~Zaina Jhin~
“Zaina Jhin congrats ulit, ang galing galing mo,” natutuwang sambit ni Rossy.
Napatingi naman ako dahil sa sinabi niya. Kapwa kami naglalakad patungo sa poso upang maghugas ng mga basong ginagamit namin sa silid namin. Napangiti ako nang mapagmasdan ko siya, mula ang maging magkaibigan kami ay sinikap kong tulungan siyang mag ayos kahit paano upang hindi na siya nabubully dahil sa mga buhok niya. Nalaman ko kaseng nag aasikaso pa siya ng mga kapatid niya bago pumasok dahil ang kanyang ina ay may sakit. Naaawa ako sa kanya dahil gaya ko panganay din sya at maswerte parin ako dahil nariyan ang nanay ko.
“Salamat Rossy,” nakangiti kong tugon matapos kong ibaba ang mga dala namin nang makarating na kami sa poso.
“Wala iyon, ako nga dapat magpasalamat sayo, hindi na ako masyadong inaasar ngayon, tapos binigyan mo pa ako ng suklay,” masayang sambit nito na nagpataba ng puso ko. Simple lamang naman ang ginawa ko ngunit napakalaking bagay na iyon sa kanya.
“Asan na ba si Jaycee, sabi nya iihi lang siya,” wika ko nang maalala kong wala pa si Jaycee na siyang magbobomba ng poso para sa amin.
“Tabe nga,” napaatras naman ako ng marinig ko ang boses ng bagong dating na si JM.
Hindi ito nakasimangot subalit hindi rin naman ito nakangiti.Tumapat ito sa bunganga ng poso habang nagbobomba si Romel. Sinimulan na nito ang paghuhugas ng paa at napasimangot na lamang ako nang walang ingat itong maghugas dahil nagtatalsikan ang mga tubig dahilan upang mabasa ng bahagya ang palda ko. Pinagpag pa nito ang mga kamay at hindi ako agad nakaiwas kayat basa na talaga ang palda ko.
“Uy JM nababasa si Ina, ingat ka naman,” wika ni Melchor kaya agad namang tumingin sa akin si JM. Subalit tinitigan lamang niya ako ng walang gana saka nag wika.
“Pwede namang umiwas diba?” masungit niyang wika sabay alis. Matalim ang tingin kong sinundan ito ngunit hindi na ako kumibo. Ayokong sirain ang araw ko dahil lang sa kasupladuhan ng batang iyon. Agad namang humingi ng pasensya sina Romel at Melchor bago sila umalis.
“Pasensya kana sa kanya Zaina Jhin,” hinging pasensya ni Rossy na tinanguan ko na lamang.
Nang makarating si Jaycee ay agad na kaming nagsimula at bumalik agad sa room namin pagkatapos. Masayang ibinalita ni Mam Sheena na halfday lamang ang klase namin dahil nagpaluto ng meryenda ang punong guro namin para sa aming lahat bilang pagsasalamat sa tagumpay na inuwi naming mga kalahok sa contest.
Mabilis na lumipas ang oras nang matapos ang pananghalian ay lahat kami ay nagsipagsaya sa labas. Doon ay nagsaya ang lahat habang masayang pinagsaluhan ang aroskaldo na pinaluto para sa lahat ng mag aaral. Binigay din sa aming ang oras na iyon upang mag laro at asikasuhin ang aming mga garden.
Napagpasyahan ko na rin na lumipat ng grupo at sumama kila Rossy at nagpapasalamat naman ako at tinanggap nila ako kasama ang ka grupo niyang si Mae. Nagpaalam ako nang maayos kila Jaycee at nalungkot naman si Jaycee dahil sa paglipat ko. Samantala si JM naman gaya ng inaasahan ay natuwa pa.
“Mabuti naman at aalis kana, baka naman mamaya kami naman ang pagalitan ni mam,” wika ni JM habang nakatitig sa akin. Napabuntong hininga na lamang ako saka ko siya hinarap.
“Nagpaalam na ako at pumayag naman siya kaya wag kang mag alala hindi magagalit si mam,” sagot ko sa kanya na nginisihan lamang ako ng sira ulo.
“Mabuti nang sigurado, ayoko sa lahat mapahamak at maugnay sa sayo Miss Manila girl!” masungit niyang sambit.
Sa inis ko ay nilapitan ko siya at pinakalapit ang muka ko sa kanya.Tinitigan ko din ang mga mata niya at nais kong matawa sa biglang pag atras niya at pagbabago ng kulay ng muka niya.
“Tatandaan ko po iyan Mr.Probinsyanong suplado!” wika ko saka matamis na ngumiti at tumayo na para lumipat kila Rossy.
Magkatabi lamang naman an gaming mga garden kayat magkikita at magkikita parin kami ang mahalaga ay hindi ko na kailangan ipagsiksikan ang sarili ko sa grupo niya.
Masaya naman akong tinanggap ni Mae pagkalipat ko sa grupo nila. Si Mae ay isa sa mga kamag aral ko na lalaki kung kumilos. Masaya naming sinimulan ang pag aalaga sa tanim nila na talong. Inabutan ko pa silang naghuhukay dahil ang sabi ni Mae ay magtatanim daw sila ng okra sapagkat namatay ang ilan nilang tanim. Napansin ko nga na ilang puno na lamang ang natira.
Agad ko naman silang tinulungan sa paghuhukay habang si Mae ay kumuha agad ng tubig. Habang naghihintay kami ni Rossy ay nagsimula na kaming durugin ang mga lupa at tanggalin ang ilang maliliit na d**o.
“Ina kailangan nyo ba ng tulong?” Napaangat ako ng tingin ng lumapit sa amin si Jaycee.
Saglit akong napatingin sa dati naming garden at doon ay mag isa si JM na nakaupo habang nakatingin sa amin. Inirapan pa ako nito saka muling pinagpatuloy ang pag aayos ng ilang kahoy na sa tingin ko ay gagawin niyang bakod para sa tanim.
“Kaya na namin ito Jaycee bakit hindi na lamang si JM ang tulungan mo,” sagot ko
“Maganda na ang tanim namin dahil iyon sayo Ina, saka kaya na niya ang pag babakod,” napapakamot na wika ni Jaycee.
“Kahit na sana tinulungan mo parin,” wika ko saka muling tiningnan si JM na abala sa pag aayos ng mga kahoy.
“Eh sabi nya kase baka kailangan nyo daw ng magbubuhat ng tubig, wala kayong lalaking kasama.” Nagulat naman ako sa sinambit na iyon ni Jaycee. Totoo ba ang naririnig ko, may kabaitan din palang taglay ang mokong na iyon.
“Mabait naman kase si JM,” sambit ni Rossy na pinagkibit balikat ko na lamang.
“Ah so may sapak lang talaga siya kaya niya ako sinusungitan?” wika ko saka muling tumingin sa gawi ni JM.
Sakto namang sabay pa kaming napatingin sa isat isa at sa bilis ng pangyayari ay nakita ko na lamang na biglang niyang nabitawan ang kahoy at mula doon ay nakita ko ang pagtulo ng dugo mula sa kamay niya. Agad akong napatayo at mabilis na lumapit sa kanya. Madiin niyang hinawakan ang kanyang kamay upang pigilan ang pagtulo ng dugo.
“Anong ginagawa mo dito?” Napakunot noo ako nang nagawa pa niyang sabihin iyon sa kabila ng kalagayan niya.
“May sugat ka, tutulungan kita,” wika ko.
“Hindi ko kailangan ng tulong mo,” mabilis niyang sagot bagay na kinainis ko.
Tatayo na sana siya subalit mabilis ko siyang hinala paupo sa tabi ko. Masama ang tinging pinukol niya sa akin at pilit na kinukuha ang kamay niya.
“Kaya ko na sabi!” inis niyang wika.
“Wala akong paki,” matigas kong bigkas sako ko marahas na kinuha ang kamay niya.
Naglapitan na ang ibang mag aaral sa amin at nang makita ko ang mga kaibigan niya ay napangiti ako.
“Romel, Melchor Jaycee, paki pigilan nga itong matigas ang ulo na to!” wika ko na agad nilang sinunod,
“Ang kulit mo!” inis na sambit ni JM sa akin na nginitian ko lamang.
“Ang tigas ng ulo mo!” sagot ko na lalo niyang kinangitngit.
Agad kong kinuha ang tubig na naroon saka ko hinugasan ang kamay niyang may mga dugo na. Samantala panay parin ang reklamo at pagpupumiglas niya buti na lamang ay hawak siya ng mga kaibigan niya. Pinagtagal ko muna doon ang kamay niya sa tubig dahil patuloy ang pag agos ng dugo. Nakaramdam naman ako ng tila panlalata marahil ay dahil sa dugong nakita ko.
