"WALA na yatang balak magpakita ni James sa akin," ani Gaia kay Nestle pagkatapos patayin ang CPU.
Huling araw ng pasok niya ngayon dahil rest day niya na bukas.
Habang palapit nang palapit ang araw ng kasal ng lalaki ay lalo siyang nalulungkot dahil hindi pa siya kinakausap nito. Mayroon na lang silang isang buwan upang i-settle ang namamagitan sa kanilang dalawa.
Gusto ni Gaia na makausap si James sa huling pagkakaton bago ito ikasal. Sa ilang linggong hindi ito nagpapakita sa kanya, nakapag-isip-isip siya. Napagdesisyunan niyang makipag-break na sa lalaki bago pa man malaman ni Matilde ang tungkol sa kanila.
Nagsabay-sabaya sila nina Nestle at Myron na bumaba mula sa elevator. Nabungaran nila si Kellie na kaaalis lang sa post nito bilang receptionist at nagtanggal ng I.D.
"Hi, Kellie," bati pa ni Gaia sa dalaga.
"G-good morning, Ma'am," tugon nito.
"Aba, mukhang nagpa-graveyard shift ka rin ngayon, ah. May maaga kang date, ano?" biro pa ni Nestle.
"W-wala po. Sige po, mauuna na ako. May kailangan lang akong asikasuhin," paalam nito saka nagmamadaling naglakad paalis ng building lobby.
"Hay naku, ayaw niya pang umamin sa atin, eh alam ko naman na nakikipag-date siya," sabi nu Myron sabay irap sa dalagang palayo na.
"Ikaw, kalalaki mong tao, napakachismoso mo." Inirapan pa ni Gaia si Myron.
"Excuse me, totoo 'yon. Nakita ko siya sa isang bar na pinupuntahan namin ng mga kaibigan ko. Nakita ko siyang may kasamang lalaki. Hindi ko nga lang nakita 'yong mukha."
"Halika na. Kailangan ko nang umuwi dahil aalis nang maaga si Tristan ngayon," yaya ni Gaia kina Myron at Nestle.
Habang naglalakad silang tatlo ay nakita ng mga mata ni Myron na nasa Bo's Coffee nga si Kellie at may katawanan ito sa isang table.
"Wait. Wait." Hinarang niya sina Gaia at Nestle sa paglalakad.
"Ano ba 'yon?" iritableng sabi ni Gaia.
"Sabi ko sa inyo, may ka-date si Kellie kaya siya nagmamadali kanina." Nginuso ng lalaki ang dalawang magkahawakan ng kamay sa coffee shop kung saan sila nahinto.
Napalunok si Gaia nang makita ang likurang bahagi ng lalakimg kasama ni Kellie. Kilalang-kilala niya 'yon ngunit kailangan niyang makumpirma kung tama ang hinala niya.
*Baka naman hindi si James 'yon. Nag-aayos siya ng kasal nila ni Matilde, hindi ba? At saka—
"Gai, hindi ba si James 'yong kasama niya?" tanong ni Nestle.
"H-hindi naman siguro. Kasi..."
Nakita nilang lumingon ang lalaki kaya mabilis silang hinila ni Myron sa halamanan.
"OMG! S-si James nga..." sabi pa nito.
"Gaia..." Parang sasabog ang puso ni Gaia kasabay ang pag-agos ng mga luha niya. Kailangan niya muna itong pigilin dahil gusto niyang marining ang idadahilan sa kanya ng lalaki.
"Papasok ako sa loob." Nagtinginan nina Myron at Nestle.
"T-teka. Maghunos-dili ka naman muna. Baka naman may pinag-uusapan lang silang dalawa," awat ni Myron.
"Magkausap pero halos magkahalikan na." Tinanggal ni Gaia ang pagkakahawak ni Nestle at dali-daling sumugod sa coffee shop.
"Good morning," bati niya sa dalawa. Nawala ang ngiti sa labi ng mga ito nang makita si Gaia na naka-ekis ang mga braso habang nakangiti sa kanilang dalawa.
"G-Gaia, what are you doing here?" Agad tinanggal ni James ang pagkakahawak sa kamay ni Kellie at umayos ng upo.
"Ilang linggo kitang hinintay na pumasok. Para akong tangang naghihintay ng text mo pero ano pa nga bang magagawa ko? Hindi mo naman ako pwedeng i-inform sa mga ginagawa mo dahil busy ka sa fianceé mo, hindi ba?"
Lumapit siya nang husto sa mesa ng dalawa at inilagay ang dalawang kamay sa lamesa.
"Pero hindi ko alam na may iba ka palang kinabu-busy-han maliban sa akin at kay Matilde," mahinang sabi nito saka makahuluhang tinitigan si Kellie.
"Hindi ba't alam mo kung anong estado namin ni James, Kellie?" Nilingon niya ang dalagang nanginginig habang ibinababa ang kamay patungo sa hita. Sunod-sunod itong tumango.
"Ayon naman pala. Balak mo pang pumangatlo?"
"Gaia, stop it," saway sa kanya ng lalaki.
Muli siyang umayos nang tayo at tinitigan ang lalaki.
"Ang kapal naman ng mukha mong awatin ako. Hindi ka nahiya? Ano bang balak mo sa amin? Select and select then collect? Ganoon ba? Ikakasal ka na, James! Magkakaanak ka na!" sigaw ni Gaia na umalingawngaw sa buong coffee shop kaya pinagtinginan sila ng mga taong naroon.
"Tumigil ka na, Gaia. Baka may makarinig sa 'yo..."
"Ngayon nahihiya ka sa katarantaduhan mo." Ngumisi si Gaia.
"Anong balak mo, Kellie? Magpapauto ka rin ba sa lalaking 'yan? Kasi ako, hindi na."
"W-what do you mean?" Tiningala siya ni James.
"Sasabihin ko kay Matilde ang tungkol sa atin." Napatayo sa upuan ang lalaki.
"N-no. You don't have to do that, Gaia."
"Bakit? Natatakot ka bang hindi ka mapo-promote sa trabaho kapag hindi tinuloy ni Matilde ang kasal ninyo? Kung may takot ka pala, bakit hindi ka pa nakuntento sa dalawa?"
"M-mas mahal ako ni James kaysa sa 'yo..." sabat ni Kellie sa usapan nila.
Natawa si Gaia sa sinabi ng dalaga. Matapang ang mga mata nitong nakatingin sa kanya at naghihintay ng kung anong isasagot niya.
"Hindi mo ba alam na kung anong sinabi niya sa 'yo ay una na siyang nasabi sa akin? Lahat ng pinangako niya sa 'yo ay naipangako niya na rin nang una sa akin. Kaya huwag na huwag mo akong tingnan ng ganyan, Kellie." Kinuha ni Gaia ang isang baso ng tubig at dahan-dahan itong ibinuhos sa ulo ng dalaga.
"Gaia, sumusobra ka na!" Tumayo si James at hinawakan siya sa braso.
"Ako? Ako pa talaga? You're unbelievable! Tama nga ang sinabi ni Henry sa akin. Ngayon ko nalalaman ang tunay na pagkatao mo. Maghiwalay na tayo, James. Sawa na akong maging kabit mo." Marahas na binawi ni Gaia ang braso at dali-daling lumabas ng coffee shop.
"G-Gaia!" Sinundan ni James ang babae habang sina Nestle at Myron ay sumunod din.
Nang tunawid si Gaia sa kabilang kalsada ay tumawid rin si James.
"Gaia, let's talk. Hindi ka naman ganyan!" sigaw sa kanya ng lalaki dahil ilang dipa ang layo nito sa kanya.
Umaagos ang luha ni Gaia habang patuloy na naglalakad. Wala siyang pakialam kung nabunggo na siya sa balikat basta ang gusto niya ay makaalis na sa lugar na 'yon.
"Gaia, please. Let's talk," pakiusap nito nang maabutan si Gaia. Marahas niyang binawi sa lalaki ang braso saka humarap.
"Bakit? Natatakot ka?"
"Hindi ako natatakot para sa sarili ko. Natatakot ako para sa iyo," wika nito.
"Wala akong pakialam kung anong gawin niya sa akin. Gusto ko lang na malaman niya kung paano mo siya niloko." May kinuha siya sa bag at binato sa lalaki.
"Ibigay mo iyan doon kay Kellie. Hiyang-hiya naman ako na baka hindi lang ako ang sinasabihan mo ng AKO ANG MUNDO MO liban sa aming tatlo." Tinalikuran niyang muli ang lalaki at naglakad paalis.
"Gaia!" Rinig na rinig niya ang pagtunog ng sapatos ng lalaki senyales na sinusundan pa rin siya nito.
"Gaia please. Makinig ka naman sa akin!" sigaw pa nito habang tumatakbo. Mas bumilis ang takbo ni Gaia at nanalanging mapagod na sana ang lalaki sa kakahabol sa kanya.
Kasabay ng pagtakbo niya ay ang muling pag-agos ng luha mula sa kanyang mata. Nasaktan siya nang husto sa ginawa ni James. Dapat pa lang noong una ay nakinig na siya kay Henry.
"Okay, fine. Kumanta ka na lang sa kasal ko." Doon biglang huminto sa paglalakad si Gaia.
Nanginginig ang buong kalamnan niya sa sinabi ng lalaki. Gusto niyang murahin ito mula ulo hanggang kaluluwa dahil baka sa ganoong paraan ay mahintakutan naman ito sa mga lumalabas sa bibig ng lalaki.
*Ang kapal din naman pala ng mukhang hayop ka! Papakantahin mo pa talaga ako sa kasal mo para makamenos gastos kang kupal ka.*
Hindi siya nagdalawang-isip. Nang magdilim ang panigin niya ay ikinuyom niya ang kanang kamay at buong lakas na humarap sa lalaki para suntukin ito.
Nang maramdaman niya ang pagtama ng kanya kamao sa pisngi nito, doon niya napansin na para bang may mali sa ginawa niya.
"G-Gaia..." Nahimasmasan siya sa pagtawag na iyon ng lalaki.
Halos lumuwa ang mga mata niya nang makitang hindi si James ang nasuntok niya. Kaya pala nagtataka siya na muntik niya nang hindi maabot ang mukha nito.
Nakita niya pa ang pagkaripas ng takbo ni James paalis kung nasaan sila naroroon. Maski sina Myron at Nestle na nasa kabilang kalsada ay napanganga sa ginawang iyon ni Gaia.
Tumabingi ang mukha ng lalaking nasuntok niya. Unti-unti ring tumutulo ang dugo nito sa gilid ng labi.
Napasinghap siya nang dahan-dahan itong lumingon at mariin siyang tinitigan. Ni hindi ito umimik ngunit kitang-kita niya sa mga mata ng lalaki na gustong-gusto na siya nitong murahin mula ulo hanggang paa.
Kaya bago pa man mangyari iyon, kumaripas din siya ng takbo paalis sa lugar at sumakay ng tricycle.
Ni hindi niya tiningnan ang lalaki dahil baka mamaya'y nasa likod niya lamang ito.
Habang nasa tricycle, ilang beses siyang napa-sign of the cross sa dami ng ideyang pwedeng gawin sa kanya ng lalaki kapag naabutan siya nito.
*Lord, iligtas Ninyo po ako kahit ngayon lang! Hindi po ako makakapayag na mamatay nang hindi natitikman ang sarap ng langit!*