“Kinakampihan pa ang celebrity na iyon, mali na nga. Wala talaga sa lugar ang mga babae na iyan. Wala silang mararating kung ganiyan nang ganiyan ang gagawin nila.”
---
Maaga akong tinawagan ni Richie dahil may photoshoot ulit kami at private photoshoot daw ito. Ni-request ng client niya na kaming dalawa ang photographer, iyon ang sinabi niya sa akin. I doubt it, si Richie lang naman ang nakakausap at kilala nila. Sigurado ako na siya ang nag-request na isama ako. Itinuturo ko na nga ang iba pa niyang assistant pero ako raw ang gusto niyang kasama.
Sino ba ako para tumanggi? Hindi ko naman daw ito pagsisisihan at sikat na personality ulit ang makakasalamuha namin. Kinakabahan ako. Kapag talaga sinasabing celebrity ang client niya ay kinakabahan ako.
Si Richie na ang susundo sa akin dahil kailangan si Yohan sa trabaho. Naiintindihan ko naman. Puwede rin naman na ako ang magmaneho para sa sarili ko, ayaw naman ni Yohan at hindi rin ako papayagan ni Daddy.
“Richie, mag-iingat kayong dalawa.” Si Daddy. Maaga siyang gumising para makita rin si Richie and of course, para paalalahanan kami na mag-ingat.
“Opo, Tito. Ako po ang bahala kay Nakeisha. Aalis na po kami.” Sumakay na ako sa kotse niya pero hindi kaagad kami umalis at tumitingin siya sa likod na para bang may hinihintay.
Si Ashley?
“Hinahanap mo ba si Ashley?” pagtatanong ko.
“Hindi naman. Nagtataka lang ako na wala siya ngayon. It’s weird.”
“Gusto nga niyang sumama ngayon kaya lang masama ang pakiramdam niya, eh. Kagabi pa nga may sakit ang isang iyon.”
“Bakit nagkasakit?” Tama ba ang pagkakarinig ko? May pag-aalala sa tono ng boses niya.
“Hindi ko alam. Puntahan mo kaya?”
“Huwag na,” tanging sagot lang niya sa akin. Ano ang ibig sabihin ng sagot niya?! Bahala nga silang dalawa. Obvious naman na may nararamdaman sila para sa isa’t-isa pero . . . bakit parang may pumipigil kay Richie? Malaki naman na sila, kaya na siguro nilang magpakatotoo sa nararamdaman nila.
Dumating na kami sa area kung saan magaganap ang photoshoot. Mukhang private nga ito dahil lahat ng fans ay nasa labas lang. Pumasok na kami ni Richie sa loob at nagsimulang ayusin ang mga gamit namin. Sa unang tingin, hindi mo aakalain na ganito kalaki ang ginagawang project ni Richie. Napaka-simple lang kasi niyang tao kaya baliw na baliw ang kaibigan ko.
“Ang daming tao, Richie. Sino palang hinihintay natin?” I asked while fixing our things.
“I’m sure, you know him.”
“Sino?”
He smiled. “You are going to meet him again.”
“Sino nga, Richie?”
“Si Maximus Chance Castillo.” Parang nabingi ako sa sagot niya. Napalingon ako sa mga taong busy rin sa pag-aayos ng kanya-kanyang assigned task. Then, I saw Minmin and some familiar faces.
I’m sure, they are part of Chance’s Angels. Nagkatinginan kami ni Minmin at nakita kong lumawak ang ngiti niya noong nakita ako.
Hinampas ko kaagad si Richie! “Bakit hindi mo sinabi sa akin?”
“Aray ko! Iyon ang sinabi sa akin ni Yohan, eh!” I rolled my eyes on him. Alam ito ni Yohan?
Nakalapit na sa amin si Minmin na kaagad naman akong niyakap. Hindi ko alam ang i-re-react ko kaya niyakap ko nalang din siya. I wish, no one is looking.
“Long time no see, Nakeisha!” she exclaimed.
“Kumusta na kayo?” nahihiyang sagot ko sa kanya.
“Okay lang naman. Hindi ko alam na isa ka sa photographer ni Chance ngayon. Sigurado akong matutuwa siya kapag nakita ka!” masiglang pagbabalita naman ni Minmin. Mas lalo akong kinabahan. He is here!
“Ah, ganoon ba?” tanging sagot ko lang sa kanya. Mabuti nalang, tinawag kaagad ako ni Richie kaya nagsimula na kami.
The moment I saw him again, na sobrang lapit, pakiramdam ko ay first time ko lang siyang nakita. I still have a fangirl heart for him.
Kagaya ng inaasahan ko, expressionless lang si Chance kapag nagkakatinginan kami. Confirmed, hindi na niya ako naaalala. Nagkatinginan kami ni Minmin and I tried to smile. Siguro nahalata niya ang ngiti kong napipilitan kaya ganoon din ang ginawa niya. Noong break time, nagpunta ako sa restroom. Ayoko na nga ulit lumabas, eh. Hindi yata ako makahinga nang maayos. Ang dami ko na naman naiisip at naaalala. Overthinking, as usual.
May narinig lang akong mga nag-uusap. “Nakita niyo ba ang kausap ni Ate Minmin kanina? Siya yata ang kinu-kuwento sa atin ni Camilla. Siya ang dating admin sa fans club ni Chance.”
“Siya pala ang yumabang at lumaki ang ulo? Dinaig pa si Chance sa pagiging mayabang?” I was hurt by those words. I hate that they are talking about me. I hate that some of it are true.
“Oo, siya nga iyon. Tingnan niyo, hindi nga pinapansin ni Chance kasi ang pagkakaalam ko, naki-usap si Chance na umalis sa fans club natin kasi sinisira niya ang image ng Chance’s Angels at pati na rin ni Chance.” Sa tingin ko ay mga bago lang sila. Ito ang dahilan kung bakit ayaw kong magpakita sa kanila dahil ganito ang iisipin nila sa akin. Rumors are all over the internet and I can’t control it.
Inaamin ko naman na nagkaroon ng panahon na yumabang ako dahil sa sobrang lapit namin sa isa’t-isa ni Chance. Inamin ko naman iyon sa kanila at humingi ako ng tawad sa kanilang lahat.
Nabanggit nila si Camilla. Nasasaktan pa rin ako. Hindi ko iyon ginusto.
“Siya ang naging dahilan kung bakit na-aksidente si Camilla, eh. Masyado siyang makasarili.” Ang sakit naman, parang wala akong nagawang tama sa fans club namin. Isang pagkakamali ko lang, nabura na kaagad lahat.
Lumabas ako at naghugas ng kamay. Gulat na gulat naman silang dalawa sa paglabas ko.
“Hindi ko alam kung paano kayo pinagsasabihan ni Minmin o ng iba pang admin ng fans club niyo, pero sana kilalanin niyo muna ako bago niyo ako husgahan. Isa pa, bawal sa Chance’s Angels ang ganiyang ugali. Kapag nalaman ni Minmin ang mga sinasabi niyo, sigurado akong mapapatalsik kayo. Sa tingin ko nga ay hindi niyo pa lubusang kilala si Chance.”
Hindi ko naman sila inaaway. Sadyang nasaktan lang ako so I gave them a warning. Hindi ko rin kasi naramdaman ang admiration nila para kay Chance para basta magbitiw ng mga salita. Not that we need to praise him all the time – not like that.
Nawala ako sa focus, nawala sa focus ang mga ginagawa ko. Sa tuwing sinasabihan ako ni Richie na kuhanan sa ganito at ganiyang anggulo si Chance ay hindi ko nagagawa nang maayos.
“Sorry, Richie. Can I take a break?”