“Anong nangyare sa iyo Ina, bakit namumutla ka?” tanong ni Rossy na agad lumapit sa akin.
Nakita ko ang pagtingin nilang lima sa akin at maging si JM ay napatigil na rin sa pagrereklamo at pagpumiglas.
“Ayos lang ako, sa dugo lang ito,” wika ko.
Nang makabawi ay kinuha ko ang panyo ko sa bulsa ko subalit wala ito at naalala kong naipatong ko iyon sa lamesa ko. Kailangan ko pa naman iyon para ipangtali sa kamay ni JM. Hindi na ako nag isip pa at agad kong tinanggal ang panyong nakalagay sa buhok ko. Bumagsak ang buhok ko dahil sa pagkakatanggal ko ng panyo kong tali dito.
Kinuha kong muli ang kamay ni JM na ngayon ay tahimik na at nakatingin lamang sa akin. Matapos kong itupi ang panyo ko ay maingat kong itinali sa sugat ni JM. Dahil sa pakiramdam ko ay nanghihina parin ako dahil sa nakita kong dugo at hindi ko maayos ang pagkakatali sa sugat niya. Dumagdag pa ang buhok kong mahaba na humaharang sa muka ko dahil hindi ko na ito naayos dahil sa pagmamadali.
Nagulat naman ako at napahinto sa ginagawa ko nang maramdaman ko ang isang kamay ni JM na dumampi sa aking pisngi. Hinahawi niya ang mga hibla ng buhok kong humaharang sa muka ko. Napatingin ako sa kanya at nakita ko at kalmado at payapa niyang mga mata. Patuloy lamang ito sa pag aayos ng buhok ko gamit ang isa niyang kamay habang ang isa niyang kamay ay hawak ko parin.
Magkatabi lamang kami kayat napakalapit ng muka niya sa akin na hindi ko alam kung bakit bigla akong nailang. Napatitig akong muli sa kanya at ganon din siya sa akin.
“Nahihirapan ka sa buhok mo,” wika niya na nag iwas ng tingin.
“Salamat,” sagot ko saka pinagpatuloy ang paglalagay ng taling panyo sa kamay niya.
Nanatili kaming lahat na tahimik lalo na kaming dalawa ni JM. Nang matapos ako sa paglalagay ng tali sa sugat niya ay siya namang pagdating ng guro namin.Nang makita nitong maayos na si JM ay pinayuhan itong magpahinga na lamang muna. Nagpatuloy naman ang mga lahat sa kanya kanyang ginagawa habang kami naman ay naiwan kasama ni JM.
Nakita ko itong nakatitig sa kanyang kamay na may tali ng panyo ko. Hindi ito kumikibo at tahimik lamang na nakaupo.
“Kamusta, masakit ba?” tanong ko na dahilan para mag angat siya ng tingin sa akin. Saglit niya lamang akong tinitigan saka sumagot.
“Maliit na sugat lang ito, kaya ko ito,” masungit parin niyang sagot. Napairap na lamang ako dahil sa sinagot ng supladong probinsyanong ito.
Tumabi ako sa kanya at hindi na lamang umiimik. Nang humangin ay nagulat ako dahil hinangin ang buhok ko na nakalimutan kong hindi ko pa pala naitali. Napatingin tuloy siya sa akin ng maramdaman ang pagtama ng buhok ko sa muka niya.
“Sorry,” nahihiya kong wika.
Hindi naman siya galit at wala din akong nakitang pagkainis mula sa mga mata niya.
“Pwede bang sa akin na lamang iyang goma mo,” nahihiyang kong sambit. Agad naman siyang napatingin sa braso niyang may gomo saka nagbaling ng tingin sa akin.
“Pang iipit ko lang sana sa buhok ko.” Sumagot na ako agad at hindi ko na hinintay na magtanong siya.
“Wag mo na iipit iyang buhok mo, masisira lang yan sa goma,” wika niya na muli ay pinagtaka ko. Pero hindi ko na inisip iyon dahil sa totoo lang ay ayaw ko sa goma dahil masisira naman talaga kaya nga panyo ginagamit ko o kaya ay malambot na telang ipit.
Dahil nahihiya ako sa paghampas ng buhok ko sa kanya kanina ay tumayo na ako upang umalis.
“Salamat,” Napatingin ako sa kanya ng sabihin niya iyon.
“Salamat dito,” wika niya habang turo ang kamay niyang may tali. Tumango ako saka siya iniwan.