Habang papunta sa Jollibee ay walang patid ang kwentuhan ng kambal, maging ako ay nakikitawa na sa kanilang dalawa. Tila hindi makapaniwala sa mga naranasan nila ngayong araw. Nang magawi ang tingin ko si Dominic ay nahuli ko siyang nakatitig sa akin. Kakaibang titig na parang tumagos sa dibdib ko at nagdulot ng masayang pakiramdam sa akin. "Ate," tawag ni Mayumi. Humarap ako sa kanya kahit parang ayaw ng mga mata kong humiwalay sa mga mata niya. "Y-yes, Mayumi?" Hinawakan niya ang dalawang kamay ko at iniyakap sa kanya, "Maraming salamat po," aniya. Parang may kung anong kumurot sa puso ko. Niyakap ko siya ng mahigpit, "Walang anuman 'yon, Mayumi. Deserve n'yo yan ni Lakan," saad ko habang nakangiti din kay Lakan. Ang mga ngiti sa labi niya ay sapat na para sa isang pagpapasalamat.

