Matiyaga naming inantay ang paghinto ni Dominic sa tapat namin. Kulay gray na kotse ang dala niya upang maging sasakyan namin patungong bayan. Katulong na ang nagsara ng malaking gate nila bago ito kumaway sa papalayong sasakyan. "Hop in," nakangiting bungad sa amin ni Dominic pagtapat niya sa kinapupwestuhan namin ng kambal. Ipinagbukas niya ng pinto ang dalawang bata bago ako pinagbuksan sa katabing upuan ng drivers seat. "Kuya Dominic. Bakit ang lamig naman po dito sa loob?" yapos ang sariling tanong ni Mayumi. "Oo nga, Kuya. Pakiramdam ko nahihilo din ako," dugtong naman ni Lakan. Nagkatinginan kami ni Dominic, "Hinaan mo kasi yung aircon," natatawang utos ko sa kanya. Agad naman siyang tumalima. Sa halip na hinaan ay pinatay niya na lang ang aircon at binuksan ang mga bintana.