“Gusto sana kitang payagan pero nakakahiya kay Chance kung mag-be-break ulit tayo. May pupuntahan pa siya after ng photoshoot. Ano ba ang nararamdaman mo?”
“Bigla akong nahilo, eh,” pagsisinungaling ko sa kanya kahit na ang totoo ay ayoko lang makita si Chance.
Bukod sa mga matang nakatingin sa amin ay iba ang pakiramdam ko kapag nagkakatinginan lang kami ni Chance. Hindi na talaga niya ako kilala. Nakalulungkot lang talaga pero naiintindihan ko naman.
“Sorry, can I ask for a break again? Kahit 10 minutes lang,” napalingon kami ni Richie dahil sa request ni Chance.
Napangiti ako nang palihim at dumiretso ulit sa restroom. Parang hindi ako makahinga roon dahil nakatingin sa akin ang members ng Chance’s Angels. Hindi ko alam kung ano ang iniisip nila about me. Sigurado ako na hindi iyon maganda.
Paglabas ko sa restroom, nanigas ang buong katawan ko dahil nakatayo roon si Chance na kasalukuyang may kausap sa cell phone. Ewan ko kung bakit nag-stay pa ako roon kaya napatingin siya sa akin.
I smiled hesitantly and he smiled too.
“Sige, see you later. Bye,” pagpapaalam niya sa kausap sa cell phone at humarap sa akin.
“Ahm . . . wanna take a picture with me?” Nagulat ako sa pag-aalok niya. Tumango lang ako at inilabas ang cell phone ko. Ngayon lang ulit kami magkakaroon ng picture together! Namiss ko talaga siya. Gusto ko na ngang sumigaw sa sobrang kilig, eh!
Nandito pa rin ang puso ko sa pagiging certified fangirl. Hindi pa nawawala. At hindi na mawawala pa.
“Thank you,” pagpapasalamat ko sa kanya pagkatapos ay tiningnan ko ang picture naming dalawa.
Wala ka pa rin pinagbago, Nakeisha! Malabo pa rin ang picture niyo kapag ikaw ang naghahawak!
Nalungkot ako bigla. Naka-aasar! Sayang na sayang ang pagkakataon!
Narinig ko na tumawa si Chance, kinuha ang cell phone ko at nag-picture ulit kami na siya na ang may hawak. Nagtaka naman ako sa ginawa niya. Bakit? Nakita ba niya na malabo ang picture namin? Nahalata ba niya na nalungkot ako?
“Hindi ka pa rin marunong mag-selfie? Malabo pa rin ba, Nakeisha?” he asked while laughing.
Napatingin ako sa kanya. Nabigla ako, eh! “What? Akala mo naman ay hindi na kita kilala? Puwede ba iyon? I was just acting not to know you kasi hindi ka makatingin nang diretso sa akin kaya naisip ko na baka naiilang ka.”
“Na-natatandaan m-mo pa rin ako?” Bakit ako nauutal? Dahil sa saya ba?
“Oo naman! Bakit naman kita kalilimutan? Ikaw nga ang nakalimot sa akin. Ngayon lang ulit tayo nagkita pero hindi mo pa ako pinapansin.” Gusto kong maiyak sa pag-uusap namin ngayon pero nangingibabaw ang pag-ngiti ko dahil sa kanya. Akala ko ay binago na siya ng kasikatan niya. Akala ko ay nagbago na siya kagaya ng mga nababasa kong article tungkol sa kanya. According to that article, malaki na ang pinagbago ni Chance . . . na yumabang at naging suplado na raw. I’m glad to know na isang malaking fake news lang iyon!
Hindi na ako nagsalita dahil niyakap ko na kaagad siya. Hindi nga kaagad siya nakapag-react pero tinawanan ako at niyakap na rin. Just like the old times.
“Kanina ko pa dapat ito ginawa kasi namiss kita! Akala ko talaga ay hindi mo ako nakilala kasi hindi mo ako pinansin noong nagkita ulit tayo! Tiningnan mo ako pero deadma naman!” pagrereklamo ko pa sa kanya.
Bumitaw siya sa pagkakayakap sa akin. “So, ikaw nga iyon? Akala ko ay kamukha mo lang, eh!”
“Naging suplado ka lang yata talaga, eh.”
Niyakap ulit niya ako. “Kumusta ka na ba? Hiwalay na ba kayo ni Yohan?”
Naghiwalay ulit kami mula sa pagkakayakap. Bakit naman niya iyon naisip? “Bakit mo naitanong?”
“Ibang lalaki na kasi ang kausap mo kanina. Ipakilala mo sa akin ang isang photographer, ah? Titingnan ko lang kung mas matino siya kay Yohan.”
“Ewan ko sa iyo. Pinsan siya ni Yohan at kami pa rin ni Yohan. Ikaw lang naman ang paiba-iba ng babae, eh!” Parang hindi lumipas ang ilang taon. Ganito kami mag-usap dati. Sa dalas ng pagkikita namin ay nakikibalita na kami sa update ng bawat isa. Ayaw kasi niya na puro tungkol sa kanya ang pinag-uusapan kapag nagkikita kami. He wants to know us, too.
“Ibig sabihin ba nito ay madalas na ulit kitang makikita sa events na pupuntahan ko?”
Kinabahan akong sumagot. Hindi ako babalik sa fans club namin noon. Ayoko lalo na kung may nasasaktan lang dahil sa akin.
“It’s okay. I can see na nailang ka noong nakita mo si Minmin kaya hindi kaagad kita pinansin. Baka lumayo ka ulit sa amin. Puwede bang huwag mo na sisihin ang sarili mo? Camilla is alive.” Alam pala niya lahat? Including that? “And, she is doing great. She also missed you, Nakeisha,” dagdag pa niya.
“Chance,” I called.
“Hindi mo naman kailangang umalis at layuan kami, Nakeisha. We gave you the space you wanted. Sana huwag mo na kaming iwasan. We missed you,” sabi pa niya pagkatapos ay niyakap ulit ako. “Sayang naman kung mababawasan ang mga nababaliw kay Maximus Chance Castillo, right?” pagbibiro pa niya habang magkayakap kami.
The way he speaks, parang ilang araw lang kaming hindi nagkita!
Bumalik na kaagad kami sa set dahil baka parehas pa kaming mapagalitan at baka makita pa ako ng ilang Chance’s Angels na nagmamasid. Naramdaman ko na ulit ang ngiti niya na para sa akin. Kahit nakatingin siya sa camera, alam ko na ang ngiti na iyon ay para sa akin.
I can say that, I’m still a certified fangirl!
Nakatanggap ako ng text message mula kay Yohan noong natapos na kami sa photoshoot.
From Hon: How’s your work, hon? So . . . surprised!
Napangiti ako. Alam ko na kinukulit niya ako para makipagkita ulit sa Chance’s Angels at para pumunta sa event ni Chance pero hindi ko alam na gagawa siya ng paraan para mapalapit silang lahat sa akin.
I replied, “I hate you! You should have warned me about this photoshoot so I can atleast fix myself. Hon, it’s Chance! You get my point, right?”
Then, he called.
“Anong sinasabi mo na fix yourself? You mean, make-up? Really, Nakeisha? Hindi ka nagme-make-up kasi tamad kang mag-ayos pagkatapos ay mag-aayos ka para kay Chance? Bakit kaya hindi mo iyan gawin para sa akin? Anyway, kung sinabi naman namin sa iyo ay hindi ka pupunta ngayon. Tama ’di ba?” Hindi manlang nag-hello bago mag-sermon.
“Ang busy mong tao pero nakuha mo pa talagang mag-litanya ngayon? Hay naku, shut up.” Ganito lang talaga kami maglambingan.
Ibaba na sana niya ang tawag pero tinawag ko ulit siya. “Yohan.”
“What?”
“Thank you! I love you!”
---