“NASAAN na sina Boy?” tanong ni Steve kay Temyong nang magpunta ito sa bahay ng lalaki. Hindi niya inaasahan na tatambad sa kanya pagbukas ng pinto ang iilang myembro ng iba’t ibang grupo na nasa ilalim ng organisasayon. “Hindi ko alam. Wala akong alam kung nasaan sila. Ilang araw na silang hindi umuuwi at hindi ko alam kung saan ko sila hahanapin.” “Ipinagkatiwala sa akin ni Papa sina Boy. Kung umalis man sila sa grupo mo, ibig sabihin noon, ikaw ang may kasalanan!” singhal ng lalaki at saka tinabig si Temyong upang makapasok siya sa loob. “Anong karapatan mong pumasok sa pamamahay ko?” galit na turan ng lalaki habang iniikot ni Steve ang paningin sa buong bahay. Hindi siya makapaniwalang nakapagpatayo kaagad ng ganito kalaking bahay si Temyong dahil sa perang ibinibigay niya rito.

