba bumalik sa Maynila?” tanong ni tatay sa akin na hindi ko agad nasagot.
Alam ko namang mahirap ang buhay namin, at tama si nanay may regular na trabaho si tatay sa Maynila. Mas magiging maayos ang buhay namin doon. Kaso lamang paano ang pag aaral ko, baka mahinto na naman ako.
“Pwede ka namang maiwan kung gusto mo, payag naman sila Inang.” Napatingin ako sa tatay ko ng sambitin niya iyon. Tila nakakita ako ng liwanag bigla dahil sa binitawang salita ng tatay ko.
“Gusto mo ba anak? Kaya mo ba?” nag aalalang tanong ni nanay.
“Kung papayag po kayo.Kaya ko naman po lalot sila inang at tatang naman ang kasama ko,” sa wakas ay naisagot ko.
Nakita ko ang pagtango ni tatay saka muling humigop ng kape habang si nanay naman ay biglang nalungkot.
May ilan pang pinag usapan tungkol sa pagbabalik nila nanay sa Maynila. Sinigurado pa ni nanay kung talagang kaya kong maiwan subalit iisa lamang ang sagot ko, maiiwan ako. Ramdam kong ayaw akong iwan ni nanay at nalulungkot dahil mawawalay ako sa kanila, ganon din naman ako. Subalit kailangan ko itong gawin, kailangan kong unahin ang pag aaral ko para din naman ito sa aming lahat.