Napaupo na lamang ako sa loob ng elevator. Hindi ko na napansin na nagsara na ang pinto. Sa kaunting paggalaw nito paakyat ay nakaramdam ako ng sakit na para bang nagpapalala sa pagdurugo ko.
Sakit ang nararamdaman ng katawan ko pero hindi ko maunawaan kung anong nararamdaman ng puso ko. Para akong lutang sa ere sa dami ng nangyayari sa akin at sa paligid ko.
"Sayer..."
Bigla ko na lamang binanggit ang pangalan niya sabay sa luhang pumatak sa mga pisngi ko
"H-hindi pwedeng mawala ang anak natin. Hindi ko alam kung kakayanin ko pa. W-wala ka na sa piling ko at paano kung..."
Napahagulgol na lang ako ng iyak sa mga naiisip ko. Hindi ko pa nagagawang magluksa sa pagkawala ni Sayer at eto na naman, nagbabadyang mawala ang anak namin.
Na blangko ang isip ko. Kusang gumalaw ang kamay ko para pindutin ang stop button bago pa man tuluyang bumukas ang pinto ng elevator. Hindi ko mapunto kung anong nagtulak sa akin na gawin iyon. Nagulat din ako sa nagawa ko.
"Miss Althea?" Narinig kong kumatok ang isang babae sa kabilang banda ng pinto. Siya na maaari ang nurse na sinasabi ni Cason.
May mga sinasabi siya pero nabingi ako sa mga salitang pilit pumapasok sa isip ko.
Wala na si Sayer at nanganganib ang buhay namin ng anak ko.
Kung mawawala ako. Magsasama sama na kaming pamilya sa kabilang buhay.
Alam kong katangahan ang naiisip ko pero napangiti ako dahil dito.
Ang maisip lang na muli kong makikita si Sayer ay nagdulot ng liwanag sa dilim ng pinagdaraanan ko.
Batid kong maling mali ang nasa isip ko. Gusto kong mabuhay ang anak ko pero nang dahil sa imprint, maging siya ay magkakaroon ng magulong buhay.
Hindi ko pa man alam na nasa sinapupunan ko siya pero pinuprotektahan na niya ako.
Ayokong habambuhay niya ako puprotektahan. Ayokong maghirap siya dahil sa akin.
"Sayer, malapit na tayong magkita."
Naramdaman kong bumagsak ang katawan ko. Nagiging madilim na rin ang paningin ko.
Magkakasunod na malalakas na hampas ang kumalabog sa pintuan ng elevator.
"Althea!"
Para akong nananaginip. Boses ni Sayer ang narinig ko.
"Althea! Naririnig mo ba ako? Buksan mo ang pinto!" Nandito ako, Althea! Buhay ako!"
Mabilis na dumaloy ang tila ba kuryente sa buong katawan ko. Bahagya kong naianggat ang ulo ko para tignan ang pinto at maghintay.
Totoo ba ang naririnig ko o dala lamang ng imahinasyon ko?
Naghintay ako pero tumigil ang pagkabog. Wala na muling nagsalita.
Imahinasyon lamang iyon.
Muli kong hinahayaang bumagsak ang ulo ko, sapo ang tiyan ko.
Handa na ako sa kung ano man ang mangyayari sa akin.
Hindi ako magiging payapa sa mundong ito dahil sa imprint.
Mas makakabuting mawala na lamang ako para matigil na ang lahat.
Hindi ko alam kung gaano na katagal nakahiga pero bigla ko na lamang naramdaman na may bumuhat sa akin. Mainit ang mga pawisan niyang mga bisig. Hindi man mulat ang mga mata ko pero kilala ko ang mga bisig na iyon.
"A-Althea, gumising ka." Alam kong lumuluha siya. Halos hindi niya mabigkas ang bawat salita.
Nada langit na ba ako?
Nandito na si Sayer.
"Althea, please. Gumising ka!"
Sinibukan kong imulat ang nga mata ko pero hirap ako. Hinawakan ni Sayer ang kamay ko. Nagawa ko iyong pisilin sa abot ng makakaya ko pero hindi ko alam kung naramdaman ba niya. Hinang hina na ang katawan ko.
"Buhatin n'yo po siya papunta sa sofa. Bibigyan ko po siya ng mga gamot."
Malinaw sa tainga ko ang mga nangyayari at kahit anong pilit ko ay hindi ko magawang gumalaw.
Gusto kong makita si Sayer. Gusto kong malaman kung totoo nga bang narito siya. Kung totoo nga bang buhay siya.
Nakita ko kung paano siya bumagsak nang barilin siya si Trent. Nagkakasunod na bala ang tumama sa kanya. Tatanaw ako ng malaking utang na loob sa kung sino man ang nagligtas sa kanya.
"Hindi pa siya nagigising. Ospital ang kailangan ng asawa ko! Mapapahamak siya rito!"
"Paunang lunas po ang ibinagay ko. Kahit pa paano ay titigil ang pagdurugo at magkakaroon siya ng kaunting lakas. Pero tama po kayo, ospital po ang kailangan niya. Pero hindi ko po alam kung posible iyon."
Sandaling binitawan ni Sayer ang kamay ko. Naramdaman kong tumayo siya at tila ba may tinawagan sa telepono.
Maaaring si Doctor Jung ang tinawagan niya. Siya lang naman ang pinagkakatiwalaan niya pagdating sa mga ganitong bagay.
Muli niyang pinisil ang kamay ko matapos ang tawag. "Makakarating ang tulong para sa 'yo, Althea. Kumapit ka lang. Hindi kita iiwan."
Muli kong sinubukang imulat ang mga mata ko. Sa pagkakataong iyon ay nagawa ko. Kaunti lamang pero sapat na para maaninag ko ang mukha ni Sayer.
Nakita ko siyang ngumiti. Pinisil ko ang kamay niya na agad naman niyang naramdaman. Inilapit niya ang kamay kong iyon sa mukha niya. Basa ng mga luha ang pisngi niya. Nakangiti siya pero lumuluha.
Ang maramdaman ang init ng balat niya ay sapat na sa akin para mapatunayan na totoong narito pa siya. Na totoong buhay pa siya.
Walang pamagsidlan ang saya sa puso ko. Buhay si Sayer. Buhay ang mahal ko.
Tuyong tuyo ang labi at lalamunan ko. Pinilit kong makapagsalita. "S-sorry."
Kailangan kong humingi ng tawad sa kanya. Maraming bagay akong nagawa kung bakit kami narito sa sitwasyon namin. Kasalanan ko dahil pinilit kong malaman ang katotohanan.
Pinilit kong malaman ang katotohanang nagdala sa amin sa bingit ng kamatayan.
Wala akong nagawa nang barilin siya ni Trent. Natulala ako. Nawala sa wisyo. Gusto ko siyang balikan noon pero naging makasarili ako.
Sarili ko lang ang inisip ko. Nakalimutan ko si Sayer. Nakalimutan ko ang pagmamahal na ibinuhos niya para sa akin.
"W-wala kang dapat ihingi ng sorry, Althea. Ako dapat ang humihingi sa 'yo niyan. Hindi kita nagawang protektahan. Hindi ko kayo naprotektahan ng anak natin."
Nagulat ako. Alam niyang nagdadalang tao ako?
Napangiti ako. Hindi ko lubusang alam kung paano niya nalaman pero sa pagkakakilala ko kay Sayer, marami siyang paraan para makakuha ng inpormasyon.
"S-Sayer..." Gusto ko iparating sa kanya kung gaano ako kasaya pero manghihina pa ang ako.
"Alam ko, Althea. Masaya rin ako. Pero ang mas mahalaga ngayon ay ang madala kayo sa ospital. Hindi ako aalis hanggat hindi dumarating ang chopper na magdadala sa 'yo sa ospital."
Nagkunot ang noo ko. Ang ibig ba niyang sabihin, maiiwan siya rito?
Tumingin siya sa akin saka siya lumapit sa mukha ko para hagkan ang noo ko.
"Nandito si Cason 'di ba?" sabi niya na nang ipatong ang noo niya sa noo ko. "Tutulungan ko siya. Ililigtas ko siya. Bagay na hindi ko nagawa noon."