“Bakit ba gusto nilang nakikipagsiksikan doon? Sila-sila rin naman ang nag-aaway at bashers ng ibang celebrity. Sinisiraan pa nila ang iba para magmukhang malinis ang hinahangaan nila!”
---
Nagmamadali akong umalis sa bahay dahil assistant ako ng pinsan ni Yohan at may photoshoot kaming pupuntahan. Mayroon siyang photoshop at isinasama niya ako roon dahil alam niyang mahilig ako sa photography at sayang naman ang napag-aralan ko kung hindi ko pa gagamitin. Kung minsan ay tinuturuan pa niya ako ng mga techniques para mas mapaganda ang pictures. Ang astig nito.
Masaya naman dahil sinuswelduhan naman niya ako at nag-e-enjoy ako. Side line ko na ito tsaka minsan ay kinukulit ko lang si Richie pero binibigyan pa rin ng share sa kinikita niya. Bigatin ang isang ito at maraming connections.
May naiiwan naman sa restaurant namin kapag wala ako at hindi naman madalas kaya namomonitor ko pa rin ito. Pamana ito sa akin ni Daddy dahil ayaw i-manage ni Ate Natie. Pasaway kasi ang kapatid ko na iyon.
Nagulat ako dahil nakita ko si Yohan sa labas. Wala naman kaming usapan na magkikita ngayon. Nakatayo siya sa harap ng kotse niya. Ang guwapo talaga niya. Buti nalang, nahintay niya ako.
I kissed him. “What are you doing here? May pasok ka, ah?”
“I am waiting for my girl. Mukhang excited ka ngayon?”
“Magkikita kami ni Richie, eh!”
“Huh? Ipagpapalit mo lang ako ay sa pinsan ko pa? Sana nilayuan mo naman ang paghahanap!” Bigla siyang sumigaw kaya nakatikim ng sapak mula sa akin. “Aray! Nagbibiro lang naman ako,” pagrereklamo pa niya.
“Hindi maganda ang biro mo lalo na kung magkakatotoo iyon,” ganting biro ko naman kaya sumimangot siya at niyakap ako.
Thank you, Yohan. Thank you for waiting.
Naalala ko lang ang pinagdaanan namin noon.
Naging magulo ang buhay ko dahil sa isang pangyayari. Natakot ulit akong magpakita sa Chance’s Angels at mas lalong hindi ako pumupunta sa events ni Chance. Hanggang sa napagbalingan ko ng sama ng loob si Yohan. Palagi kaming nag-aaway kaya nakipaghiwalay ako sa kanya. Ayoko na madamay siya sa mga problema ko. Ayoko na ma-stress siya dahil sa akin. Magkakasakitan lang kaming dalawa.
Ayaw niyang pumayag. Ayaw niyang makipaghiwalay.
“Nakeisha, ano ba ang nagawa ko sa iyo? Dahil ba sa pag-aaway natin noong nakaraang araw? May nasabi ba akong masama? Sabihin mo naman sa akin na nagbibiro ka lang.”
Niyayakap ako ni Yohan pero tinanggal ko ang pagkakayakap niya. “Please, Yohan. Umalis ka na.”
Paulit-ulit ko iyon sinasabi sa kanya hanggang sa hindi na siya bumalik sa bahay para suyuin ako. Akala ko, sumuko na siya lalo na noong nakita ko na may kasama siyang babae at masaya na siya.
Gusto ko sanang bumalik pero . . . may iba na siya.
Halos araw-araw akong umiiyak dahil ang tanga ko para bitiwan si Yohan. Pakiramdam ko, wala na akong kuwentang tao. Sinubukan nina Mommy, Daddy at Ate Natie ang lahat para mapasaya ako. Nagbago ako dahil sa mga nangyari.
Hanggang sa isang araw, nakasalubong ko si Yohan. Akala ko ay iiwasan niya ako pero bigla niya akong niyakap. Nabigla ako at naging estatwa hanggang sa binitiwan niya ako.
Nalaman kong hindi pala siya nagkaroon ng ibang karelasyon noong naghiwalay kami. Ipinaliwanag sa kanya ni Ate Natie kung bakit ako nagbago and luckily, naintindihan niya ako at binigyan ako ng pagkakataon.
Nagkabalikan kaming dalawa.
“Hon? Siguradong male-late tayo kapag hindi mo pa ako pinakawalan ngayon.”
Dahil sa sinabi niya ay mas hinigpitan ko pa ang pagkakayakap ko sa kanya. “Hindi, hindi na kita papakawalan, Yohan.”
Bigla siyang tumawa. “That’s not what I’m talking about, Nakeisha Noreen.”
Dinaanan namin si Ashley dahil ang kaibigan ko ay baliw na baliw sa pinsan ni Yohan na si Richie. Iba siya kung bumuntot kay Richie! Sa totoo lang, si Ashley ang nanliligaw kay Richie at wala siyang pakialam sa sinasabi ng iba. Sabi pa niya, “Nagmahal lang naman ako. Gusto kong iparamdam sa kanya na mahal ko siya. Wala naman sa batas natin na hindi pwedeng manligaw ang babae, ah?”
Tahimik lang kami sa biyahe. Bigla kong narinig ang boses ni Chance na nagmumula sa radyo ng sasakyan ni Yohan. Ililipat nga sana niya pero pinigilan ko siya.
Sobrang sikat na talaga niya. Dati, hindi ko naririnig ang kanta niya sa radyo kahit na mahaba at matagal ang biyahe namin pero ngayon ay araw-araw ko na itong naririnig dahil maraming nagre-request sa kanta niya.
Naalala ko tuloy ang message niya noong first get together namin.
“Unang-una sa lahat, maraming salamat sa pagpunta at pagsuporta ninyo sa akin. Huwag kayong magsasawa. Hindi ko man matatandaan ang pangalan ninyong lahat lumalaki na ang pamilya natin, lubos pa rin akong nagpapasalamat sa inyong lahat lalo na sa pinsan kong si Minmin and of course, to Nakeisha. Just want to take this opportunity to thank you, Nakeisha. Alam kong nakakapagod at nahihirapan ka to organize everything pero salamat sa pagiging matiyaga mo para mabuo ang pamilyang ito. Can I request to give her around of applause?” he said at pumalakpak naman ang lahat.
Nagtatago nga ako dahil tinitingnan nila akong lahat. Ang saya ko dahil sobrang sarap sa pakiramdam na nag-e-enjoy ka at may natutulungan ka rin na iba at nararamdaman mong may napasasaya ka.
Ngiti at simpleng pagpapasalamat lang nila ay sapat na para mawala ang pagod ko.
Bumalik ako sa reyalidad noong hawakan ni Yohan ang kamay ko. Nandito na pala kami sa venue kaya nagpaalam na kami sa kanya. Nakita lang ni Ashley si Richie ay iniwan na ako. Kahit kailan talaga ang babaeng ito!
Naabutan namin na naghahanda ng mga gamit si Richie habang si Ashley naman ay nangungulit sa kanya. Mukhang naiinis na si Richie kaya tumaas ang boses niya at nasigawan si Ashley. Nabigla rin ako pero hindi ko sila pinansin kasi mapapahiya lang ang kaibigan ko. Nakita ko sa ekspresiyon niya na nasaktan siya.
“Ano ba ang ginagawa mo rito, Ashley? Nakakasagabal ka sa trabaho namin, eh!” dagdag na sigaw pa ni Richie.
Hindi na sumagot si Ashley. Tinignan lang niya ako, ngumiti at umalis sa area kung nasaan si Richie.
Nang matapos kaming lahat na mag-ayos ay tinanong ko siya kung sino ang model namin ngayon. “Si Jason Robie Rushton daw. Bawal mag-ingay mamaya,” paalala pa niya na parang bata ang kausap. Hinanap ko kaagad si Ashley dahil mababaliw na naman iyon kapag nalaman niyang si JR ang model namin ngayon! Big time na talaga itong si Richie! Celebrity na ang mga client, eh!
Siguro ay stress lang siya ngayon kaya nasigawan si Ashley.
“Where’s Ashley? Baka kung saan-saan na naman siya magpunta, may off-limits ang ibang lugar dito dahil ang pagkakaalam ko ay may photoshoot din,” Richie said. Hindi ko rin nasagot dahil hindi nagre-reply si Ashley. Kung hindi niya sinigawan kanina, sana ay nandito lang iyon.
Napalingon kaming lahat dahil may sumigaw na staff na dumating na si JR Rushton kaya chineck na ulit namin ang lahat ng gamit.
“Richie, ayos na lahat ng gamit dito. Nasaan na ang camera mo?” Hindi niya ako pinansin. Nakita ko na nakatingin siya kay JR o kay Ashley na kasalukuyang nakikipagtawanan kay Jason. Bakit parang nakakikita ako ng pagka-asar sa kanya? Nakumpirma ko ang iniisip ko dahil sa nakayukom niyang kamao. Mahal na rin ba niya si Ashley?
“Richie!” pagsigaw ko sa kanya kaya natauhan. Binati ni Jason ang mga kasama namin at maya maya ay pumwesto na si Jason at nagsimula na kaming magtrabaho. Ngayon ko lang nakita si Richie na walang focus sa ginagawa niya. Nakikita ko na napapalingon siya kay Ashley pero ang kaibigan ko naman ay nakatitig lang kay Jason.
Lumapit ako kay Richie. “What’s the matter? Baka mahalata ka nila. Focus, Richie.”
“Sorry,” tanging sagot niya sa akin.
Maya maya ay nag-break time ang lahat. Nilapitan naman ako ni Ashley na masayang-masaya at nasa mood.
“Ang saya natin, ah?”
“Grabe, hindi ko kasi inaasahan na makikilala pa ako ni Jason my loves! Medyo matagal na rin kaya ang huli naming pagkikita. Sikat na sikat na siya, parang si Chance lang.” Napatingin ako sa kanya dahil binanggit niya ang pangalan ni Chance. May kirot pa rin kasi, eh. “Sorry,” kaagad naman niyang sinabi dahil napansin niya na nagbago ang ekspresiyon ko.
“Sira, okay lang! Saan ka ba nagpunta kanina? Alam mo bang si Jason ang model ngayon?”
“Hindi! Nagulat nga ako noong nakita ko siya, eh!”
“Ganoon ba? Hinahanap ka ni Richie kanina.”
Inirapan lang niya ako. “Bakit? Para sigawan ulit? Malinaw na sa akin na ayaw niya kaya titigilan ko na siya.”
Tiningnan ko lang siya nang may panghuhusga. “Narinig ko na iyan sa'yo, eh!” Paulit-ulit na kasi niyang sinasabi na titigilan na niya ang pangungulit kay Richie.
“This time, for real na,” seryosong sagot naman niya.
“We’ll see,” paghamon ko naman sa kanya.
Mabilis naman na natapos ang photoshoot kaya nagpaalam na ako kay Richie.
“Nice to see you again, Ashley!” sigaw ni Jason kaya napatingin ang lahat sa kaibigan kong kinikilig, including Richie. Huwag niyang sabihin na mahal na rin niya si Ashley? Kung ganoon, bakit inaaway pa rin niya?
Hindi na nagpaalam si Ashley kay Richie dahil alam na raw niya ang isasagot nito, na walang itong pakialam sa kanya. Saglit din silang nag-usap ni Jason at nagpaalam na dahil marami pa itong commitment.
Umupo lang kami ni Ashley sa isang tabi para hintayin si Yohan. Nagprisinta ang isa na iyon na susunduin kami ni Ashley. Nag-alok si Richie, na ngayon lang niya ginawa, pero noong itinanong ko si Ashley ay umiling lang ito.
“Sineryoso mo masyado ang pag-iwas kay Richie, ah?”
“I had enough. Hindi ko na ipagpipilitan ang sarili ko sa kanya. Sa totoo lang, ilang beses na rin naman niya akong sinigawan at ngayon lang niya ako sinigawan sa harap ng maraming tao. Doon ko naisip na, tama na.” Seryoso talaga na nasaktan siya sa ginawa ni Richie at naramdaman ko iyon.
“Ang drama natin! Silipin nga natin ang photoshoot sa kabilang side, malay mo si Chance na pala iyon.” Sabay hila sa akin. Kahit na nagbibiro lang siya, bigla akong kinabahan.
Napahinto kami dahil maraming tao at may harang na malapit sa photoshoot area kaya sinisilip lang namin ni Ashley. Halos ganito rin karami ang taong nanonood kanina sa photoshoot ni Jason. Siguro ay sikat din siya.
Buti nga ay puwedeng manood ang mga fans sa kanila. May photoshoot kami minsan na sobrang private ang place at bawal pumasok ang walang permit. Napapangiti nalang ako dahil parang bumalik kami sa mga ginagawa namin noon, our college days, ang pagsugod sa mall shows para makipagsiksikan.
Nakakamiss din ang mga panahon na iyon.
Nagpapasama pa rin ako kay Ashley para pumunta sa mall shows ni Chance. Si Minmin ay sawa na raw sa mukha ng pinsan niya kaya ayaw sumama! Paano kaya siya nagsawa sa mukha nito? Wala pa kaming member hanggang ngayon.
Siyempre, maaga kaming dalawa para nasa harap kami. Hindi ko nga akalain na sobrang dadagsa ang maraming tao dahil baguhan palang naman si Chance.
Nagsimula na ang event. Puro sigawan at tilian ang maririnig sa paligid. Siguradong tuwang-tuwa rin si Chance lalo na kapag nakita niya kung gaano karaming tao ang nagmamahal sa kanya.
Si Yohan? Naku, busy sa school activities kaya hindi ko na pinasama. Mag-iinarte lang iyon dito kapag narinig niyang sumisigaw rin ako.
Nagsimula na siyang kumanta, sa tingin ko ay mas lalo siyang gumaling sa pagtugtog at pag-awit. Nakita niya kami ni Ashley at nagulat pa nga siya kaya kinawayan niya kami.
“Hala, Ate! Kumaway sa iyo si Chance!”
“Nakakikilig naman!”
“Ang guwapo mo, Chance!”
“Mahal na mahal kita, Chance!”
“Suwerte ni Ate, nakilala siya ni Chance!”
Ilan lamang iyan sa narinig ko noong napansin nila na kumakaway sa amin si Chance. Nang matapos ang event, may meet and greet pa at siyempre, picture with Chance. Makikita mo talaga kung gaano siya ka-thankful sa mga naghintay at pumila para makita siya.
“Nakeisha!” pagbanggit niya sa pangalan ko. Ang sarap pakinggan ng pangalan ko kapag galing sa kanya.
“Hello po!” mabait na pagbati ko sa kanya pagkatapos ay bigla siyang yumakap. Ang yakap pa naman niya ay parang yakap ni Daddy kapag namimiss ako.
“Salamat sa pagpunta. Hindi ko inaasahan na makikita ulit kita rito. Ano sa tingin mo? Gumaling ba ako?”
Kunwari pa akong nag-isip ng isasagot. “Puwede na rin,” pagbibiro ko sa kanya kahit alam naman niyang gandang-ganda ako sa boses niya.
“Next!” sumigaw na ang staff. Panira ng moment. Limited time lang kasi mahaba pa ang pila.
“Mag-iingat kayo!” he shouted.
“Thank you po!”
Bago kami umalis ni Ashley ay kinawayan ulit namin siya. Nasisilaw nga siya noong una kaya hindi niya napansin kaagad pero noong nakita niya na kami ni Ashley ang kumakaway ay kumaway rin naman siya.
Nakangiti lang ako sa buong biyahe ng pag-uwi namin. Kahit na marami siyang kanta na ginawa para sa mga broken-hearted, sumasaya pa rin talaga ako sa musika niya.
Hindi ko napigilan ang pag-ngiti nang malawak sa naalala. Bumalik ako sa wisyo noong nagsigawan ang mga tao at nahati ang mga tao para mag-form ng daan. Halos hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko noong nakita ko kung sino ang bumaba sa sasakyan, nakangiti at kumakaway sa lahat.
Hindi ako sigurado pero parang nagtama ang mga tingin namin. Ngumiti siya at kumaway pagkatapos ay lumingon ulit sa iba pang fans.
“Chance,” tanging nasabi ko lang.
---