Madilim sa ilalim ng dagat. Kailangan kong sumisid nang may kalaliman para hindi mapansin ang paglapit ko sa isla.
Inaasahan ko ng armado ang mga tauhan ni Trent. Kahit pa puno ng bala ay isang baril lang ang dala ko. Hindi sapat para patumbahin ang mga kalaban pero kailangan kong makagawa ng paraan.
Sanay ako sa ganitong paraan ng paglapit sa target ko. Kadalasan kailangan kong makita nang malapitan ang target ko para malaman ang mga kailangan kong inpormasyon. Pero iba ang kaba ko sa pagkakataong ito.
Ito na ang panahon para makabawi man lang ako kay Althea sa nagawa ko noon. Ito na ang panahon para mailigtas ko siya na hindi ko nagawa noon.
Nang maramdaman ko nang nakakalayo na ako nang langoy ay marahan akong umahon sa malaking bato na malapit sa isla.
Tulad ng hinala ko, maraming bantay na nakapalibot sa isla.
Kailangan kong makalapit nang hindi ako napapansin. Muli akong sumisid at lumangoy patungo sa isang banda ng isla kung saan maraming mangroves.
Inalis ko ang equipment at naghanda para sa susuungin kong labanan.
Sa pagsilip ko sa nag iisang bahay na naroon ay may anim na bantay sa labas. Halinhinan silang rumuronda sa palibot nito.
Nakalapit ako na pilit pa ring nagtatago sa mga malalaking bato at likod ng mga punong naroroon.
Nang makalapit ay naririnig ko na ang usapan nila. Akmang magpapaalam ang isa sa kanila para umihi.
Umpisa na ng laban.
Sinundan ko siya ng tingin. Papunta siya sa mga mangroves sa gilid ng isla.
Nang makatalikod ay marahan akong lumapit saka tinampal ang batok nito para patulungin.
Hindi pa ito ang tamang oras para gamitin ko ang dala kong baril. Hindi dapat ako makagawa ng ingay.
Matagumpay ko siyang napatulog. Kinuha ko ang nakasuksok na baril sa tagiliran niya. Kakailanganin ko ito bilang back up.
Kinuha ko rin ang suot niyang jacket at cap saka ko iyon sinuot.
Mabuti nalang at halos magkasingtangkad at makahawig kami ng pangangatawan.
Sunod kong tinignan kung sino pa sa mga bantay ang mag isa. Nakita ko ang isa sa kanila na magsisindi ng sigarilyo. Inaya pa niya ang mga kasama ngunit tumanggi ang mga ito.
Huminga ako nang malalim bago ako diretsong naglakad patungo sa kanya. Nakayuko ang para hindi niya ako makilala.
"O pare, yosi ka muna," bungad niya sa akin nang ilang talampakan nalang ang layo ko mula sa kanya.
Inabot ko ang nagbabagang sigarilyo ibinibigay niya sa akin pero hindi para sinsihan iyon kundi para hapitin mismo sa mata niya.
Alam kong maglalaban at maari siyang sumigaw kaya naman sabay sa pagdiin ko sa sigarilyo sa isa niyang mata ay sinakal ko siya. Pilit niyang inalis ang mga kamay ko pero ilang saglit lang ay nawalan siya ng malay.
Wala akong balak na pumatay pero kung kakailanganin ay handa ako.
Hinila ko ang walang malay na lalaki papunta sa likod ng puno para itago ang katawan niya.
Akmang pagharap kong muli sa bahay ay siya namang labas ng dalawa pang bantay na agad akong nakita.
"Hoy!"
Nanigas ang katawan ko. Napeste na! Mukhang nakilala nila ako.
Hawak hawak nila ang mga baril na nakatago sa tagiliran nila nang maglakad papalapit sa akin. Maging ako ay naglakad na rin para salubungin sila. Nang sa ganon kung sumugod man ang dalawa ay makakaya kong labanan sila nang mano-mano.
"Bat wala ka sa pwesto mo? Kebago bago mo nagbubulakbol ka!"
Akmang susuntok ang lalaki. Nagpanggap ako umiwas at bahagyang umupo.
Maswerte akong baguhan ang nakuha kong identity. Kapwa tumawa nang malakas ang dalawa na natutuwa sa pang aasar na ginagawa.
"Bumalik ka pwesto mo at magbantay ka!"
Bahagya akong tumingala nang makita kong iangat ng isa pang lalaki ang kamay niya na akmang aalisin ang kupyang suot ko.
Mabuti nalang at napigilan ko iyon. Kung hindi ay tiyak na makikita nila ang mukha ko.
"Babalik na, Boss." Bahagya kong iniba ang boses ko saka na ako naglakad palayo sa kanila.
Akala ko ay nakalusot na ako nang bigla nalang akong muling tawagin.
"Sandali lang."
Tumigil ako. Kinapa ko na ang baril kong nakatago sa jacket na suot ko.
"Humarap ka nga."
Mahigpit kong hinawakan ang baril bago ako humakbang patalikod. Bahagya kong ikiniling ang ulo ko para makita ko kung anong hakbang ang gagawin nila.
Naloko na. Huhugutin na ang mga baril nila at kung hindi pa ako aaksyon ay tiyak na malalamangan nila ako.
Sa muli kong paghakbang ay humarap na ako nang tuluyan sabay sa pagbunot sa baril ko.
Isa, dalawang hakbang, lumudag ako para ipatama ang baril ko sa leeg ng isa. Bumagsak siya pero hindi pa sapat para mapatulog ko siya.
Sa pagbaling ko sa isa pa ay nailabas na niya ang baril pero bago pa niya iyon maitutok sa akin ay nahawakan ko iyon itinulak sa kanyang mukha.
Gamit ang tuhod ko ay ipinatama ko iyon sa lalaking nakaluhod na sa tapat ko direkta sa baba niya. Tuluyan siyang napahiga sa lupa.
Ibinaling ko ang atensyon ko sa lalaking namimilipit dahil sa sakit ng mukha niya.
Napaurong siya at hindi ko na hinayaan pang makalaban. Dalawang beses ko siyang sinuntok sa mukha. Bumulwak ang dugo sa kanyang ilong at bibig.
Ngumisi ako nang tingnan niya ako sa mata. Sumugod siya sa akin para gumanti at ginamit ko ang sarili niyang pwersa para masangga ko ang pag atake niya.
Sa mga sumunod na suntok ay hinila ko na ang kamay niya saka ko na pinataan sa mata gamit ang noo ko. Mahigpit ko siyang kinwelyuhan at magkakasunod na sinuntok hanggang sa mawalan siya ng malay.
Wala na akong oras para itago pa ang mga katawan nila sa likod ng puno. Hinila ko silang pareho papasok sa bahay para doon na lang itago.
Gamit ang ID ng isa ay nakapasok ako sa bahay. Binulsa ko na rin iyon dahil siguradong may iba pang pinto na kailangan ng ID para makapasok.
May kalakihan ang bahay pero puro espasyo lang at madali lang makita ang pinto.
Unang tingin palang ay alam ko na kung saan ako pupunta. Mayroong access security system na nakatabi sa pinto.
Hindi na ako nag aksaya ng oras at agad kong sinubukan ang dala kong ID para mabuksan ang pinto. Pero access denied ito.
Hindi na ako sumubok na iswipe pa iyon. Bilang may alam ako sa mga ganitong klaseng lock ay siguradong mago-on ang alarm system kung susubukan ko pang muli.
Isa lang ang naiisip kong paraan para mabuksan iyon. Kailangan kong mahanap ang control room at ihack ang mismong system.
Nakarinig ako ng pagbukas ng pinto sa sunod na pasilyo. Nagtago ako sa nagsisilbi nilang kusina. Sigurado akong makikita ng lumabas ang dalawang bantay na pinatulog ko.
Naghanda ako sa posibleng pagsugod sa akin. Pero nang lumabas ang tao ay hindi siya bantay. Nakasuot siya ng puting lab gown at may hawak siyang collection tube na may lamang dugo.
Kumabog ang dibdib ko. Naisip ko kung huli na ba ako. Paano kung nagawa na ang extraction?
Kailangan kong malaman. Lumabas ako mula sa pinagtataguan ko. Sinadya kong magpakita sa babaeng naka lab gown.
Tumigil siya nang makita ako. Hawak ko man ang baril ko pero hindi ko iyon itinutok sa kanya.
"Hindi kita sasaktan. May kailangan lang akong malaman."
Nanginginig ang babae nang makita ako. Bumali pa siya ng tingin sa dalawang tulog na bantay na lalong nagbalot ng takot sa kanya.
"Yang dugo. Galing ba 'yan kay Althea?"
Naluluha siya nang tignan akong muli. Para mabawasan ang takot niya kahit pa paano ay inilapag ko ang baril sa countertop.
"Hindi kita sasaktan."
Sandali siyang tumahimik at nag isip. Hindi nagtagal ay tumango siya.
"Mula ba yan sa extraction?"
Kita ko ang gulat sa mukha niya. Hindi niya siguro inaasahan na may alam ako tungkol sa ginagawa nila.
Muli siyang tumanggo. Nakaramdam ako ng tensyon sa katawan sa naisip kong nangyari kay Althea.
Hindi pa huli ang lahat. Ayokong isipin na huli na ang lahat.
Muli kong kinuha ang baril saka ako naglakad papunta sa babae. Hinablot ko ang smart card na nakasabit sa leeg niya.
Iiwan ko na sana siya pero hindi ko mapigilan ang sarili ko na magtanong.
"Anong phase na kayo sa extraction?"
Halos takpan niya ang mukha nang muli ko siyang hinarap.
"P-phase two."
Nabasa ko sa libro na iniwan ni Nari ang tatlong phase ng extraction.
Hindi pa delikado ang buhay ni Althea kung nasa phase two pa lang sila.
Pero tiyak ako, may kaakibat na sakit ang mga gagawin nila sa kanya.