LESSON 15 “School Trip”

2371 Words
          MAAGANG pinauwi ang mga estudyante ng Wellington High ng araw na iyon para makapaghanda sa school trip bukas ng umaga ng Sabado. Alas onse ng gabi aalis ang bus na sasakyan nila papuntang La Union. Kahit parang wala pa rin si Olive sa sarili ay nagdesisyon siya na ituloy ang pagsama sa school trip. Una, sayang ang ibinayad ng mga magulang niya para doon. Wala pa namang refund dahil naibayad na rin ng school ang pera sa mga dapat bayaran. Pangalawa, paraan na rin niya iyon para makahinga kahit papaano sa mga hindi magagandang nangyari nitong nakaraan. Halos sunud-sunod na p*****n at kung anu-ano pa. Huli, para makasama niya si Israel dahil ilang araw na niyang napapansin na hindi na sila nagkakasama ng matagal. Nararamdaman niya na parang ilag ang nobyo niya sa kaniya. Ewan niya pero parang may itinatago ito sa kaniya. O baka paranoid lang siya. Habang naglalakad pauwi ay wala sa sarili na naisuklay niya ang kamay sa kaniyang buhok. Nagtaka siya nang may parang nakadikit sa isang parte ng buhok niya. Nang tingnan niya ay may nakita siyang bubble gum. Naalala niya iyong inaway siya ng apat na babae. Sinabunutan nga pala siya no’ng isa habang may bubble gum sa kamay nito. Sa sobrang lutang niya ay nakalimutan na niya iyon at ngayon lang niya napansin. Kahit ng maligo siya kanina ay hindi niya namalayan na meron siyang ganoong nakadikit sa buhok. Mahigit isang araw na palang nasa buhok niya ang bubbkle gum. Bago siya umuwi sa bahay ay dumaan muna siya sa isang salon at nagpagupit. Kinailangan niyang paiklian ang kaniyang buhok dahil sa bubble gum na iyon. Upang magkaroon ng style ang buhok niya ay nag-suggest ang baklang gumugupit sa kaniya na magpalagay siya ng bangs. Nagustuhan ni Olive ang resulta ng bagong style ng kaniyang buhok kaya masaya siyang umuwi sa kanilang bahay. Pagkakita sa kaniya ng daddy at tatay niya ay gulat na gulat ang mga ito. “B-bakit ka nagpagupit ng ganiyan, anak?” Namumutlang tanong ng daddy niya. “May nagdikit po kasi ng bubble gum sa buhok ko. Hindi na po kayang isalba ang mahaba kong buhok kaya ganito na lang. Bagay naman po, `di ba? Saka hahaba naman po ulit ito.” “Bagay naman. Bagay na bagay…” sabi ng tatay ni Olive. Nagsabi si Olive sa dalawa na magpapahinga muna siya kahit saglit. Nakahanda na ang mga gamit niya kaya wala na siyang problema. Habang nakahiga sa kaniyang kama ay kinuha niya ang cellphone niya at muling pinanood ang pagpatay ng Killer School Girl sa apat na estudyante. Noong una ay nagigimbal siya sa tuwing pinapanood iyon pero nang maglaon ay nasanay na siya. Wala na siyang reaksiyon hanggang sa matapos ang video. Sino nga kaya si Killer School Girl? Ano ang totoong rason nito sa pagpatay ng mga taong may koneksiyon sa kaniya? Hindi namalayan ni Olive na nakatulog na siya. Nagising siya sa pag-alarm ng kaniyang cellphone. Alas diyes na ng gabi. Bumangon na siya at kumain ng kaunti para hindi magutom sa biyahe. Nasa salas ang tatay at daddy niya. Nanonood ang mga ito ng isang series sa Netflix. Matapos niyang mag-asikaso ay nagpaalam na siya sa kaniyang daddy at tatay. Nag-presinta ang mga ito na ihatid siya ngunit tumutol siya. Sumakay siya ng tricycle at nagpahatid sa school. Nasa malawak na parking lot ang mga bus na sasakyan ng mga estudyante. Hinanap niya ang bus para sa section nila at agad niya iyong nakita dahil nasa tabi niyon si Teacher Alona. Pinapapila na sila nito para hindi magkagulo sa pagsakay sa bus. Pumila na si Olive pero panay ang linga niya. Hinahanap niya si Israel. Nag-text siya dito kanina na magkatabi sila sa upuan. “Hoy, Olive!” May biglang kumalabit sa likuran niya. Paglingon niya ay nakita niya si Helga. “Sasama ka pala?” Hindi makapaniwalang tanong niya. Ang akala niya ay wala na ito sa Wellington High dahil ilang araw na niyang hindi ito nakikita. “Nice hair! Bagay na bagay sa iyo, Olive. For sure, marami ang magugulat sa hitsura mo ngayon.” Makahulugan nitong sabi. Magsasalita pa sana siya pero may umakbay sa kaniya. Nagliwanag ang mukha niya nang malaman na si Israel iyon. “Israel!” Masaya niyang tawag sa nobyo. “Tabi tayo sa upuan, ha?” Nakangiting turan ni Israel. “Oo naman. Nag-text nga ako sa iyo kanina, `di ba?” “Na-receive ko nga. Ang ganda mo sa new hair mo.” “Thank you…” Kinikilig na napahawak siya sa buhok. Muli niyang nilingon si Helga pero wala na ito doon. Iba na ang nasa likuran niya. Maya maya ay nagsimula nang umakyat sa bus ang section nila. Nasa may gitnang bahagi sila ng upuan ni Israel. Siya ang sa tabi ng bintana. Masaya silang nagkukwentuhan ng kaniyang nobyo nang biglang dumating sina Dominique at ang tatlo pa nitong alipores. “In state of shock and traumatize daw pero sasama sa school trip? Poser!” Pagpaparinig ni Dominique. Talagang nakatayo ito sa may gilid nila. “Dominique, pwede ba? Kung wala kang sasabihing maganda ay bumaba ka na ng bus!” May inis na saad ni Israel. Hinawakan niya si Israel sa kamay at pinisil iyon. Indikasyon na huwag na nitong patulan si Dominique. “Ah… Magandang sasabihin ba? Me. Ako. Dominique Delfin! Lahat iyan ay maganda!” At maarte itong tumawa kasama na sina Camila, Jazzy at Yasmine. “Camila pa. Idagdag niyo pa!” singit ni Camila. “Shut up! Dumb!” saway ni Dominique sabay tingin sa kanila. “Anyway, mukhang hindi naman in shock iyang si Olive. Paawa effect niya lang iyan. Mukhang sanay na sanay naman kasi siyang maka-witness ng p*****n! Mukha kasi siyang killer. I’ll not be surprised kung tama ang theory ko about sa aking vlog kung sino nga ba si Killer School Girl!” “Dominique, enough!” sigaw ni Israel. “Okay. I’ll stop na… Wait…” Tiningnan siya nito nang maigi. “Akala mo ba ay ikinaganda mo iyang buhok mo? Kamukha mo si Dora!” Malakas na nagtawanan sina Dominique at umalis na para maghanap ng mauupuan. Mabuti at natapos na ito. Sana ay bigyan siya ng grupo nito ng kapayapaan kahit ngayong school trip lang. Kailangan na kailanga niya iyon.   NATAGPUAN ni Olive ang sarili sa gitna ng gabi sa gitna ng malawak na kagubatan. Maraming matataas na puno sa paligid at mga halaman na hindi niya alam ang tawag. Bilog na bilog ang buwan at sapat na ang liwanag niyon para makita niya ang kaniyang kapaligiran. Mag-isa man ay wala siyang nararamdamang takot. Naglakad-lakad siya para hanapin ang mga kasama sa school trip. Hanggang sa may makita siyang babae na nakasuot ng school uniform. Ang buhok ay hanggang sa batok nito. Nakatalikod ito sa kaniya. Baka alam nito kung nasaan na ang mga kasama nila. Mukhang estudyante rin kasi ang babaeng iyon sa Wellington High. “Excuse me. Estudyante ka ba ng Wellington High? Nakita mo ba kung nasaan sila?” tanong ni Olive. Hindi sumagot ang babae. Bagkus ay naglakad ito palayo sa kaniya. Walang nagawa si Olive kundi sundan ito. Nakakapagtaka na kahit mabagal itong maglakad ay hindi niya ito magawang maabutan. Hanggang sa magulat siya nang nasa gilid na siya ng isang bangin. Napasinghap siya dahil isang hakbang na lamang ay mahuhulog na siya at siguradong hindi siya mabubuhay sa taas ng kinaroroonan niya. “Olivia…” Isang boses ng babae ang narinig niya. Mabilis siyang lumingon at ganoon na lang ang pagkagimbal niya nang makita si Olivia Penelope na nakatayo sa likuran niya. Malungkot ang mata nito at namumutla ang buong mukha. “Hindi ka na dapat sumama dito…” Bigla itong lumuha. “A-anong ibig mong sabihin?” “Hirap na hirap na ako. Ayoko na. Ayoko na. Gusto ko nang manahimik!” Ang luha nito ay napalitan ng dugo. Kasunod niyon ay nagsisigaw si Olivia na para bang nahihirapan ito. Parang kutsilyong tumutusok sa tenga ni Olive ang sigaw ni Olivia. Itinakip niya ang dalawang kamay sa kaniyang mga tenga at pumikit. Maya maya ay huminto na ang pagsigaw. Marahan niyang inalis ang kamay sa tenga at sa pagbukas ng mata niya ay nanlaki ang mga mata niya dahil halos isang pulagad na lamang ang layo ng mukha ni Olivia sa mukha niya! May ipinulupot itong lubid sa leeg niya. “`Wag kang magtitiwala sa kahit na sino!” anito sa mababang boses sabay tulak sa kaniya. Napasigaw si Olive nang mabilis siyang bumulusok paibaba sa bangin habang may nakataling lubid sa kaniyang leeg…   NAPASINGHAP si Olive nang maputol ang kaniyang panaginip dahil sa parang may tumutulak nang paulit-ulit sa likuran niya. Habol niya ang kaniyang paghinga. Hanggang ngayon ay parang nahuhulog pa rin ang pakiramdam niya. Isang kamay ang humawak sa braso niya. Napapitlag siya. “Olive, nanaginip ka yata. Ayos ka lang ba?” Si Israel. Hindi siya makatingin sa nobyo ng diretso. “O-okay lang ako. Nasaan na ba tayo?” Mukhang napahaba ang pagkakatulog niya simula nang umalis ang bus dahil papasikat na ang araw. “Malapit na raw tayo, e. Sinabi kanina ni Teacher Alona.” May biglang sumipa sa likuran ng upuan ni Olive. Baka hindi sinasadyang sipain ng nasa likuran niya kaya hindi niya binigyan ng pansin. Ngunit nang naging sunud-sunod na ang pagsipa ay doon na siya nainis. Tumayo siya at hinarap ang nasa likuran ng kinauupuan niya. Walang iba kundi si Dominique. Huling-huli pa niya na sisipain nito ang likuran ng kaniyang upuan pero hindi nito itinuloy nang makita. May hawak itong isang kape na may tatak ng isang kilalang coffee shop. “Oops… sorry. I’m just stretching my legs. Naistorbo ba kita sa pagtulog mo, Olive?” Nang-aasar na tanong ni Dominique sa kaniya. Napailing siya at bumalik sa kinauupuan. Nakipagpalit siya ng upuan kay Israel. Mas makakabuti na siya ang umiwas kesa magkaroon ng gulo. Nawala na ang antok ni Olive. Iniisip niya kasi iyong napanaginipan niya. Bakit nagpakita na naman si Olivia sa panaginip niya? May mga sinabi ito na hindi niya maintindihan. May ibig sabihin kaya ang mga iyon? Tanong niya sa kaniyang sarili. Bakit nga ba niya iniisip pa si Olivia? Wala naman siyang koneksiyon dito. Wala pa siya sa Wellington High nang mamatay ito doon. Dapat na siguro niyang iiwas ang sarili kay Olivia upang mabawasan ang mga iniisip niya.   NAG-BREAKFAST sina Olive sa isang malaking restaurant na nagse-serve ng Mexican foods sa La Union. Pagkatapos niyon ay namasyal sila ng kaunti at dumiretso na sa Ilocos Sur. Binisita nila doon ang ilang makasayasayang lugar at mga simbahan. Pagsapit ng gabi ay dumiretso sila sa hotel kung saan sila matutulog. Ayon kay Teacher Alona, bukas ng umaga ay mag-aalmusal lang sila at didiretso na sila sa Amburayan River. Naging mapayapa naman ang tulog ni Olive ng gabing iyon. Hindi siya dinalaw ni Olivia sa panaginip. Doon niya napagtanto na sa kakaisip niya kay Olivia Penelope ay napapanaginipan niya ito tuloy. Sa buong maghapon ay hindi niya ito inisip at kahit isang segundo ay wala ito sa panaginip niya. In-enjoy niya kasi nang husto ang pamamasyal nila lalo na sa mga historical places sa Ilocos Sur. Dagdag pa na kasama niya si Israel. Napansin niya na labis ang pag-aasikaso nito sa kaniya. Matapos maligo at magbihis ng school uniform ay bumaba na si Olive sa restaurant sa hotel. Siguro ay nandoon na rin si Israel dahil sa pagkakakilala niya dito ay maaga itong magising. Habang naglalakad sa isang mahabang hallway ng hotel ay nakita niya sa dulo sina Dominique at Israel. Magkausap ang dalawa. Mabilis siyang lumapit sa mga ito at kapwa nagulat ang dalawa nang makita siya. “Anong pinag-uusapan ninyo?” tanong ni Olive. “Pinagsasabihan ko lang si Dominique na tigilan ka na, Olive,” sagot ni Israel pero parang hindi siya kumbinsido. Natataranta kasi ito at biglang pinagpawisan. Ngumiti si Dominique sa kaniya. “Yes. And from now on, hindi na kita ibu-bully. I promise! I just realized how evil I am to you, Olive.” Mas lalong hindi siya mapapaniwala ng mga salita ni Dominique. “Thank you.” Matipid niyang sagot at inaya na niya si Israel na kumain. Buffet style ang breakfast. Pinauna na siya ni Israel sa pagkuha ng pagkain habang binabantayan nito ang kanilang table. Maraming pagkain ang naroon. May sunny-side up egg, srambled egg, corned beef, hotdog, toasted bread, fried rice, bacon, meat loaf at ibat’t ibang klase ng sliced fruits. “Talagang naniniwala ka sa kanila?” Napatingin siya sa kaliwa niya nang may biglang magsalita doon. Si Helga na naman. May dala itong plato pero walang laman. “`Di ba, lalayo ka na sa akin? Pwede bang tuparin mo iyon. Forever.” “Ito na ang tamang oras para kailanganin mo ako, Olive. Saka hindi pwede ang sinasabi mo na lalayuan kita. Magkabuhol na ang mga buhay natin. You can’t pushed me away.” Mahina itong tumawa. Tumusok ito ng hotdog at kinain iyon sa harapan niya. Lumayo na lang siya kay Helga. Binilisan niya ang pagkuha ng pagkain at bumalik na sa table nila ni Israel. Ang nobyo naman niya ang pumunta sa buffet table para kumuha ng pagkain. Habang hinihintay ang pagbalik ni Israel ay kinuha niya ang kaniyang cellphone at pinanood ulit ang video ng apat na babae na pinatay ng Killer School Girl. Nagulat siya nang may tila malamig na kamay na humaplos sa binti niya na nasa ilalim ng lamesa. Naulit iyon kaya hindi na siya nakatiis at hinawi niya pataas ang table cloth at sumilip sa ilalim. Isang malakas na sigaw ang kumawala sa lalamunan ni Olive nang makita niya ang apat na babae sa ilalim ng lamesa. Lahat ay nakatingin sa kaniya habang nakabuka ang mga bibig na parang nahihirapan huminga. Maputlang-maputla ang balat ng mga ito at puro puti ang mata! Mabilis siyang napatayo at tumakbo. Nabundol niya si Dominique na may hawak na tray ng pagkain. Tumapon ang lahat ng laman ng tray sa damit nito. “What the—” Hindi na itinuloy ni Dominique ang sasabihin. Bagkus ay sinabunutan siya nito at halos patayin sa malalakas nitong sampal. “You b***h! I will kill you!!!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD