HINDI nagawang makatulog ni Dominique sa lumipas na magdamag at iyon ay hindi dahil wala siya sa malambot at kumportable niyang kama. Ang tunay na dahilan ay dahil alam niya na isinasagawa na ni Israel ang plano nilang pagpatay kay Olive. Para mawala na ito sa landas nila. Para ipagluksa ito ni Israel at aakalain ng lahat na isang mabuti at mapagmahal na nobyo si Israel. Magva-viral pa ito sa social media. Para na rin manguna na siya sa Mirror.
Ilang taon nang tinatapa-tapakan ang kaniyang pride. Mula kay Courtney tapos ngayon ay kay Olive. Ayaw niyang grumaduate siya sa Wellington High na nanatili siya bilang second best.
Hanggang sa sumikat ang araw at kumalat ang liwanag ay hindi mawala-wala ang kaba sa dibdib niya para kay Israel.
Sana naman ay `wag kang maging tanga, Israel! Gawin mo sana nang malinis ang lahat. Ayokong sumabit lalo na kung ang dahilan ay ang scandal girl na iyon! May kasamang gigil na turan niya sa kaniyang sarili.
Maya maya ay inutusan na sila ni Teacher Alona na ayusin na ang kani-kanilang tent dahil aalis na sila matapos ang isang oras. Mag-be-breakfast pa kasi sila. Si Jazzy ang kasama niya sa tent at wala itong kamalay-malay na mulat siya sa nagdaang magdamag.
“You look pale, Dominique. Saka ang eyes mo, parang hindi ka nakatulog kagabi.”
Napapitlag si Dominique nang biglang magsalita si Jazzy.
Nakatayo siya sa gilid ng ilog at nakatanaw sa kawalan. Hinihintay niya ang pagdating ni Israel habang umiiyak para sabihin sa kanila na patay na si Olive. Ang plano nila ay dadalhin ni Israel sa mapanganib na bahagi ng ilog si Olive at doon ay ihuhulog ito ni Israel. Sa dami ng mga bato at lakas ng agos ng tubig doon ay sigurado siyang hindi doon mabubuhay si Olive. Babalik si Israel na hindi kasama si Olive at magmumukhang survivor ito sa isang aksidente. Ganoon kasi ang papalabasin nila. Kunwari ay nagkaroon ng aberya ang bangka at aksidenteng nalaglag ang kaawa-awang si Olive.
“What if hindi siya mamatay sa mga bato?” Naalala niyang tanong ni Israel.
“Then kill her! May sagwan ka naman. Hampasin mo sa ulo! Ikaw na ang bahala!”
“f**k, Jazzy!” Mura ni Dominique sa kaibigan dahil sa labis na gulat.
“What? You looked tense. May problema ba?”
“Nothing! Kapag mag-isa may problema na agad? Hindi ba pwedeng gusto ko lang ng fresh air dahil wala nito sa city?” Mataray niyang sagot.
Mahinang tumawa si Jazzy. “Ang dali mo kasing nagulat. Sorry. Saka kailangan na nating ligpitin ang tent. Kailangan mo akong tulungan, Dominique.”
“Fine!” Nauna na siya sa paglalakad sa lugar kung saan nakatayo ang tent nila. Padabog at mabigat ang loob na sinimulan niyang iligpit ang tent nila ni Jazzy.
“Helga, bakit ikaw lang ang mag-isang nagliligpit ng tent mo?” Narinig ni Dominique ang boses ni Teacher Alona sa likuran niya. Nilingon niya ito at nakita niyang kausap nito si Helga.
Isang tent lang pala ang pagitan ng tent niya sa tent ng babaeng weird na iyon. Ngayon niya lang ulit nakita si Helga at hindi pa rin niya nakakalimutan ang ginawa nito sa kaniya. Sandali lang niya iyong pinalampas dahil ang nais niya ang focus siya kay Olive.
`Pag natapos ako kay Olive, ikaw na ang isusunod ko Helga! Ngingiti-ngiti niyang sabi sa sarili.
“Nang magising po ako ay wala na si Olive, teacher. Hindi ko po alam kung saan siya nagpunta,” sagot ni Helga kay Teacher Alona.
Si Olive pala ang kasama ni Helga sa tent. Lihim na nagdiwang si Dominique. Kung sa oras na ito ay wala pa rin si Olive, ibig sabihin ay nagtagumpay si Israel na patayin ito. Hindi na tuloy siya makapaghintay sa pagsulpot ni Israel. Nais niyang makita kung mahusay bang umarte si Israel at kung mapapaniwala ba nito ang lahat.
“Teacher! Si Israel din po, wala nang magising ako!” Isang kaklase nilang lalaki ang lumapit kina Teacher Alona at Helga.
“Ganoon ba? Okay. Dito lang kayo at hahanapin ko sila. Magpapatulong na rin ako sa mga locals.” Humahangos na naglakad palayo ang guro.
Ibinalik na ni Dominique ang atensiyon sa pagliligpit ng tent. Medyo nakakampante na ang loob niya ngayon. Siguradong-sigurado na siya na sa mga sandaling ito ay isa nang malamig na bangkay si Olive!
NAGKAKAGULO na ang lahat. Tapos nang mag-almusal sina Dominique pero hindi pa rin bumabalik sina Israel at Olive. Natataranta na si Teacher Alona. Alam kasi nito na ito ang masisisi kapag may nangyaring hindi maganda sa isa sa mga estudyante nito.
Narinig niya na nalaman na humiram ng bangka si Israel sa isang bangkero na ang bahay ay nasa malapit lang. Kaya sa may ilog naghahanap ang ilan. Malamang, namangka si Israel at Olive kaya nandoon ang mga ito.
Habang hindi magkamayaw ang iba, nakaupo lang si Dominique sa malaking ugat ng puno na nakausli sa lupa. Hawak ang cellphone at nagba-browse sa kaniyang f*******:.
“Dominique! Nawawala daw sina Israel at Olive!” sabi ni Camila. Kasama nito sina Jazzy at Yasmine na lumapit sa kaniya.
“I know, dumb!” Tumayo siya. “Hindi pa ba aalis? Ang boring na dito. Ang hina ng signal ng data. Gusto ko nang i-edit sa bahay ang vlog ko about this shitty school trip—”
Nahinto ang paglilitanya ni Dominique nang may marinig siyang nagkakagulo sa kung saan. Paglinga niya ay nakita niya na nagkukumpulan ang ilang kaklase nila sa tabi ng ilog na para bang may nakitang kung ano ang mga ito.
Lumakas ang kabog ng dibdib niya. Finally! This is it! Good job, Israel! Tili ng utak ni Dominique.
“Hoy! Ano `yon?” sigaw na tanong ni Yasmine sa isang kaklase nilang babae na patakbo sa kumpulan.
“Nakita na raw iyong bangkang ginamit nina Israel at Olive!” sagot nito sabay takbo na.
Tumakbo agad sa kumpulan ang mga kaibigan ni Dominique. Habang siya na alam nang si Israel ang makikitang sakay ng bangka. Mabagal ang paghakbang niya. Nakita na rin niyang papalapit si Teacher Alona at dalawa pang lalaki doon.
“OMG! Anong nangyari kay Olive?” Narinig niyang sabi ng isang babae nang malapit na siya sa kumpulan.
Olive? Bakit nasa bangka yata si Olive? Isinama ba ni Israel pabalik ang katawan ni Olive?
Kung oo, hindi na rin importante. Ang mahalaga ay patay na si Olive.
“Tabi! Tumabi nga kayo!” Maarteng hinawi ni Dominique ang mga nakaharang. Siyempre, gusto niyang makita kung ano ang hitsura ni Olive ngayong isa na lamang itong malamig na bangkay.
Sumigaw si Teacher Alona. “Tumawag kayo ng ambulansiya! Buhay pa siya!”
Sa sinabing iyon ng guro ay kinabahan siya. Ano bang pinagsasabi nitong buhay pa?
Binilisan niya ang paghawi sa mga kaklase niya. Ilang tao na lang ang kailangan niyang lampasan. Nakikita na niya ang bangka at may namumutlang kamay ang nakasampay sa gilid niyon. Bakit parang hindi iyon kamay ng isang lalaki? Bakit parang pambabae ang kamay na nakikita niya?
Halos balyahin na niya ang mga nakaharang at para siyang pinagsakluban ng langit at lupa nang makarating siya sa harapan mismo ng bangka. Isang tao lang ang naroon. Hindi si Israel kundi si Olive! Wala itong ulirat at nakasampay ang isang kamay sa gilid ng bangka. May malaki itong sugat sa noo na may kaunting dugo pang lumalabas. Puro punit ang damit at maraming pasa sa iba’t ibang parte ng katawan.
Natigalgal si Dominique. Nanginig ang baba niya. Hindi niya inaasahan na si Olive ang makikita niyang makakabalik ng buhay.
“N-nasaan si Israel? Nasaan siya?!” Natutulirong sigaw ni Dominique.
“Wala pang nakakaalam kung nasaan siya. Hanggang ngayon ay hinahanap pa rin siya sa ilog at sa kagubatan. Hindi pa natin malalaman kung ano ba talaga ang nangyari dahil wala pang malay si Olive,” sagot ni Teacher Alona.
Tumiim ang bagang ni Dominique. Nanlilisik ang mga mata niya habang nakatingin sa walang malay na si Olive. Hindi na niya napigilan ang sarili at mabilis siyang sumampa sa bangka. Hinila niya sa buhok si Olive at paulit-ulit itong pinagsasampal.
“You, b***h! Anong ginawa mo kay Israel?! Nasaan siya?! b***h! Magsalita ka!” Halos mabaliw na si Dominique. Pakiramdam niya ay sasabog na ang dibdib niya.
Mabilis na hinila siya nina Teacher Alona at ng mga kaibigan niya palayo kay Olive. Naluluha na siya sa sobrang galit. Gusto niyang pagsasampalin si Olive hanggang sa magising ito para sabihin nito kung ano na ang nangyari kay Israel.
“Israel!!!” Palahaw ni Dominique. Kulang na lamang ay maglupasay siya habang hawak siya sa magkabilang braso nina Jazzy at Yasmine.
“ISRAEL, tulungan mo ako!”
“Kailangan mo nang mamatay!” Akmang hahampasin si Olive ni Israel ng hawak nitong sagwan habang nakakapit siya nang mahigpit sa gilid ng bangkang inaanod ng rumaragasang agos ng tubig.
“Mahal na mahal kita, Israel!” sigaw ni Olive.
Nabitin sa hangin ang sagwan. Tila nagdadalawang-isip si Israel sa gagawin nito.
“M-mahal na mahal kita. P-parang awa mo na. `W-wag mo `tong gawin sa akin…” samo ni Olive. Alam niyang anumang sandali ay huhulagpos na ang kamay niya sa pagkakapit. At kapag nangyari iyon ay lalamunin na siya ng agos ng tubig at malalaking bato.
“Hindi na kita mahal, Olive! Nandidiri ako sa iyo!” At itinuloy na nito ang paghampas ng sagwan sa kaniyang ulo.
Marahang nagbukas ang mga mata ni Olive. Ang kulay puting kisame ang unang bumungad sa kaniya. Muli niyang ipinikit ang mata nang maramdaman niyang para siyang nilalamon ng tubig. Tila nalulunod siya. Marahil ay dahil iyon sa traumatic na nangyari sa kaniya at kay Israel sa ilog.
Kumawala sa nakapikit na mata niya ang luha nang maalala ang lahat. Sa pangalawang pagkakataon ay binuksan niya ang mata. Doon na niya naramdaman ang labis na p*******t ng ulo at buo niyang katawan. Para siyang binugbog dahil sa makailang beses na tumama ang iba’t ibang arte ng katawan niya sa naglalakihang bato sa ilog.
Sinubukan niyang magsalita pero ungol lang ang lumabas sa bibig niya.
“Diyos ko! Olive!” Nakita niya ang nag-aalalang mukha ng Daddy Leo niya. “Thanks God dahil gising ka na!”
“D-dad…” Mula sa paos niyang boses ay pinilit niya itong tawagin.
Hindi nito malaman kung hahawakan ba siya o hindi. “Yes, anak! Ako nga ito. Ang daddy mo. Hindi ka naman siguro nagkaroon ng amnesia dahil sa head injury mo, `no? Ang papa mo ay pinabili ko lang ng food dahil nagugutom ako. Sandali, tatawag lang ako ng nurse—ay hindi pala. Wala kang kasama dito!” Mabilis na itong magsalita. Indikasyon na natataranta na ito.
Akala mo ay hinawakan ng anghel ang daddy ni Olive nang ipatong niya ang isa niyang kamay sa kamay nito. Tumahimik na ito. Pilit siyang ngumiti para mawala ang pag-aalala nito sa kaniya.
Napaluha ang daddy niya. “H-hindi ko alam ang gagawin ko kung nawala ka sa amin, Olive. Baka mabaliw ako, anak. Salamat sa Diyos at hindi ka niya kinuha sa amin ng tatay mo!” Gamit ang isang kamay ay pinalis nito ang luha sa mukha. “O, huwag mo munang pilitin na gumalaw o magsalita. Ang sabi ng doktor ay kailangan mong mag-rest. Wala namang matinding pinsala sa katawan mo, anak. Maliban sa sugat mo sa ulo.”
Natigilan si Olive. Naalala niya si Israel. “S-si I-israel po?”
“Ano… O-okay na rin siya. G-gaya mo ay nagpapagaling na rin siya, anak. K-kaya magpagaling ka na nang tuluyan para makita mo na si Israel.” Hinaplos nito ang mukha niya.
Sa sinabi ng daddy niya ay napatanag ang loob niya. Maya maya ay dumating na rin ang Tatay Victor niya at labis ang tuwa nito nang makitang gising na siya. Halos isang araw pala siyang nakatulog ayon sa daddy at tatay niya.
Maghapon na nakabantay ang dalawa sa kaniya. Um-absent muna ang mga ito sa trabaho para matutukan siya sa ospital habang nagpapagaling siya.
Isang oras lamang ang binilang ni Olive simula nang magising siya ay unti-unti nang bumabalik ang lakas niya. Nakakapagsalita na rin siya nang maayos.
Nakahiga siya sa hospital bed habang pinagmamasdan ang daddy at tatay niya na nakatutok sa pinapanood sa telebisyon. Isang local romantic movie ang palabas. Sweet na sweet ang dalawa habang nagsasalo sa isang potato chips. Manaka-naka’y sinusubuan ng tatay niya ang kaniyang daddy.
Habang lumalaki siya at nagkakaroon ng isip noon ay nagtataka siya kung bakit parehas na lalaki ang mga magulang niya. Bakit iba sa normal na babae at lalaki? Iyong may nanay at tatay. Ang pagkakaroon ng mga baklang magulang ang naging dahilan para ma-bully siya sa eskwelahan. Ngunit ipinaramdam ng daddy at tatay niya na walang mali sa uri ng pamilyang meron sila. Kahit ampon lang siya at parehas na lalaki ang mga ito ay hindi niya naramdaman na hindi siya mahal ng mga ito. Hanggang sa tuluyan na niyang natanggap na sina Leo at Victor na ang mga magulang niya. Napagod na rin ang bumu-bully sa kaniya na bakla ang mga magulang niya dahil hindi na siya nasasaktan at naaapektuhan.
Ganoon naman talaga ang mga bully. Matatalo mo ang mga bully kapag hindi mo sila pinansin. Matatalo mo ang mga bully kapag alam nilang hindi ka na apektado sa ginagawa nila sa iyo. Pero may mga pagkakataon na kailangan mong lumaban para ipakita sa kanila na hindi ka natatakot sa kanila.
“Daddy, tatay…” tawag niya sa dalawa.
Sabay pang lumingon ang mga ito at lumapit. “Bakit, Olive?” sabay din na tanong ng mga ito.
“May masakit ba sa iyo? May kailangan ka ba?”
Umiling siya. “Gusto ko lang pong marinig ulit ang kwento kung paano ako napunta sa inyong dalawa,” aniya.
Nagkatinginan sina Victor at Leo. Umupo si Victor sa gilid ng higaan niya. “`Di ba, ilang beses na namin iyang naikwento sa iyo noong bata ka pa?” Hinaplos nito ang likod ng ulo niya.
“Iyon nga po, e. Bata pa ako nang huli ninyong ikwento sa akin kaya gusto ko po sana ulit na marinig sa inyo.”
“Naku, Victor, naglalambing ang anak mo. Sige na, ikwento mo na!” susog ni Leo.
Tumango ang tatay niya at nagsimulang ikwento ulit sa kaniya ang lahat.
Ayon sa Tatay Victor niya ay muntik nang maghiwalay ito at ang Daddy Leo niya. Halos sampung taon na ang relasyon ng dalawa at nasa punto na nagkakasawaan na ang dalawa dahil sa wala nang bago sa relasyon ng mga ito.
Humingi daw ng sign ang tatay at daddy niya nang minsang magsimba ang dalawa. Walang tiyak na sign na hiningi ang dalawa basta isang sign.
Doon na daw siya dumating. Isang babae ang nakita ng mga ito na nanghimatay sa tapat ng kanilang bahay. Buntis ang naturang babae. Mukha daw palaboy dahil madumi at puro sugat sa katawan. Sa tantiya daw ng tatay niya noon ay nasa early 20’s lang ang babae.
Naawa ang daddy at tatay niya sa naturang babae dahil kahit ang pangalan nito ay hindi nito matandaan. Parang wala pa nga daw ito sa sarili dahil bigla na lamang umiiyak at sumisigaw.
Sa takot na baka mapunta sa masasamang tao ang babae na pinangalanan nilang Ofelia ay sila na ang nag-alaga dito. Bukod sa pangalang ibinigay ng mga ito sa babae ay wala na silang ibang alam na impormasyon tungkol dito.
Makalipas ang dalawang buwan ay nanganak na ang babae. Si Olive ang batang babae na isinilang nito. Si Ofelia ang humiling na pangalanan siya na Olive.
Sa kasamaang-palad ay pumanaw si Ofelia ilang araw matapos nitong manganak. Nagpakamatay ito. Natagpuan itong nakabigti sa banyo nito sa ospital. Kaya simula ng araw na iyon ay nangako sina Leo at Victor na sila na ang tatayong magulang kay Olive.
Doon na napagtanto ng daddy at tatay ni Olive na siya ang “sign” na ipinagdasal ng mga ito. Simula kasi ng dumating siya sa buhay ng dalawa ay tila nasilaban ng apoy ang dating nanlalamig na pagmamahal ng mga ito sa isa’t isa. Ang responsibilidad nila kay Olive ang nagsalba sa pag-ibig nila na muntik nang maglaho noon…