PABILING-BILING sa pagkakahiga si Bernadette. Hindi niya magawang matulog lalo pa at may tumatakbo sa isip niya. Katabi niya ngayon si Leandro, ang una at huling lalaking pinagkalooban niya ng sarili. Ang ama ng kanyang nag-iisang anak na si Andrew. Kahit ano pa ang sabihin nito, hindi siya maniniwalang hindi ito ang Leandro na kilala niya. Kahit nakatalikod ay makikilala niya ito. Ang nakapagtataka lang, paanong nangyaring hindi siya nito kilala?
Noong una ay inakala niyang nagkukunwari lang ang lalaki pero napaka-consistent ng mga ikinikilos at sinasabi nito. Nagawa pa nga nitong magalit nang tawagin niyang Leandro. Tila ito natatakot na may matuklasan buhat sa kanya at dinadaan nito ang lahat sa galit. He tried to make a conversation but when she asked him about his marriage to Hasmin, he immediately conceded. Parang ayaw pa nga nitong sagutin ang tanong niya at ilang saglit pang nag-isip. Nang sumagot naman ay tila may galit na sa mga mata nito.
Kasabay nang pagtalikod nito ay napapikit siya. Napakaraming tanong ang naghahalili sa kanyang isipan. Kung ito talaga si Leandro, ano ang nangyari dito? Bakit hindi siya nito makilala? Bakit wala itong maalala sa lahat ng mga nangyari? At siya, magagawa ba niyang tumupad ngayon sa kasulatang pinasok niya kung mismong puso na niya ang nakataya? Masakit sa kalooban ang mga isiping iyon lalo pa nga at alam niyang sa huli, wala namang ibang talunan roon kundi siya.
"GOOD morning."
Nakangiting mukha ni Leandro ang bumungad sa pagmulat ni Bernadette. Napabalikwas siya ng bangon kasabay nang pagbukas ng makapal na kurtina ng silid.
"Good morning. Anong oras na?" tanong niya habang lumilinga sa paligid. Kasabay nang pagkakita niya sa orasang pandingding ay ang pagsagot ng lalaki.
"Nine quarter," tugon nito.
"What? Naku, kailangan ko nang umalis!" Agad siyang bumangon pero nalaglag sa kama ang kumot na bumabalot sa katawan niya. Impit siyang napatili nang maalalang wala nga pala siyang damit. Hinablot niya ang kumot at muling ibinalabal sa sarili.
"Tumawag na ako sa ibaba at dadalin na mayamaya ang mga damit mo," nakangiti ang mga matang sabi ni Leandro. "For the mean time, take this coffee. Kaninang madaling araw ay may sinat ka."
Hindi niya alam iyon pero natatandaan niyang naalimpungatan nga siyang hinahaplos ng lalaki ang kanyang leeg. Kaya pala siya tinanghali ng gising.
"Okay na ang temperature mo ngayon pero mas makabubuting huwag ka munang magkikilos. The breakfast will be served few minutes from now. Ihahatid na lang kita matapos ang almusal."
"Kaya ko namang umuwing mag-isa," giit niya.
"I insist."
"I insist."
"Love, huwag ka nang makulit, okay. Hindi pa ako kilala ng parents mo kaya hindi pa tayo puwedeng basta magpunta sa inyo kung hindi nila alam.
"But Love, I'm already thirty-one! Hindi ko na kailangan ng parent's permit para dalin sa bahay ang babaeng mahal ko."
"That's very sweet of you. I love you, Leandro..."
"Mas mahal kita, Berna..."
"Berna?"
Napadiretso siya sa pagkakaupo nang makitang nakatunghay sa kanya ang lalaki.
"I was asking if you want your coffee brewed or instant..."
Saglit siyang natigilan. Kung talagang may naaalala si Leandro ay hindi na ito magtatanong. He knew she preferred instant coffee as always. Hindi niya gustong niluluto ang kanyang kape lalo pa at parati siyang nagmamadali noon. Ito man ay gayundin.
"Instant. Ikaw, what do you prefer?" hindi niya napigilang itanong.
"I want brewed coffee. Hindi ko gustong minamadali ang kape ko."
Natigilan siya sa naging tugon nito. Maging ang preference nito sa kape ay hindi nabago. It was the same Leandro that she used to know.
Lumakad si Leandro palapit sa kinalalagyan ng telepono. Narinig niyang itinatanong nito sa kausap ang tungkol sa kanyang damit. Ilang saglit pa ay inihatid na nga ang mga iyon at hindi nagtagal ay isinilbi na rin ang kanilang almusal. Magkaharap silang kumain nito. Saglit silang nawalan ng imikan. Nang hindi na siya makatiis ay nauna na siyang nagsalita.
"Matagal na ba ang unit na ito sa iyo?" tanong niya habang inililibot ang paningin sa kabuuan ng maliit na komedor ni Leandro.
Tumango muna ang lalaki bago sumagot. "Two years. May inuupahan akong magmimintina dito kaya maayos naman kahit hindi kami napapadalaw rito sa Maynila.
"Hindi napapadalaw? Hindi kayo bumibisita sa pamilya mo?" Hindi nakaligtas sa paningin niya ang pagtalim ng mga mata ni Leandro, kasunod niyon ay ang pag-iwas.
"What do you mean?" balik-tanong nito. "Anong hindi pumapasyal sa pamilya ang ibig mong sabihin?" He looked at her then to his plate. "Hindi naman ako tagarito. Ipinagbili lang ng isang kakilala ang unit na ito sa akin at ang totoo ay sa mga larawan ko lang ito nakikita noon."
Tila may malaking kamay na dumakot sa puso niya sa narinig. Hindi niya maintindihan ang kahulugan niyon. "H-Hindi ka tagarito? Sa Davao ka talaga nakatira?" Hindi naging madali ang tanong na iyon para sa kanya. Mahigpit pa rin kasing tumututol ang isip at damdamin niya sa ibig nitong ipahiwatig.
"Does it surprise you? You know we're from Davao, don't you?"
She had to collect her senses before she got to reply. "Ang akala ko kasi...ang akala ko ay may kamag-anak kayo rito."
"Mayroon naman...yata...pero taal kaming tagaroon."
Hindi na niya nagawang magtanong nang ibahin ni Leandro ang usapan. Itinatanong nito kung matagal na niyang kaibigan si Esme.
"I don't know her personally. Kaibigan ko ang nakakakilala sa kanya at tinulungan lang niya ako para lumapit kay Esme."
"Bakit ganito ang pinili mong trabaho? Wala ka na bang ibang makita?"
Nabitiwan niya ang kubyertos sa tanong na iyon. Ano nga ba ang isasagot niya?
"Hindi ba mas dapat na matuwa ka dahil ito ang pinili ko?"
He grinned. "Why, thanks. Pero kung sakali, marami namang puwedeng makita si Esme para sa aming mag-asawa."
'Para sa aming mag-asawa...' That hurts.
"Siguro nga pero hindi ka nakatitiyak sa iba—"
"Gaya rin nang hindi kami nakatitiyak sa iyo..."
Lumipad ang tingin niya rito. "May ibig ka bang sabihin, Daniel? Ano ang gusto mong palabasin?"
Umiling ang lalaki. "Wala naman."
Dinampot niyang muli ang kubyertos at kahit hindi malunok ang pagkain ay pilit niyang itinuon ang pansin doon. "May sakit ang anak ko. Kinailangan niyang maoperahan sa lalong madaling panahon. Wala akong pera kaya pinasok ko ito para lang kitain ang halagang kailangan niya."
"Kahit kapalit niyon ay ang sarili mo?"
"Kahit buhay ko, Daniel! Kahit buhay ko pa, mailigtas lang ang anak ko!" mataas ang tinig niyang sagot.
"Wala ba siyang ama? Bakit kailangang ikaw lang mag-isa ang bumuhay sa kanya?
Bumikig sa kanyang lalamunan ang kinakain. Saglit siyang napaubo at dahil doon ay tinapunan niya ng masamang tingin ang kaharap. Agad siyang inabutan ng tubig ni Leandro.
"Easy..."
"Wala na siyang ama. Para sa aming mag-ina ay matagal na siyang patay dahil ganoon na rin naman ang ibig niyang palitawin," masama ang loob niyang tugon. Kung hindi niya tinitimbang ang mga pangyayari, marahil ay kanina pa niya nagawang sumbatan si Leandro. Ang problema ay hindi niya ibig masira ang mood nito. Baka magalit ito sa kanya at tuluyan nang hindi matuloy ang usapan nila ni Hasmin. Bukod doon ay nagsisimula na siyang maniwalang wala ngang alam si Leandro sa mga nangyayari.
"Kung sino man ang lalaking iyan, wala siyang buto. Hindi dapat iniiwan ang isang babaeng tulad mo lalo pa at may anak pala kayo."
Napatitig siya sa mga mata ng lalaki at pilit na binabasa ang kahulugan ng sinabi nito. Nang hindi na ito kumibo at itinuon na lang ang pansin sa pagkain ay nanahimik na rin siya. Sinikap niyang kumain sa kabila ng mga alalahanin.