LESSON 16 “Kill This Love”

2491 Words
          “DOMINIQUE! Enough!” sigaw ni Teacher Alona. Inalis nito ang pagkakasabunot ni Dominique sa buhok ni Olive. Kung hindi pa dumating ang kanilang guro ay baka nakalbo na siya nito. Umiiyak na inayos ni Olive ang kaniyang buhok. Pakiramdam niya ay dumugo ang anit niya sa tindi ng pagsabunot ni Dominique sa kaniya. Dumating din si Israel at agad siyang yumakap dito. “Anong nangyari dito?!” May pag-aalalang tanong ni Israel. “H-hindi ko naman sinasadya tapos—” “b***h! Palagi ka na lang hindi sinasadya! Tingnan mo ang ginawa mo sa akin, scandal girl! I will kill you!” Nagwawalang sigaw ni Dominique habang pilit itong kumakawala sa pagkakahawak ni Teacher Alona. Akala mo ay isa itong mabangis na hayop na kapag nakawala ay talagang manununggab at papatay! “Dominique! Tama na, sabi!” Maawtoridad na sigaw dito ni Teacher Alona. Doon na huminto sa pagwawala si Dominique. Matalim ang mata nito habang nakatingin sa kaniya. “Hindi pa ako tapos sa iyo, scandal girl!” Pumiksi ito. “Let me go!” Nang makawala ito kay Teacher Alona ay umalis na ito. Sinundan ito ng tatlo pa nitong mga kaibigan. “Dapat kasi ikaw na lang ang umiwas, Olive. Alam mong mainit ang dugo sa iyo ni Dominique, `di ba?” turan ni Israel habang inaalalayan siya nito na bumalik sa upuan. “A-ayoko na diyan. Sa ibang table na lang tayo, please…” Nahihintakutang sabi ni Olive. Baka kasi nasa ilalim pa rin ng lamesang iyon ang apat na estudyanteng pinatay ng Killer School Girl. Nagtataka man ay sinunod na lang si ni Israel. Naghanap ito ng panibagong bakanteng lamesa at doon sila kumain ng almusal. Nang matapos nang kumain ay lahat ay sumakay na ulit sila ng bus para magtungo sa Amburayan River sa parte ng La Union. Magka-camping sila sa tabi ng ilog at susubukan ang ilang water activities na pwede nilang gawin. Sa biyahe ay nanatiling tahimik si Olive. Napansin iyon ni Israel kaya kinausap siya nito. “Okay ka lang ba? Kanina ka pa tahimik.” Umiling siya. “Inaantok lang ako.” “Matulog ka muna.” “Huwag na. Baka mabitin lang. Mukhang malapit na rin naman tayong bumaba.” Ilang sandali lang ay narating na nila ang Amburayan River. May dinaanan silang napakahabang hanging bridge na gawa sa bakal. Nakakatakot dahil pakiramdam nila ay masisira ang hanging bridge kahit pa sinabi ng tour guide nila na isang may edad na lalaki na matibay iyon. Nakaalalay kay Olive si Israel kaya kahit paano ay hindi siya natatakot. Talagang ipinaparamdam nito na ligtas siya basta nasa tabi niya ito. Halos gubat nang matatawag ang lugar kung saan sila magka-camping. Inilabas na nila ang kanilang mga tent na dala. Dalawang tao sa isang tent ang dapat. Kaya kaniya-kaniyang kuha ng kapareha ang mga kaklase nila. Hindi pwedeng babae at lalaki sa isang tent kaya hindi pwedeng magka-partner sina Olive at Israel. Halos lahat ay may kapartner na. Wala pa ring nahahanap si Olive. Hanggang sa lumapit si Helga sa kaniya na may malaking ngiti sa labi. “So, mukhang tayo ang magsasama sa tent, Olive.” Wala nang nagawa si Olive nang kunin nito sa kaniya ang bag kung saan nakalagay ang tent. “Marunong ka bang magtayo nito? Ako kasi hindi.” Mukhang wala na siyang pagpipilian kundi ang pumayag na makasama si Helga sa iisang tent. `Di bale, isang gabi lang naman. Mabilis lang ang isang gabi…   LAHAT ng kaklase ni Dominique ay buong maghapon na nag-enjoy sa paliligo sa Amburayan River. Upang masiguro ang kaligtasan ng lahat ay pinagsuot sila ng life vest. Ang iba ay nag-kayak at dahil malakas ang hangin ay mabilis din ang agos sa parte ng ilog na mabato. Doon naman ay may mga nag-rafting. May maliliit na bangka din na pwedeng arkilahin upang malibot ang ilang bahagi ng ilog kung saan pwede ang bangka. May barbecue party pagsapit ng tanghali. Walang tigil ang pagkain dahil na rin sa tulong ng mga locals na malapit sa Amburayan River. Binayaran ang mga iyon ng Wellington High para sa kanilang pagkain. Nakaupo si Dominique sa beach towel na inilatag niya sa gilid ng ilog. Mag-isa siya doon habang nakatingin sa agos ng tubig. Kumukuha ng pagkain sina Yazmine, Camila at Jazzy. Hindi pwedeng mag-bathing suit na sexy kaya manipis na shorts at sando ang suot niya. Ang totoo ay kinakabahan siya sa gagawin nila ni Israel na pagpatay kay Olive. Buo na ang balak nila. Mamayang gabi ay isasagawa na ni Israel ang kanilang plano. Iyon ang pinag-uusapan nila kanina sa hallway ng hotel kung saan nahuli sila ni Olive. Ito na lang kasi ang paraan na naiisip niya para tuluyang mawala sa landas niya ang babaeng kinaiinisan. Inagaw nito ang spot na dapat ay sa kaniya. Inagaw nito noon si Israel. Kababawan man sa iba pero sa kaniya ay hindi. Ilang taon siyang nagtiis sa pagiging second best dahil kay Courtney. Nang mamatay si Courtney ay inakala niyang siya na ang mangunguna lalo na si Mirror pero hindi pa rin. Umeksena si Olive at dahil sa video scandal nito ay na-curious ang lahat kay Olive at iniluklok ito sa kaitaas-taasan ng Mirror! Ang pagkakaroon ng aberya ang ikinakatakot ni Dominique. Natatakot siya na baka may makaalam sa gagawin nila ni Israel. Kahit pa sabihing maraming pera ang pamilya nila ay hindi siya sigurado kung kukunsintihin ba ng mga magulang niya ang pagpatay niya ng tao kung sakaling malaman na sila ang salarin sa pagkamatay ni Olive Aurora. “Siguraduhin mong lalabas na aksidente ang lahat, Israel! Hindi tayo pwedeng sumabit!” Iyon ang sinabi niya kanina kay Israel habang magkausap sila. “Ako ang bahala. Gagawin ko kung ano ang naka-plano!” “s**t…” Mahinang mura ni Dominique. Kinakabahan talaga siya ngunit hindi na siya pwedeng umurong. Buo na ang plano at mangyayari na ang kamatayan ni Olive Aurora mamayang gabi!   MAAGANG natulog si Olive dahil sa labis na pagod sa maghapon. Nang pumasok siya sa tent ay wala pa doon si Helga. Baka nasa kung saan lang ito. Humiga na siya at ipinikit ang mga mata. Kahit paano ay nag-enjoy siya sa Amburayan River. Nag-kayak sila ni Israel at lumangoy sila sa ilog. Napakasaya niya. Talagang sinulit niya ang buong maghapon na magkasama sila ng kaniyang nobyo. Hindi niya alam kung gaano na siya katagal na tulog nang biglang tumunog ang kaniyang cellphone. Nang kunin niya iyon ay nakita niyang tumatawag si Israel. Mag-isa pa rin siya sa tent. Mukhang nasa labas pa si Helga. Napatingin tuloy siya sa oras sa kaniyang cellphone. Ala una y media na ng madaling araw. Bakit kaya tumatawag si Israel sa kaniya ng ganitong oras? At bakit hanggang ngayon ay wala pa rin si Helga? Nagtataka man ay sinagot ni Olive ang tawag ng kaniyang nobyo. “Hello? Israel?” tugon ni Olive. “`Buti at gising ka pa. Labas ka ng tent mo. Nandito ako sa labas.” “Ha? Bakit? Anong gagawin natin?” “Gusto sana kitang masolo, e. Sige na. Sandali lang tayo.” Bumangon na siya at lumabas ng tent. Nakita nga niya si Israel na nakatayo malapit sa kinaroroonan ng tent niya. Pinutol na niya ang tawag at nilapitan ito. “Sobrang late na. Ano pang gagawin natin dito sa labas?” May pagtataka niyang tanong. “Hindi kasi tayo nakasakay ng bangka kanina. Aayain sana kita na mamangka…” “Baka makita tayo ni Teacher Alona. Bawal nang lumabas ng tent—” Mabilis siyang siniil ng halik ni Israel sa labi kaya napahinto siya sa pagsasalita. Malaki ang ngiti nito nang ilayo nito ang labi sa kaniya. “Makikita niya tayo kapag nag-ingay ka pa,” anito sabay hawak sa kamay niya. Wala nang nagawa si Olive kundi ang sumunod sa kaniyang nobyo nang hilahin siya nito palayo sa area na pinagtatayuan ng mga tent. Naglakad sila papasok sa masukal na parte ng gubat at makalipas ang ilang minuto ng mabilis na paglalakad ay tumambad sa kaniya ang ilog. May bangka sa gilid na walang katig o `yong kawayan na nagsisilbing balanse ng bangka sa magkabilang gilid. May takot sa mata na nagsalita si Olive. “Hindi ba mahirap gamitin ang ganiyang uri ng bangka? Israel, bumalik na lang tayo. Natatakot ako. Baka kung ano’ng mangyari sa atin, e.” “Ito na nga lang ang chance na masolo kita dito sa school trip, e. Saka marunong akong gumamit ng bangkang ganiyan. May ganiyan ang lolo ko sa probinsiya at tinuruan niya ako.” “Pero…” Hinawakan siya ni Israel sa magkabilang balikat. “Wala ka bang tiwala sa akin?” “Meron naman kaya lang—” “Iyon naman pala, e. Saka hindi kita papabayaan, Olive. Kilala mo ako. Sige na. Sayang ang pagkakataon na ito. Saka maliwanag ang paligid. Makikita natin ang ilog nang maayos. Look… Full moon.” Saglit niyang tiningnan ang bilog at maliwanag na buwan. Kinakabahan talaga siya sa gagawin nila ni Israel. Kung siya ang tatanungin ay ayaw niya dahil baka maaksidente sila ngunit alam din niya na magtatampo si Israel nang husto sa kaniya. Palagi itong nasa tabi niya at kahit kailan ay hindi siya tinalikuran. Hindi pa ba niya ito pagbibigyan sa simpleng bagay na gusto nito? Bumuga ng hangin si Israel kasunod ang pagbagsak ng mga balikat. “Okay. Hindi na kita pipilitin. Kung ayaw mo ay—” “Sige. P-payag na ako. Sasama na ako sa iyo na mamangka sa ilog.” Namilog ang mata ni Israel. “Talaga?!” Masaya nitong tanong na tinanguhan niya. “Pero saglit lang tayo, ha? Baka malaman ni Teacher Alona na wala tayo sa tent natin, e.” “Oo naman. Tara na!” Hinawakan pa nito ang isa niyang kamay habang naglalakad sila papunta sa bangka. Nalaman niya kay Israel na hiniram nito sa isang local ang bangkang iyon. Nagbayad pa raw ito ng malaki para may magamit silang bangka at hindi magsumbong ang may-ari niyon kay Teacher Alona. Na-appreciate naman ni Olive ang effort na iyon ni Israel. Kinilig siya nang sabihin nito na nais siya nitong masolo. Hindi niya lang pinahalata. Kinakabahan lang talaga siya sa pamamangka nila na walang nakakakita sa kanila. Siguro naman ay walang masamang mangyayari sa amin… aniya sa sarili. Pinagtulungan nilang dalawa na itulak ang bangka sa ilog. Sumakay na sila nang nasa tubig na iyon. Hindi iyon ganoon kalaki. Kung susumahin, apat na dangkal ang lapad niyon at ang haba ay isa’t kalahating tao siguro. May dalawang sagwan at si Israel ang humawak ng mga iyon. Nasa magkabilang dulo sila ng bangka. Pinanghawakan ni Olive ang sinabi ni Israel na marunong itong gumamit ng ganoong bangka upang mabawasan ang kaba niya sa dibdib. Inisip din niya na hindi siya papabayaan ng kaniyang nobyo. Sigurado siya na kung sakaling may hindi magandang mangyari ay nasa tabi naman niya si Israel. Hindi ito makakapayag na masaktan siya. Inumpisahan na ni Israel ang pagsagwan. Nang nasa gitna na sila ng ilog ay hinayaan na lang nito na anurin sila ng mabagal na agos ng tubig. Napakaganda ng kapaligiran nila. Salamat sa malaki at bilog na buwan na nagsisilbing tanglaw nila sa kadiliman ng gabi. Nakaka-relax ang pinagsabay na lagaslas ng tubig sa ilog at ang huni ng mga kulisap at ibong panggabi. Malamig ang hangin na yumayakap sa kaniya. Tumingin siya kay Israel. Kapansin-pansin ang pagkabalisa nito. Nagsasagwan na ulit ito pero isa na lang ang gamit. “Okay ka lang ba? Pagod ka na yata sa pagsasagwan. Gusto mo bang ako naman?” tanong niya. “H-hindi. Ayos lang ako. H-hindi lang ako makapaniwala na kasama kita ngayon sa ganitong lugar. Iyong tayong dalawa lang.” “Kaya nga, e. Sa school kasi ay bihira na tayong magkasama dahil sa mga activities. `Buti na lang at sa ganito tayo nag-school trip. Nakakasawa na rin kasi iyong palagi sa amusement park tayo.” Bahagyang natawa si Olive. Kita niya pa rin na tila hindi ayos si Israel. Isang mahabang katahimikan ang namagitan sa kanilang dalawa. Tumikhim si Olive para basagin iyon. “Israel, salamat nga pala ulit sa pagtanggap mo sa akin sa kabila ng video scandal ko dati. A-at gusto ko ulit humingi ng sorry dahil hindi ako naging maingat. Hinayaan kong mangyari iyon sa akin…” Hindi niya alam kung bakit niya iyon biglang naisip na sabihin. Nanatiling nakatingin si Israel sa kaniya. Kumikislap na ang pawis nito sa mukha. Bakit ito pinagpapawisan ng ganoon? Malamig naman ang paligid. “Mukhang hindi ka okay. Bumalik na kaya tayo?” aniya. “Olive…” tawag ni Israel sa nanginginig nitong boses. Umusog ito palapit sa kaniya hanggang sa makarating ito sa gitna ng bangka. Inilahad nito ang isang kamay. “Halika. Dito ka sa tabi ko.” Maingat na pumunta sa gitna si Olive. Magkaharap sila ni Israel. Nagulat siya nang bigla siya nitong yakapin nang ubod ng higpit. “Patawarin mo ako, Olive. Sorry…” Tila naiiyak na saad ni Israel. “Israel, wala kang dapat na ihingi ng tawad sa akin. Wala kang kasalanan sa akin. Ano ka ba?” “I am sorry, Olive.” Kumalas ito sa pagkakayakap sa kaniya. Lumipat ang dalawa nitong kamay sa magkabila niyang pisngi. Napansin niya na malayo na sila. Unti-unti na ring nagiging mabato ang dinaraanan nila. Lumalakas na ang pag-agos ng tubig. Kung hindi siya nagkakamali ay iyon ang lugar sa ilog kung saan isinasagawa ang rafting. Malalim na sa gawing iyon. Bumalik na naman ang kaba ni Olive. “Israel, ang layo na natin. Saka delikado sa part na ito, e. Baka hindi kayanin ng bangka ang mga bato at agos ng tubig—” “Sorry, Olive.” May luhang naglandas sa pisngi nito. “A-ano bang nangyayari sa iyo? Bakit ka humihingi ng sorry?” Naguguluhan niyang tanong. Hanggang sa maramdaman niyang unti-unting dumidiin ang pagkakahawak nito sa magkabila niyang pisngi. “Israel, n-nasasaktan ako. Bitiwan mo na ako.” Napasigaw siya nang bumangga ang bangka sa isang bato. “Israel! Baka tumaob tayo!” tili niya nang bumilis na ang agos ng tubig. Nagpapaikot-ikot na ang bangka at panay na ang tama niyon sa mga malalaking bato na nadadaanan nila. “I’m sorry, Olive.” Pagkasabi niyon ni Israel ay bigla siya nitong inihulog sa bangka. Kaya pala mahigpit ang pagkakahawak nito sa mukha niya ay dahil iyon ang gagawin nito. Pagkahulog ni Olive sa tubig ay agad siyang naghanap ng makakapitan. Nakahawak siya sa gilid ng bangka. Hinila niya paitaas ang sarili. Nakita niya si Israel na nakadungaw sa kaniya habang may hawak itong sagwan. “Israel, tulungan mo ako!” samo niya. Napatingin siya sa unahan at may nakita siyang isang bulto ng babae na nakatayo sa malaking bato. Para bang naghihintay iyon doon. “Kailangan mo nang mamatay!” ani Israel at itinaas nito ang hawak na sagwan at akmang ihahampas iyon sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD