Chapter 1
MABILIS na tumakbo sa dilim si Estela at nilandas ang matalahib na daan. Sa kung anong dahilan ay hindi niya maabutan ang kasintahan. Naririnig naman niya ang halinghing ng kabayo nito pero saan man siya sumuling ay hindi na ito maabot ng kanyang tanaw. Bumaha ang pangamba sa puso niya nang bigla siyang makarinig ng isang putok sa hindi kalayuan. Kasabay ng kanyang malakas na sigaw ay ang panghahapdi ng kanyang mukha. Doon siya mabilis na napabalikwas.
“Diyos ko, Maris anak, ano ang nangyayari sa’yo?”
Humihingal pa siya at sa pakiwari niya ay totoo siyang tumakbo. Pero heto sa harap niya ang kanyang ina at ang nag-aalalang anyo nito ay patunay na nasa kasalukuyan na siya, malayo sa mundong tinahak niya kanina. “Nay, nanaginip na naman po ako.” Muli siyang napahiga matapos magbalik sa normal ang t***k ng puso niya.
“Hindi kaya kailangan na nating magpatingin kay Apo? Ilang beses mo na ring napapanaginipan ang lalaking iyan pero sabi mo ay hindi mo naman siya kilala, hindi ba? Sino naman kaya ang taong iyon?”
“Hindi ko alam, ‘Nay. Naguguluhan na nga po ako at ilang araw nang nababalisa sa mga napapanaginipan ko. Sa panaginip ko kasi ay hindi iba sa akin ang lalaki at matindi ang pag-aalala ko para sa kanya habang hinahabol ko siya sakay ng kabayo.”
“Kabayo ba ika mo? Naku anak, lumang panahon na yata ang kuwento mo. Aba eh wala namang kabayo dito liban sa mga alaga ng alkalde ng bayan.” Tumayo na ito at sinimulang ligpitin ang ilang unan at kumot na nahulog sa paanan ng kama niya.
“Ano bang Apo ang naririnig ko sa inyong mag-ina? Huwag mong sabihing napanaginipan mo na naman ang estranghero, Maris.” Tinig iyon ng kanyang ama na pumasok sa kanyang silid mula sa kabilang silid ng mga magulang. Naupo ito sa isang kahoy na bangkitong nasa paanan ng kaniyang kinahihigaang papag.
“Eh alam naman nating mahusay manggamot si Apo Baste hindi ba, Erning? Ano ang malay natin kung may engkanto sa Maynila na nagkagusto diyan sa kaisa–isang anak ko?”
Sa Maynila siya nag-aral mula First year hanggang Third Year High School. Kinupkop siya roon ng Tiya Corazon niya na kapatid ng kanyang ina. Wala itong anak at dahil hirap din naman noon sa buhay ang kanyang mga magulang ay siya na ang nagpasya para sa sarili.
Noong una ay ayaw siyang payagan ng mga magulang pero nang mamasukan siyang tindera sa gabi sa kabayanan upang masuportahan ang pag-aaral ay nag-alala ang mga ito. Sa tuwing uuwi kasi siya ay marami siyang kuwento na ang layon namang talaga ay pag–alalalahanin ang mga ito upang payagan na siyang manirahan sa tiyahin sa Maynila.
Hindi dahil tumatakas siya sa kahirapan kaya niya ginawa iyon. Ang totoo ay ibig niyang makagaan sa pasanin ng mga magulang. Alam niyang iniintindi siya ng mga ito. Dahil nag-iisang anak ay pinipilit ng mga itong maibigay ang mga bagay na inaakala ng mga itong magpapaligaya sa kanya.
Noong una ay mga damit, sapatos at mga simpleng gamit pambabae lang ang karaniwang binibili ng kanyang mga magulang, pero nang bilhan siya ng tatay niya ng cellphone ay doon na niya nag-isip, lalo pa at narinig niya sa lihim na pag-uusap ng mga magulang na sa pinagbilhan lang diumano ng kalabaw galing ang perang pinambili niyon. Dahil doon ay nagpasya siya at masinsinang kinausap ang mga magulang na sa Maynila na siya magpapatuloy ng pag-aaral.
Sa kabila ng kahirapan ay matiwasay naman siyang nakapag-aral ng tatlong taon sa Maynila. Iyon ay dahil na rin sa tulong ng kaniyang Tiya Corazon na siyang tumayong pangalawa niyang ina. Balo na ito at walang anak, kaya naman higit pa sa isang tunay na kadugo ang turing nito sa kaniya.
Ngayong nasa huling taon na siya ng Sekondarya, sinisikap niyang mag-ipon para masundo ang mga magulang bago sumapit ang kaniyang graduation. Wala nang hihigit pa sa isang masayang reunion, kasabay ng selebrasyon ng kaniyang pagtatapos. Iyon ang nagsisilbi niyang inspirasyon para pagbutihan ang pag-aaral sa taong iyon.
Idagdag pang nang huli silang magkausap ng inang si Ramona ay ilang beses siyang pinakiusapan nito na umuwi na ng Maynila kahit ilang araw dahil miss na miss na raw siya nito. Palibhasa ay napakadalang niya talagang umuwi. Nahihiya naman din kasi siya sa tiyahin dahil gagastusan pa nito ang biyahe niya, kung saka-sakali. Ilang okasyon tulad ng birthday, Pasko, Bagong Taon at fiesta ang mga pinalampas niya, alang-alang sa kaniyang mga pangarap.
Pero nagbago ang kaniyang mga plano, isang linggo mula nang simulan siyang dalawin ng isang kakaibang panaginip. Isang panaginip na mistulang nangyayari sa totoong buhay, dahil sa mga lugar na tila pamilyar sa kaniya. Malakas ang kutob niyang sa probinsiya nila iyon sa Bulacan, ngunit hindi niya ganap na matukoy ang partikular na lugar na kinaroroonan niyon.
Noong una ay sinubukan niya iyong hindi pansinin, pero nang napadalas ang pagdalaw ng panaginip ay nagsimula nang mag-alala ang kaniyang Tiya Corazon. Napansin kasi nito iyon dahil sa madalas niyang pangangalumata. Dinala pa nga siya nito sa doctor, ngunit wala ring nagbago sa kaniya.
Sa huli ay napilitan siyang magtapat dito tungkol sa totoong nangyayari, at hindi nagtagal ay ito na mismo ang nagpayong umuwi na muna siya ng probinsiya, at doon gugulin ang kaniyang Christmas vacation.
“Erning, kung ano man ang nangyayari sa anak natin ay nasisiguro ko sa iyo na makakayanan siyang gamutin ni Apo Baste. Wala pa siyang hindi napagaling at alam mo iyan.”
Napasulyap siya mga magulang na nag-uusap.
“Mahusay na kung sa mahusay, Ramona, pero baka kung ano lang ang gawin ng matanda sa dalaga ko. Tingnan mo naman ang kutis niyan. Mahihiya ang gatas ng kalabaw sa kaputian. Ano ang mangyayari kung tatamaan iyan at lalatayan lang ng buntot pagi ni Apo Baste?”
Nanghilakbot naman siya sa naisip. Bumangon na siya at isinuot ang tsinelas na pambahay saka nakangiting tinahak ang daan patungo sa sariling bathroom ng silid.
“Nay, ‘Tay, huwag na po kayong mag-alala. Marahil ay dahil lang yan sa kababasa ko ng kung anu-anong nakakatakot na kuwento. Hayaan ninyo at hindi na ako magbabasa ng ganoon. Promise,” sabi pa niya habang patalikod sa mga ito.
“Naku, sige nga anak at nang hindi naman kami labis na nag-aalala sa iyo. Sige na, Erning, lumakad ka na at tanghali na rin,” taboy ng ina sa kanyang amang sa araw–araw ay kaulayaw ang bukid. Ito naman ay may isang makinang ginagamit sa pananahi ng mga baby dress at barong na hinahango sa kaibigan nitong nagpapatahi hindi kalayuan sa kanila. Ganito kapayak ang buhay nila, simple pero masaya.