LESSON 18 “In His Grave”

2681 Words
          MAKALIPAS ang tatlong araw ay nakalabas na ng ospital si Olive. Umuwi na siya sa bahay kasama ang daddy at tatay niya. Hindi pa daw siya pwedeng pumasok sa school dahil sa sugat niya sa ulo. Siguro ay sa susunod na linggo pa siya makakabalik sa pag-aaral. “O, anak, bawal muna ang cellphone at TV sa iyo, ha? Baka mabinat ka. Magpagaling ka muna nang husto.” Paalala ng Tatay Victor niya habang nakahiga siya sa kaniyang kama. Iba pa rin talaga kapag nasa sariling bahay ka na kesa sa ospital. Pakiramdam niya ay hindi siya nakakapagpahinga doon nang maayos. “Tatay, gusto ko sanang tawagan muna si Israel. Kukumustahin ko sana siya.” Sandali itong natigilan. “Ano kasi… B-baka nagpapagaling din si Israel. Hayaan mo na muna siya. Ang isipin mo ay ang gumaling na ang sugat mo para makabalik ka na sa school. Sige na, mag-rest ka na.” Hinalikan siya nito sa noo at lumabas na ng kaniyang kwarto. Wala pang isang oras na nakahiga si Olive ay nabo-bored na agad siya. Hindi naman siya makatulog dahil bukod sa umaga pa lang ay hindi siya inaantok. Naiinip na talaga siya. Tapos wala pa sa kaniya ang cellphone niya. Ang mabuti pa siguro ay makipagkwentuhan na lang siya sa tatay niya. Wala kasi ang daddy niya dahil sa bumalik na ito sa pagtatrabaho. “`Tay?” tawag ni Olive sa tatay niya. Walang sumagot. Inulit niya pero wala pa rin. Hanggang sa tumayo na siya. Medyo hirap pa siyang maglakad pero kaya naman na niya. Nakakahakbang siya kahit mabagal. Nakarating siya sa salas. Walang tao. Naka-lock ang pinto kaya nahinuha niyang lumabas ito. Umupo siya sa sofa at nagdesisyon na doon hintayin ang kaniyang tatay. Nakita niya ang remote ng TV sa tabi niya kaya kinuha niya iyon upang buksan ang telebisyon. Sisilip lang siya ng mabilis at papatayin din agad bago siya maabutan ng Tatay Victor niya. Inip na inip na kasi talaga siya. Bigla siyang natigilan nang narinig niya ang pagbukas ng pinto sa may likuran ng kanilang bahay. Ang Tatay Victor na ba niya iyon? Pero bakit sa back door ito dumaan para pumasok? Tumayo muna siya para tingnan at nagulat siya nang makita si Israel na nakatayo sa tabi ng kanilang dining table. Medyo basa ang buhok at damit nito. “Israel!” Puno ng tuwa na bulalas ni Olive. Hindi na niya napigilan ang sarili na tumakbo palapit dito. Binigyan niya ito ng mahigpit na yakap. Napakalamig ng katawan nito. Humiwalay siya dito at hinaplos ang pisngi ng nobyo. “Bakit basang-basa ka?” “Hindi mo ba talaga alam kung bakit?” tanong nito sa malamig at mababang boses. Umiling siya. “Hindi ko alam. Teka, akala ko ba ay nasa ospital ka pa? Kailan ka pa nakalabas?” Napapitlag siya nang lumakas bigla ang volume ng telebisyon. Dumadagundong iyon sa buong kabahayan. Nagpaalam siya sandali kay Israel para patayin na ang TV. Bumalik siya sa salas. Dinampot niya ang remote pero nang akmang papatayin na niya iyon ay nasaktuhan niya ang isang flash news report sa isang local news channel. Isang babaeng reporter ang nasa screen at nasa likuran nito ang isang pamilyar na lugar. Hindi siya maaaring magkamali. Iyon ang ilog kung saan sila nag-school trip! Imbes na patayin ay pinahinaan niya ng kaunti ang volume ng telebisyon upang alamin kung tungkol saan ang ibabalita ng babae. “Matapos ang apat na araw na paghahanap sa katawan ng estudyanteng si Israel Aguillar ay natagpuan na rin siya sa malalim na bahagi ng Amburayan River. Nakaipit siya sa dalawang malaking bato sa ilalim ng tubig kaya hindi nanyari ang inaasahan ng mga rescuer na lulutang ang kaniyang bangkay. Bloated na at halos humihiwalay na ang laman sa buto nang matagpuan ang katawan ng estudyanteng lalaki ng Wellington High. Iyan po ang pinaka sariwang balita dito sa Amburayan River, La Union. Ako po si Fatima Natividad—nag-uulat.” Nangatal ang bibig ni Olive sa balitang iyon na kakapanood lang niya. Tama ba ang pagkakarinig niya? Israel Aguillar ang pangalan ng bangkay na natagpuan sa Amburayan River? Ang ilog kung saan sila nag-school trip. Hindi. Imposibleng si Israel iyon. Nakita at nakausap pa niya ito sa kusina. “Israel—” Naputol ang pagtawag niya sa nobyo nang bumukas ang pinto at pumasok si Victor. “Anak, bakit ka nandito? `Di ba, nagpapahinga ka dapat?” Lumapit ito at hinawakan siya sa siko. “Halika, ihahatid na kita sa kwarto mo.” Pumiksi siya. Pumunta siya sa kusina. Wala na doon si Israel. Ngunit may tubig sa sahig kung saan ito nakatayo nang makita niya kanina. Napansin din niya na naka-lock sa loob ang pinto sa kusina kaya imposibleng pumasok doon si Israel. Agad na nagtayuan ang balahibo niya sa braso sa kaniyang naisip. Hindi kaya ang Israel na nakita niya kanina ay isang kaluluwa? At totoo ang napanood niya sa balita? Nangingilid ang luha na humarap siya sa kaniyang tatay. “Ano bang nangyayari sa iyo, Olive?” takang-tanong nito. “May problema ka ba?” “S-si Israel… nasaan siya tatay?” “Nasa ospital—” “`Yong totoo po?! Nasaan si Israel? B-bakit napanood ko sa balita na natagpuan ang bangkay niya sa ilog?” Tuluyan nang sumabog ang luha ni Olive. Naninikip na ang dibdib niya sa pag-iyak. Kahit alam na niya ang maririnig niyang sagot ay gusto niya pa ring maniwala na mali siya. “Anak, bumalik ka na sa kwarto. Hindi ka pwedeng mapagod. Nagpapagaling ka pa, e.” “Kaya ba ayaw ninyo akong manood ng TV dahil baka mapanood ko ang balita tungkol sa totoong nangyari kay Israel? `Tay, please po, sabihin niyo na sa akin ang totoo. Please…” Kinuha ni Olive ang isang kamay ni Victor at pinisil iyon. Kulang na lang ay lumuhod siya para sabihin na nito ang katotohanan. Napayuko si Victor. “O-oo, anak. Patay na si Israel. Hindi totoo na nasa ospital siya. Sinabi namin iyon dahil ang payo ng doktor ay iiwas ka sa labis na emosyon at stress. Sasabihin din naman namin sa iyo oras na maka-recover ka na ng husto. Pero nalaman mo na pala. Sorry, anak. Ang kapakanan mo lang ang iniisip namin ng daddy mo…” Napahagulhol nang malakas si Olive. Hindi na niya kinaya ang lahat at bigla siyang nawalan ng ulirat. Mabuti at naging maagap si Victor at nagawa siya nitong saluhin bago siya bumagsak sa sahig.   HINDI na muna bumalik sa Laguna si Dominique para matutukan niya ang paghahanap sa katawan ni Israel sa Amburayan River. Dalawang grupo na ang naghahanap kay Israel. Malaking bahagi na ng ilog ang napupuntahan at tinitingnang mabuti. Apat na araw nang wala sa sarili si Dominique. Akala mo ay mababaliw na siya sa pag-iisip kung ano na ba talaga ang nangyari kay Israel. Buhay pa ba ito? O patay na? Kung patay na, bakit wala pa silang nakikitang bangkay? Hindi rin niya maiwasang sisihin ang sarili. Siya kasi ang nakaisip ng lahat. Kung hindi niya ito itinulak na gawin ang tangkang pagpatay kay Olive ay hindi mapapahamak ang lalaking mahal niya. Sana ay kasama niya pa rin ito hanggang ngayon. Ano ba kasi ang pumasok sa utak niya at naisipan niyang patayin si Olive? Masyado siyang nilamon ng inggit at galit niya. Aaminin niyang hindi na siya nakapag-isip pa ng maayos. Ang gusto lang niya noon ay mawala si Olive. Sana ay buhay ka pa, Israel… usal ni Dominique habang nakatayo sa gilid ng ilog. Maraming tao sa ilog na nakikiusyuso sa mga rescuer. May mga media din na naghihintay ng bagong ibabalita tungkol sa paghahanap kay Israel. Nabulabog ang pag-iisa ni Dominique nang mapansin niyang nagkakagulo ang mga tao. Lumakas bigla ang kabog ng kaniyang dibdib. Agad siyang lumapit sa kumpulan ng mga tao. Hinawi niya ang mga ito hanggang sa makita niya ang isang bangkay na maingat na inililipat ng mga rescuer mula sa bangka papunta sa stretcher. Halos gumuho ang mundo niya nang agad niyang makilala ang bangkay. Walang iba kundi si Israel! Hindi siya maaaring magkamali—ang lalaki iyon. Lomobo nang kaunti ang tiyan ni Israel at maraming sugat sa katawan. Maputlang-maputla na ang balat at mabaho na ang amoy. “I-israel…” Akmang lalapitan niya ito pero may lalaking pumigil sa kaniya na isa sa mga naghahanap dito. “Miss, hindi kayo pwedeng lumapit sa bangkay,” anito. “Anong hindi pwede? Girlfriend niya ako! Tabi!” “Hindi po talaga pwede.” Wala nang nagawa pa si Dominique dahil naipasok na sa ambulansiyang nakaantabay ang stretcher kung saan nakalagay ang bangkay ni Israel. Kasalanan ko ito… I’m so sorry, Israel! Piping iyak ni Domnique habang sinusundan ang papalayong ambulansiya.   DINALA sa Wellington High ang labi ni Israel na nasa kabaong dahil nagdesisyon ang pamilya nito na magiging pribado ang isang gabing burol nito sa kanilang tahanan. Iyon ay para may pagkakataon na maipagluksa ng mga kaklase nito si Israel. Habang ang libing naman ay para lamang sa pamilya at ilang malalapit na kaibigan at kakilala nito. Hindi na nagawang makapunta ni Olive sa Wellington High para makita ang urn ng namatay na nobyo dahil hindi siya pinayagan ng tatay at daddy niya kahit anong pilit niya. Makakasama daw kasi sa kaniya ang lumabas pa. Kahit sa paglilibing ay hindi din siya pinayagan. Baka daw kung ano ang mangyari sa kaniya doon. Ngunit hindi siya papayag na hindi makapagpaalam kay Israel kahit sa libing nito kaya nag-isip siya ng paraan para makatakas sa bahay. Nangako siya kina Victor at Leo na hindi siya pupunta sa libing ni Israel. Aniya, susundin na lamang niya ang gusto ng dalawa. Ginawa niya iyon para makapampante ang mga ito at hindi na siya bantayan pa sa bahay. Medyo bumabalik na rin kasi ang lakas niya. Pagkaalis ng tatay at daddy ni Olive para pumasok sa trabaho ay naghanda na siya para pumunta sa libing ni Israel. Inalam niya talaga kung saang sementeryo ito ililibing at medyo nagtaka siya dahil kay Helga siya nakakuha ng impormasyon. Alam nito kung saan ililibing si Israel. Nagduda siya noong una dahil baka niloloko lang siya ni Helga ngunit naisip niya na wala siyang pagpipilian kundi ang maniwala dito. Nang tawagan niya kasi ang mommy ni Israel para magtanong ay binabaan siya nito nang malaman na siya iyon. Sa tingin niya ay galit ito sa kaniya. Siya siguro ang sinisisi nito sa pagkamatay ng anak nito. Nag-book na siya ng GRAB para mabilis na makarating sa sementeryo. Pagdating doon ay nakita niyang tapos nang ilibing si Israel. Nakasalubong pa niya ang mommy nito habang inaalalayan ni Dominique. Nagtama ang mata nila ni Dominique at tinaasan siya nito ng kilay. May mangilan-ngilan na tao sa likuran ng dalawa. May kaba man sa dibdib ay lumapit pa rin siya sa mga ito. “T-tita, nakikiramay po ako…” basag ang boses na sabi ni Olive. “Tita, siya po si Olive—ang kasama ni Israel sa bangka!” Narinig niyang binulungan ni Dominique ang mommy ni Israel. Ganoon na lang ang gulat ni Olive nang bigla siyang sabunutan ng mommy ni Israel. Hinila siya nito papunta sa pinaglibingan sa anak nito at isinubsob siya sa lupa. “Kung hindi dahil sa iyo, buhay pa sana si Israel! Ang dapat sa iyo ay mamatay!” galit na sigaw nito. “T-tita! Tama na po!” Umiiyak niyang pakiusap. Pero tila bingi ito. Patuloy ito sa pagsubsob sa kaniya sa lupa. May pumapasok na sa bibig at ilong niya. “Dapat namatay ka na rin! Sinasabi ko na nga ba, wala kang magandang idudulot kay Israel!” Doon na umawat si Dominique. “Tita, enough na. Hayaan na natin siya!” Niyakap nito ang mommy ni Israel. Nanatiling nakasubsob si Olive sa lupa. Pakiramdam niya ay hindi niya kayang ipakita ang mukha sa ibang tao na nakakita sa pangyayaring iyon dahil sa sobrang pagkapahiya. Sa lakas ng boses ng mommy ni Israel ay sigurado siyang narinig ng mga tao doon na siya ang kasama ni Israel nang mamatay ito. Ano na lang ang iisipin ng mga tao sa kaniya? “Hindi ko alam kung ano ang nakita ng anak ko sa iyo, e, isa ka lang basura, Olive!” At dinuraan siya nito. Naramdaman niya ang pagtama ng dura nito sa batok niya. Matapos iyon ay umalis na rin sina Dominique. Sa pag-angat ng mukha ni Olive ay may ilan pa ring tao na nakatingin sa kaniya. Lumuhod siya sa harapan ng puntod ni Israel at umusal ng panalangin para sa namayapang nobyo.   “GOOD MORNING, Viral Girl!” Nagulat si Olive nang salubungin siya ni Helga sa may hallway ng school ng umagang iyon. Papunta na siya sa kanilang classroom. Tatlong araw na ang nakalipas simula nang mailibing si Israel at hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nasasanay na wala na ito. Pakiramdam niya ay buhay pa rin si Israel. Ayaw pang iproseso ng utak niya ang nangyari sa kanila sa ilog. Ngayon ay nakabalik na siya sa pagpasok sa school. Matagal din siyang nawala at marami siyang lesson na kailangang habulin. Kumunot ng bahagya ang noo ni Olive sa sinabi ni Helga. “Viral Girl? Ano bang pinagsasabi mo diyan?” aniya at nagpatuloy siya sa paglalakad. “Tingnan mo kasi ito!” Itinapat nito sa mukha niya ang isang cellphone. Napanood niya doon ang kaniyang sarili. Kuha iyon sa sementeryo nang pilit siyang humabol sa libing ni Israel. May kumuha ng video habang sinusubsob siya ng nanay ni Israel sa lupang pinangtabon sa kabaong nito. “One million views, five hundred thirty six thousands of shares and almost seven hundred thousand reacts. In just one day! Ikaw na talaga ang viral, Olive!” Natutuwang pumalakpak pa si Helga. Inagaw niya dito ang cellphone at tiningnan ng maigi ang video. May isang nag-post niyon sa f*******: gamit ang isang account na halatang dummy lang dahil ginamit nito ang litrato at pangalan ni Olivia Penelope. May caption ang video na: Grabe talaga ang nanay ng BF ni ate girl. Gusto lang naman ni girl na makapagpaalam for the last time sa boyfriend niya tapos ganito ang ginawa ni mother! “Basahin mo ang mga comments. Kampi silang lahat sa iyo, Olive! Naku, sisikat na naman ang pangalan mo. Marami ang maaawa sa iyo at magiging dahilan pa `yan para manatili ka sa top spot sa Mirror! Ang galing mo talaga!” Tumawa nang malakas si Helga. Naguguluhang ibinalik niya kay Helga ang cellphone nito. “Sino ba kasi ang nagpost niyan?” tanong niya. “Hmm… Malay ko. Olivia Penelope ang name ng nag-upload. Pero sigurado ako na hindi iyan si Olivia kasi patay na siya, `di ba?” Sandaling natahimik si Olive. Naiisip niya kasi ang nanay ng kaniyang namatay na nobyo. Napanood na kaya nito ang video? “Sasama ang tingin nila sa nanay ni Israel. Hindi iyon makakatulong sa kaniya dahil nagluluksa pa siya sa pagkamatay ng anak niya!” “Ay, feeling concerned? Teka, hindi ba gusto mo ang mag-viral? Ito na ulit iyon. After ng scandal video mo ay ito na ang kasunod.” “Ano bang pinagsasabi mo, Helga? Alam mo, kung ganiyan na naman ang sasabihin mo sa akin ay mas mabuti pa na layuan mo na ulit ako.” Iniwan na niya ito at malalaki ang hakbang na naglakad. “Hoy! Sandali lang! Ito naman. Pikon!” sigaw ni Helga at tumawa na naman ito ng malakas. Mas binilisan niya ang paglalakad. Dahil sa gulo ng utak ni Olive ay hindi niya nakita na kasalubong niya ang principal na si Mrs. Madrigal. Nabangga niya ito. Natumba ang ginang na agad naman niyang tinulungang makatayo. “Sorry po, Mrs. Madrigal!” paghingi niya ng paumanhin. Kapansin-pansin ang hilakbot sa mukha ng principal nang makita nito ang mukha niya. Nanlaki ang mga mata nito at nangatal ang bibig. “Mrs. Madrigal? May problema po ba?” takang-tanong ni Olive. “O-olivia!” bulalas nito sabay turo sa mukha niya. Takot na takot ito na para bang nakakita ito ng multo.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD