"Hello. Oh, Doc, good morning..."
Ilang sandali ring nakipag-usap si Hasmin sa kabilang linya at saka nito ibinaba ang telepono. Laglag ang mga balikat na agad itong napaiyak.
"Honey, hindi na tayo matutuloy today! Wala nang dahilan para humanap pa tayo ng surrogate mother! Oh God!"
"What? Hindi kita maintindihan..."
"Lumabas na ang result ng pangalawang test at naulit lang ang resultang nauna nang itinawag sa akin ni Doc Regala kahapon."
"Nagkausap kayo ni Doc kahapon?" Kumunot ang kanyang noo. Hindi iyon nabanggit ni Hasmin sa kanya.
"Hindi ko na sinabi sa iyo dahil umasa pa rin ako hanggang sa huli na mababago ang resulta, hon! Pero hindi, ganoon pa rin ang kinalabasan ng mga tests. Surrogacy is not an option anymore...I can never give you even one child, oh my God!" Histerikal na ito.
"Honey, calm down...kung hindi na puwede ang surrogacy, maaari naman tayong mag-ampon. Open ako sa idea ng adoption if you really want to—"
"No! Ipagkakatiwala mo ba ang mga pinaghirapan natin sa hindi natin kadugo? I want my own child! Kung hindi man ay iyong totoong sa iyo!" Sa puntong iyon ay biglang napatigil sa pag-iyak si Hasmin. Nagliliwanag ang mukha nito nang tumingala sa kanya. "Honey, may paraan pa pala...may paraan pa para magkaanak tayong dalawa!"
"Hindi ko maintindihan..."
Ikinulong nito sa mga kamay nito ang kanyang mukha. "Ako lang ang may problema. Ikaw, normal ka. You can have even a dozen of children if you like..."
"What? Are you crazy?!" Dumadagundong sa kabuuan ng silid ang tinig niya. Agad siyang tumayo upang makalayo rito pero maagap na yumakap si Hasmin sa kanyang likuran. Hinarap niya ang asawa at saka marahang binaklas ang mga kamay nito. "Honey, I can't do that. Alam mong hindi ko iyon kayang gawin!"
"Alam ko, alam ko...pero honey, iyon lang ang paraan para magkaroon tayo ng anak. Ang sabi ni Doc Peralta sa telepono ay wala akong kapasidad na bigyan ka ng anak. May diperensiya ako, Daniel! Naiintindihan mo ba? That news alone was already terrible but look at me, I'm trying my best to accept it."
"We can always seek for other doctors' opinions—"
"But honey, that's already the second test! Wala na tayong magagawa! Pareho ng sinasabi ang dalawang doctor na iyon kaya tanggapin na lang natin na hindi na talaga kita mabibigyan ng anak!" Nabasag ang tinig ni Hasmin at napaiyak ito sa dibdib niya.
Marahan niya itong hinaplos sa likod at saka hinagkan sa ibabaw ng ulo. "Sigurado ka ba talagang gusto mo ang sinasabi mo?" naguguluhan pa rin niyang tanong. Nang tumango ito ay muli niya itong kinabig. "Okay, huwag ka nang umiyak. Pag-iisipan ko ang bagay na iyan. For the mean time, I guess we need to rest." Inalalayan niya ang asawang makahiga sa kanilang kama. Kinumutan niya ito at saka hinaplos ang noo nito.
Ipinikit ni Hasmin ang mga mata. He stared at his wife, trying to remember how they were before. How he used to love her before. Pero bakit wala siyang maalala? Bakit kahit kaunting emosyon ay wala siyang maramdaman para rito?
He had been doing his best for the past three years to learn how to love her but obviously, his effort was not enough. Ni hindi niya maalala kung paano nagsimula ang love story nilang mag-asawa. Kahit paulit-ulit ikuwento ni Hasmin ang mga nakaraan ay hindi pa rin niya makapa iyon sa isip niya. Maging ang mga litratong ibinigay nito sa kanya ay nananatili ring bago sa kanyang mga mata. He couldn't remember anything. Not even a trace of his past. Tanging ang mga sinasabi lang ni Hasmin ang mga bagay na pinanghahawakan niya sa sarili.
Mahigit dalawang taon na ang nakararaan nang magising siya sa isang tila malalim na pagkakatulog. Si Hasmin ang agad na bumungad sa kanyang paningin noon. Sa likod nito ay ang doctor at mga attending nurse na nakatunghay rin sa kanya. Nagmamadali ang mga kilos nito lalo pa nang manghingi siya ng tubig.
Nang magsimulang maglahad ng kuwento si Hasmin ay hindi siya halos makapaniwala. Ang sabi nito ay mahigit siyam na buwan daw siyang nakatulog. Ang medical term daw doon ay comatose kung saan stable naman ang vital signs niya pero nanatili siyang unconscious sa loob ng matagal na panahon. Sa buong durasyon ng panahong iyon ay wala raw itong ginawa kundi ang magbantay sa kanya. Nagdarasal daw ito araw-araw at kinakausap siya kahit wala siyang malay dahil buo ang paniniwala nitong isang araw ay magigising siya.
Nang hindi makatiis ay agad niyang tinanong kung sino ito at hindi niya alam ang unang madarama nang sabihin nito ang relasyon nila sa isa't-isa. Ayon dito ay dalawang taon na silang kasal nang bumagsak ang sinasakyan niyang eroplano patungo ng Maynila. Laking pasalamat nga daw nito nang makasama siya sa dalawampu at pitong taong nakaligtas sa malagim na trahedyang iyon. At kahit wala siyang malay, malaking bagay na raw para dito na buhay pa siya.
Iyon ang simula ng lahat. Pakiramdam niya ay tila siya bagong panganak na ni ang kanyang pangalan ay hindi niya alam. Of course he knew how to read, write and converse with other people. All that he didn't know was his past. Kung ano siya noon at kung ano ang mga pinagdaanan niya. Ang lahat ng iyon ay matiyagang inilalahad sa kanya ni Hasmin hanggang sa tuluyan na nga siyang makalabas ng ospital at makabawi ng lakas.
Sa tulong ni Hasmin ay unti-unti niyang naibalik ang kanyang sigla. Hindi man ganap, kahit paano ay nagawa niyang makabangon. Dinala siya ng asawa sa iba't-ibang lugar para magbalik daw sa kanyang isip ang mga nakaraan. Marami rin itong taong ipinakilala sa kanya. Ang ilan ay kaibigan daw niya at ang karamihan ay mga kaibigan nito. Sa kabila noon ay wala pa rin siyang maalala.
Paminsan-minsan ay may sumasalit na ilang eksena sa isip niya. Awtomatiko siyang napapapapikit upang magtuluy-tuloy ang mga eksenang iyon pero tulad nang mga nauna ay saglit lang ang mga iyon. Napakaramot ng mga alaala sa isip niya pero hindi siya sumusuko. Alam niya, darating din ang araw na magbabalik lahat ng alaalang ninakaw sa kanya ng trahedyang iyon. At 'pag nagkataon, iyon na siguro ang pinakamasayang sandali para sa kanya.