Chapter 7

1570 Words
"NANLALAMIG ka," untag ni Roxanne kay Bernadette. Limang minuto na silang nakaupo sa bench na iyon habang hinihintay ang pagdating ni Esme. "Kinakabahan talaga ako. Baka hindi nila ako magustuhan. Baka hanapan nila ako ng kung anu-ano," tugon niya sabay hawak sa mga kamay ng kaibigan. "Cool ka lang. Huwag ka ngang negatibo. Una, walang dahilan para tanggihan ka ng mag-asawa dahil malinis kang babae. Pangalawa, may mga lab tests tayong dala na magpapatunay diyan." "Oo nga, pero..." Hindi na niya natapos ang sinasabi dahil nakita na nila ang mabilis na paglalakad palapit ng isang babae. "Roxanne!" nakangiting bungad nito. Umaliwalas ang mukha ng kaibigan at inalalayan siya nitong tumayo. "Esme, si Bernadette, 'yung itinawag ko sa'yo last week. Bern, this is my friend Esme." Nagkatinginan muna nang makahulugan ang dalawa bago inilipat ng bagong dating ang paningin sa kanya. Nakipagkamay ito at tinanggap naman niya iyon. Ilang sandali pa ay pinag-uusapan na nila ang tungkol sa plano. "Nakausap ko ang client last week. She's willing to pay two hundred thousand pesos in cold cash, Bernadette." Sabay silang napasinghap ni Roxanne. Sapat na ang halagang iyon para sa pagpapa-opera ni Andrew. Maging ang mga gamot at follow checkups nito ay masusuportahan pa niya. "Walang magiging problema. Sinunod namin lahat ng ibinilin mo," sagot ni Roxanne. "Meron, kaya nga bigla akong humingi ng appointment sa inyo ngayon. Kahapon ay tumawag ang kliyente at sinabing nabago na ang plano nilang mag-asawa. Hindi na nila kailangan ng surrogate mother dahil hindi pala siya physically fit for the medical procedure." "Ha? Paano na iyan? Kailangang-kailangan nitong kaibigan ko ang pera para sa anak niya—" "Pero puwede pa rin siyang tumuloy kung kaya ng loob niya," putol nito sa sinasabi ni Roxanne. Makahulugan muna itong tumingin sa kanilang dalawa bago nito inabot ang isa niyang kamay na nakapatong sa ibabaw ng mesa. "Bernadette, kailangan ng mag-asawa hindi lang ng sinapupunan ng isang ina kundi ng isang makakapareha mismo ni Mr. Raymundo para gumawa ng isang bata." "Ano?!" Halos sabay na bulalas nila ni Roxanne. PAKIRAMDAM ni Bernadette ay nanlaki ang ulo niya sa sinabi ni Esme. Kung noong una na ipagbubuntis lang niya ang sanggol ng iba kapalit ng malaking halaga ay napakalaking bagay na sa kanya, ang gumawa pa kaya ng anak katuwang ng isang lalaking ni hindi niya kilala? "Hindi ko iyon kaya, Roxanne! Hindi pa ako nasisiraan ng bait para gawin iyon!" "Bern, narinig mo naman ang sinabi ni Esme. Three hundred thousand pesos para sa limang sessions lang—" "Limang sessions! Ano 'yan, seminar?" Umiling siya nang ilang ulit. "Ayoko, ayoko talaga!" Hinawakan siya ni Roxanne sa isang kamay at saka pinaupo sa bahagi ng bench na kanina lang ay kinauupuan ni Esme. "Friend, isipin mo na lang ang perang kapalit ng gagawin mo. Para naman ito sa anak mo, 'di ba? Kailangan mong magdesisyon hanggang bukas dahil obligadong magreport si Esme sa kliyente niya sa loob ng dalawang araw." "Hindi kaya ng loob ko ang gumawa ng ganoon, Roxanne! Kahit gustuhin ko man, hindi ko talaga iyon magagawa!" "Sigurado ka ba? Tatalikod ka na sa usapan?" Napilitan siyang tumango. "Paano ang anak mo? Paano mo siya pao-operahan kung wala ka kahit pambili ng gamot niya?" Natulala siya habang nakatingin sa kaibigan. Paano nga ba niya susuportahan ang pangangailangan ng anak kung tatanggihan niya ang tatlong daang libong pisong alok ng Mrs. Raymundo na iyon? Nahulog siya sa malalim na pag-iisip. NAPAPAILING si Daniel sa takbo ng usapan ni Hasmin at ng bisita nito. Kung mag-usap ang mga ito ay tila ordinaryong paksa lang ang pinagdidiskusyunan samantalang 'paggawa' ng bata ang tinutukoy ng mga ito. "Please tell her our decision is final. Also, I wanna meet her as early as possible," matigas na sabi ni Hasmin. "Mrs. Raymundo, I suggest we look for other—" "Ayoko ng iba dahil ito na ang una mong ipinrisinta sa'min!" Hasmin puffed on her cigarette. "Ano 'to, laro?" Inakbayan niya ang asawa. "Honey, hindi mo masisisi ang taong iyon. Hindi naman iyon ang orihinal na pag-uusap, hindi ba? Natural na magulat siya." "Pero kahit na. Kailangan pala niya ng pera, bakit magbabago pa siya ng isip?" "Hindi ko rin nga po alam, Ma'am pero hindi niya tinanggap ang pera ninyo. Ang sabi niya ay susubukan na lang niyang maghanap ng ibang paraan ng pagkakakitaan." Inilabas nito ang isang sobreng tiyak na galing din kay Hasmin. Hindi iyon kinuha ng kanyang asawa. "Give that money back to that woman. I'm giving her two more days to decide. Additional hundred thousand bucks, siguro naman ay hindi na siya tatanggi diyan." "Honey, tama siya, marami pa naman tayong puwedeng hingan ng tulong." "Pero nakita ko na ang profile ng babaeng ito. Maganda siya honey, the kind of beauty that could sweep any man off his feet. Nakita ko na rin ang mga lab tests niya at matalino siyang babae. Malaking bagay na mamana ng anak natin ang genes niya." Hindi niya alam kung hahanga ba siya sa mga ideya ng asawa o mapapa-isip na umatras na sa kasunduan nila nito ngayon pa lang. Nang napilitan siyang sumang-ayon sa ipinagagawa nito ay hindi niya naisip ang ilang bagay bilang konsekuwensiya ng kanilang mga plano. Ngayong minamadali na ni Hasmin ang lahat ay tila hindi naman siya mapakali. He had not seen the profile of Ms. Polintan yet. Isang umaga ay may nakita siyang isang folder sa ibabaw ng kanilang kama ni Hasmin. May isang maikling note na katabi iyon galing sa asawa. Nang makita niya ang header ng folder ay agad na niya iyong itinago sa closet. He didn't bother to scan the pages of the said profile. Or actually , it would be better to say he didn't even want to check it. Ano ba ang titingnan niya doon? Ang hitsura ng babaeng sisipingan niya? ang babaeng ni hindi niya kilala pero aanakan niya sa mga darating na araw? That would be funny. Does he need to know if she was pretty or something? or if she had any misaligned nerve on her body? o sakit kaya? Nakakatawa. Pakiramdam niya ay tila siya hahawak ng menu at kikilatisin sa mga putaheng naroon kung ano ang masarap at hindi. "Okay, this would be the last, hon." Bumaling siya sa kausap nito. "Please do what she said and do your best shot for this case. Kung sa huli ay hindi pa rin siya pumayag, then it's no." "Honey..." He pacified her wife by caressing her cheek. "Trust me this time, hon. Kung sa kabila ng increase ay hindi pa rin pumayag ang taong ito, then we need to respect her decision. Hahanap tayo ng iba, okay." Tila napipilitan lang na tumango ang asawa. Natulala naman siya nang marinig ang ilan pang idinagdag nitong bilin kay Esmeralda. NANGINGINIG sa takot si Bernadette habang napaliligiran ng mga doctor si Andrew. Napakasigla pa nito kaninang umaga habang pinaliliguan niya. Kahit pautal ay nagkukuwento ito ng kung anu-ano tungkol sa favorite cartoon show nito kaya laking gulat niya nang bigla na lang itong tumirik at namutla muna saka nangitim. Mabuti na lang at nasalo niya ito agad, kung hindi ay malamang na masama ang naging pagbagsak ng bata. Kasama si Emily ay mabilis niya itong isinugod sa ospital at ngayon nga kasalukuyang ginagamot na ng doctor. "Ano'ng nangyari?" humahangos na tanong nang bagong dating na si Roxanne. Niyakap niya ito habang umiiyak. "Roxanne, si Andrew! Umulit na naman ang sakit niya! Baka kung mapaano na siya, Diyos ko!" "Huminahon ka. Halika, magdasal muna tayo sa chapel." Iginiya siya nito palayo pero tumanggi siya. "Hindi ko iiwan ang anak ko! Kailangan ako ni Andrew dito!" malakas niyang sabi. "Bern, mate-tense ang kahit sinong makakakita sa iyo. Baka kung mapaano pa ang anak mo kapag ganoon. Halika muna sa chapel para makahingi tayo ng tulong sa Diyos." Ilang saglit lang ay naroon na sila sa maliit na chapel ng ospital. Agad siyang lumuhod at nanangis. "Diyos ko, tulungan Niyo po ang anak ko! Ipinangangako ko pong gagawin ko ang lahat makaligtas lang siya!" Muli siyang humagulgol. Ilang saglit pa ay naramdaman niya ang marahang haplos ni Roxanne sa kanyang likod. "Bern, sa tingin ko ay kailangan nang maoperahan ni Andrew," ani Roxanne. Lalong nahilam sa luha ang kanyang mga mata. "Ano ang gagawin ko? Nagkamali ba ako ng desisyon, Roxanne?" Umiling ang kaibigan at nakauunawa ang tingin nitong isinukli sa kanya. "Tutulungan kita. Kung...kung hindi kaya ng loob mo ang hinihingi ng kliyente ni Esme, ako ang gagawa." Lumipad ang tingin niya rito. "Ano 'kamo?" "Kailangan na natin ang pera sa lalong madaling panahon, Bern. Baka mahuli ang lahat kung hindi pa tayo kikilos." Pumiyok si Roxanne at nakita niyang halos maiiyak na rin ito. "Bern, mahal ko ang anak mo. Tutal naman ay limang sessions lang at dalaga naman ako, why not?" Umiling siya nang makailang ulit. "Hindi mo gagawin 'yan, Roxanne! Nababaliw ka na ba? Magkaibigan lang tayo. Hindi mo kailangang isubo ang sarili mo sa problema ko!" "Pero paano si Drew?" She cleared her throat before she replied. "Gagawin ko na. Para sa anak ko ay gagawin ko na." Napalunok siya matapos magsalita. Pilit niyang iwinawaksi sa isipan ang mga pagtutol na nasa dibdib niya. Kailangan siya ni Andrew. Kung si Roxanne nga ay makakayang gawin ang bagay na iyon, siya pa ba ang hindi? Walang ibang dapat na unang tumulong sa kanyang anak kundi siya mismong ina nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD